Chapter 487 - Chapter 10

Nakatayo sa may bow ng yate si Dafhny habang pinagmamasdan ang unti-unting paglaki ng Costa Brava habang papalapit sila. Umaga lumapag ang flight nila sa Naga City Domestic Airport. Sa pantalan ay naghihintay na ang yate na pamana rin ng Lolo Ricardo niya na siyang ginagamit niya sa pagbiyahe papuntang Costa Brava. Makulimlim ang kalangitan dahil sa katatapos pa lang na ulan.

Nilapitan siya ni Gianpaolo na lumabas mula sa cabin. Isinuot nito sa ulo niya ang hood ng jacket niya. "Doon ka muna sa cabin. Magpahinga ka sa bunk. Kahit kaninang nasa eroplano tayo, hindi ka man lang natulog."

"Malapit na tayo. Sa Casa Rojo na lang ako magpapahinga," wika niya na di pa rin inaalis ang tingin sa isla. Di siya nanatili sa cabin dahil ayaw niyang magsolo na naman silang dalawa. Kung maari lang, gusto niyang iwasan ito. "What's so special about Costa Brava?" tanong niya para may ibang mapag-usapan.

"Pristine white sand beaches, rich marine biodiversity na hindi pa rin nasisira napangalagaan ang isla, may mangrove forest na sakop ng lupain ni lolo at may forest din siya sa likuran ng mansion."

"Special din siguro siya dahil sa mga multo," pabiro niyang sabi.

"Costa Brava has its own history. Ilang beses nang sinalakay ng mga pirata ang lugar noon. Ipinagtanggol ng mga residente ang lugar na iyan. It was bloody. Nagtulungan lang ang mga residente kaya nanalo sila. Ang paniniwala nila may mga diwata na nag-aalaga sa isla. Nang itayo ang Casa Rojo, nagkaroon na ng istorya ng mga multo dahil sa tagal ng panahon at marami nang tao ang namatay doon. But I love the historical value of the place."

He looked so proud while telling stories about the island. Isa iyong  magandang istorya. Malayo sa kababalaghan na dala ng mga multo.

Maya maya pa ay dumaong na sila sa lumang pier ng isla na gawa sa kahoy. May sariling pier ang Casa Rojo. Di kalayuan doon ay isang mas matibay na pier ang itinatayo pero klasiko pa rin ang istilo.

"This is nice," wika niya nang naglalakad na sila sa wooden dock.

"We want the guests to be transported to a different era while they are here. Gusto namin na mag-jive siya sa makalumang theme ng Casa Rojo."

Umawang ang labi niya nang mapagmasdan ang mansion. Nakatayo ang Casa Rojo sa ibabaw ng puting buhangin. It was standing proudly with the cliff and the forest as the background. "It looks majestic… and eerie."

"Luma na itong bahay. Thirty ang mga kuwarto dahil summerhouse ito dati. Maraming bisita kapag nagpapa-party. May hiwalay na bahay para sa mga servants at doon namin pinatira ang mga trabahador ngayon. Dito naman sa mansion mismo tumutuloy ang mga nagli-lead sa project. Kaya sa mansion din tayo titira."

"Mukhang matagal nang walang nakatira dito." Bakbak na ang mga pintura. At tiyak niyang mas marami pang senyales ng pagpapabaya sa loob ng bahay.

"Hindi na nga naalagaan ito. Iyong katiwala na lang na si Manang Suling ang natira dito para magbantay sa bahay," paliwanag nito.

"Ako ba ang hinahanap ninyo?" anang si matandang babae bigla na lang sumulpot sa may pinto. Puti na ang lahat ng buhok kahit na magsisisenta pa lang. Makapal ang kilay nito na parang laging galit.

"Oy!" bulalas niya at napaurong sa napahawak sa balikat ni Gianpaolo sa sobrang pagkagulat. Pakiramdam niya ay isang character ang babae sa horror film.

"Si Manang Suling iyan. Siya ang katiwala dito. Siya rin ang kinuha namin na tagaluto," pagpapakilala niya. "Manang Suling, si Dafhny po. Isa siyang interior designer. Mag-iikot po siya sa Casa Rojo."

"Magandang umaga po," aniya at tumango.

 "Kakain na ba kayo?" tanong ni Manang Suling sa mababa ngunit nakakatakot na boses. "Mag-iinit ako ng pagkain."

"Sige po. Pakihanda na lang po ang isa pang kuwarto sa tabi ng kuwarto ko. Doon po matutulog si Dafhny," wika ni Gianpaolo.

"Bahala na ang pamangkin si Amor sa mga gamit ninyo."

"Maraming salamat po," magalang niyang sabi subalit tumalikod na si Manang Suling patungo sa kusina.

"May dadating palang kasama. Bakit hindi itinawag? Sana naihanda ko na kanina pa. Kailangan ko pa tuloy magmadali," bubulong-bulong na sabi ni Manang Suling at tumalikod. Mukhang sarili lang nito ang kausap nito at hindi sila.

"B-Bakit parang lagi siyang galit? Ayaw yata niya sa atin," bulong niya.

"Ganyan lang talaga si Manang Suling. Parang laging galit," sabi nito. "Saka matagal na rin siyang bantay dito. Siya na lang ang natira sa mga nagbabantay dito. nasanay na rin naman siyang sinusunod dito sa bahay noon pa. Siguro nasanay na siya sa katahimikan nitong Casa Rojo tapos biglang marami ang pagsisilbihan niya. Isa pa, sanay na kami sa kanya. Mukha lang masungit pero mabait siya. Masarap din siyang magluto kaya wala kaming reklamo."

"Aatakihin ako sa puso sa kanya, eh."

Tinapik ni Gianpaolo ang balikat niya. "Natatakot ka na?'

Umiling siya. "Of course not. Kung harmless si Manang Suling, wala akong magiging problema."

"Take a rest for a while. Then I will give you a tour around the house."

Huminga siya nang malalim bago pumasok sa Casa Rojo. Wala naman siyang dapat na ikatakot. After all, Gianpaolo promised to protect her.