"Hello, Philippines and hello world!" bati ni Celestine pagpasok ng bahay nila.
Nawala ang atensiyon ng pamilya niya sa pinapanood sa TV at natuon sa kanya. "Tita Tintin!" tuwang-tuwang sigaw ng anim na taong gulang na pamangkin niyang si Zanti at sinalubong siya. "Tita, umuwi ka na!"
"Hello, baby bunso! Na-miss mo ba ako?" tanong niya at niyakap ito.
"Opo!" anito at humalik sa pisngi niya.
"Nagpapapalahaw iyan ng iyak nang umagang umalis ka," kwento ng nanay niyang si Aling Ditas. "Naglulupasay pa nga."
"Hindi po!" tanggi ni Santi. "Binata na po ako. Pero okay lang po ba na ma-miss ko kayo, Tita?"
"Oo. Siyempre naman. Kasi miss din kita," aniya at hinigpitan ang yakap dito. "Kaso kung binata ka na, baka unahan mo pa akong mag-asawa."
Anak ito ng panganay niyang kapatid na si Evita. Model ang kapatid niya sa ibang bansa pero palpak naman pagdating sa pag-ibig. Nagkanobyo ito ng isang Filipino model din sa ibang bansa. Subalit nang mabuntis ito ay iniwan naman. Nasa ibang bansa pa rin ang kapatid niya kaya ang mga magulang na niya ang nag-aalaga kay Zanti. Siya na nga ang parang nanay ni Zanti dahil inalagaan niya ito noong sanggol pa lang.
Subalit di na niya ito madalas makasama mula nang tanggapin niya ang pagiging manager ng Lakeside Bistro and Music Lounge sa Stallion Riding Club, isang exclusive riding club na puro mayayaman at sikat lamang na lalaki ang maaring maging miyembro. Dalawang beses sa isang buwan na lang siya kung umuwi sa pamilya niya sa Manila dahil sa layo ng riding club.
"Celestine, wala ka pa rin bang boyfriend?" tanong ng tatay niyang si Mang Puroy nang magmano siya.
"Ano ba namang tanong iyan, Tay?" nakabusangot niyang tanong. "Lagi namang iyan ang tanong ninyo tuwing umuuwi ako."
"Magtatanong pa ba ako kung may kasama kang guwapong lalaki? Aba! Kadaming guwapo sa riding club na iyon. Ipinapakita pa sa TV. Lahat ng mga kapitbahay natin na babae gustong makapasok doon. Ikaw namang nasa loob ng riding club, inaayawan mo ang mga guwapo. Sayang naman!" angal nito.
Marami ang nagpapapansin sa kanya sa riding club. Matangkad kasi siya at di naman nagkakalayo ang kagandahan nila ng kapatid niyang model. She had long straight black hair, smooth fair skin and her eyes were a bit chinky. The guests loved her wit. Magaling kasi siyang makisama at matindi ang sense of humor niya. Pero walang isa man sa mga ito ang nakakuha ng puso niya.
"Tay, dalawang klase lang ang lalaki sa riding club. Iyong matino at faithful saka luku-lukong playboy. Iyong una, may girlfriend na o kaya may asawa na. Puro mga playboy naman ang nanliligaw sa akin. Parang mauuto nila ako! Ako pa!"
Sa dalawang taon niyang pagtatrabaho sa riding club, kabisado na niya ang ugali ng mga lalaki doon. At mas matalas siya sa mga lalaking di dapat na paniwalaan at pagkatiwalaan.
"Paano kaya kung si Philippe Jacobs ang maligaw don, anak?" tanong ni Aling Ditas na nagniningning pa ang mga mata.
"Ay! Gusto ko iyan!" tili niya. "Babakuran ko agad siya."
Paboritong artista ng pamilya nila si Philippe Jacobs. Isa ito sa mga top Asian actors matapos itong manalo na best actor sa Asian TV Awards. Mula noon, kinuha na ito ng iba't ibang bansa sa Asya para gumanap sa mga pelikula at Asianovela. Di talaga matatawaran ang galing nito.
