Chereads / He Named Me "A Flirt" / Chapter 8 - Gail, Mahal ka Kaya ni Carl

Chapter 8 - Gail, Mahal ka Kaya ni Carl

"Surprise!" Sabay kaming napalingon nang bumukas bigla ang pinto at halos magkasiksikang pumasok ang mga kasamahan namin sa opisina na may dala-dalang mga balloons at prutas.

Gusto ko silang sigawan at murahin. Bakit ngayon pa? Gusto ko silang palayasin.

"Carl, kaya pala wala ka sa kwarto mo. Ang aga mo namang nanligaw." Tukso ni sir Mikee kay Carl dahilan nang pagtatawanan ng mga kasamahan ko. Hindi ko nilingon ang reaksyon niya dahil ayaw kong makita iyon. Ayaw kong kumapit sa kahit kaunting lubid ng pag-asa na mayroon ako ngayon.

"Oh siya Gail, Carl. Kumusta naman kayong dalawa? Ikaw Carl, alam kong may sugat ka. Kumusta na?" sunod-sunod na tanong ni sir Mikee sa 'min habang papalapit sa kama ko at umupo sa silya.

Ginalawa-galaw ni Carl ang siko niya. "Medyo okay naman po, sir Mikee. Hindi naman po masyadong grabe iyong sugat ko." sagot nito.

"Mabuti naman Carl. Kuu, sobrang nag-alala talaga kami sa nabalitaan namin. Lalo na nang makita ko iyong motorsiklo mo roon sa tabi ng tulay. Akala ko kung ano na ang nangyari sa inyo." Nag-aalalang sagot ni ate Candy. Napaka-exage nito kung maka-react. Natawa nalang kaming lahat sa sinabi nito. Hinampas pa siya sa balikat ni Ate Susan kaya napatakip siya sa baba niya habang humahagikhik ng tawa.

"Ikaw, Gail, okay ka na rin ba?" Baling sa akin ni sir Mikee. Tahimik lang kasi akong nagmamasid sa kanila.

"Opo, okay na naman po ako. Kaunting galos lang naman." Kiming wika ko.

" Oh siya ito, may mga dala kaming kunting salo-salo. Since andito ka na rin Carl, dito ka nalang maki-kain." Wika ni ma'am Leah habang nilalagay sa mesa ang bitbit nitong mga pagkain. Sobrang ingay sa loob ng kwarto ko. Alam kong hindi na rin nakisali sina mama dahil halos ay magsiksikan na sila. Hindi naman kasi ganoon kalakihan ang kwarto ko sa ospital.

Mayamaya pa ay napalingon kaming lahat nang bumukas ang pinto at pumasok si Dexter. May dala itong kumpol ng mga bulaklak. Alam kong para sa 'kin iyon. Kanino pa ba? Ngumiti siya nang makita ako at lumapit.

"Gail, for you." In-abot niya ang bulaklak sa 'kin. Natahimik ang lahat. Lahat ng mga mata ay nakatuon sa aming dalawa.

"Oyyyy!" napalingon ako sa mga kasamahan ko. Lahat yata sila ay nagkagulo. Napuno ng tuksohan sa aking kwarto. Pero hindi ko alam kung matutuwa ba ako. Nang abutin ko ang kumpol ng bulaklak ay palihim na nilingon ko si Carl na nasa kabilang sulok. Hindi ko alam kung namamalik-mata lang ba ako. Hindi ko alam kung tama ba ang nakikita ko. Nagulat ako sa reaksyon niya. Nakasimangot siya. Tila ba hindi nito gusto ang nangyayari sa paligid. Sa mga sandaling iyon ay tila gustong magbunyi ng aking puso.

"Gail, sorry talaga. Kasalanan ko rin naman kung bakit nangyari sa iyo ito. Sana hinatid nalang kita noon." Hingi niya ng paumanhin sa akin habang umuupo sa tabi ko. Hindi ko alam na nagsasalita pala si Dexter. Lumilipad ang utak ko sa reaksyon ng mukha ni Carl kani-kanina lang. "Gail, I am really sorry." Hinawakan ni Dexter ang balikat ko dahilan ng ikinagising ng diwa ko.

"Uh...Dexter, okay lang. You don't have to ask sorry. At least naligtas 'yung bata, 'di ba? Kung hindi nangyari ito, panigurado ay nabenta na pati kaluluwa ng batang iyon sa mga masasamang tao. Everything has a purpose." Ani ko kay Dexter dahilan nang mapayakap siya sa 'kin na halos ay ikinabigla ko. Nakita kong lumingon si Carl. At kitang-kita ng dalawang mata ko ang reaksyon niya. Galit siya! Nakita ko ang paniningkit ng kanyang mga mata at ang tila pagtiim ng bagang nito. Sinadya ba nitong salubongin ang mga tingin ko upang ipakita sa akin ang reaksyon niya? Hindi ko alam kung matutuwa ba ako. Lihim na napangiti tuloy ako.

