Chapter 491 - Chapter 14

"ALAS siyete pa lang ng gabi dito pero sobrang tahimik na," sabi ni Gianpaolo habang nakaupo sila sa wooden wheel chair na nasa lanai. Katatapos lang nilang mag-dinner at kasalukuyang nagkakape.

"Ako nga mahilig sa nightlife pero maaga akong nakakatulog dito," wika ni Arneth. "Wala naman kasing masyadong ginagawa."

Ang mga trabahador naman ay nanonood ng DVD. Ang iba ay nagkakantahan sa saliw ng gitara sa tabing dagat. Di nga lang nila pinapayagan ang pag-inom ng alak maliban na lang kung walang pasok kinabukasan.

"Ang tapang mo, Dafhny," wika ni Rudolph. "Ikaw lang ang nag-iisang babae dito. Tapos may bali-balita pa tungkol sa multo. Nandito ka pa rin."

"Rudolph, it is my job. Hindi ako natatakot sa kahit anong multo. Gagawin ko lang ang trabaho ko," sabi niya at nilagyan ng creamer ang kape niya.

"I don't think it is wise for you to stay here," Roland expressed. Seryoso rin ito habang hinahalo ang kape. "Yes, you are talented. But this is Casa Rojo. Alam naman natin na takot ka sa multo."

"Nandito rin ako para protektahan siya," sabi ni Gianpaolo at inakbayan siya. "Kaya hindi ninyo kailangang mag-alala kay Dafhny. Ako ang bahala sa kanya."

 "Sa palagay mo ba totoo ang mga multong nakikita nila dito?" tanong ni Arneth kay Gianpaolo. "Sayang nga hindi ko nakita."

"Must be a figment of their imagination. Alam naman ninyo ang isip ng tao, malakas talaga," sabi naman ni Roland. "Katulad lang iyan ng mga istorya."

"Naku! Ang kwento sa akin nung isang umalis na trabahador, doon daw niya nakita ang white lady sa kuwarto mo, Gian. Ang sabi ni Aling Suling, baka daw iyon ang kaluluwa ng babae na namatay sa araw ng kasal niya. Di kasi dumating ang kasintahan niya kaya tumalon siya sa bintana," kwento ni Rudolph.

"S-Sa kuwarto ko?"

"Ah, oo! Iyon daw iyong naririnig dati na may babaeng umiiyak," sabi naman ni Arneth. "Sabi pa nga ni Aling Suling, may naririnig din ang asawa niya na tumutugtog ng piano kahit na walang tao. Ayun! Simula noon bumalik na lang sa pangingisda ang asawa niya at di na bumalik dito."

Napalingon siya kay Gianpaolo nang maradaman niyang humigpit ang pagkakahapit nito sa balikat niya. "Okay ka lang?" tanong nito.

Humigop siya ng kape at di ito nilingon. "Okay lang ako."

She could imagine the lady in white in her wedding dress. Standing  by the window, waiting for her lover to come back. Parang inaakit siyang lumingon sa taas na silid. Kinikilabutan talaga siya.

 "Iba na lang ang pagkwentuhan natin," sabi niya.

"Bakit? Natatakot ka ba?" tanong ni Roland. "Hindi mo naman sa kuwarto nakita ang white lady. Doon sa kuwarto ni Gianpaolo."

"Hindi ka ba natatakot na may white lady sa kuwarto mo, Gianpaolo?" tanong ni Rudolph at  mataman itong tinitigan.

"Hindi! Hindi naman ako naniniwala sa mga multo."

"Paano kung makatabi mo paggising mo? Di ka matatakot?" tanong niya.

He shook his head profusely. "Hindi! Wala ngang multo! Kaya hindi ako magigising nang walang white lady. Kasi walang white lady! Walang multo!. Iba na lang ang pag-usapan. Natatakot si Dafhny. Iyong masaya naman!"

"Natatakot ka ba, Dafhny?" tanong ni Arneth.

Pilit siyang umiling. "Hindi. Sige. Magkwento pa kayo."

Kung gusto niyang makuha ang project na iyon, dapat ay di niya ipakita na naduduwag siya. She wanted the project so badly. Kung  masasanay siya sa mga kwento ng multo, di na siya magugulat sa mga kwento sa susunod. They were just stories. Wala naman siyang makikita. At di na lang niya papansinin ang panlalamig ng palad niya. Di na lang siya iinom ng kape para di nerbiyusin.

"Aba! Marami pa akong pwedeng ikwento kung ganoon," sabi ni Rudolph. "Marami akong alam na kwento kasi nakakausap ko si Aling Suling. Diyan sa may bangin pagtawid ng hanging bridge, may lalaki daw na nagpapakita. Kapag bilog ang buwan tulad ngayon madalas makita ang mga multo at maligno."

Hanggang magpaalam sila para matulog na ay nanatili siyang tahimik. Subalit di siya iniwan ni Gianpaolo. Mahigpit ang hawak nito sa kamay niya.

Tumigil na siya sa kuwarto niya pero parang wala pa rin ito sa sarili. Naglalakad pa rin ito hawak ang kamay  niya.

"Gianpaolo, dito na ang kuwarto ko."

Saka lang ito natauhan. "Ha? Dito ka na ba?"

Tinapik niya ang pisngi nito. "Bakit parang nanlalamig ka? Saka kanina ka pa walang kibo. May problema ba?"

Umiling ito at pilit na ngumiti. "Wala. Goodnight!"

Saka niya naalala na nasa kuwarto nito ang white lady. "Pwede ka pang magbago ng isip kung gusto mong lumipat ng kuwarto," pahabol niya nang papasok ito ng kuwarto.

 "Anong palagay mo sa akin? Naduduwag sa multo?"

"Wala akong sinasabi. Sabi ko lang kung gusto mong lumipat."

Lakas-loob nitong binuksan ang pinto ng kuwarto nito. "Tingnan mo! Walang multo! Matapang ako! Mga multo, magpakita kayo! Hindi ako natatakot sa inyo!"

Ngingiti-ngiti siyang pumasok sa kuwarto niya. Dapat nga siyang maging  matapang. Gagayahin niya si Gianpaolo. Kung di ito takot sa multo, ganoon din dapat siya. May maganda rin naman palang impluwensiya si Gianpaolo sa kanya.