"Tutulungan kita, anak. Pikutin na natin," dagdag pa ng nanay niya. "Gayuma ba o patututukan ko ng baril sa tito mong Army? Tiyak na magiging maganda ang magiging mga apo ko sa kanya."
"Magtigil nga kayong dalawa diyan!" saway sa kanila ni Mang Puroy. "Artista iyon. Hindi no'n papansinin ang anak natin nang basta-basta."
"Tingnan mo nga! Nagmana ang anak ko sa kagandahan ko. Miss Bacolod ata ako nung araw kundi mo lang ako ginayuma! Natural lang na magkagusto sa kanya kahit na si Philippe Jacobs pa!" sabi ni Aling Ditas.
"Saka mabuti na ang ilusyon, Tay," aniya at yumakap sa tatay niya. Kaysa naman matulad siya sa ate niya. Naturingang maganda at matalino pero di naman ginagamit ang utak pagdating sa pag-ibig. Hinila niya sa tabi niya si Zanti. "Nag-aaral bang mabuti ang baby ko?"
"Sabi po ng teacher ko, pwede daw po akong maging first honor," pagmamalaki nito. "Kaso inaway po akong ng classmate kong si Milby. Mas mataas daw po ang kasi ang grade ko sa kanya pero di daw po ako dapat matuwa. Kasi may tito daw po siyang artista. Dapat siya daw po ang sikat."
Nanlaki ang mata niya. "Aba! At may kayabangan pala ang classmate mo. Maniwala ka naman na may tito iyong artista." Ganoon naman ang mga bata. Kung anu-ano ang iniilusyon. Malamang ay gawa-gawa lang iyon ng kaklase ni Zanti para may maipagyabang at pansinin ng iba.
Kinusot nito ang mata na parang maiiyak. "Pinuputol po niya ang crayons ko saka pati coloring book po na regalo ninyo sa akin noong birthday ko, sinira din niya. Tapos tawa siya nang tawa kapag umiiyak ako."
"Nay, bakit di po ninyo sinabi sa akin na inaapi ang pamangkin ko?" reklamo niya sa nanay niya. Ingat na ingat siya kay Zanti tapos ay ibu-bully lang pala.
"Hayaan mo na. Nag-sorry naman na ang magulang nung bata," anang nanay niya. "Saka di naman malaking problema iyon."
"Kahit na! DI naman pwedeng apihin ang pamangkin ko!" Para sa kanya ay anak niya si Zanti. Sa kanya ito ihinabilin ng kapatid niya. Wala naman kasing amor ang ate niya kay Zanti. Ang importante dito ay ang pagmomodelo. Kaya inako na niya ang responsibilidad bilang ina nito. Di ito maaring masaktan nang basta-basta.
"Inaaway pa rin po niya ako kahit na sinabihan siya ni Teacher," sumbong pa ni Zanti. "Ayaw naman po niyang tumigil."
Tumayo siya at namaywang. "Aba! Aba! Hindi naman yata ako papayag diyan. Pinagbigyan na nga siya, umuulit pa rin. Ayoko pa mandin sa lahat iyong batang walang modo. Kung di siya tinuturuan ng magulang niya ng tamang asal, pwes! Ako ang magtuturo sa kanya."
"Pero artista daw po ang tito niya," paalala ni Zanti.
"Ano naman ang pakialam ko sa tito niyang artista? Hindi naman siya pamangkin ng presidente ng Pilipinas. Sige nga! Anong magagawa ng tito niyang artista oras na awayin ko siya?" katwiran niya. "Tingnan ko lang kung di matakot sa akin ang kaklase mo na iyon. Magtatanda tiyak siya."
"Hoy, Celestine! Ano iyan?" tanong ni Mang Puroy.
"Kakausapin ko iyong kaklase ni Zanti para di na siya maapi," wika niya. "Sumosobra na kasi, eh!"
"Magtigil ka nga, anak," nag-aalalang sabi ni Aling Ditas. "Huwag ka nang sumali sa away ng mga bata. Sa kanila na lang iyan. Matanda ka na, eh!"
