Nanlaki ang mata ni Celestine. Di niya alam kung anong tago ang gagawin niya nang mabibilis ang lakad ni Philippe papunta sa direksiyon niya. Parang susugod ito sa giyera. Paano naman siya makakatakbo kung mismong si Philippe na ang lalapit sa kanya? Kahit naman kasi galit ito ay ubod pa rin ito ng guwapo.
"Miss, ikaw ba ang umaaway sa pamangkin ko?" walang kangiti-ngiting tanong ni Philippe sa kanya.
"Ha?" Nagpalinga-linga siya na parang ibang tao ang kinakausap nito at hindi siya. "Ah, ako ba ang kausap mo?" inosente niyang tanong.
"Yes, Miss. Ikaw nga ang kinakausap ko. Sabi nitong pamangkin ko, inaaway mo raw siya."
Paano naman siya sasagot nang maayos kung kaharap niya ang pinaka-guwapong lalaking nakilala niya? Wala siya sa mood na makipag-away kung ito ang kaharap niya. Natunaw ang lahat ng katarayan niya.
"Before anything else…" Inilahad niya ang kamay at ngumiti. "Hi! I am Celestine Gonzalo. But you can call me Tintin for short."
"What?" Philippe blurted out. Di siguro inaasahan na magpapakilala siya sa halip na sagutin niya ang mga akusasyon nito.
"Hmmm… hindi ka nakikinig mabuti." Baka naman natulala ito sa kagandahan niya kaya humina ang pandinig. "I said I am Celestine Gonzalo. Just call me Tintin." Inabot niya ang kamay nito at kinamayang mahigpit. "Hindi mo na kailangang magpakilala sa akin. Kilala na kita." Pabiro niyang hinampas ang kamay nito na hawak niya. "You are Philippe Jacobs, right? At dahil Tintin naman ang itatawag mo sa akin, pwede na siguro kitang tawaging PJ."
Kumunot ang noo ni Philippe at binalingan si Milby. "Siya ba ang babae na nang-aaway sa iyo kanina?"
"Opo. Siya po. Sabi po niya kamukha daw po ninyo si Tado at Palito," wika ni Milby. "Di po siya naniniwala na guwapo kayo at macho."
"K-Kamukha ako ni Palito at ni Tado? Sinabi niya iyon?" mariing tanong ni Philippe at tumalim ang mga mata.
Umiling siya. "No! That's not true! Bakit ko naman sasabihin na kamukha mo si Palito at si Tado? Ang guwapo-guwapo mo. Iba ang intindi mo, Milby," palusot niya. "Totoo ang sinabi mo kanina. Guwapo at macho nga ang tito mo. Lahat ng teleserye at pelikula niya pinanood ko dahil gustong-gusto siya."
"Bakit mo naman inaaway ang pamangkin ko, Miss?" tanong ni Philippe. Parang di naman nito pinapansin ang pamumuri niya dito.
"Hindi ko siya inaaway. Ang cute nga nitong pamangkin mo at magalang. Nagpo-po at opo pa sa akin!" aniya at bahagyang tumawa.
"Tita Tin, di ba po ba sabi mo aawayin mo si Milby dahil binali niya ang crayons ko at sinira niya ang coloring book ko?" paalala ni Zanti sa kanya. "Kaya ka nga galit na galit kay Milby, di po ba?"
Umuklo siya sa harap ni Zanti. "Hindi ko siya inaaway. Pinagsasabihan ko lang. Masama sa mga bata ang nakikipag-away, di ba? Masamang manira ng gamit ng iba." Lumingon siya kay Milby. "Simula ngayon, friends na kayong dalawa, ha? Huwag mo nang sisirain ang gamit niya. Mag-share na lang kayo."
"Milby, narinig mo ang sinabi ni Miss Gonzalo?" tanong ni Philippe. "Huwag ka nang maninira ng gamit ng classmate mo. Mali iyon."
Di niya inaasahan na pagsasabihan nito mismo ang pamangkin. Sa ibang mga bata kasi, walang pakialam ang mga magulang o guardian sa maling behavior ng mga ito. Ang iba pa nga ay ikakatwiran lang na bata pa kasi. Pero di iyon ang nakikita kay kay Philippe. She thought that he would be a good father someday.
"Kasi wala naman siyang titong artista…"
"Milby!" saway ni Philippe. "Anong sasabihin mo dapat?"
Bahagyang yumuko si Milby at pailalim na tumingin. "Sorry po. Hindi na mauulit. Magpapakabait na ako," wika nito.
"Hijo, pasensiya ka na sa kay Milby," sabi ni Philippe kay Zanti at bahagyang ginulo ang buhok. "Papalitan ko na lang ang crayons at ang coloring book mo na sinira ni Milby. Okay?"
