Chapter 22 - Chapter 22

Hindi maubos-ubos ang instruction ni Atasha sa crew ni Ruth na siyang namamahala sa catering. Kanina pa kasi nahihilo ang kaibigan niya dahil katulong pa rin ito sa pag-aasikaso ng pagkain para sa launching ng livelihood program ng grupo nila para sa mga maralitang kababaihan ng lalawigan ng Davao na ginaganap sa plaza malapit sa kapitolyo.

Maraming dadalo sa programa kasama na ang mga taong may matataas na posisyon sa lalawigan. Kaya naman pati siya ay malapit na ring bumigay sa pagod kahit hindi pa nagsisimula ang mismong program.

Nakaalis na ang head ng catering nang lapitan siya ni Denzel. "Good morning, Atasha. Where is Ruth?"

"Nasa office ng papa niya. Napagod siya sa paghahanda ng pagkain. Kaninang madaling araw pa siya gising. Puntahan mo na siya," aniyang may halong pagtataboy dito. Mula nang magkasundo sila ni Kurt, hangga't maari ay iniwasan na niya ito. Ayaw na niyang paasahin pa si Denzel.

"Pwede ba tayong mag-usap?"

"Busy ako ngayon. Sa ibang araw na lang tayo mag-usap, ha?"

Subalit nanatili ito sa kinatatayuan. "Bumalik ka na pala kay Kurt. You are pathetic, Atasha!"

Napalinga siyang bigla sa paligid. Mabuti at walang mga tao doon kundi ay magsisimula na naman ang tsismis. Kaya nga ayaw na niya itong kausapin pa. "I appreciate your concern. But this is my life. Kaunting tampuhan lang naman ang nangyari sa amin ni Kurt. Nagpapasalamat ako na naroon ka sa tabi ko bilang kaibigan. Pero hanggang doon na lang iyon."

Hinaklit siya nito sa braso. "Sa akin ka lang magiging masaya. Kailan mo ba mare-realize na ako ang dapat mong minahal?" naghihinanakit nitong tanong.

Hindi niya alam kung paanong sasagutin ang tanong nito. Dahil kahit kailan, hindi naman niya magawang diktahan ang puso niya.

Kumawala siya sa pagkakahawak nito. "Get a life, Denzel! You are dating Ruth now. She is a nice woman and she likes you. Maging masaya ka sa kanya."

Pareho silang natigilan nang biglang pumasok si Ruth sa kuwarto. "Hi, Denzel! Anong ginagawa mo dito?"

Awtomatiko siyang ngumiti para hindi maramdaman ng kaibigan niya ang tensiyon sa pagitan nila ng binata. "Dinadalaw ka niya," sagot agad niya. "Pupuntahan ka na nga niya sa office ng Papa mo. Di ba, Denzel?"

Tumango si Denzel at inalalayan itong umupo sa upuan. "Oo. Bakit bumangon ka agad? Dapat nagpapahinga ka na."

"Gusto ko lang I-check kung okay na ang lahat dito." Kinurot nito si Denzel sa braso. "At ikaw, malapit nang magsimula ang program. Bumalik ka na sa plaza. Galit na galit ako sa mga late."

Hinalikan nito sa pisngi si Ruth. "Okay. I am leaving. Pero mangako ka sa akin na magpapahinga ka."

"Ako ang bahala sa kanya," sabi niya at ngumiti. Sakto namang nawala ang ngiti ni Denzel nang tingnan siya. She was startled when she saw hatred in his eyes. Ibig bang sabihin ay walang katotohanan ang paglalambing nito kay Ruth?

"Atasha, masarap bang ma-in love?" tanong ni Ruth sa kanya nang makaalis na si Denzel. Mukhang wala nang masakit dito. Parang nagdahilan lang at gumaling agad nang makita si Denzel.

"Oo naman," excited niyang sabi. "Are you in love with Denzel?"

Namumula nitong iniwas ang tingin. "Obvious ba?"

"Bagay kayong dalawa. And I know that you can make him happy."

Sana lang ay ma-realize iyon ni Denzel at kalimutan na siya. Dahil kahit kailan ay hindi niya ito magagawang mahalin.

"NAKAKA-INGGIT si Ate Kim. Malapit na silang magka-baby," anang si Atasha at napabuntong-hininga. Nakasandal siya sa pine tree kung saan tanaw ang mga rice terraces na malapit sa villa nila Kimberly. Katatapos lang ng kasal nito at kasalukuyang ginaganap ang reception nang maisipan nilang tumalilis ni Kurt. Iyon lang kasi ang pagkakataon nila para makapagpahinga at makapag-usap.

"Three months na lang, ikakasal na tayo. Ano ba ang ikinaiinggit mo? Na magkakaroon na agad sila ng baby?"

