Chapter 492 - Chapter 15

MAGANDA ang sikat ng buwan at ang repleksiyon niyon sa dagat. Gustong-gusto rin ni Dafhny ang malamig na simoy ng dagat. Tiyak na mapapasarap ang tulog niya. Nagsisimula na niyang maramdaman ang pagod sa biyahe niya.

Gusto niya ang atmosphere ng tahimik na isla. Kahit sinong bisita ay tiyak na makakapag-relax doon. Excited na siyang matapos ang Casa Rojo at magbukas bilang isang hotel. Kaunting panahon na lang.

Nag-aagaw na ang antok niya nang mabulahaw ang katahimikan ng gabi sa sunud-sunod na malakakas na katok.

"Dafhny! Dafhny!" tawag ni Gianpaolo sa kanya.

Umungol siya at ipinikit pa rin ang mata. "Ano ba?"

"Dafhny, buksan mo ang pinto!" Halos kalabugin na nito ang pinto. "Kapag hindi mo ito binuksan, babalyahin ko itong pinto."

"Sandali lang!" sigaw niya at napilitang buksan ang pinto. Napagbuksan niya itong nakasuot ng pajama at katernong pajama top na di nakabutones. "Bakit ba? Ang sarap-sarap na sana ng tulog ko, nambubulaw ka pa!"

Niyakap siya nito na labis niyang ikinabigla. "Are you okay?" Iginala nito ang mata sa paligid. "May nararamdaman ka bang kakaiba? Nararamdaman mo ba na may nakatingin sa iyo kahit na wala namang tao?"

"Ha?" Pilit niya itong itinulak palayo. "Gianpaolo, ano ba?"

Gusto ba nitong sumabog ang utak niya? Yakap-yakap siya nito. Ramdam niya ang init ng katawan nito sa malamig na gabing iyon. And he was tickling her imagination because his bare chest brushed her bare skin.

Lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya at kinabig ang ulo niya sa dibdib nito. "Don't worry, Dafhny. Huwag kang matakot dahil sasamahan kita dito. Walang multo na pwedeng kumanti sa iyo. Kahit pa sa mga lamok di kita padadapuan. Nothing can harm you, baby."

Nanlalambot na ang tuhod niya. Hindi siya makahinga. Parang napakasarap ng pakiramdam na poprotektahan siya nito. Kung may white lady man siguro, baka ma-in love pa dito. Ilang sandali na lang ay matutunaw na ang buto niya.

Ano bang ginagawa niya sa sarili niya? Bakit hinahayaan niya itong yakapin siya? Bakit kailangan siya nitong protektahan? Hindi ba dapat nga ay ito ang katakutan niya at hindi ang kung anumang multo?

"S-Sandali!" Itinulak niya ito nang mas malakas. "Ano ba ang sinasabi mo diyan? Walang multo dito! Wala ring lamok! Ano bang ginagawa mo dito?"

"Dito na ako matutulog!" sabi nito at kinuha sa tabi ng punto ang sleeping bag, kumot at unan nito. "Babantayan kita kaya huwag ka nang matakot."

Nasapo niya ang sentido niya nang simulan na nitong maglatag sa baba ng kama. "Sandali! Sandali! Sino ang may sabi sa iyo na dito ka matulog?'

"Ako! Nagpiprisinta na nga ako, di ba?"

"HIndi ka pwedeng matulog dito. Bumalik ka na sa kuwarto mo."

Inayos nito ang kumot at unan sa ibabaw ng sleeping bag. "Huwag ka nang mahiyang magsabi sa akin. Alam ko naman na gusto mong magkasama tayong matulog. Nahihiya ka pang aminin na natatakot ka. Naiintindihan ko naman na kailangan kitang samahan dito kahit na nanganganib ang puri ko sa iyo."

"Puri? Mayroon ka ba noon?" sarkastiko nitong sabi.

"Kaya nga! Nagsasakripisyo na ako para protektahan ka. Titiisin kong matulog dito sa lapag kahit na dapat ay sa malambot na kama ako natutulog."

Napanganga siya. Sakripisyo? Basta na lang siya nitong binulahaw at ginugulo ang privacy niya at sasabihin nitong nagsasakripisyo ito? "Gianpaolo…"

Umupo ito sa kama niya. "Mas gusto mo bang sa kama tayo magtabi? Mukhang takot na takot ka nga, ah! Dala siguro iyan ng mga narinig mo kanina. Sige. Okay lang na dito na ako matulog."

Sumandal ito sa headboard ng kama at humalukipkip. He looked like the master of the bedroom. He looked good enough to eat. Parang inaakit siya nito na animo'y isang pagkain. At natatakam naman siya.

"Gianpaolo Aragon!" tili niya sa sobrang iritasyon dito at sa sarili. Di naman kasi ito nakikinig sa kahit anong sabihin niya. "Lumabas ka sa kuwarto ko! Labas!"

Bumakas ang pagtataka sa mukha nito. "Bakit?"

"Hindi kita kailangan dito! Get out!"

Bumangon ito at isinuklay ang daliri sa buhok. "Nagmamagandang-loob na nga ako na protektahan ka, ako pa ang mukhang masama."

"First and foremost, I didn't ask for your help. Kung kailangan ko ng kasama dito dahil takot ako, sasabihin ko agad sa iyo. Ang sabihin mo, takot ka sa white lady sa kuwarto mo kaya  nagsusumiksik ka dito sa kuwarto ko."

Nanlaki ang mata nito. "Ako? Natatakot?" Itinuro nito ang sarili. "Huh! White lady lang matatakot ako? Wala akong kinatatakutan!"

"Eh, di doon ka sa kuwarto mo."

Naputol ang pagtatalo nila nang may kumatok sa pinto. "Dafhny, si Roland ito. May problema ba?"