Umiling si Zanti at yumakap sa kanya. "Ayoko po! Kasi bigay po iyon sa akin ng Tita Tintin ko. Kahit pa po sira-sira na saka bali-bali na ang crayons ko, gagamitin ko pa rin po. Saka po ang books ko. Mahal ko po ang tita ko kahit di siya artista."
Hinaplos ni Philippe ang buhok nito. "Mabait kang bata. Pasensiya ka na, ha?" Tumayo si Philippe at hinarap siya. "I really apologize for my nephew's behavior, Miss Gonzalo. Magpapadala pa rin ako ng kapalit ng nasira ni Milby. Consider it as a gift. At pagsasabihan ko rin ang pamangkin ko para di na niya ulitin pa."
"Huwag ka nang mag-abala. Ako na lang ang bibili ng bagong coloring books at crayons ni Zanti," nakangiti niyang wika. Ang gaan-gaan ng loob niya kay Philippe. Napaka-considerate talaga nito at hindi ito mayabang. Nakaka-in love.
"We have to go now, Miss Gonzalo. It is a pleasure to meet you," anang si Philippe at bahagya siyang tinanguan.
"No. The pleasure is mine. Saka huwag mo na akong tawaging Miss Gonzalo. Masyado namang pormal. Tintin na lang. Tutal PJ naman ang tawag ko sa iyo," sabi niyang di maitago ang ngiti sa mata. Kinikilig kasi siya.
"O, paano. Aalis na kami. Hinihintay na sa bahay si Milby," paalam ni Philippe. "Milby, magpaalam ka na sa classmate mo."
Naalarma siya nang malamang tapos na ang maliligayang sandali niya kapiling ito. Di siya papayag na basta-basta na lang matapos ang lahat. "PJ, wait!"
Tumigil ito sa pagbubukas ng pinto ng sasakyan at lumingon. "Yes?"
Pinagsalikop niya ang kamay. "Nakakahiya man at alam ko na ngayon lang tayo nagkakilala. Pero pwede bang humingi ng favor. Ano… isang kiss lang." Itinuro niya ang pisngi. "Sa cheek lang naman."
"Sure," he agreed then moved towards her. Nagulat siya nang hawakan nito ang baywang niya. Then he brushed his lips lightly against her cheeks.
It was such an impersonal kiss. Pero pakiramdam niya ay nirvana na ang narating niya. Napapikit siya habang ninanamnam ang pakiramdam ng katawan nito malapit sa kanya. Hmmm… ang bango niya. Parang masarap papakin! Gusto na niyang magtitili doon sa sobrang kilig. O kaya ay himatayin na lang siya. She couldn't describe the feeling.
"T-Thank you," nausal niya. Saka niya na-realize kung gaano siya kaswerte pero parang bitin pa rin siya. Di pwedeng isang kiss lang. "PJ, pwede pang isang kiss pa. Para naman sa nanay ko. Kasi favorite ka ng nanay ko. Sobra!"
Inilapit nito ang pisngi sa kanya. "O sige."
Yumakap siya sa leeg nito dahil matangkad ito at inabot ng labi ang pisngi nito. "Ayan! Para sa nanay ko. Ihahalik ko na rin ang pinsan ko, ha?" Nang di ito kumontra ay humalik siya sa kabila pa nitong pisngi. Waaa! Ang bango niya! Masarap talaga siyang papakin ng halik. "Iyong lola ko rin sa tuhod favorite ka. Member iyon ng Solid Philippe Jacobs Fans Club." At humalik pa siya nang isang beses pa sa kabila nitong pisngi.
Tumikhim ito. "Marami ka pa bang ihahalik sa akin?"
Natigilan siya nang makitang mukhang seryoso na naman ito. "Ay, oo! Buong angkan namin saka buong baranggay namin gustong-gusto ka."
"Okay lang ba kung sa susunod mo na lang sila ihalik? Gumagabi na kasi at kailangan ko nang iuwi si Milby. Kayo rin ni Zanti, baka ma-traffic pauwi," malumanay nitong sabi.
Hinampas niya ang balikat niya. "Ito naman. Nag-alala pa sa amin. Okay lang kami. Pero thanks for caring." Nag-aalala rin ito sa kanya! Baka naman mahal na rin siya nito. Dahil kung siya ang tatanungin, mahal na mahal na niya ito. "Basta promise mo pwede kong ihingi ng halik ang mga kaangkan ko saka ka-baranggay ko, ha? Tiyak na matutuwa sila kapag nagawa ko iyon."
Alanganin itong ngumiti. "S-Sige." Saka ito sumakay sa kotse nito.
