Chapter 73 - Chapter 35

Niyakap niya ang lalaki. "Hero, don't let me go. Please. Alam ko hindi mo ako ganoon kagusto pero sabi mo, I made you do crazy things, like you want to fall in love with me. Patutunayan ko na deserving ako sa pagmamahal mo."

"Hindi iyan ang kailangan mo ngayon, Sunny. Hanapin mo ang magpapasaya sa iyo. Huwag mong ibase sa isang tao ang kaligayahan mo. Naalala mo na ayaw mong maging katulad ka ng nanay mo, hindi ba? I don't want to turn you into that woman. Parte ng journey mo ang makaharap si Carrot Man. Kilalanin mo siya. Huwag mong isara ang pinto sa puso mo. Kung sa huli ako ang pipiliin mo, iyon ay dahil sigurado ka sa desisyon mo."

"Bakit ganyan lang kadali sa iyo na pakawalan ako. Maybe you don't really want me."

"I like you. Matapos akong saktan ni Bella, ngayon ko na lang ulit binuksan ang puso ko. Ngayon ko lang hinayaan ang sarili ko na maging masaya. Pero mas magiging masaya ako kung makikita ko na naaabot mo ang pangarap mo at di ka nakakulong lang sa akin. You are free to go and free to come back if you really want me."

"Paano kung pinili kita at ikaw naman ang may mahal na iba?"

Pinahid nito ang luha sa mata niya. "Kung ako talaga ang destiny mo, gagawa rin ng paraan ang tadhana para sa atin. Tandaan mo iyan. But for now, you have to make your own journey. Hangga't bukas ang pinto ng puso ko sa iyo, makakabalik ka."

Nang ihatid siya nito sa apartment, she hugged him for one last time. Hindi rin siya nagtagal dahil baka di na niya ito pakawalan. At kailangan niyang maging matapang sa pagharap sa bagong kabanata ng buhay niya.

Malungkot niyang pinagmasdan ang papalayong sasakyan ni Hero. Tapos na ang magandang panaginip. Ito na ang kanyang realidad.

PARANG ipo-ipo ang lahat. Nahihilo si Sunny dahil di pa man siya nakakaalis ng Manila ay nakatutok na ang camera sa kanya. Her mother got her a publicist. Ama niya ang nagpadala para daw matutukan ang mga sasabihin at kilos niya. To make sure that she presented a good image in public. At ang nakakagulat, hinayaan pa ng ama niya na ipakilala siya sa publiko.

Hanggang sa ipakilala sa kanya ang tunay na Carrot Man pagdating ng Maynila. Sa isang hotel sa Quezon City ginanap ang pagkikita nila. Ang Star News ang nag-set up ng pagkikita nila at interview. For her, it was a bit stiff and formal. Hindi niya alam kung ano ang totoo kay Jeyrick at kung ano ang dapat lang ipakita sa media. Mukha itong mahiyain at kimi. Hindi ito gaanong masalita malibang tinatanong.

Habang kumakain sila ay nakatutok pa rin sa kanila ang camera. Di siya makahinga. Di siya makakaing mabuti. Katabi pa niya ang nanay niyang maraming tanong sa binata. Pinagmasdan niya itong mabuti. Kahawig nga nito si Hero pero mas malalim ang dimples nito na di naman mapapansin dahil nasa malayo siya. Mas hapis din ang mukha nito kay Hero na medyo bilugan. Mas moreno din ito kay Hero dahil mas babad ito sa araw. Hero had sad eyes. Habang lagi namang nakangiti ang kay Jeyrick. And Jeyrick had an aura of a carefree child around him.

Siguro dahil sa loob ng ilang taon ay nabuhay naman ito na di expose sa mga tao. Hanggang first year college lang din ang tinapos nito at kailangan nang tumulong sa bukid at kalaunan ay naging tour guide. Pero sa kabila ng paghihirap ng pamilya nito ay nagawa pa nitong magparaya sa kaibigang si Paloma Escalante noong mas bata pa ang mga ito. At ngayon na lang daw ito natutulungan ng babae na isa nang sikat na singer.

Maraming tao ang natunaw ang puso sa kwento nito. She actually admired him for that. Pero kinakapa niya sa puso kung may spark sila. Di niya alam. Si Hero pa rin ang naiisip niya. Na sana ay ito pa rin ang kasama niya at hindi si Carrot Man. Na sana ay nakabalik na lang sila sa Kanayama at di siya parte ng circus na ito.

"Gusto mo bang mag-coffee kayo ni Jeyrick?" alok ng nanay niya nang matatapos na ang hapunan nila. "May cafe sa tabi nitong resto."

"Mom," angal ni Sunny.

Gusto na niyang magpahinga dahil wala siyang tulog at pagal sa biyahe. Gusto rin niyang tawagan si Hero. Nami-miss niya ang boses nito. Kung pwede lang bumalik na siya ng Cordillera para makapag-focus na sila sa pag-e-edit ng libro.