"D…Dexter hindi ako makahinga." Wala na akong ibang maisip na dahilan upang makaiwas.

"I'm sorry. Pasensya ka na at sobrang nag-aalala lang talaga ako sayo, Gail." Ngumiti lang ako kay Dexter. Ilang sandali pa ay nakita kong lumapit si Carl gamit ang wheelchair niya.

"Gail, balik na ako, ha. Kailangan pa kasing e-examine at e-exray itong braso ko. " paalam sa 'kin ni Carl at sa ibang kasamahan namin. Umalis na ito. Inakay nalang siya ni ate Candy palabas. Gusto ko man siyang pigilan at manatili sa tabi ko pero hindi ko magawa. Sa tingin ko ay mababaliw ako sa pagkakataong ito. Litong-lito na ang isip ko.

********************************************************

[Carl's POV]

"Carl." Untag sa 'kin ni Candy. "Oy, Carl, ha. I know what you are thinking. Nahahalata ko na at nababasa ko na iyan. Si Gail ba?" Napalingon ako kay Candy habang tulak-tulak niya ang wheelchair ko.

Hindi ako sumagot.

"Sabi na, eh. Alam ko na at nararamdaman kong may gusto ka kay Gail. Nakita ko ang reaksyon mo kanina nang yakapin siya ni Dexter." Dugtong pa nito. Mas lalong nag-arko ang aking mga kilay.

"You're joking. Gusto siya ni Dexter at nakikita kong may gusto rin si Gail sa kanya. " Kinalma ko ang sarili ko. Ngunit hindi iyon ang gusto kong sabihin.

"Ibang usapan na 'yun. Ang pinag-uusapan natin dito ay ikaw yata ang may gusto kay Gail." Ulit na sabi nito. Ngayon palang ay parang gusto ko nang bumaba sa wheelchair at maglakad.

"Pareho pa rin 'yun." sagot ko sa kanya habang papaliko na kami papunta sa kwarto ko.

"Aminin mo na kasi. Ayieh!!!" Kiniliti ako ni Candy sa tagiliran ko. Hindi ko nalang siya pinansin.

Kinilit niya ulit ako nang mapatigil ako sa pinto ng aking kwarto.

"Candy, ano ba? " saway ko sa kanya nang napahinto kami sa pinto papunta na sa kwarto ko.

"Aminin mo na kasi." Pamimilit niya sa akin.

"Oo na. I like her. Stop it." Nasapo ko ang bibig ko. Napatigil na rin nang pagtawa si Candy. Hindi na ako umimik pa. Sanay na kasi ito sa 'kin. Kapag galit na ang makikita niya sa mukha ko ay tumatahimik na rin siya at hinahayaan ako.

Nakatungangang pinaandar ko ang telebisyon ngunit pinatay ko naman iyon kaagad. Matapos akong iwan ni Candy at bumalik na sa kwarto ni Gail ay panay na ang buntong-hininga ko. Ginawang rason ko nalang ang balikat ko upang makaiwas. Bukas pa naman talaga ako e-examine ng mga doktor.

Nagpabaling-baling ako mula sa pagkahiga. Napangiti ako nang bumalik sa isipan ko ang mga nangyari.

"Gail…" tawag ko sa kanya.

"Uhm, bakit?" mahina niyang tanong. Sa palagay ko ay kinakabahan siya.

"Pwede mo ba muna akong samahan sandali? May bibilhin lang ako. Sandali lang talaga. Pagkatapos ay ihahatid naman kaagad kita." Hinihinaan ko lang ang pagmamaneho.

"Okay, sige." Saad niya. May namuong plano sa isip ko.

"Ano ba bibilhin mo?" tanong niya sa 'kin.

"Condom." Nakangising sagot ko. Ramdam ko ang pagkabigla niya sa likod ko. "Are you kidding me?" hampas niya sa likod ko. "Ibaba mo nga ako." Sigaw niya sa 'kin.

"Gail, you're so sensitive. I am just joking." Nakatawa kong sagot. Ang totoo niyan ay bibili lang naman talaga ako ng gamot na inutos sa 'kin ni Manang Perla.

"Ibaba mo ko sabi, eh. Carl, ano ba." Sigaw niya ulit sa 'kin. Naramdaman kong natakot siya kaya inihinto ko nalang ang motorsiklo.

"Ano ba, Gail? Gusto mo ba talagang maiwan ditong mag-isa? Sabihin mo lang. Madali akong kausap." Sinubukan ko siyang galitin ulit. Pero wala naman talaga akong planong iwan siya.

