Chapter 314 - CHAPTER THREE

Susukot-sukot habang naglalakad si Celestine. Nahihimbing ang tulog niya nang bulahawin siya ng tawag mula sa kapatid na si Evita. "Hindi ka pa rin makakauwi. Pwede ka namang magbakasyon dito sa Pilipinas pero ayaw mo."

"Hindi muna. Ayaw kasi ni Michaelangelo na umuwi ako sa Pilipinas. Dito daw muna kami sa Rome. Saka di naman ako matagal pang nawawala diyan."

"DI matagal na nawawala?" bulalas niya. "Six months ka nang di nagpapakita sa amin. Nami-miss ka na ng anak mo. Saka sino naman ang Michaelangelo na iyan? Saang lupalop mo iyan nakilala."

"He is a businessman. Nagkakilala kami sa isang party sa Florence. Ayoko ngang umuwi sa Pilipinas at iwan siya dito. Baka agawin pa siya ng iba."

"Dalhin mo siya sa Pilipinas. Ipakilala mo nang maayos kina Nanay. Ipakilala mo rin sa anak mo."

"Tin, not yet. Marami pang trabaho si Mic na di maiwan dito sa Italy. But you have nothing to worry about me. I think he is serious."

"Hanggang kailan naman siya magiging seryoso sa iyo?"

Narinig niya ang pagsinghap nito. "Hey! Huwag ka namang ganyan. Kasisimula pa lang ng relasyon namin, skeptical ka na agad."

"Paanong hindi ako magiging skeptical? Pang-ilan mo na bang boyfriend iyan na nagsabing seryoso sila. Unahin na natin ang tatay ni Zanti."

"Celestine, that's foul! Baka nakakalimutan mong mas matanda ako sa iyo."

"Hindi ko nakakalimutan iyon. Ang sa akin lang, gusto ko naman na kontrolin mo ang sarili mo." Kapag nagmahal kasi ito ay todo-todo. Walang itinitira sa sarili at handang kalimutan ang lahat kahit pa pamilya. "Alalahanin mo na di lang lalaki ang pwedeng ikutan ng mundo mo. May anak ka. Huwag mong kalimutan si Zanti."

"Hindi ko kinakalimutan si Zanti," mariin nitong sabi. "Di naman ako nakakalimot na magpadala ng pera sa kanya. I send him to the best school. Iyon ba ang nakakalimot? Saka na tayo mag-usap. Nandito na si Michaelangelo."

May kirot sa puso niya nang marinig ang click sa kabilang linya. Tinawagan siya nito para lang sirain ang araw niya. Di kasi makatagal ang kapatid niya nang walang nobyo. Mabilis din itong ma-inlove at sa huli ay nabibigo rin.

Napahikab siya at tumingin sa oras sa cellphone. Alas siyete na ng umaga. Dapat ay mahimbing na siyang natutulog. Naglakad-lakad siya para magpaantok.

Napapapikit na siya at parang babagsak na ang katawan sa pagod nang pabalik na siya sa lodging house para sa mga empleyado ng riding na tulad niya nang mabulahaw siya sa isang malakas na busina. Napatili siya nang makita ang paparating na kotse. Bigla siyang tumabi sa side walk habang hawak ang dibdib. Akala niya ay katapusan na niya.

Hangos na bumaba ang driver ng kotse. "Miss, okay ka lang ba?"

Tumango siya at napatitig dito. Di niya alam kung nananaginip lang siya ng gising o sadyang hilong-hilo na siya sa antok. Si Philippe Jacobs kasi ang nakikita niya. "P-PJ?" tanong niya.

"T-Teka, kilala kita. Saan na ba tayo nagkita?"

"A-Ako si Tintin. Celestine Gonzaga. Magkaklase ang pamang…"

Naputol ang sasabihin niya nang haplusin nito ang buhok niya at noo niya. "Are you okay? Muntik na kitang masagasaan. And you look pale as well." Inalalayan siya nitong umupo sa bench. "Gusto mo ng tubig?"

