Chereads / He Named Me "A Flirt" / Chapter 3 - Plastic!

Chapter 3 - Plastic!

"Hi Gail, welcome pala sa NERD family." Ngumiti si Carl. Ngiting nakaka-insulto habang nilalamon ang tinapay at inabot sa 'kin ang kamay niya.

Sumukli ako ng ngiti sa kanya. Parang gusto ko siyang lapain at balatan. Uso pa pala ngayon ang plastikan?

"Bakla! Gago ka." Iyon ang gusto kong isigaw sa kanya. Pinigilan ko nalang ang nangangati kong dila. Sobrang nakakatimpi ang ginawa niya. Breath-in, breath-out. Tatlong beses kong ibinulong iyon sa aking sarili. Sinundan ko nalang ng mga tingin ang lalaking sa palagay ko ay sinaniban ng demonyo. Hindi kaya ay bakla siya at naiinggit lang sa beauty ko? Natawa tuloy ako sa sarili ko.

"Hoy Carl, ano 'yung binulong mo kay Gail? Nakita ko 'yun, ha." Mayamaya ay sigaw ni Dexter. Hindi ko sila pinansin. Talagang nagpupuyos ang damdamin ko.

Walang imik na ipinagpatuloy ko nalang ang aking trabaho. Pati sa lunch time ay mag-isang lumabas ako upang kumain. Hindi ko kayang harapin ang taong kina-iinisan ko. Sa palagay ko ay nawala ang mala-anghel niyang mukha at tinubuan siya ng napakataas na sungay at nagmumukha na siyang demonyo sa paningin ko.

Bandang alas singko na nang mapansin ko ang oras. Nagsitayuan na ang iba samantalang ako ay in-arrange pa ang mga papel na natapos ko. Aksidenteng napadako ang tingin ko kay Carl. Seryoso ito pero minsan nahuhuli ko siyang napapatingin sa 'kin.

"Gail, tama na muna 'yan. Alas singko na. Uwian time na. Bukas mo na ulit pagtyagaan ang mga iyan." sabi ni ate Candy, isa sa mga kasama kong mas matanda sa akin ng tatlong taon. Nasa Designing Unit din siya kasama nina Carl.

"Opo ate Candy, aayusin ko lang muna ang mga ito." Wika ko. Matapos ayusin ang mga papel ay tumayo na ako at nagpaalam sa iba kong kasamahang naiwan pa roon. Wala si Carl nang lingunon ko ang mesa niya.

Ganun' nalang ang pagkagulat ko nang paglabas ko ng opisina ay muntik na kaming magkabangga sa pinto.

"S…sorry." Ang halos ay hindi ko maisatinig. Walang imik na dumeretso lang siya sa loob.

[Carl's POV ]

"You're a damned flirt and I don't like you."

Natatawang napailing-iling ako nang maalala ang reaksyon ni Gail sa aking sinabi. Hindi ko rin alam kung saan nanggaling ang mga katagang iyon. Ang alam ko lang hindi ako interesado sa kung sino man. At wala akong pakialam kung ano ang magiging tingin niya sa akin. Galit ako sa lahat. Galit ako sa lahat ng babae! Sigaw ng aking isipan.

"Oy Carl, ano'ng minumuni mo dyan?" siko ni Nanay Perla sa 'kin habang nasa labas ako nagpapahangin. Siya na ang tumayong magulang ko nang kapwa maaksidente ang mama at papa ko noong high school palang ako. Siya ang nakakatandang kapatid ni mama.

"Wala Nay, may naisip lang ako." Kamot ko sa ulo. Nilingon ko siya ulit at nginitian. Lumabas pa ang mga gatla nito sa noo nang titigan niya ako.

"Nako, binata ka na, Carl. Alam ko na ang mga ganyan. Girlfriend mo ano?" tukso niya sa 'kin habang kiniliti ang kili-kili ko. Minsan inaakala kong manghuhula ito.

"Nanay, hindi. Ang dami ko pa lang kasing tatapusin. Nagpapahangin ako rito kasi gusto ko magka-idea sa sisimulan kong bagong designs bukas." pagkukunwari ko sa kanya habang pilit tumitingala sa kalangitan.

"Kuu, talagang bata ka. Tatanda ka na talaga n'yan. Isipin mo bente-syete ka pa nga lang pero ang dami mo nang iniisip. Talo mo pa ang mag-aakyat ng ligaw n'yan at mag-aasawa na."

"Nanay naman, talagang workaholic lang po siguro talaga ang pamangkin ni'yo. Hindi ba?" wika ko sa kanya habang niyayakap siya. Wala siyang alam tungkol sa nangyari sa 'kin nang pinabugbog ako ng ama ni Stephanie noon. Dalawang linggo akong hindi umuwi sa bahay at nagboarding house. Pinahilom ko muna ang mga sugat ko bago ako umuwi upang hindi na siya mag-alala pa. Ang sinabi ko lang sa kanya ay nakipagbugbugan ako sa mga snatchers.

