Chapter 68 - Chapter 30

BAGO pa nakahuma si Sunny ay isinandal na siya sa puno. Nanlaki ang mga mata niya dahil di niya maaninag kung sino ang humatak sa kanya sa dilim. Akmang titili siya pero tinakpan nito ang bibig niya.

Akmang manlalaban siya nang magsalita ito. "Shhh! It's me, Hero. Aalisin ko ang takip sa bibig mo pero huwag kang maingay."

Tumango siya at saka lang nito inalis ang palad sa bibig niya. Mabuti na lang at nagpakilala si Hero kung hindi ay target na niya ang family jewels nito. "Ano bang ginagawa mo..."

"Shhh!" saway ulit nito. "Baka marinig ka nila. Umalis na tayo dito."

Nang hilahin siya nito sa kadawagan na ang ilaw lang ay ang liwanag ng buwan na sumisingit sa pagitan ng mga dahon at sanga ng puno ay wala siyang nagawa kundi sumunod dito. "Saan tayo pupunta?" tanong ng dalaga.

"Kung saan hindi nila tayo makikita."

"Sinong sila?" tanong niya.

Hindi siya sinagot ng lalaki at patuloy lang sa paglalakad. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari pero may tiwala naman siya kay Hero. Hindi siya nito ipapahamak.

Dinala siya nito sa treehouse kung saan nagbi-bird watching ang mga turista. "Dito tayo. Di tayo basta-basta masusundan dito."

"Sino ba ang tinatakbuhan mo?" tanong ni Sunny sa lalaki. Parang bata ito na may pinagtataguan at nadamay pa siya. Ano bang laro ito?

"The girls. Ang kaftana. Alam mo ba ang kaftana?" tanong nito at bahagya siyang nilingon.

"Oo. Kapag daw may star sa noo ang nahuling usa, senyales daw iyon para maghanap ng matibay na baging ang babae at sisiluin nila ang lalaking gusto nila. Then they will spend the night together. Sort of a mass mating ritual or game?"

Sumalampak ito sa sahig ng tree house na parang hinang-hina. Araw-araw na nililinis ang lugar na iyon. "Hindi lang iyon. Kapag may nangyari sa kanila, kailangan nilang pakasalan ang babae."

"Parang pikot?" tanong ni Sunny at suminghap.

"Kapag ginalaw ng isang babae ang isang lalaki, he must be responsible for her well-being. Ibig sabihin kailangan niyang alagaan ang babaeng nagbigay ng sarili sa kanya. Katulad din kapag tinanggap ng isang lalaki ang bulaklak ng kalabasa ng isang babae. Di ibig sabihin pwede silang maging liberal sa sex. It is a sign of a committed relationship. Kasal agad ang kasunod niyon. Kung di pananagutan ng isang lalaki ang babae, kukunin ang ari-arian ng pamilya nila at ibibigay sa pamilya ng babae. So nobody would dare cross the line without seriously considering marriage. The man must honor a woman's virginity and her body."

Napa-oh na lang ang dalaga. Mali pala ang interpretasyon niya sa pagiging liberal sa sex ng mga tagadoon. Mahigpit ang batas ng mga Lambayan pagdating sa pakikipag-relasyon. Wala marahil magtatangkang basta na lang makapagniig ng isang lalaki sa isang babae nang di naman ito handa sa seryosong relasyon o magpakasal.

"Naiintindihan ko na. Kaya mo sila tinatakbuhan dahil takot ka na makasal agad," sabi ni Sunny sa lalaki.

"Siyempre doon ako magpapakasal sa babaeng gusto ko.Hindi lang iyon. Ayoko ring maka-offend ng isang babae. Masakit sa pride nila kapag tinanggihan sila ng isang lalaki. Baka isipin nila na may mali sa kanila. It is better this way," sabi nito at sumandal sa dingding.

"Bakit ako ang hinatak mo dito?"

Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin kapag mga lalaki naman ang nanghuli sa babae kapag oras ng kaftana. "Kapag wala akong kasama, I'm fair game. Pipilitin nila akong sumama sa kanila. Kapag may kasama ako, kahit makita nila ako di sila makakalapit. They will think that I am already taken."

"Paano naman nila iisipin iyon? Wala na tayong ginagawang kababalaghan. Walang lalaking napipikot sa holding hands."

"Di lahat ng magkasama magdamag kailangan may mangyari. May nag-uusap lang. Tulad natin."

"Di mo naisip na pipikutin kita?" tanong niya.

"No. I trust you," puno ng kompiyansang sabi.

"Thank you." Ngumisi siya at sinapo ang braso nito. Saka niya ipinulupot ang matibay na baging kamay nito. "Huli ka!"

Nanlaki ang mata ng lalaki. Hindi marahil inaasahan ng lalaki na may baging din siya. "Sunny!" bulalas ni Hero at tangkang kakalasin ang baging.

