HALOS DI makahakbang si Khamya papasok ng grand guesthouse ng mga Rafiq. Parang palasyo at halatang mamahalin ang mga kagamitan. "This is so grand," She had never been awed by so much wealth in her life. That place is fit for royalties. "May imi-meet ba tayong tao dito? Di pa ba tayo tutuloy sa research center?"
"Bukas ka pa pupunta sa research center."
"Paano ang mga gamit ko?" At saan naman siya tutuloy?
Ibinuka nito ang mga kamay. "This will be your home for three months. Nandito ang lahat ng kakailanganin mo. There are servants who will be on your beck and call anytime. You will also have a chauffer who will drive you to the research center everyday." Inalalayan siya nito paakyat sa grand staircase at binuksan ang pangalawang kuwarto. "And this will be your room."
Dominated ng light yellow ang kuwarto. May eleganteng four-poster bed at kumpleto rin sa appliances. It even had its own personal ref and a hi-tech entertainment system. Isang taon yata niyang kailangang bunuin para makabili ng ganoong klaseng gamit.
"Are you serious? Ito ang magiging kuwarto ko?" nakakalula. Parang sa prinsesa ang lugar. "Wala bang ibang mas simpleng kuwarto?"
"You are my special visitor. Bakit dadalhin kita sa mas simpleng kuwarto?"
"Paano naman ang ibang guest researcher ng center?"
Nagkibit-balikat ito. "They have their own quarters at the research center."
"Doon na lang din ako."
Hinawakan nito ang balikat niya. "No. You will stay here. Mas maaalagaan ka dito. And I want to make sure that you are safe." Kinintalan siya nito ng halik sa labi. "Take a rest. I will see you after…" Lumingon ito sa assistant na si Kashim. "What is my schedule?"
"You may visit Madam Khamya after two days. That is after your tourney practice with the prince," magalang na sagot ni Kashim.
Nakangiting bumaling sa kanya si Beiron. "I will see you after a couple of days then. I will keep in touch. "Sila Aling Mila at Ana na ang bahala sa iyo."
Natuwa siya dahil ang dalawa ang makakasama niya. Magaan na ang loob niya sa mga ito. Pag-alis ni Beiron ay tinulungan siyang mag-empake ng dalawa.
"Sabi na nga ba't kay Sir Beiron din babagsak si Ma'am Khamya. Kunyari pa siyang hindi interesado kay Sir. Beiron Rafiq yata iyon," narinig niyang sabi ni Ana nang palabas siya ng restroom.
"Ang bibig mo, Ana. Baka marinig ka ni Ma'am Khamya," saway ni Aling Mila.
"Totoo naman, ah! May relasyon na silang dalawa."
"Nandito lang si Ma'am Khamya dahil kinuha siya ng research center bilang guest researcher. Ipinaliwanag na sa atin ni Sir Beiron."
"Bakit dito siya idinala ni Sir Beiron at hindi sa research center. Pero maswerte siya. Dito idinadala ang mga magiging miyembro ng harem."
Nasapo niya ang dibdib sa sobrang gulat. Harem? Anong gagawin niya sa isang harem? Magiging sex slave siya ni Beiron? Mistress? Di niya alam na uso pa rin iyon sa panahong iyon. Pero sa kakaibang tradisyon sa Al Ishaq, di na iyon kataka-taka. Kaya ba pinilit siya ni Beiron na doon tumuloy?
"Huwag na lang tayong makialam sa kanila. Buhay nila iyan. Basta magtrabaho lang tayo nang maayos," wika ni Aling Mila at binuksan ang closet niya. Hula niya ay isinasalansan na nito ang mga damit.
"Ano kaya ang nakita sa kanya ni Sir Beiron? Mukhang pa mandin siyang matalino at disente. Saka mukha ring di pa nagkaka-boyfriend dahil mukha siyang nerd. Ang swerte rin niya, no?"
"Heh! Maswerte ka rin dahil wala pang nagsusumbong sa kadaldalan mo. Dahil oras na makarating iyan kay Sir Beiron, tiyak na puputulin ang dila mo."
"Nakup! Hindi na ako magsasalita." Kinatok siya ni Ana. "Ma'am Khamya, baka po nakatulog na kayo diyan."
"P-Palabas na ako. Pwede na ninyo akong iwan kung tapos na kayo," sagot niya at binuksan ang gripo para kunyari ay may ginagawa pa siya.
"Ma'am, tawagin lang po ninyo kami kung may kailangan kayo," pahabol ni Aling Mila. "Gamitin na lang po ninyo ang intercom."
"S-Salamat po," wika niya at nanlulumong sumandal sa tiled na pader.
Parang wala na siyang mukhang ihaharap pa sa mga ito. Isang mababang klase ng babae ang tingin ng mga ito sa kanya. Nakuyom niya ang palad. Di niya pinangarap na maging alipin ng kahit sinong lalaki. Lalo na sa tulad ni Beiron.
Ipapakita niyang di lahat ng gusto nito ay makukuha nito.
"THIS is the only vacant room we have. Is it enough for you, Dr. Licerio?" tanong ni Dr. Jawalra, ang director ng Al Ishaq International Biotech Research Center.
Simple lang ang kuwarto. Puti ang pintura sa dingding, may single bed, study table at isang television set. Malayo sa pamprinsesang silid niya sa guesthouse ng mga Rafiq. "This room is perfect! Thank you."
"Did you tell Emir Beiron that you would stay here?"
"Yes, of course!" nakangiti niyang sagot. Wala namang magagawa si Beiron sa gusto niyang gawin sa buhay niya. Gusto niyang makalayo dito.
Pagdating sa guesthouse ay naabutan niyang ihina-hanger nina Aling Mila at Ana ang mga mamahaling gown sa closet niya. "Ano po ang mga iyan?"
"Regalo sa inyo ni Sir Beiron," sagot ni Ana at binitbit ang puting gown sa kanya. "Bagay ito sa inyo, Ma'am. Isuot ninyo sa dinner ninyo mamaya."
"Baka may gusto pa kayong ipaluto kay Chef Sovougni," wika ni Aling Mila.
"Wala po. Mag-eempake lang po ako ng gamit ko," sabi niya.
"Ay! Saan naman kayo pupunta ni Sir Beiron?" tanong ni Ana. "Dapat siguro isama mo itong sexy na negligee sa ieempake mo."
"Aalis na po ako. Sa research institute na ako tutuloy," sagot niya.
"Ayaw na ninyo dito? May di ba kayo nagustuhan sa serbisyo namin? Nag-away ba kayo ni Sir Beiron?" tanong ni Aling Mila.
"Mas makakapag-trabaho po ako nang maayos kung sa research center ako tutuloy. Salamat po sa pag-aalaga ninyo sa akin," aniya at hinawakan ang kamay ng dalawa. Sa maikling panahon kasi ay inasikaso siya ng mga ito.
"Papayag ba si Sir Beiron na basta-basta na lang kayong umalis? Sayang naman ang pagkakataon na dito kayo tumuloy, Ma'am. Maraming babae ang tiyak na maiinggit na maging boyfriend siya," wika ni Ana.
"Hindi ko siya boyfriend. Kaya nga mas dapat na umalis ako dito," mariin niyang sabi. Kailangan nang maging malinaw sa lahat na kahit kailan ay walang maaring mamagitan sa kanila ni Beiron.