Chapter 69 - Chapter 31

"THIS is wonderful. Sino ba ang mag-aakala na may ganito palang talento si Salima? Her picture are nice. Pero mas natuwa ako sa kwento niya. Pwedeng gawing children's book," sabi ni Amira nang ipakita niya dito ang mga pictures na kuha ni Salima. Dumating ang babae kasama ang nobyong si Chef Aklay at ang inang si Himaya para sa pagdiriwang ng pagsisimula ng pagtatanim ng palay.

Dapat ay sekreto kwento ni Salima pero nahuli sila nitong nagpa-practice ng storytelling ni Kimea kaya napilitan silang ipagtapat dito ang totoo. Binigyan sila ni Amira ng pointers kung paano ii-improve ng pamangkin nito ang storytelling. Bukas na ng gabi ang pagtatanghal kaya naman excited siya para kay Salima.

"Kung may koneksyon ka sa publication sa Manila, pwede siguro nating subukan na ipasa sa kanila," sabi ni Sunny.

"I can handle it. May shares ako sa Hearts Publication. Mattheu Segundo is not just a publisher but also a friend. I am sure he can do something about it," sabi ng babae at kinindatan siya. "Bakit di na lang siya ang nag-present?"

"Nahihiya daw siya. Baka daw laitin lang siya. Wala siyang tiwala sa sarili niya."

Tipid na ngumiti si Amira. "Huwag kang mag-alala. Tutulungan ko siya para ma-encourage pang ilabas ang talento niya. So, how about you and Hero?"

"Ano ang tungkol sa amin?" tanong niya.

"Magde-date na daw kayo?"

Nanlaki ang mga mata niya. "Paano mo nalaman?"

"Sinabi niya sa akin kanina."

Sinapo niya ang pisngi. "B-Bakit niya sinabi sa iyo? Nakakahiya!"

"Not to have issues or anything. Siyempre kinuha kita sa trabaho. Baka daw isipin ko na unprofessional kayo. Hindi mo lang natulungan si Salima na ilabas ang talento niya. Pati ang pinsan kong matagal nang nagluluksa, makikipag-date na sa iyo ngayon. You are sunshine, my dear. Salamat," sabi nito at niyakap siya.

"Hindi. Si Hero ang nag-inspire sa akin na ituloy ang photography. Naniwala siya sa kakayanan ko."

"Maybe you are really meant to be together."

Nagkibit-balikat si Sunny. "Let's see. I don't want to rush things. Nagsisimula pa lang kaming kilalaning mabuti ang isa't isa." Saka siya humagikgik nang di mapigilan ang kilig. "Sorry. Excited lang."

Tinapik nito ang balikat niya. "I know the feeling. I know that giddy feeling. Kaya dapat matapos na ninyo ang project na ito para makapag-date na kayo. Pero kumain muna tayo. Di pa ba tapos magluto si Francois? Gutom na ako."

Nagyaya si Amira na puntahan na nila sa kabilang kubo ang nobyo nito na kasama si Hero. Paglabas nila ay naroon si Sikandro na galit na galit at pinipigilan ng asawa nitong si Salima. "Ito ba? Ito ba ang nagturo na mag-hiraya na magaling ka?" tanong agad nito at dinuro siya. "Sa kanya ba ang camera na ito?"

Nahigit ni Sunny ang hininga nang makitang hawak ni Sikandro ang camera niya. Natuklasan na nito ang sekreto nila ni Salima at mukhang hindi ito masaya.

"Anong maipaglilingkod namin, Sikandro?" mahinahong tanong ni Amira.

"W-Wala," kaila ni Salima at pilit hinatak ang braso ng asawa. "Sikandro, umuwi na lang tayo. Nakakahiya sa kanila."

"Nakakahiya? Mas nakakahiya ang isang asawa na mas inuuna ang kalokohan na pagkuha ng larawan at pagsusulat ng walang katuturang kwento kaysa asikasuhin ang gawaing-bahay at ang asawa niya," angil ni Sikandro ay Salima. "Kalimutan mo na ang pagsusulat ng kwento at ang pagkuha ng mga larawan. May asawa ka na. Hindi mo na dapat iniisip iyon kundi kami ng magiging anak mo. Akala mo ba hindi ko malalaman?"

