Excited si Tamara para sa assignment niya. Kadalasan nga ay siya pa ang unang dumadating kapag may usapan sila. Minalas lang siya sa taxi.
Makalipas ang ilang minuto ay tumigil na ang taxi sa likuran ng van ng wildlife center. Iyon ang gagamitin nila sa biyahe. Pagbaba niya ay may nakatayo na sa tabi niya at nakalahad ang kamay. "Need help?"
"Thanks!" aniya at inabot ang mountaineering bag dito. Nanlaki ang mata niya nang makilala ito. "Huh! Reid!"
Walang kahirap-hirap nitong binitbit ang bag. "Surprised to see me?"
Nasorpresa talaga siya. Wala silang communication sa loob ng ilang linggo. Akala nga niya ay tuluyan na siya nitong kinalimutan. Her heart shrieked with joy. She missed him. Kung alam lang nito kung ilang gabi siyang di makatulog kaiisip dito. At kahit na pagod pa siya, sumisingit pa rin ito sa isipan niya.
Sumimangot siya. Galit nga pala siya dito at ayaw na niya itong makita. "Anong giinagawa mo dito? Pwede ba huwag mo akong abalahin? May pupuntahan pa ako. So bumalik ka na lang doon sa riding club mo," pagtataboy niya.
"Saan ito ilalagay?" tanong nito. Subalit di siya ang tinatanong nito.
Lumabas ang assistant director ng wildlife organization nila na si Kadji. "Kahit na itabi na lang sa upuan. Maluwag naman tayo sa loob."
"Ha?" Naguguluhang nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawa. May nangyayari bang hindi niya alam?
"Tamara, si Mr. Alleje ang sponsor natin sa assignment na ito," wika ni Kadji. "Amo mo siya sa Stallion Riding Club, hindi ba?"
Mahina siyang tumawa. "Oo. Si Sir Reid! Nagulat nga ako nang makita ko siya. Akala ko kasi di na kami magkikita."
"It is nice to work with you again, Doctor Trinidad," may kapormalang sabi ni Reid. "Nami-miss ka na namin sa riding club."
"Busy ako sa mga assignment ko, eh!" Nami-miss din niya ang riding club pero di nito kailangan pang malaman. Baka mamaya ay makumbinsi pa siya nitong bumalik dito. Dapat nitong malaman na mas masaya siya kapag malayo dito.
"Mamaya na kayo magkwentuhan ni Sir Reid. Magkatabi naman kayo, eh!" prisinta ni Shiela na siyang documentarist nila.
Gusto niyang maglupasay. Magtatabi pa sila ni Reid ngayon.
Inalalayan siya ni Reid sa braso. "Let's go!"
Anim silang sakay ng van. Ang driver at si Kadji ay nasa harap. Sila ni Reid sa gitna at sina Shiela at ang guide nila sa kasunod na upuan. Ang pinakalikurang mga upuan naman ay puno ng mga gamit.
Reid outwitted her. Akala niya ay wala na itong pakialam sa kanya. Pero heto at magkakasama pa sila sa isang assignment sa isang secluded na lugar. Di niya ito matatakasan pa.
Nang makapasok sa van ay inilagay niya sa pagitan nila ang malaking mountaineering bag. "Tabi tayo, ha?" nakangisi niyang sabi.
Bahagyang tumalim ang tingin ni Reid dahil nautakan naman niya ito. "Medyo masikip yata kung nandiyan ang bag."
Tinapik-tapik niya ang bag. "Hindi. Kasya iyan."
Mas gusto niyang masikipan kaysa naman makatabi ito. Kilala niya si Reid. Di nito palalagpasin ang pagkakataon para akitin siya.
"Kinukumusta ka nila Khamya, alam mo ba?" malambing nitong sabi.
"Alam ko. Lumabas pa nga kami noong isang araw kasama si Keira," nakataas ang kilay niyang sabi.
"Si Cookie nakikihabilo na sa ibang kabayo."
"Alam ko," sabi din niya.
"Bakit? Lumabas din kayo?"
"Hindi. Nagka-text kami," sarkastiko niyang sabi at pumikit.
Kiniliti ng daliri nito ang gilid ng tainga niya. "Tamara, huwag kang matulog. Magkwentuhan pa tayo."
She felt a tingling sensation run down her spine. Reid loved to wake her up that way whenever he wanted another session of lovemaking. Damn him!
Tinabig niya ang kamay nito at bahagyang inilapit ang mukha dito. "Sponsor ka nga namin pero di ko naman obligasyon na I-entertain ka. So please lang! Patulugin mo ako!"
