Chapter 347 - Chapter 1

Umugong ang malakas na palakpakan sa loob ng regional trial court kasabay ang protesta ng kabilang panig matapos ideklara ng hukom ang pagkilala sa karapatan ng tribong Maracabe sa ancestral land ng mga ito. Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Attorney Jenevie Escudero. Simula pa lang ng paglilitis ay alam niyang iyon na ang magiging resulta ng kaso. Mananalo sila.

Nag-iiyakan ang mga pinuno ng tribo nang yumakap sa kanya. "Maraming salamat po sa pagtatanggol ninyo sa amin, Attorney. Di po namin sukat-akalain na maibabalik pa sa amin ang lupain namin."

"Para sa inyo talaga ang lupaing iyon, Apo Akame. Pag-aari po iyon ng mga ninuno ninyo at dapat lang na mapunta iyon sa inyo at maipamana ninyo pati sa inyong mga anak."

Ang Isla Maracabe na nasa Karagatang Pasipiko ang tahanan ng tribo. Tahimik na namumuhay ang mga ito bilang mga simpleng mangingisda at mangangahoy sa bundok.

Isang araw ay dumating ang mga tauhan ni Don Arnulfo Fortalejo. Inangkin nito na pamana daw ng magulang nito ang naturang isla. Marahas na itinaboy ang tribo sa tahanan ng mga ito sa dalampasigan. Gagawin daw iyong world-class resort. Maging ang mga sagradong lugar ng mga ito ay sinira din ng mga tauhan ni Don Arnulfo. Sinumang lumaban ay papuputukan ng baril. Walang nagawa ang mga miyembro ng tribo dahil wala namang pinag-aralan ang mga ito.

Isa sa mga misyonerong nagpupunta sa tribo nagdulog sa kanya ng problema. Tinanggap niya agad ang kaso. Di mahirap patunayan para sa kanya na peke ang papeles ni Don Arnulfo na umaangkin sa ancestral domain ng mga Maracabe. Sa tulong ng iba pang non-governmental organization ay napatunayan nilang tunay na sa mga Maracabe ang isla.

"Natatakot pa rin po kami sa mga tauhan ni Don Arnulfo, Attorney," wika ni Apo Haruno, isa pa sa pinuno ng tribo. "May mga sandata po silang nakamamatay. Paano po kung tuluyan na nila kaming patayin?"

"Hindi po. May mga militar nang magbabantay sa isla. Titiyakin din nila na maaalis ang lahat ng gamit at tauhan ni Don Arnulfo doon. Tutulungan din po nila kayo na muling ibalik ang dati ninyong tahanan," paliwanag niya.

Noong una pa lang ay nag-isyu na ang korte ng temporary restraining order para itigil ang anumang ginagawang istraktura sa isla. At ngayon ay tuluyan na iyong matitigil. Malaking kaparusahan kung lalapit pa ang sinuman sa tauhan ni Don Arnulfo sa isla. Malaya nang makakapamuhay ang mga Maracabe tulad ng dati.

"Maraming salamat po, Attorney."

Walang kangiti-ngiti na lumapit sa kanya si Attorney Magamundo, ang abogado na nakalaban niya sa kasong iyon. Matanda na ito at kilalang abogado. Pawang mayayaman ang mga nagiging kliyente nito. Noong una ay nagyayabang ito na wala pa itong kasong naipatalo. Ngayon ay mayroon na.

"We are not yet through, Attorney Escudero. We will file this case to the Court of Appeals or even to the Supreme Court just to win."

Matamis siyang ngumiti. "By all means do so, Attorney. Pero isa-suggest ko sa kliyente ninyo na kumuha na lang at bumili ng ibang isla sa mas legal na paraan. Huwag na siyang mangamkam ng pag-aari ng ibang mga tao. Perhaps I will see you in court again, Attorney," aniya at inilahad ang kamay.

Tinalikuran lang siya nito. Di matanggap ang pagkatalo. Di siya natatakot sa mga banta nito. Ipinaglalaban niya ang alam niyang tama. Naniniwala pa rin siya na may hustisya sa bansa para sa mga mahihirap. At sa krusadang pinili niya, alam niyang marami pa siyang masasagasaan.

Kinamayan siya ng kasamahang abogado na si Attorney Lennard Agustin. Kasamahan niya ito sa Crusade Against Violence and Injustice. Nag-observe ito sa  hearing niya kaya ito nandoon. "Matinik ka talaga, compañera. Isang abogado na namang de kampanilya ang pinauwi mong luhaan. Sinira mo na ang record ni Attorney Magamundo. Congratulations!"

"Hindi naman ako ang importante dito. Mas importante na naibalik na sa mga Maracabe ang lupain nila. Masyado kasing minamaliit ng iba ang mga cultural minorities. Palibhasa akala nila mal-edukado. Tayo na lang ang makakatulong para manatili sa kanila ang ancestral lands nila. Kaya kahit saan pang korte maghabol ang Don Arnulfo na iyan at kahit sino pang abogado ang iharap niya, di ako uurong."

Naging scholar siya ng Crusade Against Violence and Injustice noong college.  Mga biktima ng pang-aabuso at kadalasan ay mahihirap ang nagiging kliyente nila.

Tumulong-tulong na rin siya sa organization at na-expose sa iba't ibang klase ng mga kaso estudyante pa lang siya. Naitanim na niya sa puso niya na nais niyang tumulong sa mga nangangailangan. Nang makasama siya sa top five bar examiners ay maraming law firm ang gustong kumuha sa serbisyo niya. Pinili pa rin niyang manatili sa organization.

"This calls for a celebration!" deklara nito.

"Salamat na lang. Marami pang trabahong naghihintay sa akin sa opisina."

Pumalatak ito. "All work and no play? Twenty-eight ka na. When I was your age, may baby na kami ni Dawn. Hindi ko kaya ang ginagawa mo na sobrang seryoso. Naku! May date pa pala kami ni Misis."

Ngumiti siya. Sampung taon na itong kasal pero hanggang ngayon ay sweet na sweet pa rin ito sa asawa. Daig pa nga ng mga ito ang bagong kasal. "Hay! Sana lahat ng lalaki katulad mo. Hindi nambababae."

"Playboy ako bago ko nakilala si Tess. Tumino lang ako dahil sa kanya. Ikaw, ba ka gusto mo ng ka-date. May pinsan si Tess na single at mabait."

"Marami pa akong importanteng gagawin kaysa makipag-date. Salamat na lang."  

Ibinuka nito ang mga kamay. "Go and save the world then. Basta time out muna ako diyan. Pero kung kailangan mo ng ka-date, sabihin mo lang sa akin."

Hindi siya interesado sa mabait. Once in her life, she was more attracted to reformed playboys. Mas masarap magmahal ang mga ito kapag tumino.

Huminga siya nang malalim. Dati iyon. Pinili na niya ang buhay niya ngayon. Ang buhay na walang pag-ibig. Sagabal lang iyon sa trabaho niya. Mawawalan siya ng focus. And Lennard was right. She was out to save the world.