DI inaalis ni Jemaikha ang tingin kay Hiro habang bumibiyahe sila papuntang sa main stable ng Stallion Riding Club. Doon daw nila makikita ang girlfriend nito.
Inayos niya ang sleeve ng long sleeve blouse na ibinigay nito. He even gave her jeans and boots. Anong klaseng girlfriend iyon? Di man lang nagseselos. Di ba alam ng babaeng iyon na ex ako ni Hiro? Tumingin siya sa labas at tanaw na ang main stable. Bakit naman siya magseselos sa akin? Di nga ako nahalikan kahit minsan ng kumag na Hiro na ito. Baka sila nga nasa ibang level na ng relationship. Hindi tulad namin ni Hiro na parang pang-children's book lang ang love story.
"Si Reiki?" tanong ni Hiro sa stable boy nang bumaba sila ng kotse.
"Nasa loob po ng stable. Kakakain lang. Sasamahan ko na po kayo."
"Dito ba nagtatrabaho ang girlfriend mo?" tanong niya. Ang mga babae kasi na pwedeng tumira sa loob ng riding club ay iyong mga empleyado lang.
Ngumiti lang sa kanya si Hiro at hinila ang kamay niya papasok ng stable. Ni hindi man lang sinagot ang tanong ko. Parang nakakaloko.
Ano kaya ang itsura ng girlfriend nito? Mas maganda siguro sa kanya.
"Nasaan ang girlfriend mo?" tanong niya nang pagdating sa dulo ng stable ay wala siyang makitang tao. Puro kabayo lang ang naroon.
Ang kaharap lang ni Hiro noon ay isang kulay bay na kabayo na may dark spots sa ibang bahagi ng mukha. At sa tarangkahan ng kulungan nito ay nakalagay ang pangalang Reiki. "Ito? Ito na ang girlfriend mo? Kabayo?"
"Hai, soo desu," ibig nitong sabihin ay tama siya. "She's an Appaloosa that I acquired from an auction when she was a filly."
Namaywang siya. "This is one of your jokes, right?" Akala ko pa mandin ubod nang bait ang girlfriend niya. Iyon pala kabayo lang.
"Reiki-chan, kochiri wa Jemaikha-chan desu," pagpapakilala ni Hiro sa kanya.
"Marunong din siyang mag-Nihonggo?" Nang humalinghing si Reika at mabilis siyang nagtago sa likuran ni Hiro. "Hiro, nagseselos yata sa akin."
Tumawa si Hiro. "Nice meeting you daw. Hawakan mo siya."
Umiling siya. "Ayoko. Baka kagatin niya ako."
"Hindi iyan nangangagat. Saka dapat lang na maging close kayo dahil siya ang sasakyan mo habang nandito ka sa riding club."
Umiling siya. "Ha? Kailangan ba talagang sumakay ako ng kabayo?"
"Kung hindi ka marunong, okay lang. Tuturuan naman kita. Saka kailangan mong matuto dahil ipapasyal natin ang mga investors. Hindi ka pwedeng mag-kotse dahil may mga lugar na puro horse trail lang."
Naipadyak niya ang paa. "Takot kasi ako sa kabayo."
"Mabuti pa, sa akin ka muna umangkas. Hindi ka na siguro matatakot kung kasama mo ako. After that, I will teach you to ride the horse on your own."
Napilitan na lang siyang tumango. Kailangan niyang matuto dahil parte iyon ng trabaho niya. Isang linggo na nga lang siya dito, papalpak pa siya.
Inilabas ang paboritong kabayo ni Hiro na si Raiga. "You go first," sabi nito at pinatuntong siya sa isang box. Nakaalalay ito sa tabi niya habang hawak ng stable boy ang kabayo. "Hold the reins with your left hand and grab the saddle horn with another." Sinunod niya ang instruction nito. "Ilagay mo ang kaliwang paa mo sa stirrup then pull yourself up."
Nagdasal muna siya bago sinunod ang sumunod nitong instruction. Napapikit siya sa sobrang tensiyon nang makaupo na sa saddle. Malakas na malakas pa rin ang kaba sa dibdib niya hanggang maramdaman niyang nakasampa na rin si Hiro sa kabayo at nakaupo sa likuran niya.
"You did great, Jem," bulong nito sa kanya.
Napadilat siya nang maramdaman ang mainit nitong hininga sa tainga niya. Ibang kaba tuloy ang naramdaman niya. Nang maramdaman niya ang matipuno nitong katawan sa likuran niya ay lalo siyang kinabahan. "What's next?" tanong niya at bahagya nilingon. Hahalikan na ba siya nito?
"Now use your legs to gently kick your horse to make him go."
"D-Dahan-dahan?" Tinapik ng paa niya ang tagiliran ng kabayo. Napatili siya nang bigla iyong tumakbo nang mabilis. "Anong nangyayari? Bakit tumakbo agad?"
"Sabi ko sa iyo mahina lang, di ba? Nalakasan mo yata."
"Make him stop, Hiro! Make him stop!" tili na niya. Nanlaki ang mata niya nang makitang puro puno na ang nasa harap niya. "Babangga tayo!"
"Ho!" utos ni Hiro at hinila nito ang renda. Tumigil si Raiga sa pagtakbo.
"Hiro! Ayoko nang sumakay. Bababa na ako," mangiyak-ngiyak niyang sabi. "Maglalakad na lang ako habang nagho-horseback riding kayo."
"Silly. Of course you can learn how to ride." Kinabig nito ang baywang niya at napasandal siya sa katawan nito. "All you have to do is follow instructions and you will do great. Hindi naman kita pababayaan. Kasama mo ako."
Kung may isang bagay siguro na di mawawala sa kanya, iyon ay ang tiwala niya kay Hiro. Ngumiti siya at pinahid ang luha. "Pwede ko na ba siyang patakbuhin ulit? Because I want to learn how to fly."