Chapter 72 - Chapter 34

UBOS na ang lakas ni Sunny nang sa wakas ay mag-alisan ang mga reporter. Alas tres na noon ng hapon at mas marami pa yatang sa interview ang nanay niya kaysa sa kanya. Di siya sanay magpa-interview at lalong di niya alam kung paano sasagutin ang mga tanong tungkol sa lalaking napasikat niya dahil sa maling akala.

Hindi niya kilala si Jeyrick Sigmaton. Si Hero lang ang nasa isip niya. Pero di niya pwedeng sabihin sa mga reporter na nagkamali lang siya. Di rin niya pwedeng ipagkalat ang tungkol kay Hero.

Nalaman niya na sikat na sikat na si Carrot Man at isa nang public figure. Marami na itong TV guesting at naka-line up na ang iba't ibang modeling projects at may papalapit pa daw na concert kasama ang kaibigan nitong singer na si Paloma Escalante. Habang nasa mundo siya ng pangarap sa dalawang linggo niya sa Kanayama, marami na palang nangyayari at di na siya makasabay sa agos.

Pumasok ang ina niyang si Mary Margaret na pakanta-kanta pa. Hinalikan siya nito sa magkabilang pisngi. "Brilliant, my dear. You handled those reporters well."

Brilliant. Matagal na niyang gusto marinig na purihin nito. Pero sa pagkakataong ito ay di siya makadama ng saya. She felt suffocated.

"Mom, bakit nag-set kayo ng interview sa mga reporter nang wala akong permiso? At pumayag kayo na lumuwas ako sa Manila para makita si Carrot Man?" tanong niya sa kalmado pero mapanganib na boses. She hated being manipulated.

"Ano ang masama sa ginawa ko? I am just managing your career."

"My career?" tanong niya sa mataas na tono. "Nag-set kayo ng schedule samantalang may kompromiso ako sa ibang tao. I have a book to finish. May mga taong umaasa sa akin. Pumirma ako ng kontrata."

Naningkit ang mga mata ng babae. "Ano bang libro iyan tungkol sa kung anong tribo? Di mo sila kailangan para sumikat. Si Carrot Man ang priority mo ngayon."

"Mom, wala akong commitment kay Carrot Man. Pero sa project ko sa mga Lambayan, may kontrata po ako. Ano ba ang di ninyo maintindihan doon? We have a deadline to beat. Hindi ako pupunta sa Manila. Dito lang ako," giit niya at ipinadyak ang isang paa para idiin ang punto niya.

"Nakakompromiso na ako. Wala na akong mukhang ihaharap sa mga tao. Ito na lang ang tsansa natin para mapansin ka ng papa mo. I want you to show him..."

"Mom, tama na ang paggamit ninyo sa amin ni Kuya para makuha ang atensyon ni Papa. Wala rin namang epekto. Di niya iiwan ang totoong pamilya niya para sa inyo. Tanggapin na lang ninyo."

Mahigpit nitong hinawakan ang panga niya habang nanlilisik ang mga mata. Dama niya ang pagbaon ng daliri nito sa balat niya. "Listen, stupid girl. Hindi kita hahayaan na ipahiya ako. Susundin mo ako kasehodang kaladkarin kita papunta sa Manila para harapin si Carrot Man. I am doing you a favor. Makikilala ka na bilang photographer ng isang celebrity. Di ka na pipitsuging photographer ngayon. Daig ka pa ni Chacha na may sarili nilang fans club ni Carrot Man. Kinuha niya ang kasikatan na dapat ay para sa iyuo.  I won't allow you to let the opportunity pass. Naiintindihan mo ba ako?"

Napilitan siyang tumango. "O-Opo."

Saka lang nito pinakawalan ang panga niya. Ipinagpag nito ang mga palad. "Good. Now be a good girl and take a rest. At ako na ang bahalang bumili ng isusuot mo para sa interview mo. Alam ko naman kung gaano kabaduy ang taste mo."

Nanlulumo siyang umupo sa sofa. Pumunta ang ina sa guestroom at paglabas ay nakapag-retouch na ng make up, bitbit ang Louis Vuitton bag. "Mea, can you recommend any good boutiques here? Not ukay-ukay, please? My daughter needs a new set of wardrobe for her interview. Hindi bagay sa kanya ang mga damit dito. Alam mo na, hindi siya nagmana ng fashion taste sa akin."