Ito ang dahilan kung bakit matagal siyang di matahimik. Ito ang dahilan kung bakit wala siyang tulog at nagpapakamatay siya sa trabaho.
Hinaplos nito ang mukha niya. "Have I told you that you are beautiful?"
Tuluyan nang umusok ang tainga niya. That was the same question that he kept on asking her before he claim her lips in a feverish kiss and make love with her.
"Agh!" gigil niyang usal at itinaklob sa mukha ang dalang sarong.
"Go to sleep for now, Tamara. But I will always be here for you," he promised. "You know that I always do."
She couldn't escape from him. She couldn't escape from his memory. Ano ba talaga ang gusto nitong mangyari sa kanya? Tuluyang mabaliw?
Hindi. Baliw na siya. Baliw na siya nang mahalin niya ito.
HIMBING NA himbing si Tamara sa pagkakatulog niya. Parang wala siya sa biyahe at natutulog lang siya sa bahay niya. Pero nasa biyahe siya. Ngunit bakit pakiramdam niya ay masarap ang pagkakahiga niya samantalang nasa sasakyan siya? Di ba dapat ay nakaupo siya kung matulog.
Dahan-dahan niyang idinilat ang mata. "Did you sleep well?"
Ngumiti siya nang makita si Reid. "Yes!" Lalo na't ang bubungad sa kanya ay si Reid, maganda talaga ang gising niya. "Ha? Paanong…"
Hinaplos nito ang buhok niya. "Sige. Matulog ka pa."
Nakahiga siya sa kandungan nito. Dali-dali siyang bumangon. "Anong ginawa mo sa akin? Nasaan ang bag ko?" Kinapa niya ang bakanteng lugar sa pagitan nila. "Dito ko lang inilagay iyon."
"Tinanggal ko." Itinuro nito ang bag sa lapag. "Hindi naman pinauupo ang bag. Kita mo. Mas komportable ka pang nakatulog nang tanggalin ko."
"Ayoko ngang tanggalin. Ayokong katabi ka!" angal niya.
Naalimpungatan si Kadji at nilingon siya. "Anong problema, Doc?"
"Wala," sabi niya subalit di maitago ang simangot. "Gutom lang ako."
"May sandwich ako dito," alok ni Reid. "Gusto mo?"
"Huwag ka nang mahiya kay Mr. Alleje. Nakakahiya kung tatanggihan mo siya," sulsol ni Kadji. Di niya alam kung inosente ito sa nangyayari sa kanila ni Reid o kasabwat ito para magbingi-bingihan.
"H-Hindi. Sabay-sabay na lang tayong kumain," aniya at idinaan na lang ulit sa tulog ang lahat. Yumukyok na lang siya sa armrest.
Natiis niyang di humilig kay Reid hanggang makarating sila sa bahay ng guide nilang si Jin. Kaya naman nanakit ang katawan niya. Doon muna sila magpapahinga bago maglakad patungo sa sanctuary ng mga wild horses.
"Shiela, pakimasahe naman ako!" pakiusap niya at iginalaw ang balikat.
"Ano ba kasi ang ginawa mo at nanakit iyan? Sana humilig ka na lang sa guwapo mong katabi. Kita mo ako, jackpot kay Jin."
"Wag na. Isipin pa niya na may gusto ako sa kanya."
"But you are friends. Sabi mo, di ba?"
"Di naman kami close friends."
"Baka lovers," hula nito.
"Shut up!" usal niya at inasikaso na lang ang mga gamit na dadalhin.
Bandang alas tres ng hapon ay naghanda na sila sa paglalakad. Mahigit anim na oras daw ang lalakarin nila para makarating sa horse sanctuary. Masakit man ang katawan ay pinilit niyang bitbitin ang dambuhalang mountaineering bag. May dala kasi silang tent, pagkain at mga flashlight at anu-ano pang kailangan. Isama pa ang mga gagamitin nilang camera at videocam sa documentation.
"Ako na ang magbibitbit ng gamit mo," prisinta ni Reid. "Mabigat iyan."
"Kaya ko na ito kahit di bato ang katawan ko tulad mo."
Habang matalim ang tingin niya dito ay di niya napansin ang nakausling bato. Muntik na siyang mangudngod kundi nahawakan ni Reid ang bag niya.
"Are you okay? Bibitbitin ko na ang bag mo," wika nito.
Ipinadyak niya ang paa. "Di na. Tanga lang iyong bato. Hahara-hara."
Tatanga-tanga pa siya. Mukhang pati ang mga anito ng kabundukan ay paborito si Reid. Siya na lang ang laging napapahamak.