Chapter 542 - Chapter 7

Gulping-gulpi ang pakiramdam ni Rei matapos ang endurance training nila para nalalapit na Tarlac City Sports Meet. Dahil all-rounder siya ay ibinuhos niya ang lakas niya sa lahat ng aspeto ng training. Mataas kasi ang expectations sa kanya. Ang resulta, hindi na siya makatayo pa sa kinauupuan niya.

"Mare, parang hindi na ako makabangon," ungol ni Edmarie na nakasandal sa bench. Tulad niya ay gulpi-sarado din ito sa training.

Naghikab siya. "Pwede bang sa inyo na lang ako matulog?"

"Di nga tayo makabangon, gusto mo pang sa amin matulog. Saka pagagalitan ka ng tatay mo kapag hindi ka umuwi. Sesermunan ka pa at baka di ka pa pasamahin sa competition." Ayaw kasi ng tatay niya na nada-divert ang atensiyon niya sa pag-aaral. Iniyakan pa nila ito ng nanay niya para pumayag.

Alas diyes na ng gabi. Kapag ganoong oras, delikado nang umuwi. Mahahabol pa naman niya ang last trip kung babangon na siya at magsisimulang maglakad.

Pareho silang lumingon sa pinto ng gym nang may sumulpot na lalaki doon. Ikinurap-kurap niya ang mata. "Hayden?"

"Rei! Edmarie! Mabuti naabutan ko pa kayo," anito at patakbong lumapit. "Katatapos lang ng practice namin sa drama club.

"Ang Princess Charming mo," tukso sa kanya ni Edmarie.

"Inggit ka lang." Palibhasa ay wala itong Hayden. Kapag kasi may pagkakataon at maagang natatapos ang practice nito ay dumadaan naman ito sa practice nila. O kaya ay siya ang dumadalaw sa drama club. Saka niya nginitian si Hayden. "Kanina pa kami dito. Di kami makauwi dahil masakit pa katawan namin."

"Pero masyado nang late," anito at sinulyapan ang relo.

Tumayo si Edmarie. "Ako okay lang. Si Rei ang nagulpi nang todo."

"Gusto mo buhatin kita?" alok ni Hayden.

"Sure! I like that! Sweet ka talaga!" sabi niya.

"Naku! Mabigat iyan, Hayden. Mababali ang likod mo," kontra ni Edmarie.

Tumawa lang si Hayden at binuhat siya. "Sanay na akong buhatin siya."

Feel na feel naman niya ang lagi nitong pagbuhat sa kanya. Feel na feel din niya ang kagandahan niya. May pagkakataon na naman siya para pangarapin ito.

Nagpatiunang maglakad si Edmarie. "Bahala ka. Mawiwili ang babaeng iyan."

"Hayden, isipin mo na lang nagpa-practice tayo sa kasal natin." Lumuwag ang pagkakahawak nito sa kanya. Tumili siya at humawak sa leeg nito. "Hayden!"

He let out a masculine laugh. Hindi iyong tipid na tawa kapag nakapaligid ang mga higad na kasa-kasama nito. She saw another facet of him. How could he laugh like a real man if he was a gay?

"Joke lang. Sa palagay mo naman ibabagsak kita?"

Isinubsob niya ang mukha sa leeg nito. "Natakot lang ako." Naamoy na niya ang cologne na nasa robe nito dati. "Parang iba yata ang pabango mo ngayon."

"Sa palagay ko kasi mas mabango iyan."

Di na ito kumibo at itinuon lang ang atensiyon sa nilalakaran nito. Wala rin itong kahit anong kolorete sa mukha nito nang mga oras na iyon. Pero tuwing gabi lang iyon nangyayari at wala ang mga higad sa buhay nito. Kung makikita lang ito ng buong campus sa itsura nito ngayon, tiyak na pagkakaguluhan ito ng mga babae. Okay na rin na di ito lapitin ng iba sa ngayon para wala siyang karibal.