"Sa boutique po ni Jennascia Lizardo sa SM City. Nasa third floor po iyon."

Nagningning ang mga mata nito. "Good. I must be going then."

Naiiyak na siya nang bigyan ng tubig ng kaibigan. "Ibang klase talaga ang nanay mo. Pwedeng mag-artista.  Bago ka pa dumating, may teleserye na siya. Kung gaano daw siya ka-supportive na ina. At siya daw ang nag-encourage sa iyo na maging photographer. Alam ko na nanay mo siya pero parang show niya ang coverage mo."

Mariin siyang pumikit. "I don't want to be disrespectful. Pero mali na ang ginagawa niya. Nag-set siya ng appointment samantalang kailangan ako nila Hero. Hindi ko kayang iwan si Hero ngayon."

"Kahit na hindi siya si Carrot Man?"

"Sino ba ang Carrot Man na iyon? Di ko naman siya kilala. Kamukha lang siya ni Hero. Si Hero ang shining star ko. Siya ang destiny ko. Okay na kami. Pakiramdam ko gusto na niya ako. May M.U. Na kami."

"E kaso nga palpak ka. Biktima ka ng maling akala. Alam na ba niya ang tungkol kay Carrot Man?" tanong ni Mea.

Tumango si Sunny. "Nalaman namin sa Tuba dahil napagkamalan siyang Carrot Man ng mga gasoline boy. At sinabi niya sa akin na sa simula pa lang sinabi niya sa akin na hindi siya si Carrot Man. Mabuti daw nakita na daw 'yung totoo. Tapos kanina basta na lang niya akong iniwan."

"Nasa Camp John Hay lang daw siya kung kailangan mo siyang kausapin," sabi ni Mea. "Puntahan mo na."

Bigla siyang tumayo. "Sinabi niya sa iyo bago siya umalis?"

Tumango ito. "Nasa The Manor daw siya. Nasa Room 709."

Dinampot na lang niya ang backpack at lumabas na. Pinara agad siya ng dumadaang taxi. "Manong, sa John Hay po tayo."

Nang dumating siya sa kuwarto ni Hero sa Camp John Hay ay umakyat siya sa kuwarto ni Hero. Naabutan ito na abala sa pag-e-edit ng manuscript nito habang nakakalat naman ang mga printed pictures niya sa kama.

"These are my works? Ang ganda," usal niya at itinaas iyon sa liwanag.

"Ipina-print ko para malaman ko kung ano ang mas babagay sa bawat page. Pwede mo siguro akong tulungang ayusin ang layout kung tapos na ang interview mo."

Pinagsalikop niya ang palad. "Hero, gusto ko sanang magpaalam sa iyo. Kailangan kong pumunta sa Manila bukas para sa interview. Maghaharap daw kami ni Carrot Man."

"I see," anito sa kaswal na boses. "Ibig sabihin hindi mo na matatapos ang project na ito." At inipon ang pictures.

"Ayokong lumuwas pero si Mommy nag-set ng schedule para sa akin. Hindi na ako makapag-back out. Ayokong ilagay kayo sa alanganin ni Amira at ang project."

"Yes, I know. I understand," sabi nito at tumango. "This is a once in a lifetime opportunity. Tumuloy ka na sa interview mo. Kakausapin ko na lang si Amira."

"Kung sasabihin mo na ayaw mong tumuloy ako at i-honor ko ang kontrata ko sa inyo ni Amira, dito lang ako. Ayokong iwan ka. H-Hindi naman talaga ang Carrot Man na iyon ang gusto ko. Ikaw dapat iyon. Ikaw ang hinanap ko."

"Sunny, hindi natin mababago ang katotohanan. Siya si Carrot Man at hindi ako. He is viral now. Siya ang hinahanap mo."

"Pero ikaw ang gusto ko."

"Hindi ka sigurado kung ako talaga ang gusto mo. Mas maganda kung makilala mo rin siya. Doon mo lang malalaman kung sino talaga ang gusto mo. Hindi kita pipigilan na hanapin totoong magpapasaya sa iyo."