"Nay, hindi ko pinag-aral sa mamahaling eskwelahan ang pamangkin ko para lang apihin ng batang iyon," katwiran niya. Sa isang mamahaling private school niya ipinasok si Zanti dahil nakita niya ang potensiyal nito bata pa lang. At mas mahahasa ang talino habang bata pa kung sa private school ito. "Pare-pareho lang namang nagbabayad ng tuition ang mga bata doon. Kung di maturuan ng magulang niya ang batang iyon ng magandang asal, ako ang magtuturo sa kanya!"
"Huwag ka na sabing pumatol sa bata!" giit ni Mang Puroy. "Beinte singko ka na. Mahiya ka naman, anak. Anim na taon lang ang aawayin mo."
Ngumisi siya. "Okay lang 'yan, Tay. Pumapatol naman kasi ako sa bata. At di ako papayag na madehado pa si Zanti."
Basta para sa pamangkin niya, lahat ay gagawin niya huwag lang itong masaktan. Ganoon siya kung magmahal. Di siya uupo lang sa isang tabi habang nakikitang nasasaktan si Zanti. Kailangan niyang lumaban para dito.
"NASAAN? Nasaan ang tiyanak na sinasabi mo?" nakataas ang kilay na tanong ni Celestine sa pamangking si Zanti habang iniisa-isa ang mga batang nag-aabang ng sundo malapit sa gate ng school.
Kinabukasan mismo ay siya ang sumundo sa pamangkin sa eskwelahan. Gusto niyang komprontahin ang malditong bata na umaapi sa pamangkin niya. Kalahi sila ni Gabriella Silang. At walang sinuman sa kanila ang magpapaapi.
Itinuro nito ang matabang batang nag-aabang din ng sundo habang nakapamaywang na akala mo ay siga. "Ayun po, Tita! Iyon po si Milby."
"Iyong tabachoy na iyon." No wonder nabu-bully ang pamangkin niya. Mas malaki pa yata ang braso ng batang iyon kaysa sa kanya. Kapag siguro dinaganan siya ay mababali ang mga buto niya.
"Halika! At kakausapin ko!" Hinatak niya ang pamangkin papunta sa bata. Saka nakapaywang na lumapit. "Excuse me. Ikaw ba si Milby? Ang classmate ni Zanti na bumali sa crayons niya at pumunit sa coloring book niya?"
"Opo! Ako nga po!" maangas na sagot nito. Nakakuyom pa ang palad nang tumingin sa kanya na parang laging handa na makipagbabag.
"Aba! At honest ka naman pala at magalang. Marunong gumamit ng po at opo, huh!" Nanlaki ang may kasingkitan niyang mata. "At bakit mo inaaway ang pamangkin ko, ha?"
"Ang yabang-yabang po kasi niya. Palibhasa lagi siyang highest sa exam kaya akala niya sikat siya. Eh, wala naman siyang tito na artista katulad ko. Kaya wala siyang karapatan na magyabang," katwiran ni Milby.
Umuklo siya sa harap ng bata at pilit na ngumiti. "Totoy, masamang magsinungaling. Magagalit ang Diyos."
"May tito naman talaga akong artista!" bulyaw sa kanya ni Milby.
Hinaplos niya ang mukha niya dahil nagtalsikan na yata ang lahat ng laway ni Milby sa mukha niya. Tumuwid na lang siya ng tayo para di niya muli pang ma-experience ang shower galore nito. "Huhulaan ko na lang kung sinong artista ang tito mo. Kung hindi si Palito, si Tado. Bagay na bagay silang maging tito mo kasi kasing cute mo sila," aniya at kinurot ito sa pisngi.
Iniwas nito ang mukha sa kanya. "Hindi! Si Tito PJ ang tito ko! Saka guwapo siya at macho. Sabi nga ni Lola, maraming babae ang may gusto sa kanya."