Pabiro niya itong sinuntok sa braso. "Nang-iinis pa! Ang totoo, ayokong masyadong isipin ang kasal natin. Mamamatay yata ako sa kaba."

"Matutuloy ang kasal natin. You don't have to worry about it," anito at humiga sa kandungan nila. "And you will be the most beautiful bride."

"Ilang libo ba ang bisita natin? Doon ako mas kinakabahan. Mas gusto ko kasi na simpleng kasalan lang."

Ginagap nito ang kamay niya. "How about a secret wedding here? Willing naman akong ibigay sa iyo ang gusto mo."

"Sagada may be special. Pero mas gusto ko pa ring ikasal sa Davao." Napabuntong-hininga siya. "Iyon kasi ang promise ko sa parents ko. Na kung ikakasal ako, doon sa Davao."

"Ako, walang planong magpakasal noon," anitong tagusan ang tingin sa mga dahon ng pine trees. "Kung hindi dahil kay Mama, wala akong planong mag-asawa."

"Do you regret it?"

Kinintalan nito ng halik ang kamay niya. "Kung may isang bagay man ako na hindi pinagsisisihan, ikaw iyon. I am thankful that I have you in my life."

"Me, too."

"Bakit malungkot ka pa rin? Do you wish that your parents would be in our wedding? Na sila ang maghahatid sa iyo sa altar?"

"No. I just feel sorry for my parents. Namatay si mommy nang hindi natutupad ang pangarap niya. Pangarap naming dalawa. We want my father to do the biggest gesture. That he would tell my mother that he would quit." Natigilan siya nang mapansin itong nakatitig sa kanya. "O, bakit ganyan ka makatingin sa akin?"

"Do you want me to quit politics?"

"Bakit mo naman naitanong iyan?" tanong niya.

"Iyon ang pangarap mo, hindi ba? Sinabi mo na ayaw mong magkaroon ng asawang pulitiko dahil ayaw mong matulad sa Mommy mo."

Pagak siyang tumawa. "I already gave it up when I loved you. I could see that you are not a bad person, Kurt. Kahit na ano pa ang interes ng mama mo sa pagpasok sa pulitika. Kahit na ano pa ang kapritso niya, iba pa rin ang nasa puso mo. You want to help people. At nakita ko iyon. And I will always support you."

"Do you have any wishes before you marry me?"

Malungkot siyang ngumiti at tumingin sa malayo. I just want you to love me. Pero ayaw niyang sabihin iyon dahil mukhang imposible. Ayaw niyang isipin ni Kurt na pine-pressure niya ito.

"Gusto kong ma-solve ang kaso ni Daddy," sa halip ay sabi niya. "Mas matatahimik ang loob ko kung mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay niya. Natabunan na kasi ng ibang issue ang pagkamatay niya. At natigil ang pagpa-follow up sa kaso mula nang mamatay si lolo."

Bumangon ito. "Susubukan kong makatulong. Just promise me one thing. Hahayaan mo akong umayos doon at hindi ka makikialam."

"Okay." Niyakap niya ito. "Thank you, Kurt."

Akmang hahalikan niya ito ay biglang nag-ring ang cellphone niya. Sumimangot siya habang nakangiti lang si Kurt. Dati kasi ay dito madalas may tumawag kapag magkasama sila.

"Sige na, sagutin mo na. Hindi ako magagalit sa iyo," sabi nito.

"Hello," aniyang hindi maitago ang inis nang sagutin ang tawag.

"Atasha, Ruth here!"

"Yes, Ruth? May problema ba?"

"Nag-resign si Tito Aristotle. Si Denzel na ang mayor ng Davao City."

"TITO, ano po ang nangyari?" tanong ni Atasha nang dalawin nila ni Kurt si Aristotle. Hindi naging madali para sa kanila na kausapin ito dahil hindi ito tumatanggap ng bisita. Pero nang malaman nitong sila ang dumating ay hinarap agad sila nito at pinapasok sa library.

"Kasalukuyan kong tinututukan ang kaso ng mga drug syndicate. Gusto kong ipagpatuloy ang naiwang programa ng daddy mo." Galit na galit ang daddy niya sa mga drug dealers. Mahigpit ang kampanya nito laban sa droga noon at di rin iilang illegal pushers ang naipakulong nito.

"Bakit po kayo nag-quit?" tanong niya.

"Dahil mas matalino pa ang sindikato kaysa sa inaasahan ko. Pinainan nila ako ng babae. Naging mahina ako. I was this close to exposing the truth." Pinagdikit nito ang dalawang daliri. "Pinapili nila ako. Kung magre-resign daw ako para tuluyang matigil ang imbestigasyon o sisirain nila ang pangalan ko. Ayokong tuluyang masira ang reputasyon ko at ang pamilya ko. Kawawa naman sila."