"Hindi. Okay lang ako. But I am glad that you care for me." Her head was so light. It was like a great dream. Ayaw na niyang magising pa kung ganoon. Mas gusto na lang niyang mangarap ng gising. "Lagi ka namang nag-aalala sa akin tuwing nagkikita tayo, eh! And I am glad you didn't about forget me."

He only offered a smile. "I am sorry. I didn't mean to startle you. Pero bumusina ako dahil magtatanong ako ng direksiyon. Naliligaw yata ako. Alam mo ba kung saan dito ang papuntang training arena?" tanong nito.

Tumango siya. Naligaw nga ito dahil mali marahil ito ng nilikuan. Sa halip na papunta sa mga stable at sa mga arena ay sa direksiyon ito ng Lakeside area napunta. Walang masyadong rider nang mga oras na iyon dahil weekdays. Karamihan sa regular members na nag-I-stay sa riding club ay nasa main area ng club. "Yes, of course. Gusto mo ihatid kita?" Mabuti na lang at sa kanya ito nagtanong. Pagkakataon na niyang makasama ito.

"Yes, please. May session kasi ako ngayon kay Reichen Alleje," paliwanag nito nang isakay siya sa kotse nito.

Si Reichen ay isang world-class equestrian at kapatid ng may-ari ng Stallion Riding Club. "Magte-training ka sa kanya?"

Tumango ito. "Yes. All I know is how to leisurely ride a horse. Pero kailangan ko daw ng intense training para sa movie. Marami kasing stunts na kailangan ng mas matinding training. And I don't do doubles."

Her lips formed an O. Dedicated ito sa trabaho nito. Di na nakapagtatakang isa ito sa mga nirerespetong young actor sa industriya. "Ibig sabihin magtatagal ka dito sa riding club?"

Tumango ito. "Yes. Binigyan nila ako ng twenty days para mag-training."

"Twenty days lang? Masyado namang maikli iyon." Ngumiti siya. "But I am sure you can do it. Magaling ka kasi."

"Saan nga pala tayo?" tanong nito.

"Doon!" Tumuro niya sa direksiyon ng lake sa halip na pabalik sa pinanggalingan nito kanina kung saan naroon ang arena. "Tuwid lang."

"Okay," anito at sumunod naman sa kanya. Naaaliw siyang pagmasdan ang paghanga sa mukha nito habang pinagmamasdan ang lake. "Wow! I never thought that the lake could look this great. I only see it from afar."

"Iyan ang isa sa pang-akit ng Stallion Riding Club. That's the Lakeside Mansion. Mga members ang may-ari niyan. Iyan naman ang Lakeside Café. Kung gusto mong mag-relax habang nakatanaw sa lake, that is a nice place."

"Mukha ngang maganda dito. Ngayon pa lang nare-relax na ako."

"Mag-e-enjoy ka sa pag-I-stay mo dito." Pinaliko niya ito. "That is the Lakeside Bistro and Music Lounge. Diyan ako nagtatrabaho."

"So you work here," mangha nitong sabi. "Akala ko kasama ka lang ng isa sa mga member dito kaya ka nandito."

"Kung kasama ako ng isang member dito, I won't walk around alone. An unescorted woman here means trouble." Ibig kasing sabihin ay naghahanap ito ng ka-partner at libre itong alukin ng date. The Stallion Riding Club is a men's world after all. And usually, women were just decoration. Ayaw niyang maging dekorasyon.

"Ah," anito at tumango-tango. "Nasaan nga ulit ang training arena?"

Napanganga siya. "Ha? Training arena?"

Tumango ito subalit may bahid na ng iritasyon ang mga mata. "Oo. Di ba doon nga ako pupunta? Malayo pa ba? Nakakahiya sa trainer ko kung hindi ako makakarating on time. First day ko pa mandin."

"M-Malapit-lapit na," aniyang di na makatingin nang diretso dito. Nagi-guilty kasi siya dahil napatagal ang pag-iikot nila. Nagmistulang tourist guide kasi siya.

Tumagal pa sila ng fifteen minutes bago narating ang covered training arena. Sinalubong agad sila ni Reichen. "I am sorry, Mr. Alleje. Naligaw yata ako. Mabuti na lang nakita ko si Miss Gonzaga."

