Tinanggap ni Madison ang bote mula dito at tinungga iyon matapos magpasalamat. Sa palagay niya ay unti-unti nang bumabalik ang kaluluwa niya mula sa kanyang katawang lupa. That was close. That was too close.
Pumikit siya at umusal ng pasasalamat sa Maykapal dahil may pangalawang buhay pang ibinigay sa kanya.
Inilabas ni Jeyrick ang pocket soap at sinabon ang sugat niya. "Nag-alala na kami ni Lerome nang di kayo makasama ni Janz sa agahan. Kaya isinama ako ni Lerome para hanapin kayo. Mabuti na lang narinig namin ang kahol ni Karlie kaya nasundan ka namin dito."
"Salamat talaga sa pagliligtas. Mawawalan na ako ng pag-asa kanila dahil wala na akong makapitan at akala ko malalaglag na ako sa bangin." Parang eksena iyon sa pelikula pero walang cut at walang take two kung natuluyan siyang malaglag. Nilingon niya si Lerome. "Salamat sa pagliligtas sa akin." Di man sila magkasundo pero sinagip pa rin nito ang buhay niya. Dapat pa rin niya itong pasalamatan.
Subalit wala na ang atensyon sa kanya ni Lerome kundi nasa aso na hinihimas-himas nito sa ulo. "Good job, Karlie. Napagod ka ba? Nasaktan ka ba?"
Minsan na nga lang siya magpapasalamat, dineadma pa siya. Buti pa ang aso inalala nito ang kalagayan. Samantalang siya na muntik nang lapain ng aso nito ay hindi man ang nito inalala. Muntik na nga siyang mamatay at magka-rabies. O baka naman mana ang aso kay Lerome na inis na inis sa magagandang gaya niya.
"Aso mo iyan?" panggigilalas ni Madison.
Tumango ang binata at hinaplos ang ulo ng aso. "Yes. He is my friend."
Friend? Friend nito ang aso na iyon?
"Siya ang humabol sa akin kaya muntik akong mahulog sa bangin," paninisi ni Madison sa aso. Manang-mana talaga ang aso sa amo nito. Nakangirngir din sa kanya.
"He is a very reliable dog. Mga trespasser lang ang hinahabol niya. And you are trespassing. Hindi mo ba alam na private property na ang area na ito? Ano bang ginagawa mo dito? Malayo na ito sa resthouse," sunud-sunod na tanong ng lalaki.
Iniwas bigla ni Madison ang tingin dito. "A-Ano... Kasi naghahanap kami ng magandang view. Tapos narinig namin ang lagaslas ng ilog kaya sinundan namin. Tapos nakita namin itong farm. Mukhang magandang kuhanan ng video." Sana lang ay effective ang palusot-dot-com-dot-PH niya.
"At di man lang ninyo naisip na magpasama sa guide ninyo?" tanong ng antipatikong si Lerome. Habang hinahaplos nito ang aso ay nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya.
"Sorry. Nalibang na kasi kami sa paglalakad. Promise. Pabalik na talaga kami ni Janz kung di lang kami hinabol ng aso. Aray!" usal niya nang dampian ng bulak na may Betadine ni Jeyrick ang sugat niya.
"Sorry," maagap na sabi ni Jeyrick at hinipan ang sugat niya.
Dapat ay kinikilig siya dahil si Jeyrick ang nag-aalaga sa kanya. Pero iba ang pakiramdam niya kumpara nang alagaan siya ni Lerome. May kasamang pitik sa puso. Kay Jeyric ay wala siyang maramdaman na kahit ano.
It was weird. Samantalang si Jeyrick ang gusto niya at pesteng-peste siya sa kay Lerome na kontrabiba sa buhay niya.
Baka naka-off lang ang kilig ko ngayon o kaya magulo ang sistema ko dahil sa kaba. Di ko bet si Lerome.
Di nagtagal ay narinig niya ang mga paparating na yabag. "Lerome, natagpuan na namin siya si Janz," sabi ni Rexan, ang isa sa mga guide. "Doon na namin nakita sa may gubat. Muntik nang mawala."
Pawisan si Janz at magulo ang buhok. Akala mo ay matinding pakikibaka ang pinagdaanan. Parang mas malala pa sa kanya. Ngayong nakalusot na sila, kailangan na lang siguro ay ang manahimik ang lalaki para di malaman ng iba ang tunay nilang pakay sa pagpunta doon.
"Janz, nasaktan ka ba?" tanong niya. "Gusto mong tubig?"
