Chapter 543 - Chapter 8

HINDI mapakali si Rei habang hinihintay ang ibang kasamahan sa volleyball team. Iyon na ang araw ng Tarlac City Sports Meet. Pero iyon din ang opening ng play nila Hayden kung saan gaganap ito bilang isang geisha. Hindi niya ito mapapanood at di rin nito mapapanood ang laro niya. Bakit pa kasi nagsabay?

Tinapik siya sa balikat ni Edmarie. "Hoy! Umayos ka nga! Ikaw ang mood maker namin tapos  mukhang ikaw ang wala sa mood."

"Sino pa ba ang hinihintay natin?" tanong niya.

"Tatlo pa ang di dumadating. Pero parating na ang mga iyon."

Inilapag niya ang gamit. "Bantayan mo muna."

"Saan ka naman pupunta?"

 Tumakbo siya palayo. "Pupuntahan ko si Hayden. Babalik din ako agad."

Narinig niya ang pagtawag sa kanya ng mga kasamahan subalit di niya pinansin ang mga ito. Kailangan niyang makita si Hayden bago siya lumaban. Alas nuwebe ang opening ng play at kalahating oras na lang ay simula na iyon.

Nasa catwalk siya papuntang auditorium nang makita niya ang isang matangkad na babae na nakasuot ng kimono. Ilang hakbang na lang siya dito nang matitigan niya kung sino iyon. Si Hayden. Natulala na lang siya dahil mas maganda na naman ito sa kanya.

"Rei, saan ka pupunta?" tanong nito.

"I just want to see you before the competition. Saka gusto rin kitang makita bago ang play mo." Ginagap niya ang kamay nito. "Galingan mo, ha? Wag kang kakabahan. Ipakita mo sa kanilang lahat na magaling ka. At kapag may lumait sa pag-arte mo, gugulpihin natin."

"Thank you." Inabutan naman siya nito ng plastic bag. "Gatorade and chocolates. Alam ko na manlalambot ka na naman mamaya."

"Thank you rin! Gagalingan ko mamaya para di ka rin mapahiya."

"Babaeng amazona!" tili ni Franzine na mukhang mama-san sa suot nitong kimono. "Hindi mo ba alam na inaabala mo kami?  Magsisimula na ang play namin."

"Rei, bumalik ka na rin," tawag sa kanya ni Edmarie. "Hinahanap ka ni Coach. Galit na galit." Nakita niya sa likuran nito na nakahalukipkip ang coach nila.

Atubili niyang binitiwan ang kamay ni Hayden. "Susubukan kong humabol sa closing ng play ninyo. Good luck!"

Pinigilan nito ang kamay niya. "Teka lang, Rei!"

"Bakit?"

Hinapit nito ang baywang niya at kinintalan siya ng halik sa noo. "Goodluck!"

Hindi niya inaasahan iyon. Hayden kissed her in public. Kahit na sa noo lang iyon, naramdaan niya ang intimacy sa pagitan nila. Mukhang kakailanganin nga niyang inumin ang Gatorade na bigay nito dahil nanginginig ang tuhod niya. Mas matindi pa itong humigop ng lakas kaysa sa endurance training nila.

Nagtitili si Franzine na parang nanonood ng isang horror movie. Saka nito hinila si Hayden palayo sa kanya. "Tama na ang kalokohan na iyan. Hindi mo ba alam ang ginagawa mo, Hayden? Iisipin nila na boylet ka na. Ano ba? Hamak na maganda ka naman kaysa sa babaeng iyan!  Nakakasira ka ng mood. Kaimbyerna!"

Humagikgik na lang siya nang ngumiti sa kanya si Hayden habang katakot-takot na sermon ang inabot nito kay Franzine.

"Ngayon ko lang nalaman na dalaga na pala si Rei," sabi ng coach nila nang nakasakay na sila sa service nila papunta sa venue ng competition.

"Anong dalaga? Binata iyan, Sir! Si Hayden ang dalaga," kantiyaw ni Edmarie.

Wala siyang pakialam kung kantiyawan man siya ng lahat. Ang alam lang niya ay inspired siyang maglaro sa araw na iyon dahil kay Hayden.

NAALIMPUNGATAN si Rei nang yugyugin siya ng mommy niya. "Anak, tanghali na."

Umungol siya at sa halip na bumangon ay dumapa pa siya. "Mommy, inaantok pa po ako. Saka wala naman akong pasok ngayon. Matutulog muna ako."

"Paano na iyong bisita mo sa baba? Kanina pa naghihintay si Hayden."

Bigla siyang bumalikwas ng bangon nang  marinig ang pangalan ni Hayden. "Ano po, Mommy? Nasa baba si Hayden? Guwapo ba, Mommy?"

"Oo naman. Di lang basta guwapo. Matangkad din siya. Saan mo naman napulot ang lalaking ganoon kaguwapo, anak? Boyfriend mo na ba?"

"Mommy, baka mamaya sinabi sa inyo ni Edmarie iyan at pinagkakatuwaan lang ninyo ako. Lagot kayo sa aking dalawa," banta niya at sumilip sa may hagdan.

Muntik na siyang gumulong pababa nang makitang kausap ni Hayden ang daddy niya sala. Kinusot pa niya ang mata para matiyak na si Hayden iyon. He was wearing a casual polo and blue jeans. At wala itong bakas ng kahit anong kolorete sa mukha. Parang aakyat tuloy ito ng ligaw sa kanya.

"Rei, nandiyan ka na pala," anang daddy niya nang makita siyang nakasilip. "Babain mo na itong bisita mo."

Bababa  na sana siya nang maalalang di pa siya nagmumumog o nagsusuklay man lang. "Teka lang, Dad!" aniya at bumalik sa kuwarto. Muntik pa niyang mabangga ang mommy  niya sa pagmamadali niya.