"B…because you are saying such things na nakakatakot." Irap na sagot niya sa 'kin. Natuwa pa ako sa reaksyon niya at sa mga masasamang tingin na ipinukol niya sa akin. Ewan ko ba at natutuwa yata akong nagagalit at naiinis siya sa 'kin.

"I said I was just joking, okay?" nilapit ko ang mukha ko sa kanya. Bigla siyang umiwas sa 'kin. Sinaway ko rin ang sarili ko. Sa palagay ko kasi ay inuutusana ako ng alak na gumawa ng masamang balak.

"Kung gusto mong magbiro ng ganoon, 'wag sakin. Okay? Saka ano ba, umalis na tayo kasi gabing-gabi na. Medyo madilim na rin dito. Alam kong nag-aalala na nang sobra si Manang Flor sa 'kin." pamimilit niya sa akin. Nakita ko ang pagyakap niya sa kanyang sarili. Kung nakadala lang sana ako ng jacket ay ipapasuot ko iyon sa kanya. Naiwan ko kasi sa opisina.

"Okay, fine pero samahan mo muna ako." Pinaandar ko ang motorsiklo. Napalingon ako kay Gail nang kapwa makarinig kami ng sigaw ng isang babae.

"Have you heared that?" bulong ko sa kanya.

"Tulong!!!!" sigaw ulit ng babae.

Bumaba ako ng motorsiklo at ni-lock iyon.

"Dito ka lang. Bababa ako." wika ko. In-on ko ang flashlight ng aking cellphone upang mabigyan ng liwanag ang madilim na bahagi ng tulay kung saan ay naghahanap ako ng madadaanan upang makababa.

"Carl, sasama ako sa 'yo. Tutulongan kita." Pigil niya sa braso ko. Wala naman akong nagawa kundi ang pumayag.Hindi rin naman kasi tamang iwan ko siyang mag-isa.

"Okay sige, halika." Hinila ko siya. Nararamdaman ko ang medyo panginginig ng kanyang kamay kaya hindi ko siya binitawan.

"Slowly." Bulong ko sa kanya.

"Carl," mahinang tawag niya sa 'kin. Tinuro niya ang direksyong may liwanag. May isang maliit na kuboat isang berdeng Multicab. Nakita namin ang nakagapos na dalagita sa haligi ng kubo. Masyado pa'ng bata iyon.

Hinawakan ko ang kamay ni Gail nang mahinahong lumalapit kami sa kubo.

"Tiba-tiba na naman tayo kay boss nito. Malaking pera ang makukuha natin kung nagkataon." Wika ng isang balbasing lalaki sa isang lasing na boses.

"Ibebenta nila ang bata? Ano 'yun, laruan? Gulay? Bahay? Kotse? Tao iyon, tapos ibebenta?" gigil na wika ni Gail. Natawa ako sa kanya. Sinulyapan ko siya.

"SShhh!" sita ko. "We need to find ways para mailigtas natin ang babae." Bulong ko sa kanya. Tumango-tango rin ito.

"Sarap pangbatukan ang mga lalaking iyon, huh. Biruin mo ibebenta lang nila ang babaeng iyon? How dare him. Kapag nahuli ng mga pulis ang mga iyan, pagsasampalin ko iyan, eh." Nakasimangot ang mukha ni Gail nang lingunin ko. Sabagay, sino ba naman ang matutuwa sa nakikita naming ngayon, hindi ba?.

"Cute ka naman pala kapag nagagalit." Ang nasabi ko. Nasapo ko ang baba ko. Hindi ko dapat sinasabi iyon ngayon sa ganitong sitwasyon.

"Carl, pwede ba. Kung anu-ano mga sinasabi mo. Nasa dilikadong sitwasyon tayo, oh." Saway niya sa 'kin. Oo nga naman. Sinaway ko ang sarili ko. Huwag ngayon, Carl. Huwag sa oras na ito. Bad timing ka! Sigaw ng aking isipan. Natawa tuloy ako sa sarili ko.

"Feeling ka naman?" wika ko para makabawi. Ayaw ko kasing may iisipin siyang masama sa mga sinasabi ko.

"Nagsisimula ka na naman ba ng away?" lingon niya sa 'kin. Hindi ko napigilan ang sarili ko nang magkasalubong ang aming mga paningin. Hinalikan ko siya. Sandali lamang iyon pero sapat na iyon para tumahimik siya at upang maramdaman niya na mali ang pagkakilala niya sa 'kin sa isang banda. Palihim na nilingon ko siya. Ilang sandali rin siyang natulala. Gusto kong sapakin ang sarili ko. Hindi ko napigilan. Papaano kung layuan niya ako? Papaano kung tumakbo siya ngayon palayo sa 'kin. Sinaway ko ang sarili ko. Eh, ano ngayon kung lalayo siya? Ano naman ngayon sa akin kung mangyayari ang bagay na iyon?

