Chapter 76 - Chapter 38

NAGISING si Sunny sa tama ng sikat ng araw sa mukha niya. Nakatulugan na nilang magkwentuhan ni Hero. Nakahiga siya sa couch at naramdaman niya na nakayakap sa kanya ang binata.

Tinitigan niya ang lalaki. Guwapo talaga ng boyfriend ko. Yes, finally, hindi na ako nag-iilusyon. Akin na talaga siya.

Pero sa sobrang focus nila sa isa't isa ay nakalimutan nilang mag-picture. Kinuha niya ang cellphone at idinikit ang pisngi dito. Nang magtagumpay siya na makuhanan ang unang selfie nila ay ngumuso siya at kunyari ay hahalikan ito.

Bigla na lang nag-ring ang cellphone niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang ang head ng publicity team nina Jeyrick at Paloma ang tumatawag. Dali-dali siyang tumakbo sa balkonahe para di maabala sa pagtulog si Hero.

 "Hello, Ma'am Hepburn," mahina niyang bati sa babae.

"Dadaanan ka namin ng alas siyete. Hope you are ready before then."

Nanlaki ang mata ni Sunny at tiningnan ang wristwatch. Alas sais na. Nasa Tagaytay pa siya. Drat! Saan siya kukuha ng pang-teleport pabalik ng Manila? Nilinga niya si Hero na mahimbing pa ang tulog. Di niya ito kayang iwan.

Umungol ang dalaga at kunyari ay umubo-ubo. "Ano... Masama kasi ang pakiramdam ko. Kagabi pa ito noong meeting. Baka ito 'yung kumakalat na virus. Papasok pa ba ako?"

"No! Stay at home. Huwag na huwag kang lalapit sa amin. Gosh! We can't afford to  get sick. Ako na ang bahalang mag-cover. Just stay at home. At huwag kang papasok hagga't hindi ka pa magaling. Understood?"

"Yes. Thank you," aniya at tinapos na ang tawag.

Pinatugtog niya sa music player ng cellphone ang Shut Up and Dance saka nagsayaw. "Good morning! Mukhang nasa good mood ka," sabi ni Hero na nakahilig sa hamba ng glass door.

"Wala akong trabaho ngayon," deklara niya at nagpatuloy sa pagsayaw.

"Nag-cancel ang schedule si Carrot Man?"

"Nope. Sabi ko sa kanila may sakit ako. Uso daw ang virus ngayon kaya huwag na lang akong pumasok. Kaya sayaw na lang tayo," sabi niya at hinila ito sa balkonahe.

Tumawa lang si Hero. "This is silly. Magluluto pa ako ng agahan."

"Ako na lang ang magluluto," sabi niya. "Lalagaan mo na naman ako ng saging na saba at kamote."

"Medyo harsh ka yata sa akin. Nabuhay naman tayo sa bundok kahit na kamote at saging lang," sabi ng lalaki at umarteng nasaktan habang sapo ang dibdib. "Akala ko pa mandin mahal mo ako."

"Mahal ko rin ang sikmura ko. Ang tao di nabubuhay sa pag-ibig lang at nilagang kamote at saging."

Niyakap siya nito sa baywang mula sa likod. Hinalikan siya nito sa pisngi. "Thank you for choosing to spend your day with me. Pero di pa rin tama na nagsinungaling ka para lang makasama ako."

Umikot ang mga mata niya. "Hero, huwag mo akong simulan."

Humalakhak lang ang lalaki. Di talaga mawawala ang pagiging righteous nito. One of the reasons why she fell for him. Pag mali ay mali ay di siya nito kakampihan. Her perfect boyfriend that she must keep as a secret for now.

I MISS YOU.

Kinikilig na ngumiti si Sunny nang i-send ang message kay Hero. Kapapasok pa lang niya sa lobby ng condo building kung saan siya ibinaba ni Hero. Di na niya ito pinapasok sa loob dahil baka di na niya ito pauwiin ng Baguio. Maghapon silang nasa log cabin lang at naglakad-lakad lang sa paligid. Walang gaanong tao sa village na bahay  bakasyunan at usually ay weekend getaway ng mga mayayaman. Kaya naman solo nila ang lugar. Nakakalungkot lang na kailangan nilang maghiwalay ni Hero pero nangako ito sa kanya na magkikita sila kapag nag-photoshoot si Jeyrick sa Sagada para i-promote ang turismo ng Mountain Province.