Umiling ang lalaki at di makatingin nang diretso sa kanya. Nagulat si Madison nang bigla na lang lumuhod si Janz sa paanan ni Lerome. "Sir, patawarin po ninyo ako. Parang awa na ninyo. Huwag ninyong i-report ito sa boss ko. Ayoko pong mawalan ng trabaho. Ayoko po ng bad record."
"Bakit ka naman mawawalan ng trabaho? Dahil lang ba sa trespassing?" tanong ni Jeyrick.
"Kakausapin ko ang uncle ko na may-ari nitong farm. Maiintindihan naman niya na wala kayong masamang intensyon sa pagpunta dito," sabi ni Lerome sa magaang boses. "Mag-focus na lang tayo sa tourism."
Umiling si Janz. "H-Hindi. B-Baka mawalan ako ng trabaho, Sir."
"Focus na nga daw sa tourism. Back to work," giit niya. Naiinis na si Madison sa drama ni Janz. Ano pa bang gusto nito? Lusot na nga sila.
"Hindi naman talaga tourism ang hanap namin dito. N-Nandito kami para maghanap ng marijuana plantation," nanulas sa bibig ni Janz.
"Ano? Marijuana plantation?" bulalas ng iba.
"Pinalalabas ninyo na may marijuana plantation sa farm ng uncle ko?" angil ni Lerome. "Alam ba ninyo kung gaano kabigat ang akusasyon na iyan? Di lang kayo basta trespasser. Pwede ko pang dagdagan ang kaso ninyo."
Nakuyom ni Madison ang palad at mariing pumikit. Binabawi na niya ang sinabi niya kanina. Di lang niya gugulpihin si Janz. Ito na ang ihuhulog niya sa bangin. Napakadaldal nito para sa isang lalaki. Pati ang sekretong plano nila ibinuko pa. Pahamak talaga ito. Nakakagigil!
"Kaya nga nakikiusap ako sa inyo, Sir," anang si Janz at humagulgol. "Maawa po kayo. Nadamay lang ako dito."
Biglang tumayo ang dalaga. "Manahimik ka na nga, Janz!"
"Inosente talaga ako dito. Idea ito lahat ni Madison. Ayokong mawalan ng trabaho. Maawa po kayo. Buntis ang asawa ko," pagmamakaawa ng lalaki. Di lang siya nito basta inilaglag. Iniwan siya nito sa ere. She shouldn't have trusted him. Wala itong kwentang kasama sa trabaho.
Tumutok sa kanya ang matatalim na mata ni Lerome. "Miss Urbano, I think you have a lot of explaining to do."
MAGKASALIKOP ang mga kamay ni Madison habang tuwid ang upo sa upuang kahoy sa opisina ng Eagle's Point. May umuusok na kape sa tabi niya at pagkain para sa agahan niya pero di niya tinangkang galawin iyon. Idinulot iyon ng mga tauhan ng guesthouse na ang akala ay doon siya mag-aagahan dahil may meeting pa sila ni Lerome. Wala itong ideya na naroon siya para gisahin ng lalaki.
Mag-isa lang siya sa kuwarto pero malakas ang kaba niya. Di niya alam kung pagbalik ng lalaki ay may kasama nang pulis at ipapadampot siya. Trespassing na nga siya, nahuli pa siya na naghahanap ng marijuana plantation para i-expose.
Umungol si Madison at kinalas ang pony tail saka isinuklay ang daliri sa buhok. Nai-stress na siya sa nangyayari. Ayaw niyang ma-involve ang mga pulis dito. Hindi niya alam kung sino ang involved sa marijuana plantation. Wala pa man siyang napapatunayan ay nanganganib na ang buhay niya. Paano kung kasabwat nila si Lerome? Di ba kamag-anak niya ang may-ari ng farm?
Napausal siya ng panalangin. Diyos ko, ano pong gagawin ko? Iligtas ninyo ako. Mabuti naman po ang intensyon ko. Ginagawa ko lang naman po ang sinumpaang tungkulin ko bilang isang journalist. Sana naman po huwag magsama ng pulis. Sana naman po malusutan ko ito.
Di nagtagal ay bumukas ang pinto at pumasok sina Lerome at Jeyrick. Natuon agad ang tingin ng huli sa pagkaing nakahain sa harap niya. "Di ka pa kumakain."
"Busog pa ako," sabi niya at sinubukang maging kaswal. "Si Janz?" Ayaw niyang ipahalata na takot siya.
"Tapos na namin siyang kausapin. Nag-eempake ng gamit niya habang hindi ko pa alam kung anong gagawin ko sa iyo," anang lalaki at matiim siyang tiningnan habang nakahalukipkip. Nakaka-intimidate ang dating nito. Para siyang nanliliit.
"Plano ba ninyo akong isuko sa pulis?" lakas-loob na tanong dalaga.