"ATE Sunny, babalik ka po dito sa amin?" tanong ni Kimea nang nagpaalam siya. Nasa pampang siya ng ilog at tatawid na papunta ng bayan.
"Siyempre naman. Magkikita pa tayo kapag inilabas ang libro, hindi ba?" Kinudlitan niya ang dulo ng ilong nito. "At mag-aaral kang mabuti."
"Pangako po. Tutulungan ko din si Ate Salima sa mga kwento niya," sabi naman nito. Hinayaan na ni Sikandro na sumama sa pag-aaral si Salima at in-encourage pa ang ibang mga kaibigan na hayaang mag-aral ang asawa ng mga ito. Di rin ito nahihiya kahit pa mas bata ang magturo kay Salima.
Nang lumingon siya ay nakatutok sa kanya ang cellphone ni Hero. Nilapitan niya ito nang patawid na sila. "Kinuhanan mo ako ng picture kanina? Patingin nga."
"View ang kinukuhanan ko. Photobomber ka nga kaya nai-crop ko," sabi nito at inalalayan siyang sumakay sa bangka na magtatawid sa kanya sa ilog.
"Tse! If I know stalker kita," sabi niya at sumakay ng bangka.
Tumawa lang si Hero at pinakawalan ang gilid ng bangka. Tumingala siya sa langit at pinagmasdan ang asul na langit. Parang ayaw na niyang iwan ang Kanayama. Natatakot siya sa maaabutan pagbalik niya ng lungsod. Paano kung pinaghahanap pala si Hero dahil sa pagsikat ng picture nito bilang Carrot Man? Paano kung malayo na sila ni Hero sa isa't isa dahil sa dami ng fans na nag-aabang dito?
Nilingon niya ang pampang ng ilog kung saan naroon si Kanayama. Nakangiting nakasunod si Hero sa kanya at kumaway pa. An invisible hand gripped her heart. Natatakot siyang bumalik sa mundo ng realidad. Pwede bang huwag na lang silang umalis ni Hero sa Kanayama?
Siguro naman ay may iba nang viral sa internet pagbalik namin. Dahil di siya nahanap ng mga tao, di na siya pagkakaguluhan. Akin pa rin siya.
"Bakit inalis mo ang fern crown?" tanong ni Hero pagsakay nila sa pick up truck. Si Manong Berting ang nagdala ng sasakyan pero pabalik sa Sagada ay ito na ang magmamaneho ng sasakyan nila Amira habang si Hero naman ang maghahatid sa kanya pabalik ng Baguio.
"Nakakailang. Baka sabihin mukha akong tanga."
"Of course not. Uso naman ang flower crowns sa internet pero wala pang crown fern. This means a lot. You are a winner and you are beautiful," humahangang sabi ng lalaki. "Inside and out."
"Really?" abot-tainga ang ngiti na tanong ng dalaga.
"A little crazy but beautiful nonetheless."
"And you are okay with that?"
"Yes. Masaya ako na nakikita ang kompiyansa mo ngayon. Na parang walang imposible. Nakakahawa. I also want to do crazy stuffs."
"Like what?" tanong niya.
"Like falling in love with you?" anito at tinitigan siya.
Parang sasabog na ang puso ni Sunny. Gusto daw ma-in love ni Hero sa kanya. Gusto niyang magtitili na naman at kalampagin ang windshield na katabi niya sa sobrang kilig. Sobrang lakas ng tibok ng puso niya. Hindi siya makahinga.
"Eyes on the road, Hero. Ayokong madisgrasya tayo," sabi niya habang pinipigil ang kinikilig na ngiti. Wag ka nang mag-want. Gawin mo na lang. Pakabaliw ka sa akin.
Namutla ang dalaga nang sunod-sunod ang natanggap niyang text mula kay Mea.
Kailan ka uuwi? OK ka lang diyan?
May reporters na naghahanap sa iyo.
Kumabog ang dibdib niya. Parang ayaw na niyang magbasa ng text message ng kaibigan. Parang gusto na niyang huwag bumalik ng Baguio at sabihin kay Hero na magtago na lang sila sa liblib na lugar o bumalik ng Kanayama.
Sinilip niya ang message. Dalawang araw na ang nakakaraan ang petsa. Isa pang message ang natanggap niya. Mas bago iyon. Kaninang umaga lang ipinadala.
Your mom is here. Nag-aalala na siya sa iyo.