"Anak, magdahan-dahan ka naman."

"Mommy, bantayan ninyo si Hayden. Baka lamunin siya ng buo ni daddy. Baka matakot. Makatakas pa ang future groom ko," aniya habang nagsesepilyo.

Hindi ikatutuwa ng daddy niya na may bisita siyang lalaki. Pakiramdam kasi nito ay mawawala siya dito oras na magka-boyfriend siya.

"Bakit napakatagal mo?" asik ng daddy niya.

"Daddy, di ako pwedeng humarap nang di pa naghihilamos o nagtu-toothbrush. Nakakahiya naman po kay Hayden."

"Nagpaganda ka pa.Kailangan mo pa bang magpaganda kapag kaharap siya?"

"Adolfo, huwag mo na ngang sermunan si Rei. Nakakahiya sa bisita," saway dito ng mommy niya. "Hayden, huwag kang mahihiya. Mag-usap lang kayo ni Rei."

"Thank you po, Tita," malambing na sabi ni Hayden.

"Napadalaw ka," sabi niya nang nanood na ng TV ang daddy niya. Pero alam naman niya na pasimple itong nakikinig sa usapan nila.

"Di kasi pumasok ngayon. Naisip ko na baka nagkasakit ka dahil sa competition ninyo. Tapos humabol ka pang nanood ng closing ng play namin."

Nanalo sila sa Tarlac City Sports Meet habang naging successful naman ang play nila Hayden. Maging ang ibang university ay nagre-request na ipalabas ang play nito. Di lang si Hayden ang magaling umarte kundi pati ang ibang cast.

"Wala naman talaga akong pasok ngayon."

Natigilan ito. "Ganoon ba? Akala ko kasi may pasok ka."

Inunat niya ang mga kamay. "Pero masakit talaga ang katawan ko. Kaya pasensiya ka na kung natagalan ako bago bumangon kanina."

"Sakto. Dinalhan kita ng Gatorade at chocolates. Napansin ko kasi kahapon pa na nanlalambot ka. Kailangan mo talagang bawiin ng lakas mo. Marami ka pang activities sa school. Malapit na rin ang provincial meet."

"Thank you sa pag-aalala." Kinilig siya nang ang paborito niyang chocolate ang binili nito. Alam na kasi ni Hayden kung ano ang mga gusto niya at ayaw niya. And he was becoming more and more ideal for her. He made her feel special.

Tumikhim ang daddy niya. "Bata pa ang anak ko para ligawan."

"Daddy, hindi po nanliligaw si Hayden. Ako po ang nanliligaw sa kanya."

Nanlaki ang mata ng daddy niya. "Ano? Ikaw ang nanliligaw sa lalaki. Anong klaseng pag-iisip ba mayroon ka, Carmina Gabrielle?"

Lumabi siya. "Ayaw po kasi niya akong ligawan, eh!"

"HIndi po ako magte-take advantage sa anak ninyo," wika ni Hayden.

"Tama iyan. Dapat di nagsasamantala ang mga lalaki sa kahinaan ng babae. Dahil diyan, pinagkakatiwalaan kita, hijo."

"Ibig sabihin boto po kayo kay Hayden, Daddy?" tanong niya.

"Oo. Gusto ko siya. Pero ayoko sa iyo para sa kanya. Hindi ka na nahiya, Carmina Gabrielle! Ikaw pa ang nanliligaw sa lalaki! Paano pa kita papayagan sa rock concert na sinasabi mo kung ganyan ka naman?"

"Daddy, payagan na po ninyo ako. Date naman namin iyon ni Hayden," lambing niya sa daddy niya. "Boto naman kayo sa kanya, di ba?"

"Talaga bang ikaw ang kasama ng anak ko, hijo?"

Tumango si Hayden. "Opo. Sasamahan ko po si Rei."

"Akala ko ba di mo sasamantalahin ang anak ko?Tapos magde-date na kayo."

"Hayaan mo na. Lakad naman ng mga bata iyan. Kaysa naman tumatakas sila at hindi nagpaalam, Mabuti nang alam natin na sila ang magkasama," sabi ng mommy niya. Spoiled kasi siya dito.

"Papayagan ko sila pero dapat pumayag sila sa patakaran ko."

Puro tango ang isinagot ni Hayden sa daddy niya. Subalit natutuwa siya dahil nakuha ni Hayden ang respeto nito na di nagawa ng iba. He was really something.

MAAGA pa lang ay nakatayo na sa may gate ng campus si Rei at naghihintay kay Hayden. Alas siyete pa magpapapasok ng tao sa concert venue pero alas singko y medya pa lang ay nandoon na siya. Paborito niya ang bandang Rivermaya kaya naman excited na siya. Bukod sa unang date nila iyon ni Hayden.

Humingi pa siya ng pointers sa mga teammates niya kung ano ang dapat gawin at isuot kapag nagde-date. She wanted everything to be perfect.

"Ang aga mo naman," sabi ni Edmarie. "Mamaya pa usapan ninyo ni Hayden."

"Excited ako, eh! Maganda na ba ako?"

Iniwas nito ang tingin sa kanya. "OA ka. Mukhang nakikipag-kompitensiya ka pa sa kagandahan ng mga higad. Naka-make up ka pa."

"Siyempre. Date namin ito ni Hayden."

"Si Hayden iyon, di ba?" anito at itinuro si Hayden na nakatayo sa kabilang side ng kalsada.

Kinawayan niya ito. "Hayden!"

Subalit di siya nito pinansin dahil sumakay na ito sa kotseng minamaneho ni Franzine at di pinansin ang pagtawag niya.