"Huwag mong tanggalin iyan. Mamalasin ka ng ten years. Mawawalan ka daw ng libido o kaya hindi ka makakapag-perform." At alam ni Sunny na nakakababa iyon ng confidence sa kahit na sinong lalaki.

Naggiyagis ang ngipin ni Hero. "Kalasin mo iyan. This is not funny, Sunny."

"Wow! That rhymes," pang-aasar pa niya dito.

"Kalasin mo," mas mariing utos nito habang madilim ang mukha. "Just undo it.

"Sorry. Plano kong pikutin ka noong una pa lang."

Matalim siya nitong tiningnan. "This is not a good joke."

"Mukha ba akong nagbibiro?" Lumuhod siya sa tabi nito at inilapit ang mukha sa mukha nito. "Paano kaya kita aakitin?"

Nanlaki ang mata nito. Sumandal ang lalaki sa dingding at di makagalaw. "Sunny, don't do anything that you will regret. I respect you and I trust you."

 "And I like you. Why don't you kiss me first so you will find out if you want me or not? Just a kiss..."

Unti-unti niyang inilapit ang mukha kay  Hero. Ihinanda na ni Sunny ang sarili. Maari siya nitong itulak palayo at magalit ito sa kanya nang tuluyan. Pero nakita niya na ipinikit nito ang mga mata. Anong nangyayari? Hindi ba ito tututol? Bakit di na lang siya nito itulak palayo. Parang tanggap na lang nito ang kapalaran na hahalikan niya ito at di na nito kailangang tumutol pa.

Tumigil si Sunny kung kailan halos magkadikit na ang labi nila. Lumayo siya dito saka gumulong katatawa sa sahig ng treehouse. Dumilat ang lalaki at nagtataka siyang pinagmasdan. "What's funny?" naguguluhang tanong ng lalaki.

"Hero, parang ikaw 'yung heroine sa mga romance novels. 'Yung aayaw-ayaw kunyari pero kapag hahalikan naman pipikit na lang."

"I am not," kaila ng lalaki at iniwas ang tingin sa kanya.

"Ows? Okay lang sa iyo na halikan ko kanina. Galit-galitan ka kunyari pero willing naman magpapikot. You didn't even push me away."

"Ayoko lang mainsulto ka kapag itinaboy kita."

"Nice. What a gentleman. Ayaw mong masaktan ang feelings ko," sarkastiko niyang sabi.

Pinagmasdan siya nitong mabuti. "Hindi mo talaga ako hahalikan? At wala ka ring balak na pikutin ako. Here is your chance. Hindi ko maaalis ang tali mo sa akin."

"Talagang binibigyan mo ako ng chance na pikutin ka ha?"

Nagkibit-balikat ito. "You can always try."

"I am not desperate. Well, medyo desperada siguro na sundan kita hanggang Sagada dati pero di naman sa puntong mamimikot ako. Gusto lang kitang makilalang mabuti. Ganoon."

"At ngayong nakilala mo na ako, nagsisisi ka siguro na hinanap mo ako."

"Oo naman. Ang sungit mo kaya. Nagkaroon pa ako ng trabaho sa pagbuntot sa iyo. Hay! Ayoko ng trabahong ito. Ayokong kasama ka," anang si Sunny at umingos.

"You are crazy," sabi nito at tumawa.

"Kung baliw ako, napikot na kita kanina pa. Ayoko ng ganoon. Gusto ko irespeto pa rin ako ng lalaki dahil hindi ko siya pinlit. Mahalaga makita ng isang lalaki na girlfriend material ako. Kung magugustuhan ako ng isang lalaki, then good. Kung ayaw niya, hindi ko ipipilit ang sarili ko sa kanya sa puntong wala nang respeto sa kanya ang lalaki at sa sarili niya. There are some lines that I won't simply cross."

"Gaya ng?"

"Ibigay ang sarili ko sa isang lalaking di naman ako mahal. O kaya makipagrelasyon sa isang lalaking may girlfriend na o ibang asawa. I don't want that." Ayaw niyang maging katulad sa nanay niya na ibinigay na ang lahat ng pagmamahal sa ama niya hanggang wala nang natira sa sarili nito. "I'd rather be alone."

"You have your dignity intact. That's important. Mahirap magmahal nang wala kang ititira sa sarili mo dahil gusto mong i-feed ang pagmamahal na nararamdaman mo. Di mo ako pinikot kahit na may chance ka."

"Nahihiya pa ako. Di pa naman tayo ganoon ka-close. Try ko next time may Kaftana ulit sila. Baka mas makapal na ang mukha ko noon."

Tumawa si Hero at may inalis na dahon sa buhok niya. "Yung totoo, nag-e-enjoy ka ba na nandito ka sa Kanayama kasama ako? I mean, nothing to do with our job. Do you enjoy my company."