"Are you okay?" tanong ni Hero sa kanya.
Marahan siyang tumango. "Naghihintay lang sa akin si Mommy sa Baguio. Nag-aalala daw siya sa akin."
"Kailangan siguro nating bilisan para magkita agad kayo. Tawagan mo siya mamaya pagkatapos nating magpagasolina. Para lang matiyak niyang safe ka. Sabihin mo rin na pauwi ka na," bilin ng binata.
Tumango siya. Nasa bandang Tuba, Benguet na sila nang magpagasolina. Naunang bumaba ng sasakyan si Sunny para mag-restroom. Pagbalik niya ay saka naman umalis si Hero. Napansin niya ang nag-uusyosong tingin ng mga gasoline boy. "Si Carrot Man ba 'yung lalaki?" tanong ng gasoline boy na matangkad. "Guwapo pala talaga sa personal. Miss, kayo ba ang girlfriend ni Carrot Man?"
"Ha?" bulalas niya. Alam na ng mga ito ng tungkol kay Carrot Man. Di niya alam kung paanong magkakaila.
Binatukan ito ng isang kasamahan. "Tangengot! Nasa Maynila si Carrot Man. Di ba may guesting pa nga siya doon sa cooking show? Saka kasama niya doon si Paloma Escalante. Paanong mapapadpad siya dito sa Benguet?"
"Pasensiya na. Tao lang. Pero kahawig talaga ng boyfriend ninyo, Ma'am."
Kumunot ang noo ni Sunny. Sinong Carrot Man ba ang tinutukoy ng mga ito? "A-Ano 'yung kay Carrot Man?"
"Ma'am, saan po ba kayo nagtago? Alam na alam na ng lahat kung sino si Carrot Man kahit sa ibang bansa." Inabot nito ang diyaryo sa kanya. "Ayan si Carrot Man. Natuklasan siya sa Bauko, Mountain Province na nagbubuhat ng carrots. Tapos kumalat ang picture niya. Nalaman kasi nila na may ganyan kaguwapong Igorot. Ayun! Pinagkaguluhan siya ng mga tao nang mahanap siya."
"Dati pa pala siya dapat sikat. Siya dapat ang mapapasok doon sa singing contest pero nagparaya siya kay Paloma Escalante. Tingin ko sila niyan dati," sabi ng pangalawang gasoline boy.
Nanlamig ang buong katawan ni Sunny. Hindi si Hero si Carrot Man kundi ibang tao. Jeyrick Sigmaton. Iyon ang pangalan ng magsasaka mula sa Bauko. No. Hindi pwede. Hindi siya ang shining star ko. Si Hero ang shining star ko. Siya ang nakita ko sa Bauko. Di ako pwedeng magkamali dahil siya ang destiny ko.
"Ano iyan?" tanong ni Hero at sinilip ang diyaryo.
Dali-dali niyang itinupi ang diyaryo. "Wala. Umalis na tayo. Tapos naman na ata magpagasolina."
"Kahawig ninyo si Carrot Man, Sir," sagot naman ng unang gasoline boy. "Mapagkakamalan nga kayong kambal, Sir. Pati dimples kahawig."
Kumunot ang noo ni Hero. "Sinong Carrot Man? Patingin nga."
Nag-aalangan pa si Sunny kung ibibigay dito ang diyaryo o hindi. Sa huli ay inabot din niya sa lalaki dahil wala naman siyang magagawa. Kundi nito malalaman ngayon, malalaman din nito sa ibang pagkakataon. Nakita niya na nabura ang emosyon sa mukha nito
"Sikat pala siya," sabi ni Hero at ibinalik ang diyaryo sa gasoline boy.
"Proud na proud nga kami dahil dito siya sa Cordillera nakatira. Isa rin siyang Igorot. Sigurado kayo na di kayo magkakambal o magkamag-anak, Sir?"
Umiling ang lalaki. "Wala. Marami naman magkakahawig sa mundo na hindi magkakaano-ano." Dumukot ang lalaki ng singkwenta pesos. "Tip ninyo."
Masayang nagpasalamat ang mga gasoline boy pero naramdaman ni Sunny na guwardyado na ang emosyon ni Hero. Tahimik lang ito habang nagmamaneho. Di rin niya alam kung saan magsisimula at kung paano ito kakausapin tungkol kay Carrot Man.
"Picture mo 'yung nasa diyaryo, tama?" tanong ng lalaki.
Marahan siyang tumango. "O-Oo."