"Bye, PJ!" malambing niyang paalam nang minamaniobra na nito ang sasakyan. "Take care 'coz I care!"
At di na maalis ang ngiti niya mula noon. Ang gaan-gaan ng pakiramdam niya. Parang gusto niyang lumipad. It must be love!
"Tita, bakit po naging mabait ka bigla kay Milby kanina?" tanong ni Zanti nang nagmamaneho na siya pabalik sa bahay. Bukas ay kailangan na niyang bumalik sa Stallion Riding Club para bumalik sa duty niya. Assistant lang kasi ang naiwan niya sa music longue.
"Naku! Bad ang makipag-away. There should be peace on earth. Di masaya na makipag-away," katwiran niya.
"Sabi mo lang kanina ipagtatanggol mo ako, Tita." Nanghaba ang nguso nito sa pagtatampo. "Tapos hindi naman pala."
"Hoy, ipinagtanggol kita. Nakita mo naman pinagsabihan ko si Milby." Ayaw naman niyang magtampo sa kanya ang pamangkin niya. "Zanti, bakit di mo sinabi sa akin na si Philippe Jacobs pala ang tito ng classmate mo." Sana ay di na niya masyadong inaway-away ang malditong bata. Baka masama pa ang first impression sa kanya ni Philippe. Nakakahiya naman.
"Kasi kanina lang naman po niya naisama sa school," paliwanag nito. "Bakit, Tita? Gusto mo ba ang tito ni Milby?"
"Oo naman! Sobrang mahal na mahal ko si PJ!" Bumuntong-hininga siya nang makita ang pagtataka sa mukha ni Zanti. "Hindi mo pa ako naiintidihan ngayon. Balang-araw kapag malaki ka na, maiintindihan mo rin ang lahat."
"Tita, baka naman masungit din ang tito ni Milby tulad niya."
"Shhh!" saway niya dito. "Mabait siya. Kita mo naman papalitan pa niya ang mga gamit na sinira ni Milby." Kaya naman lalo siyang napamahal kay Philippe. "Kaya dapat magkasundo kayo ni Milby. Dahil ang Tito PJ niya ay magiging tito mo na rin balang-araw."
Balang-araw, masasabi na rin niyang 'Philippe, akin ka na!'
"TALAGA, Ma'am Tintin? Nahalikan ninyo si Philippe Jacobs?" tanong ng assistant niyang si Aya nang ikwento niya ang tungkol sa pagkikita nila ni Philippe sa eskwelahan ni Zanti. Magbubukas pa lang sila noon ng music lounge kaya may oras pa sila para magkwentuhan.
"Of course. Nandoon na ako, eh! Pwede ko ba namang palagpasin ang golden chance? Siyempre, samantalahin na!" aniya at napapapalakpak. "And take note. Hindi lang isang beses ko siyang nahalikan. Maraming beses. Paulit-ulit."
Kasunod niyon ay kinikilig na nagtilian ang mga staff niya. "Talaga, Ma'am? Hindi ba naman siya kumontra sa inyo?" tanong ni Dianne.
"Hey! Look at me!" She flipped her hair like a commercial model. "Sa tingin mo ba makakakontra siya sa kagandahan ko? Hindi!"
"Nakakainggit naman kayo, Ma'am," sabi ni Lorna. "Sana ako nakahalik din sa kanya para naman kasing saya ninyo ako."
"Huwag kang mag-alala. Ihahalik din kita sa kanya kapag nagkita kami. Naku! Kung di ko nga lang siya nagmamadali, naihalik ko na sana ang buong angkan namin at ang buong baranggay namin," sabi niya at nangalumbaba sa counter. "Pero nag-promise naman siya na kapag nagkita kami ulit, pwede ko nang ihalik ang buong Pilipinas sa kanya." Saka siya humagikgik.
"Ma'am, baka naman mabuntis na si Fafa Philippe sa kahahalik ninyo," kantiyaw ni Amber na naglilinis ng counter. "Baka rape na iyon."
Pinanlakihan niya ito ng mata at hinampas sa braso. "Shhh! Huwag kang ganyan. Parental guidance iyon. Saka may kasama kaming mga bata. Bad iyan. Pero sige, next time pwede na siguro ang iniisip mo."
"Ma'am, tama na ang pangangarap," sabi ni Ericka na di maipinta ang mukha. "Artista iyon. Pwede ba naman kayong pansinin no'n? Di talaga ako naniniwala na nahalikan ninyo siya. Ni picture nga wala."