Hindi agad siya nakapagsalita. "Wag na. Lalaki na naman ang ulo mo. Baka sabihin mo patay na patay ako sa iyo."

"Do you still want me? Kahit na masungit ako at istrikto sa trabaho?" tanong nito at umusod palapit sa kanya.

"At kahit madalas hindi kita maintindihan?"

Tumango ito. "Yes. Do you still like me?" Hindi siya agad makasagot. Ano ba ang tamang isagot dito nang di ito naiilang sa kanya. Pero kapag sinabi niyang di na niya ito gusto, nagpoprotesta naman ang puso niya. "I hope you still like me. Because I am starting to like you."

Di makapagsalita si Sunny. Nagugustuhan na siya nito? Hindi siya makahinga bigla. Akala niya ay wala na siyang pakialam kung magustuhan man siya ni Hero o hindi pero parang lumulutang siya nang marinig na gusto siya nito.

 "For real? H-Hindi joke iyan?" nanginginig na tanong ng dalaga.

"I am a lousy joker so I won't even try."

"P-Pero paanong gusto mo ako?" tanong niya. "Friends lang ba? Pwedeng maging more than friends. Mabuti nang malinaw para di ako aasa. Baka mamaya pa-fall ka lang pero sa huli friendzone naman ako."

Hinawakan nito ang balikat niya at kinintalan siya ng halik sa noo. "Let's date once we finish this project. How about that?"

Tumigil sa pagtibok ang puso ni Sunny. Date. Tumayo siya. Date. Magde-date daw kami. Okay, Sunny. Kalma lang. Huwag kang titili. Be graceful. Be classy. Dalagang Pilipina. Huwag masyadong excited. Huwag masyadong ipahalata na gusto mo siya. K-A-L-M-A!

Isang matinis na tili ang pinakawalan ni Sunny habang sapo ang pisngi. Di niya mapigilang magpapadyak sa kilig. "Shockssss! Magde-date na kami ni Hero. Goshhhh! Hindi ako makapaniwala. Can I die na?" At kunyari ay parang hihimatayin.

"Huwag ka ngang maingay. Mabubulabog mo ang buong Kanayamana," saway nito sa kanya at hinila siya paupo.

"Sorry. Excited lang," sabi niya at ipinaypay ang palad sa mukha.

"Parang first time lang may nagyaya ng date sa iyo."

"I don't date. F-First time lang may nagyaya sa akin na makipag-date na lalaking . Mukha ba akong mababaw or... Okay. Magbe-behave na ako," sabi ni Sunny at pinagsalikop ang kamay sa kandungan.

"I am just amused. Para kang teenager na first time lang may nagyaya ng date. Di ka talaga naka-experience makipag-date?"

"I am awkward. Di ko alam ang sasabihin sa lalaki kapag kausap ako. Wallflower lang ako mula noong elementary. Siguro dahil mababa ang self-esteem ko. Nang magdalaga ako, ayokong maging pansinin ng mga lalaki. Sarili ko mismo di ako ma-appreciate. Iilan lang din ang kaibigan ko. Dahil na rin sa pressure sa akin ni Mommy, mas gusto kong mag-focus sa pag-aaral. Gusto ko kasing i-please sila ni Papa. Kahit di ko gusto ang course ko, basta makapasa lang ako. No time to date."

Nangingiting umiling si Hero. "Pero sinundan mo ako sa Sagada. I don't think you are that socially awkward. I thought you are a go-getter. Di ka nga basta-basta nagpapa-intimidate sa akin."

 "Nilakasan ko lang ang loob ko. Akala ko kasi okay ka. Ikaw lang ang kumausap sa akin noong nasa exhibit. Ikaw lang ang naka-appreciate sa akin. I thought you are my star. I thought you are my..."

"Destiny? Hindi iyon kasimple, Sunny. Ang relasyon di nabubuo sa simpleng koneksyon, coindences at spark."

"Alam ko. Kaya nga di ko inasa sa tadhana lang pagdating sa iyo. Nilakasan ko ang loob ko para makilala kang mabuti. Minsan kailangan mong makipagsapalaran kung gusto mo ang isang bagay o tao. Walang mangyayari kundi ka kikilos." At nagbunga ang paghihirap niya. Nakilala siya nitong mabuti sa paglipas ng mga araw. Ngayon ay payag na itong mag-date sila."Walang bawian iyan? Baka mamaya paasa ka lang."

"Oo sabi." Tumayo ito at inalok ang kamay sa kanya. "Let's go. Magpahinga ka muna saka magtrabaho. We still have lots of work to do."

Magkahawak-kamay silang naglakad pabalik sa kubo nila. Di pa rin nito inaalis ang  baging nakapulupot sa kamay nito. Di man niya ito napikot ngayong gabi pero masaya siya na magde-date sila. Excited na siyang matapos ang project na iyon. She was hoping that it would be the start of something beautiful.