Hinatak ni Mary Margareth ang kamay niya. "Sandali lang. Magre-retouch lang siya. You know. Girl thing."

Gusto nang maiyak ni Sunny. Daig pa ng nanay niya ang teenager. Girl thing? Seryoso ba ito? Pero titiisin na lang niya ito. Tapos na ang interview niya. Siguro naman ay wala na siyang obligasyon na magtagal pa doon. Nakikita niya na maayos na ang kalagayan ng lalaki. His career was starting to roll. Di na nito kailangan pang bumalik sa pagiging simpleng magsasaka.

"I have a good feeling about this viral farmer," sabi ng ina niya habang nilalagyan ng blush on ang pisngi niya. "Pati ikaw sisikat din dahil sa kanya. Lalo na siguro kapag nagka-interes siya sa iyo."

"Mom, may girlfriend na 'yung tao."

"Who? That barrio lass? Hija, hindi kita pinag-aral sa La Salle para lang mawalan ng confidence na makuha ang lalaking gusto ko para sa iyo. Hindi man siya ang lalaking gusto ko para sa iyo dahil hampaslupa pa siya ngayon. But if they will handle this career right, he will be a bankable star. At malapit na ang eleksyon. Makakatulong siya sa campaign ng papa mo."

Umiling siya. "Mom, ayoko siyang i-involve sa politics. Nakakahiya. Ngayon pa lang natin nakilala si Jeyrick. Iniisip na ninyo kung paano siya gagamitin? I don't believe this."

"Honey, may utang na loob sa iyo si Carrot Man. Kaya gagawin niya kung ano ang gusto mo. Ako ang bahala."

Nakapag-desisyon na siya. Hindi niya hahayaan ang ina na manipulahin si Jeyrick. Kailangan na niyang dumistansiya dito.

Nang silang dalawa na lang ni Jeyrick sa cafe ay napansin niya na sinadya nitong guluhin ang kanina ay naka-brush up na buhok. "Sa wakas. Tayong dalawa na lang at wala nang camera." Luminga ito sa paligid. "Wala naman sigurong hidden camera dito."

"Pasensiya ka na. Baka galit ka sa akin dahil kinuhanan kita ng picture at ipinost sa internet nang walang permiso mo," nahihiyang sabi ni Sunny.

"Hindi ako galit. Maraming salamat sa pagkuha ng picture ko. Maraming oportunidad ang dumating sa akin at sa mga Igoroto na gaya ko. Pero di ko maintindihan kung ano ang nakita nila sa picture ko na ordinaryo lang. Nagbuhat lang ako ng kaing ng carrots. Para namang nakatulong ako sa world peace."

 "Na-inspire mo ang mga kapwa Igorot mo at mga kapatid nating indigents sa ibang bahagi ng Pilipinas. Sa loob ng mahabang panahon, hindi sila napapahalagahan. Lagi pa silang minamaliit ng iba lalo na ng mga taga-city. Di sila aware sa magandang kultura at kaugalian ninyo. Kulang ng representation. Kulang ng tulong ang gobyerno. Pero dahil sa iyo, napag-uusapan na ulit ang mga Igorot. Napapansin na rin ang ibang indigents. Nailalabas na nila ang mga talento nila. Naging inspirasyon ka."

Pinagmasdan siyang mabuti ng lalaki habang hinahalo ang kape nito. "Mukhang marami kang alam tungkol sa buhay ng mga indigenous people. Sabi ng nanay mo, dalawang linggo ka daw na nawala dahil nag-cover ka sa tribo ng Lambayan."

"Yes. Pinuntahan ko ang sentro ng tribe nila - ang Kanayama. Iyon siguro ang pinaka-magical na dalawang linggo ng buhay ko." Her spirits lifted. Pakiramdam ni Sunny ay bumalik siya sa Kanayama habang nagkukuwento. "May isang libro na isinulat tungkol sa kanila at pictures ko ang gagamitin."

"Gusto mo bang maging official photographer ko?" alok ng lalaki.

Natigagal si Sunny. "Official photographer?"

Tumango ang lalaki. "Gusto ng manager ko na magkaroon ng official photographer na magko-cover sa lahat ng ginagawa ko. Susundan ang lahat ng galaw ko."

"Pero bakit ako? Di pa naman ako professional. May iba namang photographer na mas magaling pa sa akin."

"Ikaw ang nakadiskubre sa akin. Sa palagay ko may koneksiyon ka sa akin. Maganda ang pagkakakuha mo. Ngayong nakilala mo na ako, sa palagay ko mas kilala mo ako. Mas alam mo kung paano ilalabas ang totoong ako. At matutulungan din kita na i-promote ang tribo ng mga Lambayan at ang libro ninyo. Ano sa palagay mo?"

"Pwede ko bang pag-isipan?"

"Sige. Pero sana huwag mong palampasin ang pagkakataon na ito."

Tumango siya. "Salamat."