"Baka naman babae agad ang hinanap mo at hindi ang arena," pabirong sabi ni Reichen. "Sa tingin ko magkakasundo tayong dalawa." Number one playboy kasi si Reichen kaya kundi kabayo ang iniisip nito ay mga babae.

"Hindi. Nagtanong lang ako sa kanya," paliwanag ni Philippe saka lumingon sa kanya. "Salamat nga pala sa paghahatid mo sa akin."

"Wala iyon. Small favor lang iyon kung tutuusin."

"Huwag mong masyadong tunawin sa titig mo, Tintin," saway sa kanya ni Reichen. "Baka naman di na kami makapag-training. Trabaho muna kami."

Gusto sana niyang manood ng training ni Philippe pero di papayag si Reichen. Kapag nasa covered training arena, karaniwan ay one on one lang ito kung magturo sa estudyante. Walang ibang istorbo.

"Babalik na ako sa lodging house, Sir," sabi niya.

Ginagap ni Philippe ang kamay niya. "Thank you for the help and for the tour. I really, really appreciate it."

"It is nothing, PJ. Para ka namang others," aniya at nahihiyang ngumiti.

"Kaya mo na bang mag-isa? Ihahatid na muna kaya kita?"

Tumingin siya kay Reichen na matalim na ang tingin sa kanya. Ayaw kasi nitong pinaghihintay. And she already caused enough delay. "Huwag na lang. May mga service naman dito na maghahatid sa akin. Basta dalawin mo ako sa music lounge kapag hindi ka busy."

"Oo na. Oo na," anang si Reichen. "Ako pa mismo ang magdadala sa kanya basta hayaan mo lang kaming masunod ang oras sa training namin. Late na siya."

Bumitiw siya kay Philippe. "Good luck sa training mo."

Nakadikit sa pisngi niya ang kamay na ginagap ni Philippe hanggang sa makatulog siya. Di niya iyon huhugasan para di mawala ang amoy ng kamay ni Philippe. Kumapit na kasi ang bango nito. She slept with a nice smile on her lips.

ALAS DOSE na nang tanghali nang magising si Celestine. Naabutan na niyang kumakain ng tanghalian ang mga kasamahan niya. Ang lodging house na iyon ay itinayo para lang sa kanila na empleyado ng music lounge. Kaya parang isang pamilya na sila doon at sama-sama. Tulad niya ay stay in din ang mga ito.

"Haller!" bati niya. "Anong ulam natin?"

"Nilagang talong lang kasi si Ericka ang nagluto," mahinang sabi ni Aya. Alam kasi nito na ayaw niyang talong ang ulam. At nilagang talong o kaya ay talbos ng kamote lang ang alam na iluto ni Ericka. Basta nilaga ay expert ito.

"Okay lang. Cup noodles na lang ang kakainin ko," sabi niya.

"Mukhang maganda ang gising ninyo, Ma'am," sabi ni Amber.

"Anong ulam?" tanong din ni Jinky na dumating mula sa labas. "Pakain naman. Gutom na gutom na ako, eh!"

"Malamang inuna mo na naman ang pakikipag-tsismisan mo," sabi ni Lorna.

"Naku! Hindi lang ninyo alam kung anong nalaman ko. Aba! Nagkakagulo na ang buong riding club dahil dumating na si Fafa Philippe!" patili nitong anunsiyo.

Inalog ni Dianne ang isang balikat niya. "Narinig ninyo iyon, Ma'am? Dumating na ang dreamboy ninyo. Bakit parang di kayo excited?"

"Si PJ ba?" tanong niya at sumubo ang noodles. "Alam ko na iyon."

"Paano ninyo nalaman, Ma'am? Kagigising lang ninyo," tanong ni Aya.

"Nagkita kami kaninang dumating siya dahil nasa labas ako kanina. Nagpasama pa nga siya sa akin na pumunta sa covered training arena," kwento niya. "Kaya bago pa malaman ng iba, alam ko na."