Inilapag siya ni Hayden sa tabi ng driver's seat at si Edmarie naman sa likuran. Di naman kalayuan sa campus ang dormitory ni Edmarie kaya bumaba agad ito. "Ihahatid mo ba siya sa terminal?"

"Hindi. Sa bahay na lang nila," sabi ni Hayden.

"Pero malayo ang bahay namin. Mga thirty minutes pa na biyahe."

"Mas dapat nga kitang ihatid sa inyo dahil baka wala ka nang masakyan."

"Ingat ka diyan. Baka pikutin ka," babala ni Edmarie.

"Pananagutan ko naman siya, ah!" sabi niya.

"Sige. Sagot ko ang litson kapag ikinasal kayo," anang si Edmarie at saka nakakalokong tumawa nang palayo na.

"Bruha talaga ang babaeng iyon." Imposible bang makasal sila ni Hayden?

"Tingnan mo baka may naiwan si Edmarie."

May napansin siya sa likuran. It was a brown scrapbook. "Kay Edmarie ba ito?" nakakuno-noo niyang tanong.

In memory of Chad Lee.

"Chad Lee?" usal niya. "Hindi ba siya iyong nagpakamatay na third year student sa Management department last semester? Member siya ng drama club."

"Naiwan siguro ni Franzine."

"Ang usap-usapan nga sa campus di siya matanggap ng pamilya niya dahil homosexual siya. Kaya daw nag-suicide siya."

"Hindi naman natin alam ang totoong istorya."

Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko alam. Pero minsan kailangan nating tanggapin ang isang tao kung ano siya. Di dahil bading ka, di ka na pwedeng mahalin."

Natigilan siya nang bigla itong magpreno. Bakas ang matinding galit sa mukha nito habang mahigpit na hawak ang manibela. Nakita na niya itong magalit dati pero sa pagkakataong ito ay nakita niya ang matinding sakit sa mata nito.

"Dito ka lang," anito at bumaba ng sasakyan.

Naalarma siya. Galit ba ito sa kanya? Naapektuhan ba ito sa istorya ni Chad kaya iiwan na siya nito? "Hayden, I'm sorry. Hindi ko naman sinasadya…"

Sumilip ito sa bintana. "Babalik din ako agad."

Sinundan na lang niya ito ng tingin nang pumasok sa convenience store. Pagbalik nito ay may inabot itong plastic bag sa kanya. "Ano ito?"

"Gatorade at chocolate. Para mabawi mo ang energy mo."

Bagamat nakangiti ito ay may lungkot pa rin sa mga mata nito. Katulad din ba ito ni Chad? Di rin ba ito tinanggap ng pamilya nito kaya lumayo ito? Kaya ba mas pinili na lang nitong mag-isa dahil wala ring nagmamahal dito?

Inangat pa nito ang plastic bag. "Rei, ayaw mo ba?"

Niyakap niya ito. "Hayden, I'm sorry!"

Nagulat ito. "O! Bakit ka nagso-sorry?"

"Sorry kung naalala mo kung bakit ka malungkot. Sana huwag kang magalit sa akin. Ayokong makita kang nagagalit, nalulungkot o nasasaktan."

"Hindi ako galit sa iyo. At kahit kailan di ako magagalit sa iyo. At kung nalulungkot man ako, hindi mo kasalanan iyon."

"I just have one favor to ask, Hayden."

"Hmmm… ano iyon?"

"Huwag mo akong itutulak palayo kapag nalulungkot ka. Siguro hindi mo ako kayang mahalin pero gusto ko lang laging nasa tabi mo."

"I don't think I could push you away. Di ka rin naman aalis sa tabi ko kahit na ano pang sabihin ko o ng ibang tao, hindi ba?"

"Right." At di siya papayag na makitang malungkot si Hayden habang magkasama sila. There was no way that she'd allow him to feel lonely.