UMUGONG ang palakpakan nang yumukod si Aurora at ang iba pang lumahok sa dula ng Alamat ng Isla Juventus. Pagod siya at hinihingal pa. Di naman kasi biro ang ginampanan niyang papel pero masaya siya dahil nakita niya ang saya sa mga manonood.
Walang kangiti-ngiti ang ama niyang si Manoy Gener habang kinakamayan din ito ng ibang nakapaligid dito. Paano ay hawak niya ang kamay ni Alvaro nang mga oras na iyon at walang magawa ang ama niya dahil kasama iyon sa pagtatanghal.
Isang bahagi niya ang nalungkot. Ayaw niyang isipin na iyon na ang huling beses na mahahawakan niya ang kamay ng binata. Paano kung bukas ay umalis na ito ng isla?
Nakangiti itong lumingon sa kanya at dinampot ang bulaklak ng orkidyas na dekorasyon sa harap ng entablado. Inipit nito ang bulaklak sa puno ng tainga niya. "Congratulations! You are exceptional tonight. The crowd adores you."
"Salamat," sabi niya at pinisil ang kamay nito. Naghiwa-hiwalay na silang magkakagrupo pero hindi pa rin binibitawan ang kamay ng isa't isa. "Ikaw kaya ang nakarami ng "I love you" sa mga babae kanina."
"Nagselos ka naman. Hindi ko naman sila napansin dahil sa iyo lang nakatutok ang atensiyon ko. Sa iyo ko lang gustong marinig ang "I love you". Sabihin mo nga."
"Alvaro, I..."
"Aurora!" narinig niyang tawag ni Manoy Gener sa kanya at madilim ang mukha nang lumapit sa kanila.
"Amay, nagustuhan po ba ninyo ang pag-arte ko?" nakangiti niyang tanong sa ama. Tumango ito. "Salamat po dahil pinayagan po ninyo ako na sumama sa pagtatanghal."
Sumingit sa kanila si Kapitan Robredo. "Aurora, napakagaling mong umarte kanina. Para kang si Susan Roces noong araw. Mas magaling ka nang umarte ngayon kaysa noong isang taon."
"Si Alvaro po ang nagturo sa akin," sabi niya at pasimpleng sinulyapan ang lalaki na tahimik lang na nakatayo sa likuran niya.
Bumaling dito ang kapitan. "Nabanggit nga sa akin ng iba na madami siyang naitulong para pagandahin ang dula sa taong ito. Salamat sa pagpalit sa anak kong si Omar. Di naman pala nalalayo ang kaguwapuhan mo sa kanya kaya pwede na rin. Gusto kayong dalhin ni Mayor sa kapitolyo para magtanghal kayo sa susunod na buwan. At kung gusto pa daw ninyo, pwede kayong magtanghal sa iba't ibang paaralan. Kung ganyan ang makikita nila sa ibang lugar, malaki ang posibilidad na mapagbigyan ang hiling natin na magkaroon ng high school sa atin."
"Tiyak po na matutuwa ang lahat kapag nalaman iyan."
"Sandali. Ipapakilala ko si Mayor kay Ma'am Mercy para mapag-usapan na iyan," sabi ni Kapitan Robredo at iniwan sila.
Niyakap ni Aurora ang ama. "Salamat po, Amay. Napasaya po talaga ninyo ako."
Kahit na hindi sila magkasundo ng ama at sobrang higpit nito, nagpapasalamat pa rin siya dahil pinagbigyan nito ang hiling nila ni Alvaro. Akala talaga niya ay hindi na siya makakalabas ng kuwarto niya kahit na kailan. Akala niya ay hindi na niya makikita pa si Alvaro. Di niya alam kung anong pinag-usapan nina Alvaro at ama niya dahil di naman sila nakapag-usap ng binata.
"Aurora, gusto mo bang kumain muna?" alok ni Alvaro.
"Tapos na ang palabas. Uuwi na tayo. May pagkain naman sa bahay," anang si Manoy Gener at hinila siya palayo.
Isang mapanglaw na tingin ang ibinigay niya kay Alvaro. Ikukulong na lang ba siya ng ama niya sa kuwarto? Pakakawalan ba siya nito kapag umalis na si Alvaro? Aalis na ba si Alvaro? HIndi na ba sila magkikita pang muli? Ano pa ang matitira sa binata sa islang iyon kung hindi na sila magkikita pa?
Hinabol sila ng binata at humarang sa dadaanan nila. "Manoy Gener, alam ko po na ayaw ninyo sa akin. Pero handa po akong patunayan na seryoso po ako kay Aurora. Ang hinihiling ko lang po ay bigyan ninyo ng pagkakataon para patunayan na karapat-dapat ako sa anak ninyo."
Hindi aalis si Alvaro. Kung gusto nitong patunayan na malinis ang intensiyon nito, ibig sabihin ay hindi ito aalis ng Isla Juventus. Ang magpapanatili lang dito ay kung pagbibigyan ito ng tatay niya.
Pigil ni Aurora ang hininga habang hinihintay ang sagot ng ama. Nakikipaglabanan lang ito ng tingin kay Alvaro. Magaan niyang hinatak ang manggas ng polo nito. "Amay, pagbigyan na po ninyo si Alvaro. Gusto ko po siya. Sige na po," pakiusap niya.
"Pagbibigyan kita," naiinis na . Pumunta ka sa bahay bukas para masimulan mo na ang pagsisilbi mo sa pamilya namin."
"Salamat po, Manoy Gener. Malaking bagay po ito para sa akin," sabi ni Alvaro at pinagsalikop ang palad.
"Salamat po, Amay," sabi ni Aurora at humilig sa ama.
Nanatiling nakasimangot ang matandang lalaki. "Huwag muna kayong magpasalamat. Hindi mo pa alam kung ano ang pwede kong ipagawa sa iyo. Baka kapag naranasan mo ang magsilbi para sa anak ko, gustuhin mo na lang lumangoy pabalik ng Maynila. Hindi magiging madali ang lahat sa iyo."
"Gaya nga po ng sinabi ko, handa po akong gawin ang lahat para kay Aurora," sabi ni Alvaro at tumayo gaya ng isang magiting na mandirigma na handang ipaglaban ang pag-ibig nito.
Tumango ang ama niya. "Magkita tayo bukas. Magandang gabi."
"Amay, salamat po dahil di ninyo pinalayo sa akin si Alvaro," sabi niya sa ama habang naglalakad sila pauwi.
"Matigas ang ulo niya. Kahit anong gawin kong pagpapalayo sa kanya, sunud pa rin nang sunod sa iyo."
"Pero binigyan pa rin ninyo siya ng pagkakataon. Sapat na po iyon." Basta ang alam ni Aurora ay gagawin ng binata ang lahat para sa kanya. Sa huli ay panalo pa rin ang pag-ibig.