"Wow! Hanga naman ako sa inyo, Ma'am. Maswerte talaga kayo," hangang-hanga na sabi ni Lorna. "Iba talaga ang power Reyna ng Malisyosa!"

"You call that destiny, my dear," ngingiti-ngiti niyang sabi.

"Hindi ako naniniwala," sabi ni Ericka.

"Ayan! Ayan! Amuyin mo ang kamay ko. Hinawakan ni Philippe iyan kaninang nag-thank you siya sa akin," aniya at idinuldol ang kamay sa ilong niya.

Nanlaki ang mata ni Ericka nang maamoy ang kamay niya. "Mabango nga. Amoy artista ang kamay ninyo, Ma'am."

"Oy, paamoy din!" anang si Jinky at kinuha ang kamay niya at inamoy din.

"O! Huwag namang masyadong singhutin. Baka maubos ang amoy ni Fafa PJ ko diyan," saway niya. Ayaw mawala ang tatak ni PJ sa katawan niya. Parang kasama pa kasi niya ito habang naaamoy niya ang bango nito.

Ikinukwento niya ang mga nangyari nang umagang iyon nang dumating ang kaibigan niyang si Luis. "Hi, girls!" bati nito.

"Oy, kain ka!" yaya niya.

"Hindi na. May problema lang kasi," anitong parang di alam kung kailan magsisimula. Ito ang lead guitarist ng bandang Amore na siyang performer nila sa music lounge para sa gabing iyon. "Hindi makakarating si Rica."

"Ano?" Si Rica ang vocalist ng banda. "Paano kayo magpe-perform kung wala kayong vocalist? Di pwede iyon."

"Baka naman pwedeng ibang performer muna ang mag-fill in sa amin. Nawalan ng boses si Rica. Kaya kailangan niyang magpahinga."

Isa-isa niyang tinawagan ang mga performers na nagpe-perform sa music lounge nila. "Paano ito? Hindi sila available lahat. May kanya-kanya silang gig. Di naman ako pwedeng kumuha basta-basta ng ibang band." Piling-pili lang ang mga performers na nakakapasok sa riding club. Istrikto si Reid Alleje na may-ari ng riding club sa mga pwedeng mag-perform sa music lounge. Ang Amore nga ay kinailangan pa nitong obserbahan sa ibang gig nito bago tuluyang mag-perform sa riding club.

"Ikaw na lang kaya ang kumanta," suhestiyon ni Luis.

"Ha? Bakit naman ako?" tanong niya.

"Originally naman, ikaw ang vocalist ng band namin. Mas pinili mo lang na magtrabaho at humiwalay sa banda pagka-graduate mo ng college." Iyon kasi ang kagustuhan ng tatay niya. "Wala naman halos nag-iba. Parang kakanta ka lang ulit tulad ng dati."

Tumikhim siya. "Parang hindi ko na yata kaya. Alam mo naman na sa videoke na lang ako nagkakakanta."

"Maganda naman ang boses ninyo kahit sa videoke lang, Ma'am," sabi ni Aya. "Kaya pumayag na kayo." Sinang-ayunan din iyon ng ibang mga staff niya.

"Kapag walang kakanta, kayo rin naman ang pagagalitan ni Sir Reid," paalala sa kanya ni Amber. "Kaya pumayag na kayo, Ma'am."

"Kinakabahan kasi ako." Di na siya sanay mag-perform sa harap ng maraming mga tao.

"Saka malay ninyo mapanood kayo ni Philippe at ma-in love siya sa inyo," dagdag pa ni Ericka. "Aba! Chance na ninyo iyon."

"Teka. Akala ko ba di ka naniniwala sa amin ni PJ?" tanong niya.

"Naniniwala na ako, Ma'am," anang si Ericka. "Magpapadala pa ako ng invitation mamaya para makarating siya."

"Gagawin mo iyon para sa akin?"

"Siyempre! Malisyosa na rin ako," deklara ni Ericka na ikinatuwa ng iba.

"Basta itayo natin ang bandila ng Malisyosa," wika ni Dianne.

Basta para kay Philippe ay gagawin niya ang lahat.