Nakataas ang kilay niya itong hinarap. May pagka-intrimitida kasi ito at kontra nang kontra sa kanya. "Eh, di kausapin mo iyong pamangkin niyang si Milby." Impakto mang bata si Milby pero di naman ito nagsisinungaling. "Akala mo naman sa akin dakilang ilusyunada! Hmp!"
"Ilusyon naman talaga iyon, Ma'am," anang si Ericka pa rin. "Kasi artista iyon. Di naman kayo no'n papansinin nang basta-basta. Saka di kayo bagay don."
"Oy, walang masamang mangarap," pagtatanggol sa kanya ni Dianne. "Palibhasa kasi di ka nakahalik kay Philippe Jacobs. Ni hindi mo pa siya nakikita sa personal. Kaya naiinggit ka. Basta kami, suportado namin si Ma'am Tintin sa pangarap niya. Member na kami ng fan's club niya."
"Thank you, girls," mangiyak-ngiyak niyang sabi. Na-appreciate talaga niya ang pagmamahal sa kanya ng mga staff niya.
"Libre naman ang mangarap, Ma'am," anang si Aya at nag-thumbs up.
"Mga sipsip!" bubulong-bulong na sabi ni Ericka at nagpatuloy sa pagma-mop palayo sa kanila. Kahit naman kailan ay kontrabida ito at killjoy. Pero pagdating naman sa trabaho ay efficient ito at marunong makisama kapag walang topak.
Hangos na pumasok ang isa sa waitress niya na si Jinky. "Girls! Girls! May malaking balita ako sa inyong lahat."
Nakapamaywang niya itong sinalubong. "Anong ibig sabihin nito? Late ka! At malakas pa ang loob mo na mag-announce ng tsismis."
"Pasensiya na po, Ma'am. Importante kasi ang ia-announce ko. And I am sure matutuwa kayo dito," pagmamalaki nito.
Humalukipkip siya. "Matutuwa? Tiyakin mo lang na matutuwa ako sa ibabalita mo kundi masususpindi ka. Pwede ka namang makipagtsismisan nang di male-late."
"Si Philippe Jacobs ang bida sa Stallion movie."
Kumislap ang mga mata niya. "Gosh! Totoo ba iyan?"
"Iyon mismo ang sabi sa akin ng driver ni Sir Neiji. Narinig daw niyang magkausp iyong mag-asawa sa sasakyan."
Si Neiji Villaranza ang utak sa sensational na Stallion Shampoo and Conditioner. Nag-set kasi ito ng new trend sa pagtingin sa simpleng shampoo lang. Naging nang usap-usapan ang project na iyon na sponsored ng Stallion Shampoo and Conditioner. Di pa nila alam ang storyline.
"Aabangan namin iyan!" excited na sabi ni Lorna.
"Ako rin!" sabi ni Dianne at tumili.
"At ito pa ang mas magandang balita. Dito sa Stallion Riding Club ang location ng shooting," deklara ni Jinky.
Sa pagkakataong iyon ay sabay-sabay silang napatili at nagtatalon na sa tuwa. "Makakasama ko na si PJ dito sa riding club. Masisingil ko na siya sa mga utang niya."
"Ano naman ang utang niya sa inyo?" tanong ni Jinky.
"Iyong sandamakmak na halik kay Philippe Jacobs. Kasi usapan nila ihahalik niya tayo at ang buong angkan niya," paliwanag ni Amber.
"Kung dito magsu-shooting si Philippe, bakit naman kay Ma'am Tintin pa tayo magpapahalik? Pwede namang tayo na ang direktang humalik sa kanya," tanong ni Ericka na tumigil sa pagma-mop.
"Lahat tayo may boyfriend na," sabi ni Aya. "Ibigay na lang natin kay Ma'am Tintin ang privilege na iyon."
"Sige na nga," sabi ni Jinky. "Pero parang na-late yata ako. Anong sinasabi mong promise sa iyo ni Philippe?"
Ikinuwento niya dito ang nangyari nang nagdaang araw. "Sa palagay ko iba ang halik sa akin ni PJ." Huminga siya nang malalim. "May halong…"
"Pagnanasa?" dagdag ni Jinky.
"Pagmamahal," pagtatama niya. "Mahal ko siya kaya mahal din niya ako. Sabi pa nga niya mag-ingat daw ako pauwi. Di ba, pagmamahal iyon?"
"Ma'am, huwag nga kayong malisyosa!" saway sa kanya ni Ericka.
"Uy, magandang iyan. Pwedeng fans club," sabi ni Aya. "Malisyosa. International name-Malicious. Ang taray taray!" Sumang-ayon din ang iba pa.
"I like that!" wika niya. Masaya naman kasing lagyan ng malisya ang ipinakita ni Philippe sa kanya. After all, it was harmless. Walang masamang mangarap.