Chapter 53 - Chapter 47

NAKAPAMAYWANG si Ethan habang pinagmamasdan ang prusisyon sa laot mula sa dalampasigan. Puno ng makukulay na bangka ang dagat sakay ang mga taga-Juventus ilang pasasalamat sa mga biyaya at pagpapalang dumating sa isla.

Minsan daw sa isang taon ay napupuno ng ingay at kasiyahan ang karaniwan ay tahimik na isla ng Juventus. Dinadayo iyon ng mga taga-karatig-isla. May mga banda ng musiko at mga paputok. Subalit sa halip na maghain ng pagkain sa mga bahay-bahay ay isang malaking buffet ang ihinanda sa may baranggay hall. May iba't ibang palaro din na ihinanda doon. Parang isang malaking pamilya ang buong isla na nagsasama-sama.

Subalit hindi magawang makisaya ng binata dahil sa problemang kinakaharap. Mamayang gabi na ang play pero hindi pa rin bumabalik si Aurora. Mula kahapon ay hindi na ito pinalabas ni Manoy Gener sa bahay. Kahit anong pakiusap ni Ma'am Mercy at ni Tiya Manuela ay matigas ang matandang lalaki. Para makasiguro ay kinuha si Bebang para pumalit kay Aurora. Sa kasamaang-palad ay hirap na hirap si Bebang sa role bukod pa sa hindi nito kabisado ang linya nito.

Mas nag-alala siya sa kondisyon si Aurora. Ayon kay Tiya Manuela ay hindi ito pinalalabas ng kuwarto. Ni walang pakialam ang matandang lalaki kung hindi man ma-miss ni Aurora ang pista sa taong iyon o malaking abala na h indi matuloy ang play.Lalabas lang daw ito doon kung si Omar ang susundo. Gusto sana niyang kausapin si Manoy Gener pero binalaan siya na lalala ang sitwasyon ng dalaga.

Idiniin niya ang noo sa puno. "This is my fault. Kasalanan ko ito. Sana hindi ko na lang sinabi ang relasyon namin gaya ng pakiusap ni Aurora sa akin. I should have kept my mouth shut."

"Alvaro, mag-practice na tayo!" tawag ni Bebang sa kanya.

Pagdating sa enthusiasm ay wala namang problema sa babae. Pero hindi talaga ito pwedeng pumalit kay Aurora. Sa gitna ng play ay bigla na lang itong humagulgol ng iyak. Bigla kasi itong sinigawan ni Omar na nanonood sa pagpa-practice nila.

"Ano ba iyan, Bebang? Wala ka naman sa tono. Ni hindi mo kabisado ang lyrics. Huwag na lang nating ipalabas kung magkakalat ka lang," pintas ng lalaki.

"E bakit hindi na lang kaya ikaw ang pumalit kay Aurora? Tutal marami kang alam," singhal ni Bebang. "Ang yabang-yabang mo! Di rin naman magaling umarte."

"Omar, huwag ka nang dumagdag. Hindi ka nakakatulong," saway ni Ethan sa malumanay na boses. He was tired and stressed out. He didn't need anymore drama.

Matapang siyang dinuro ni Omar. "Maayos naman sana ang lahat ng ito kundi ka lang nanggulo. Sana wala tayong problema."

"Paano namang naging problema ni Alvaro? Siya nga itong nagligtas sa play natin nang basta ka na lang umalis," anang si Ma'am Mercy.

"Na sinira din naman niya. Sabi ko naman sa inyo na di siya kasing galing ng akala ninyo.Sa sinasabi ninyong naitulong niya sa atin, mas malaki ang dala niyang problema," argumento ni Omar.

"Tama na ang sisihan. Wala an tayong oras para diyan," awat ni Marlon. "Itutuloy pa ba natin ito?" Handa na itong ibaon siya nang buhay.

"Sayang naman ang pinaghirapan natin," nanlalambot na angal ni Bert.

"Inaasahan na ito ng lahat," sabi naman ng nobya nitong si Lupita na namahala sa costume. Isa pa itong ilang araw nang puyat dahil sa pananahi at pagfi-fit ng damit nila. Pinisil ni Bert ang balikat nito.

"Ako na ang kakausap kay Manoy Gener," bigla ay sabi ni Omar. "Sigurado ako na makikinig siya sa akin."

"Ako na ang kakausap dahil ako naman ang gumawa ng gulong ito. Ako rin ang aayos," wika ni Ethan. Hindi niya hahayaan na si Omar ang umayos sa isyu nila ni Aurora. Silang dalawa ang may problema sa ama nito kaya kailangan niyang ipakita na paninindigan niya ang dalaga.

Malalaki ang mga hakbang niya patungo sa bahay ng mga Carbonell. Kumpara sa ibang bahay na may mga bisita at maingay, tahimik lang ang bahay ng mga ito. Walang tao mula sa labas o sa bakuran. Huminga siya ng malalim at kumatok sa pinto. "Tao po! Manoy Gener! Manoy Gener!"

Binuksan ng matandang lalaki ang pinto. Madilim agad ang mukha nito nang makita siya. "Ang lakas naman ng loob mong pumunta dito. Hindi mo pwedeng makita ang anak ko."

"Kailangan po siya sa play namin. Hindi po iyon matutuloy kung wala siya. Mapapahiya po ang buong isla sa maraming tao."

"Hindi ko papayagan ang anak ko na magkita pa kayo. Makakaalis ka na," pagtataboy sa kanya ng matandang lalaki.

"Huwag po ninyong sabihin na habambuhay ninyo siyang ikukulong sa kuwarto?"

"Lalabas lang siya dito kapag wala ka na sa Juventus. Kung gusto mo siyang maging malaya, umalis ka na dito," mariing sabi nito.

Huminga ng malalim si Ethan. Napakahirap talagang paliwanagan ng ama ni Aurora. Naka-focus lang ito sa sarili nitong galit. Damay-damay na lang ang lahat. "Manoy Gener, hindi na po ito tungkol sa aming dalawa. May iba rin pong mga tao na maaapektuhan nito. Ang alam ko po malaki ang pagmamalasakit ninyo sa islang ito. Mahalaga po ang play mamayang gabi di lang para kay Aurora kundi para sa mga tagadito. Bibiguin po ba ninyo sila dahil lang gusto ninyo kaming paghiwalayin ni Aurora?"