[End of POV]

Maaga akong gumising dahil plano kong maglakad-lakad muna sa buong subdivision para kahit papaano ay makapag-exercise ako. Tiningnan ko ang relo ko, alas sais pa naman samantalang alas otso pa ang duty ko. Naghilamos na muna ako at nagbihis ng jogging pants. Nasa kusina na si Manang, maagang nagluluto. Kaya nagpaalam na muna ako.

Lumabas na ako ng subdivision para mataas-taas kahit paano ang malalakad ko.

"Gail…" napalingon ako kung sino.

"Jay?" tumango siya. Ito lang naman kasi ang kapit-bahay naming pinagpapantasyahan ng mga teenager sa amin. Ewan ko ba sa mga babae rito sa amin. Sabagay, may itsura naman kasi ito. Naging kaklase ko rin ito noong elementarya ngunit nasa Maynila kasi ito naghigh school at nagtapos ng kolehiyo. Ngayon pa yata ito nakabalik dito sa 'min.

"Pwede sumabay sa 'yo?" tanong niya sa 'kin habang kinukuha ang headset sa tainga niya. Naka-jogging pants rin ito na sa tanto ko ay nagjo-jogging rin.

"Oo naman. Kailan ka lang pala dumating?" Binaling ko ang mga mata ko sa daan.

"Last week pa. Kaka-resign ko lang kasi sa trabaho ko sa Maynila. Plano ko kasing tulongan muna si mama sa pag-aalaga kay papa. Nabalitaan mo naman sigurong inatake si papa, hindi ba? Saka siguro tutulongan ko na rin dito si mama sa pag-aalaga sa pharmacy ni papa.

"Kahit kailan, ang bait mo talaga." Nakangiting nilingon ko siya. Tulad ko, nag-iisang anak lang rin ito. Ngayon ko lang napansin na malaki na nga pala talaga ang ipinagbago ng taong ito. Maskulado na ang kilala ko noong patpating Jay.

"Gusto mo mag merienda muna tayo? Maaga pa naman." Huminto kami sa tapat ng coffee shop. Pumayag na rin ako. "Sabi ko naman kasi sa 'yo na harmless ako. Hindi mo lang ako sinagot noon bago ako umalis." Naalala ko nga pala. Minsang nga pala akong niligawan ni Jay noon bago ito mag-transfer ng eskwelahan sa Maynila. Malay ko ba, eh, ang bata-bata pa namin noon at wala pa akong alam sa pagsyosyota.

"Bakit? Hindi ka pa rin ba nagka-girlfriend?" Biro ko sa kanya. Natawa naman ito saka tumayo na upang mag-order ng merienda namin. Agad na napalingon ako sa para yatang sinadyang nilakasan ang pagtikhim ng nasa kabilang mesa.

Nanlaki nalang ang mga mata ko kung sino iyon. Nakatitig ito sa akin habang malakas na hinigop ang kape sa hawak na tasa. Pati ang pabagsak na paglapag nito sa mesa ay nakakagulat rin.

"Sabi ko na nga ba at tama ang sinabi ko, eh." Wika nito saka dinampot mula sa mesa ang cellphone sa mesa at parang may binasa. "You're a damned flirt." Agad na isinuot nito ang headset sa tainga at ngali-ngaling tumayo na at naglakad. Hahabulin ko pa sana ito at tadyakan ang pribadong parte sa gitna ng kanyang legs nito ngunit hindi ko na nagawa. Napalingon tuloy si Jay sa akin sa ginawa kong ingay nang hilahin ko ang silya at umupo ulit.

"Hey, Gail." Napalingon ako nang lapitan ako ni Jay.

"Uhm, ha? Ano kamo ang sinabi mo?" wala sa sarili kong tanong sa kanya.

"Ito na 'yung kape." Wika ni Jay saka inabot sa 'kin. Umagang-umaga ay na-high blood kaagad ako sa Carl na iyon. Akala ba niya ay oras niya lang lagi para insultuhin ako? Huh! Makikita niya mamaya pagdating ng opisina!

Pagdating ko ay halos hindi na ako makalakad nang makasabay kong pumasok ang tanging taong sumisira ng aking araw. Gusto ko siyang tadyakan, bulyawan at kalmutin!

"Good morning to the two of you." Sabay kaming napalingon kay sir Mikee.

"Good morning, sir." Magkapanabay pa naming sagot. Nagkatinginan kami ni Carl. Naniningkit ang mga mata ko sa kanya.