" I'm sorry. I did it para tumahimik ka." Pagkukunwari ko. "Hey, did you like the kiss? Natulala ka yata dyan?" pagkukunwari ko ulit.

"You shut…" inilapat ko ang hintuturo ko sa mga labi niya.

"Try to make it loud and I'm gonna kiss you again." Babala ko sa kanya. Agad namang natahimik si Gail. Lihim tuloy akong napangiti sa ginagawa ko.

Naputol ang masayang iniisip ko nang may kumatok sa pinto. Akala ko ay doktor iyon ngunit nagulat nalang ako nang malaman kung sino ang iniluwa ng pinto. Sandaling tinitigan niya ako nang makapasok hanggang sa dahan-dahan niya akong nilapitan. Ipinatong niya sa silya ang dalang bag saka sinalubong ang mga paningin ko.

"Carl," sambit niya ng pangalan ko.

"W…what are you doing here?" tanong ko sa kanya. Hindi ko akalaing bibisitahin niya ako at saka, what for?

"Nabalitaan ko ang nangyari kaya napagdesiyunan kong bisitahin ka. Hindi man siguro ito ang tamang panahon upang makausap kita ng masinsinan, hindi man maganda ang huli nating pagkikita o ang mga nangyari sa atin pero gusto kong sabihin sa 'yong masaya ako at ligtas ka." Wika nito. Nanatiling nakatutok lang sa ibang direksyon ang mga paningin ko. "Carl," hinawakan niya ang braso ko. "Sa kabila ng mga nangyari sa atin, humihingi ako ng tawad, unang-una dahil sa ginawa ng mga magulang ko, pangalawa…dahil…dahil hindi ko sinasadyang mahalin si Luke. Kahit noong una, akala ko arogante siya pero inintindi niya ako. Lagi siyang andyan upang ramayan ako, kahit noong nasa States ako ay sinalo niya lahat ng sama ng loob ko, ng galit ko sa mga magulang ko pati na sa sarili ko. Sabi ko, he don't deserve a girl like me. We don't deserve na gamitin ng mga magulang namin para lang sa kompanya. Pero hindi niya ako pinabayaan, Carl. Hindi ko namamalayang hindi lang pala awa at konsensya ang nararamdaman ko nang makita ko siyang nagkasakit dahil lang sa 'kin at nakilala ko ang tunay na pagkatao niya. Unti-unti na pala akong nagkaroon ng damdamin para sa kanya. Noong sinabi niya sa 'king tutulongan niya ako upang i-urong ang kasal, hindi ako pumayag. Sabi ko pakakasalan ko siya. Kinalimutan ko ang damdamin ko sa 'yo noon. Carl, kahit sabihin pa nating ganoon ka sadista ang dad ko, but he is still my father. Above all, family is the most important treasure that I need to take care." Tiningnan ko si Stephanie at pumakawala ng isang malalim na hininga.

"May mahal na akong iba. You don't have to say sorry." Galit na wika ko. Nakita ko siyang ngumiti.

"Talaga? Masaya akong marinig iyan sa 'yo, Carl. Alam ko kung gaano ka magmahal. You deserve the best for you." Dugtong pa nito. Kiming ngumiti lang ako sa kanya.

"Kailan lang?" tanong nito sa 'kin.

"Hindi pa niya alam. Hindi ko pa sinasabi ang nararamdaman ko para sa kanya." Wika ko ulit. Umupo siya sa kama ko.

"Sabihin mo na sa kanya. Baka mahuli ka." Biro pa nito. Agad naman na nagkatawanan kami. Sa pagkakataong iyon ay nakaramdam ako ng kagaanan sa aking loob. Iyong pakiramdam ng totoong maging malaya. Malaya sa sakit. At malaya sa nakaraan. Sa pagkakataong iyon ay napatunayan ko ang tunay kong nararamdaman.

"Hindi ko rin kasi alam kung papaano magsisimula." Wika ko sa kanya.

"Edi' sabihin mong 'mahal kita.'. Tinapik-tapik niya ako sa aking balikat. Saka niyakap ako. Agad naman niya akong binitawan nang pareho naming marinig ang pagsara ng pinto.

"I hope, we can be friends again, Carl. Mukhang kailangan ko na ring magpaalam sa 'yo. 'Yung request nga pala namin sa kompanya ni'yo, ah. Salamat. Huwag mo naman masyadong patagalin. May usapan na tayo. Friends?" Wika ni Stephanie saka inilahad ang palad nito upang makipagkamay sa 'kin. Inabot ko naman iyon saka tuloyan na siyang nagpaalam.

Pagkatapos pumunta ng aking doktor mamaya sa aking kwarto ay pupuntahan ko si Gail kapag dumating na si Manang Perla. Umuwi pa kasi ito upang kumuha ng damit. Sasabihin ko na sa kanya. Ang nakangiting kausap ko sa aking sarili.