"Sikat na sikat pala ang shot mo. Wala ka man lang kamalay-malay. Natagpuan na pala nila ang lalaking hinahanap mo," anang lalaki sa pilit na pinagaang boses.
"Hero, tungkol kay Carrot Man, sigurado ako na ikaw iyon. Kaya ko siya kinuhanan ng picture dahil alam ko na ikaw siya. Ikaw si Carrot Man. Wala akong pakialam sa sinasabi nila. Di ko kilala 'yang nasa diyaryo o kung sinuman ang na-discover nila. Mali sila ng taong ipinakilala..."
Bumuntong-hininga si Hero. "Sunny, sa simula pa lang sinabi ko na sa iyo na hindi ako si Carrot Man. Ayaw mong maniwala sa akin. I am sorry if I am the wrong person. Nasayang lang ang lahat ng effort mo sa akin. Di naman ako ang hinahanap mo."
Umiling siya at hinawakan ang braso nito. "Hero, ikaw iyon. Ikaw talaga iyon. Please. Maniwala ka sa akin..."
"Don't stress your self. Mag-relax ka. Dalawang linggo ka sa Kanayama. Alam ko na hindi madali ang pinagdaanan mo. Isang oras lang maihahatid na kita sa inyo."
Ipinikit na lang ni Sunny ang mata at pilit na umidlip. Sana paggising niya ay masamang panaginip lang ang lahat. Na si Hero pa rin ang Carrot Man niya at uutusan niya ito na huwag na silang bumalik ng Baguio. Di talaga niya ito ise-share sa mga reporter at sa madla na naghahanap dito.
"Sunny, nandito na tayo," untag ni Hero sa kaya at niyugyog ang balikat niya.
Ayaw pa sana niyang dumilat. But it was like delaying the inevitable. Sa huli ay dumilat din siya at nakita na nakahimpil sila sa harap ng apartment ni Mea. Ipinagbukas siya ng pinto ni Hero. Nakasuot na ito ng cap at parang sadyang itinatago ang mukha.
Ibinababa ng lalaki ang gamit niya nang lumabas si Mea ng gate. "Sunny!" tili ng babae at niyakap siya. "Mabuti nakabalik ka na. Natanggap mo ba ang text ko?"
"Oo. Pero hindi lahat." Kinalabit niya si Hero. "Hero, kaibigan ko, si Mea. Mea, si Hero. Ano... Siya 'yung kinukwento ko sa iyo."
Nahigit ng babae ang hininga nang kamayan si Hero. "Shocks! Magkahawig talaga sila ni Carrot Man. Mas malalim lang ang dimples nung isa. Ang guwapo niya!"
"Mea, is that my daughter?" tanong ng ina niyang si Mary Margareth na lumabas mula sa gate. "Oh! Sundrea, my dear. I miss you." At saka siya niyakap. "I am so happy you are here."
"Ma?" usal niya at nagulat sa nangyayari. Di niya maintindihan kung bakit basta na lang siyang niyakap ng ina. Di naman ito malambing so showy sa pagmamahal sa kanya. Nagulat na lang siya nang may nag-flash na camera at nang iangat ang tingin ay nakatutok na sa direksyon nilang mag-ina ang mga camera ng mga photojournalists at TV crew. Kumalas siya sa pagkakayakap sa ina. "Mom, anong ibig sabihin nito?"
"Gusto kang ma-interview ng mga reporter tungkol sa pagkakatuklas mo kay Carrot Man. You have no idea, hija. I am soooo proud of you." At hinalikan siya nito sa magkabilang pisngi. "Mabuti naman at nakabalik ka na. Sabi ko sobrang importante ng advocacy mo na i-cover ang mga indigenous people doon sa Lambanog tribe."
"Lambayan, Ma. Hindi pa ako handa sa interview. Hindi ako pumapayag..."
Pilit na ngumiti ang ina niya pero may babala sa mga mata. "Pumasok na tayo sa loob. Naiinip na ang mga bisita."
"Pero may kasama ako," aniya at pilit na nilingon si Hero pero napaligiran na siya ng mga photojournalist na gusto siyang kuhanan ng magandang anggulo. Maya maya pa ay narinig na niya ang papalayong ugong ng sasakyan.
Lumingon siya pero likuran na lang ng pick up truck nito ang nakita niya. Iniwan na siya ni Hero at gustuhin man niyang habulin ito ay di na siya makawala.