"Hi Gail, good morning din sa 'yo. Nagkasabay pa tayong dumating." Pangiti-ngiting sagot niya sa 'kin. Mas lalong tumaas ang dugo ko. May gana pa siyang kausapin ako pagkatapos ng mga ginagawa niya sa akin? Ang kapal-kapal talaga ng mukha nito, eh. Mas makapal pa sa mga papeles na in-encode ko. Ilang sandali ring parang nagtuos ang mga paningin namin. May namuong plano sa isip ko. Sasabayan ko ang sayaw na ginawa niya. Gusto kong bumuhakhak ng tawa sa iniisip ko.

"Good morning too, Carl." Pairap kong wika sa kanya. Napansin ko ang medyo pagkagulat niya sa reaksyon kong pagngiti sa kanya.

"Abah, mukhang magkaibigan na kayo, ah. Nagkakamabutihan na agad?" Tukso ni ate Candy sa 'min. Napabikit lang ako ng balikat at umupo sa swivel chair ko.

"We just need to be friendly para laging masaya ang araw natin. Hindi ba, Gail?" What did he just say? Sumukli ako ng ngiti sa kanya at tumango.

"Oo, naman. Tama ka!" Halos isuka ko ang mga ngiting ginagawa ko sa kanya. Napansin ko ang pagkunot ng noon i Ate Candy at Ate Susan pati na ang paglipat-lipat nila ng tingin sa aming dalawa ni Carl.

Mayamaya pa nang dumating na si Dexter ay may nakasunod na dalawang kleyente rito. Siguro ay magfiancee ang dalawang iyon. Mukhang half chinese ang lalaki pati na ang babaeng kasama nito.

"Yes, sir, ma'am? Ano po ang maipaglilingkod namin?" Ang salubong ni ate Susan sa dalawang kakapasok lang. Sumenyas ito kay Dexter.

"Hi, kami ang tumawag the other day. We were requesting for new billboards designs for our company and a big tarpaulin for our wedding." Wika ng lalaki nang makaupo ito.

"Sir, Mikee. Sila raw po 'yung tumawag kahapon. Ma'am, sir, na-receive po namin ang request ninyo. Kailangan ni'yo nalang po'ng kausapin ang technical group namin para po sa designs na gusto ninyo. I'm gonna refer you to sir Mikee." Agad naman na tumayo ang dalawa at lumapit kay sir Mikee. Napansin ko ang mga masamang tingin ni Carl sa magandang babaeng nanatiling nakayuko lang habang kausap ni sir Mikee ang fiancée nito.

Nag-arko ang mga kilay ko? Akala ko ba at may pagkabakla itong si Carl? Siguro ay insecure na naman ito sa beauty ng babaeng kleyente. Natawa tuloy ako sa iniisip ko. May namuo na namang plano sa utak ko. Saktong may papipirmahan naman ako kay ate Candy kaya sinadya ko siyang lapitan.

"Ang ganda niya, ate Candy, ano?" Diin ko sa salitang 'ganda' upang makita ang reaksyon ni Carl. At hindi nga ako nagkakamali. Galit ang reaksyon nito. Nagulat pa ako nang bigla itong tumayo at lumabas ng opisina. Confirm! Bakla nga ito! Halos gusto kong palakpakan ang sarili ko sa aking ginawa.

Nang makaalis na ang mga kleyente ay nakita kong lumapit si ate Candy kay Dexter at may ibinulong. Hindi naman ako lumapit dahil baka sabihin nilang tsismosa ako. Ilang sandali pa ay dumating na rin si Carl. Nakakunot ang noo nito at halos padabog na ibinagsak ang sarili sa silya.

"Carl, by the way, this will be our next project for Mr. Luke." Lumapit si sir Mikee sa kanya at may ipinakitang dokumento. "Trabaho lang, guys. This is just work!" Nalito ako sa ibig sabihin ni sir Mikee.

"I think we need someone who could help you with this, Carl. Masyado pa kasing tambak ang trabaho nina Candy at Dexter. We need to meet all the deadlines as much as possible." Lumingon si sir Mikee sa 'kin. "Gail, could I ask a help from you?" Tanong niya sa 'kin.

Hindi naman ako nag-alangan sa pagsagot. "Yes, sir." Lumapit ako sa kanila.

"I think Carl would gonna need an assistant for this. Nabasa ko naman sa resume mo na may background ka sa designing at paggamit ng Photoshop, so I think you could help him on the proposal of Mr. and Mrs. Lim."

Tiningnan ko si Carl. Walang ka-emo-emosyon ang mukha niya. Ex niya kaya ang babaeng 'yun?O kung hindi man, bakla talaga siya. Ang paulit-ulit na bulong ko sa aking isipan.

"Sir, I can handle this alone. Gail, I'm just gonna call you kung sisimulan ko na ito." Tumango lang ako sa kanya at bumalik sa upuan ko. Naguguluhan man ay hindi ko nalang pinansin ang pag-iiba ng mood ni Carl. Buong araw yata itong walang imik. Hindi rin ito kumain ng lunch. Hindi na rin ako in-insulto nito.