Chapter 74 - Chapter 36

Nang bumalik si Sunny sa hotel room ay mahimbing na ang tulog ng inang si Mary Margaret. Wala siyang planong sabihin dito ang alok ni Jeyrick. Marami siyang text messages na natanggap gaya ng mga kaklase noong high school at college na nagtatanong kung guwapp daw ba talaga si Carrot Man at kung pwede daw maka-date pero di niya pinansin ang mga iyon.

Tumawag siya kay Hero. "Hello. Bakit gising ka pa? tanong agad nito. "You should be resting."

"Ano... 'yung manuscript mo..."

"Sabi ko naman huwag mong intindihin iyon. Nakita ko ang interview mo. Tuwang-tuwa si Lola at Amira. You look beautiful on TV. Nag-download ako sa internet para mapanood din sa Kanayama. Wala pa silang TV doon."

"Pinapanood mo ako," usal ni Sunny.

"Yes. And congratulations. Ikaw na ang official photographer ni Carrot Man," masayang bati nito.

Nanigas ang buong katawan ng dalaga. "Paano mo nalaman?"

"It is all over the internet."

Sinapo ni Sunny ang noo. "Nauna pa sila sa desisyon ko? Sabi ko pag-iisipan ko pa." Paano pa siya makakatanggi ngayon?

"Kakausapin ko na si Amira tungkol dito. Sa palagay ko naman na-fulfill mo na ang parte mo sa kontrata. We got the pictures we need. Nakapili na rin tayo sa ibang pictures na gagamitin. Thank you, Sunny. It is a pleasure working with you."

Malambing ang boses ni Hero pero mistulang malamig na yelo iyon na humihiwa sa puso niya. "Ganito na lang ba tayo, Hero? Trabaho lang ang lahat sa atin," tanong niya sa nanginginig na boses.

"I am happy for you. Alam ko na matagal mo nang pangarap ito. I am sure your mother would be proud."

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. "Pero bakit hindi ako masaya?"

"Sunny, give it a try. Naalala mo noong magkita tayo sa Sagada? Ipinaglaban mo ang pangarap at trabaho mo sa akin. This is the start of your journey."

"Ayoko ng pakiramdam na iiwan kita. At ayoko ng pakiramdam na itinataboy mo ako."

Magaan itong tumawa. "Itinataboy kita para sa pangarap mo. Hindi na  ito simpleng pangarap. Ito na ang realidad ng pangarap mo. You have to let go, Sunny. Dito mo malalaman kung sino talaga ang destiny mo."

NAKATULALA na lang si Sunny habang pinag-uusapan ang paparating na photo exhibit tampok ang mga pictures ni Jeyrick. Para daw iyon sa charity at ang main attraction ay ang mga picture na kuha niya. At ang mga shots niya bukod sa pagbubuhat ng carrot ay TV exposure nito ang karamihan o kaya ay activities kasama ang fans. Kahit si Jeyrick ay napansin niya na tahimik lang. Hindi niya alam kung dahil wala itong ideya pagdating sa pictures o dahil pagod na rin ito gaya niya sa lahat ng activities nang nagdaang libro.

Dahil isang celebrity si Jeyrick ay sunud-sunod ang schedule nito. Marami itong endorsement, talks, invitation at meeting. Bilang bahagi ng publicity team nito, nakasunod din siya sa lahat ng lakad nito. Sunny was tired most of the time. Pakiramdam nga niya ay humihinga na lang siya para i-cover si Jeyrick. Sanay naman siyang walang social life pero wala na siyang oras para sa sarili. And she wondered how people could enjoy this industry. Kung dati ay pangarap niyang maging sikat na photographer, pangarap na lang yata niya ngayon ang makatulog nang maayos.

"That is not Jeyrick," sabi ni Sunny nang hindi makatiis.

"But the pictures are beautiful. Very commercial. Very high fashion even. Your shots are wonderful, my dear," anang nanay niyang si Mary Margareth na nakipag-tie up sa manager ni Jeyrick para simulan ang photo exhibit. "Ang mahalaga ay si Jeyrick ang nandiyan."

"What are you expecting, Sunny? Na magbahag si Jeyrick?" tanong ng manager ni Jeyrick na si Bevz Lorenza at nang-iinsultong humalakhak.

