Napaigik si Dafhny at gumulong sa sahig. Narinig niya ang papalayong yabag ng salarin. Anong klase ba itong nilalang? Bakit siya nito sinaktan? Anong kailangan nito sa kanya? Magnanakaw ba ito?
"Gianpaolo!" sigaw niya habang pilit na isinampa ang sarili sa hagdan. Kung kailangan niyang gumapang para makahingi ng tulong ay gagawin niya.
Si Gianpaolo na lang ang pag-asa niya. Sa kabilang wing ng mansion kung saan tumutuloy ang iba ay lubhang malayo kumpara sa tinutuluyan nila ni Gianpaolo. Isa pa, ito lamang ang nakakaalam na gising pa siya.
Di nagtagal ay narinig niya ang papalapit na yabag mula sa taas. "Dafhny! Dafhny!" nag-aalala nitong tawag sa kanya.
"Pao, nandito ako sa hagdan. Tulungan mo ako."
Binuksan nito ang flashlight at inilawan ang hagdan. Nagimbal ito nang makita siyang nakahandusay sa hagdan. "Oh, God! Dafhny! Anong nangyari?" Hangos itong bumaba upang daluhan siya.
"T-Tulungan mo ako," pakiusap niya dahil naiiyak na siya sa sobrang sakit.
Binuhat siya nito at idinala siya sa kuwarto niya. "Anong nangyari sa iyo?" tanong nito at kinuha ang medicine kit sa bathroom niya.
"May humampas sa akin. Masakit na masakit ang balikat ko."
"Baka naman humampas ka lang sa may hamba dahil madulas."
"Hindi! May humampas sa akin. May ibang tao dito!" Inililis niya ang manggas ng bathrobe. "Dito niya ako hinampas."
Namumula ang malaking marka sa balikat niya at nagsisimula nang mangitim. "Drat! Sinong gumawa nito sa iyo?" histerikal na tanong nito. "Kung sinuman siya, sasakalin ko siya hanggang hindi na siya makahinga. He'll pay for hurting you! Damn him!"
"Gamutin mo na muna ako, Pao," pakiusap niya.
"Kukuha ako ng yelo sa baba. Dito ka lang. I-lock mo ang pinto. At huwag mong bubuksan hangga't hindi ko sinasabing ako ang tao. Wag kang aalis dito kahit anong mangyari? Nagkakaintindihan ba tayo."
Tumango siya. Parang napakahabang sandali ang hinihintay niya habang hinihintay ang pagbabalik nito. Iyon na ang pangalawang beses na muntik nang mabingit ang buhay niya sa kamatayan. At natatakot siya sa bawat minutong wala si Gianpaolo sa tabi niya. parang nasa paligid lamang ang panganib.
Napapitlag siya nang may kumatok sa pinto. "Dafhny, it's me!"
Dali-dali niyang binuksan ang pinto nang marinig ang boses ni Gianpaolo. Yumakap siya dito. She couldn't cry. She was trembling too much. She was just glad that he was back. Kahit paano ay nabawasan ang takot na nararamdaman niya.
Inilapag nito ang mangkok ng yelo sa bedside table at inalalayan siyang umupo. "Saglit ka lang nawala sa paningin ko, kung anu-ano nang nangyayari."
"May ibang tao dito sa mansion, Pao. Pababa ako ng hagdan nang marinig kong may naglalakad. Tapos bigla na lang tumunog ang piano. Umakyat ako ng hagdan nang maramdaman kong may humampas sa balikat ko. Sa palagay ko gusto talaga niyang patamaan ang ulo ko. Kaso nagmamadali akong umakyat ng hagdan kaya sa balikat na lan niya ako tinamaan."
Inilapat nito ang ice bag sa balikat niya. Hinaplos nito ang pisngi niya. "Tell me. May iba pa bang masakit sa iyo?"
"I am hurting all over. Pero itong balikat ang pinakamasakit."
"Sa palagay mo ba magnanakaw iyon? Ano naman ang mananakaw niya? Ipinadala na natin ang mga important art pieces sa magre-restore. Kung pera naman, mahihirapan siya dahil state of the art ang safety deposit box natin."
Mahabang sandali niyang nilimi ang mga pangyayari. Dalawang beses nang may tangka sa buhay niya. Dalawang beses na rin siyang may natanggap na sulat ng pagbabanta sa kanya.
"Sa palagay ko ako ang target niya."
"Niya? Anong ibig mong sabihin?" tanong nito.
Huminga siya nang malalim. "May natanggap akong mga sulat na nagbabanta sa akin. Dalawang beses na."
"Sulat? Gusto kong makita ang sulat na iyan."
Inilabas niya ang sulat sa drawer at ipinakita dito. Di magandang salita ang lumabas sa bibig nito nang mabasa ang dalawang sulat. "May ganito na palang threat sa iyo pero di mo man lang sinabi sa akin!" sermon nito.
"Akala ko kasi biro lang iyan noong una. Akala ko pa nga ikaw ang nagpadala niyan para lang may mapagkatuwaan ka."
Umuklo ito sa harap niya. "Dafhny, buhay na ang pinag-uusapan dito. Buhay mo. At kahit kailan hindi ko iyon gagawing biro. Kailangan pang may mangyaring di maganda sa iyo bago ka magsabi sa akin."
"Gianpaolo, sa palagay ko hindi aksidente lang ang pagkasira ng tulay. Sa palagay ko sinabotahe rin iyon."
Mariin itong pumikit. "Sabi na nga ba may kakaiba doon. May parte ang lubid na parang may hiwa. Siguro di iyon agad na mapuputol kapag tinawiran. Nagkataon lang na ikaw ang dumaan nang tuluyang maputol. Pwede rin na nagkataong ikaw ang nasa baba nang dumating ang magnanakaw. Pero ang sulat na ito… Sino naman ang pwedeng magkaroon ng intensiyon na manakit sa iyo?"