"Paano na ang mga biktima ng mga drug syndicate na iyan?" nagngingitngit niyang usal. "Hindi ba ninyo sila naisip nang mag-resign kayo? Nangako kayong tutulungan sila pero nasaan na ang pangako ninyo?"

"Atasha, tama na," saway sa kanya ni Kurt.

Namutla siya nang mahimasmasan. "Sorry po. Hindi ko naman gustong sisihin kayo. Iniisip ko lang kasi ang mga mabibiktima pa ng mga sindikatong iyan kung magpapatuloy ang operasyon nila."

Yumuko si Aristotle. "Ako ang dapat na mag-sorry, hija. Dahil sa karupukan ko, hindi ko na matutupad ang pangako ko noon."

"Si Denzel na ang bagong mayor ngayon," sabi niya. "Sa palagay ko naman maipagpapatuloy niya ang mga programang naiwan ninyo ni daddy."

"Ewan ko kung itutuloy niya," bigla ay nausal ni Aristotle. Hindi magkasundo ang dalawa kahit noong buhay pa ang daddy niya at vice mayor pa lang ito.

"Iniisip po ba ninyo na tuluyan siyang maduduwag sa takot na matulad sa inyo ni Daddy?" tanong niya.

"Hindi natin alam kung anong klaseng pananakot na naman ang gagawin ng sindikato sa kanya kung sakaling ipagpatuloy niya ang ipinaglaban namin. And we can't blame him if he was scared. He cheated death once. Mas maswerte pa rin ako sa daddy mo."

Bumigat ang pakiramdam niya. Kung patuloy na matatakot ang mismong mga nasa pamahalaan, sino pa ang poprotekta sa mga maliliit? Lahat na lang ay magiging biktima ng mapagsamantala.

"Sa palagay po ba ninyo, may kinalaman din ang sindikatong nakalaban ninyo ngayon sa pagkamatay ng daddy ni Atasha?" tanong ni Kurt. Maraming kalabang elemento noon ang daddy niya kaya hindi alam ng investigating panel kung saan magsisimula sa paghanap ng anggulo sa pagpatay. Lalo na't maraming naipakulong na maimpluwensiyang tao ang daddy niya.

"Sa palagay ko nga," sagot ni Aristotle at inikot ang paningin. Parang natatakot ito na may makarinig sa pinag-uusapan nila kahit sila lang naman ang tao. "Nasa kainitan din ng pag-iimbestiga ang daddy ni Atasha nang mangyari ang ambush sa kanya."

"Bakit hindi nila kayo pinatay?" tanong ni Kurt at humalukipkip. "Dahil ba mas mainit ang kampanya ng daddy ni Atasha kaysa sa inyo?"

Umiling ito. "Pareho lang mainit ang kampanya namin sa laban sa drugs. Pero sa palagay ko, mas marami siyang natuklasan kaysa sa akin. Enough to have him killed. Maaring napaka-sensitibo ng mga impormasyong nakuha niya. Maaring alam na rin niya kung sinu-sino ang mga master mind ng sindikato."

Nakuyom niya ang palad. Malaki ang atraso ng mga taong iyon sa kanya. Hindi lang buhay ng daddy niya ang kinuha ng ito kundi maging ang sa mommy niya. Naulila siya dahil sa mga ito. "Ako mismo ang huhuli sa kanila," mariin niyang sabi. "Titiyakin ko na male-lethal injection silang lahat. Tulungan ninyo ako, Tito."

"Don't be ridiculous, Atasha," saway ni Aristotle sa kanya. "Baka buhay mo pa ang maging kapalit. Kung ako nga, walang magawa laban sa kanila. Paano ka pa?"

"Kailan pa sila mahuhuli kung walang lalaban sa kanila?" naghihinanakit niyang sabi. "Matatakot at mananahimik na lang ba tayo?"

"Anong ginagawa ko?" tanong ni Kurt. "Nangako ako sa iyo na tutulungan kitang hulihin ang pumatay sa daddy mo, hindi ba?"

Natigilan siya nang makita ang sinseridad ni Kurt. Sa sobrang tindi ng naramdaman niyang galit ay nakalimutan niya ito. Na susuporta rin ito sa kanya.

"Tama si Kurt, Atasha," sang-ayon ni Aristotle. "Kailangan mo lang maghintay nang kaunti. Dahil kung idadaan mo sa init ng ulo ang lahat, walang mangyayari sa iyo. Mapapahamak ka lang. Hintayin mo na makasal kayo ni Kurt at maging congressman na siya. Mas madali na lang maso-solve ang problema."

Bahagya mang labag sa loob niya ay pumayag na rin siya. Pero hindi siya maaring manahimik sa isang tabi. Dapat ay may gawin siya bilang isang anak.