"Sunny!"

Nahigit ng dalaga ang hininga nang marinig ang boses ng inang si Mary Margaret. Nanlaki ang mata niya nang makitang malalaki ang hakbang nito palapit sa kanya. "Mom!"

"Saan ka galing? Ang sabi ni Hepburn, may sakit ka kaya wala ka sa photoshoot at sa premiere night. Pero wala ka naman dito. At sino ang naghatid sa iyo?"

"Kaibigan ko po. Sinamahan po ako sa doktor." Nagsisinungaling sya kahit sa sarili niyang ina.

Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. "Parang kagabi mo pa suot iyan noong meeting."

"Mom, tatlo ang ganito kong damit," Ipina-laundry naman niya iyon at nanghiram ng damit sa closet ni Amira.

Tumirik ang mata ng nanay niya. "Sundrea, I don't know what I would do with you."

"Pwede po bang magpahinga na ako? I am feeling better now but I must rest."

"Hahabol ako sa premiere night. I will represent you. Hindi na ako magtatagal dahil baka mahawa pa ako sa sakit ko. I will just send someone to take care of you."

"Thanks for motherly care, mom," sarkastiko niyang sabi. Bata pa lang siya ay ayaw na sila nitong alagaan kapag may sakit sila. Lalo na ngayong lumaki na siya.

"Tiyakin mo lang na wala kang karelasyon na iba. I want you to focus on Jeyrick. Kapag lumabas ang exhibit ninyo, gusto ko na pangalan mo lang ang madidikit sa pangalan niya. Wala nang iba."

Tango na lang ang isinagot niya. Mabuti na lang at pinili niyang tumahimik sa relasyon nila ni Hero.

"THAT'S a wrap, guys!" deklara ng direktor ng photoshoot. Kinuhanan ang sunset sa Lake Danum kung saan ka-partner ni Hero si Paloma Escalante. Dine-develop ang dalawa bilang loveteam at umingay pa iyon dahil sa umano'y paghihiwalay ni Hero at ng nobya nito. Hindi na niya pinakikialaman ang mundo ng showbiz. Karamihan kasi doon ay palabas lang. Ang mahalaga lang sa kanya ay tapos na ang trabaho niya sa araw na iyon at malaya na siya.

"Ganoon pala ng itsura ni Carrot Man, 'no? Di naman kakaiba. May kamukha din naman siya dito sa Sagada," sabi ng guide nilang si Archog.

"Talaga?" tanong ni Madison. "Baka pwede naming ma-interview."

Naalarma si Sunny. Kilala niya ang sinasabi nito. Si Hero iyon. Nagbilin siya sa nobyo na huwag maglalalabas ng bahay habang naroon si Jeyrick.

"Baka naman di rin ganoon kaguwapo. Sayang ang oras," nakaingos na sabi ni Sunny. "Mag-focus na lang tayo kay Carrot Man. Marami nang imitation iyan. May nagbuhat ng kalabasa, petchay, letsugas, brocolli pero di naman sumikat."

"Sabagay baka di magpa-interview si Sir Hero. Busy iyon lagi. Nagsusulat kasi iyon ng libro. Saka suplado sa babae mula nang mabigo."

"Mukhang interesting iyan. Writer siya ng ano?" tanong ni Madison.

Napakamot sa ulo ang guide. "Itatanong ko po sa lola niya."

"Madison, baka di magpa-interview iyon. Sabi na nga suplado. Saka aalis na rin tayo dito bukas. Sa Besao na tayo. Magpahinga na lang tayo," yaya niya sa babae. Gusto na niyang lumipas ang oras para masundo na siya ni Hero.

Nagpababa siya sa harap ng Sagada Guesthouse at tumuloy na ang mga kasama niya sa dinner na ihinanda ni Chef Aklay sa Rock Farm and Inn. Technically ay tapos na ang trabaho niya kaya di na siya kailangan doon.

Nang makalayo na ang mga kaibigan ay isang pick up truck ang tumigil sa harap niya. Ngumiti siya nang makita si Hero sa driver's seat. "Hello!" bati niya at hinalikan ito sa pisngi. "Bakit ikaw ang sumundo sa akin? Baka may makakita sa iyo."

"We don't have much time together. Gusto kong sulitin ang oras."

Related Books

Popular novel hashtag