"Ano ba ang masama kung marunong gumawa ng kwento si Salima at pwede din siyang maging photographer? Dapat nga matuwa ka," depensa ni Sunny.

"Asawa ko na siya. Iyon lang dapat ang mahalaga sa kanya," kontra naman ni Sikandro.

"Asawa mo lang siya. Hindi mo siya pag-aari. May sarili rin siyang pagkatao," gigil na sabi ni Sunny dito. Sawang-sawa na siyang marinig na kailangang umikot na ang buong buhay ng isang babae sa asawa nito at kalilimutan na ang sarili niya.

"Bakit kayo nagsisigawan? Di ba pwedeng pag-usapan nang maayos iyan?" tanong ni Francois na biglang napasugod. Kasunod nito si Hero na bakas ang pag-aalala.

"Ang problema ay hindi ninyo kayang kontrolin ang bayan. At gusto nila na igaya sa kanila ang asawa ko. Ayoko nang mangarap siya ng mga bagay na imposible. Hindi na siya dalaga. May pamilya na siyang dapat alalahanin. Wala na siyang oras para sa mga walang katuturang bagay gaya nito," tungayaw ni Sikandro at ibinato sa paanan niya ang camera.

Nahigit niya ang hininga nang mawasak iyon. Naluluha na lang na lumuhod si Sunny at di alam kung paano dadamputin ang nagkahiwa-hiwalay na piraso ng camera. It was her first digital camera. Iyon ang pinag-ipunan niya mula sa baon niya noong high school. It was like her partner in crime. It was supposed to be her escape from the world until it became world. Marami siyang alaala sa camera na iyon. At sigurado siya na marami din magagandang alaala doon si Salima.

 "Sikandro, tama na ang panggugulo mo. Umalis na tayo dito. Nanira ka pa ng gamit. Gusto mo bang maparusahan ka? Tama na," pakiusap ni Salima sa asawa.

"Ayoko nang makikipag-usap ka pa sa kanila. Di sila magandang impluwensiya sa iyo. Di lang iyan ang mangyayari kapag nakipag-ugnayan ka pa sa kanila," babala ni Sikandro at isang matalim na tingin ang ibinigay sa kanila bago pumayag magpahatak kay Salima palayo. Isang malungkot na tinging humihingi ng paumanhin ang ibiniga ng babae sa kanya habang palayo.

"Sira ulo talagang Sikandro iyon," sabi ni Amira. "Matagal ko na dapat sinapak ang isang iyon. Nakakagigil talaga!"

"Di ba ex mo iyon?" pabiro pang tanong ni Chef Aklay.

"Di ko siya ex or anything," nakaismid na kontra ni Amira.

"Are you okay?" tanong ni Hero at umuklo sa harap niya. "I am afraid we can't fix your camera anymore. Palitan na lang natin."

"Hindi naman camera ko ang inaalala ko kundi si Salima," sabi ni Sunny. "Paano kung saktan siya ni Sikandro? Buntis pa siya."

"Mayabang lang si Sikandro pero di niya sasaktan ang ina ng anak niya. Mahigpit ang parusa sa mga nananakit ng babae dito," sabi naman ni Amira. "Pero paano ang palabas bukas ng kwento ni Salima?"

"Ituloy ninyo," sabi ni Hero at ginagap ang kamay niya. "Ipakita mo sa kanilang lahat na di dahil may asawa na ang isang babae ay pag-aari na siya ng asawa niya. She must have her own identity. Oras na para makita ng mga Lambayan ang talento niya, hindi ba?"

Nawala ang agam-agam ni Sunny ngayong kakampi niya ang binata. "Salamat, Hero. Malaking bagay ito di lang para kay Salima kundi para sa akin din."

Ngumiti ang lalaki. "Yes, you are sort of her mentor. Don't worry. Everything will be okay."