"PJ?" Nagsalubong ang kilay niya at nag-isip kung sinong artista ang PJ. "Ah! PJ! Si FPJ! Si Fernando Poe Jr!" Kaya naman pala ito mayabang ay dahil si FPJ ang tito nito. "Huh! Kung tito mo si FPJ, ninong ko naman si Erap. Kilala mo ba si Erap? Iyong kumpare ni FPJ. Dating presidente ng Pilipinas iyon."
Akala naman ng Milby na iyon ay ito lang ang mayabang. Siya rin naman kaya niyang magyabang. Ninong naman talaga niya si Erap. Ibang Erap nga lang. Iyong ninong niya na Joseph Estrada rin ang pangalan na matadero sa palengke.
"Kapag nakita ko ang tito ko, isusumbong kita!" banta nito.
"Eh, di magsumbong ka sa kay FPJ. Hindi ako natatakot!" Kung artista man ang tito nito, malamang ay extra lang.
Sumibi si Milby. Parang iiyak na. Hinila-hila ni Zanti ang kamay niya. "Umuwi na tayo, Tita. Baka nga isumbong niya tayo sa tito niyang artista."
"Hindi! Ipagtatanggol kita. Ikaw ang inapi kaya ipaglalaban kita."
Nang mapansin niyang may pumaradang bagong-bagong Ford Explorer sa di kalayuan. Napanganga siya nang bumaba doon ang isang guwapo at matangkad na lalaki. Naka-shades ito na lalong nagpakisig dito. Matangos ang ilong. Maganda ang labi nito na parang masarap humalik. Iyong tipong isang halik pa lang ay parang nakarating ka na sa langit.
Makisig na makisig ito sa suot na cream long sleeve polo na bukas ang top button at gray na slacks. Nanginig ang tuhod niya nang ngumiti ito. Tinangal nito ang shades at tumingin sa direksiyon niya. Parang malalaglag na ang puso niya. And it was no ordinary guy. It was Philippe Jacobs.
Parang hihimatayin na siya kinatatayuan. Di niya inakalang makikita niya ito sa personal. It must be fate! Gusto niyang magtitili ng "I love you, Philippe!" Nais din niyang magtatakbo sa direksiyon nito, yakapin ito at halikan.
At nakatingin ito sa kanya. Nakangiti. Iyong ngiti na parang siya na ang pinakamagandang babae sa mundo. Ang ganda ko talaga! Pero anong gagawin ko kapag lumapit siya sa akin? Baka hindi ako makapagsalita.
It was a once in a lifetime opportunity. Di niya alam kung magpapa-picture siya o magpapa-autograph o tutumba na lang siya basta sa sobrang kilig dito. Mabuti na lang maganda siya. Stallion Shampoo yata ang gamit niya kaya di na niya problema ang kagandahan niya.
"Si Tito PJ!" sigaw ni Milby.
Saka lang niya naalala ang batang tiyanak at ang ipinagmamalaki nitong tiyuhin. "Nasaan? Nasaan ang tito mo, aber?"
Kumaway si Philippe. "Milby!" tawag nito sa bata.
"Tito PJ!" tuwang-tuwang bati ni Milby at patakbong lumapit dito.
Natulala na lang siya nang magyakap ang dalawa. Ang tiyanak na kaa-kaaway lang niya kanina ay pamangkin ng dream guy niya na si Philippe Jacobs.
Hindi malubos-maisip ni Celestine kung paanong ang maldito at tabachoy na batang tulad ni Milby ay may tiyuhin na guwapong-guwapo at mukhang anghel na katulad ni Philippe. Malay rin ba niyang ito ang artista na tiyuhin ni Milby? Malay ba niya kung sinong PJ ang tinutukoy nito. Akala niya ay si FPJ.
"Tito, may umaaway po sa akin na matandang babae," sumbong ni Milby.
Nanlaki ang mata niya. Ako? Bata at sariwa, matandang babae? Kung di lang pamangkin ni Philippe ang Milby na iyon, lagot ito sa kanya.
"Sino ang nang-aaway sa iyo?" tanong ni Philippe na parang galit.
"Ayun po, o!" anang si Milby at itinuro siya.