"Yes. That's him. That's the real him."

"Hindi na siya ang Jeyrick na nakuhanan mo ng picture sa bundok. He has a different image now..."

"Kaya siya nagustuhan ng mga tao dahil sa pagiging simple niya. Don't take the away from him or you will strip his soul." Hinablot niya ang picture ni Jeyrick na nagbubuhat ng carrot. "Ito si Jeyrick. So unassuming. Very natural. You can turn him into a high fashion, editorial model but he became a novelty because of this. Ito ang kaibahan niya sa iba."

"Tita Bevz, tama po si Sunny," sang-ayon sa kanya ng singer na si Paloma. "Huwag nating baguhin si Jeyrick. He will be just another cookie cutter celebrity if you insist your concept. Let's go back to his roots. Ituloy na natin ang tourism project ni Jeyrick. Never mind the talent fee. This is Jeyrick giving back to his community and fellow Igorots. Hindi lahat sa mundo ay pera ang mahalaga."

"Easy for you to say," nakaismid na sabi ni Bevz sa dalaga. "Fine. We have to move fast then. Three weeks from now na ang exhibit. We still have an album recording and a movie to think of. Then the concert."

"That was intense," sabi ng reporter na si Madison na official na nagko-cover kay Jeyrick. Sa iisang condo building lang sila magkasama. Ayaw niyang umuwi sa condo  ng kapatid kasama ang nanay niya dahil nasu-suffocate siya. "Ano ang mas mahirap kalabanin - ang mataray na manager na si Bevz Lorenza o ang nanay mo?"

Natawa na lang siya. "Off the record?" Tumango ito. "Mas mahirap ang walang tulog. Kailan ka nagkaroon ng matinong tulog mula nang kunin mo ang trabahong ito?"

"I can't remember. Kasi noong sa Baguio pa ang destino ko, masarap ang tulog ko lalo na kapag umaakyat ako ng bundok. Dito pala walang tulugan."

Pareho silang sa university sa Manila nag-graduate pero pareho ding hindi mahilig sa nightlife. Kaya pareho silang naninibago sa lifestyle ni Jeyrick bilang isang celebrity. Pakiramdam niya ay gusto ni Madison si Jeyrick kaya ito nagtitiis kasama ang lalaki.

"Paano? Trabaho ulit bukas?" tanong ni Sunny kay Madison.

"Yeah! Work. No love life, no sleep," nanlulumong usal nito.

Mag-isa lang siya sa condo na kinuha ng ama niya sa kanya. Kahit na di lumalabas sa publiko, ayaw daw nito na magmukhang pinabayaan siya. Pagdating niya sa lobby ay nag-ring ang phone niya. Nagkukumahog siya nang makitang si Hero ang tumatawag.

"Hey! Napatawag ka bigla," sabi niya dito. "Na-miss mo ako?"

Mas madalas na nag-iiwan lang ito ng text message para mangumusta dahil ayaw daw nitong ma-distract siya sa trabaho. Sabi ni Hero sa kanya noon ay wag daw niyang dalasan ang pagme-message dito o pagtawag para daw mawala ang attachment niya dito at makapag-focus sa huli. Pero sa huli ay ito naman ang unang nagme-message sa kanya. Di naman niya ito natitiis. He kept her sane in her new insane life.

"Yes. I miss you."

Namaywang siya. "Is this some sort of a test? Gusto mong malaman kung ayoko na sa iyo at si Jeyrick na ang gusto ko?"

"Yes, it is a test. Pero mas maganda siguro kung makikita mo ako mismo, hindi ba? Para lang mas malaman natin kung naka-get over ka na sa akin at iba na ang gusto mo," sabi nito sa mapaglarong boses.

Tumayo ang balahibo sa likod nang parang may nakatingin sa kanya. Lumingon siya habang nakatutok pa rin sa tainga niya ang cellphone. Then her heart stopped when she saw a man talking on the phone, wearing a cap and eyeglasses. His hair was pulled back as if he was trying to disguise herself. Pero wala itong maitatago sa kanya.

"Hero!" tili ni Sunny at sinugod ito ng yakap. Wala siyang pakialam kung disoras ng gabi na at nabulabog ang buong building.