1 year later
Nakanganga si Jesrael habang pinapanood ang kanyang ina na damang dama ang himig ng awitin nito. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niyang nakalabas ang gitarang nakasabit sa likod ng pintuan ng kwarto ng kanyang mga magulang. Manghang mangha ang bata habang nanonood at nakikinig sa awitin ng ina na sa recordings lang na pinatutugtog ng kanyang ama noon.
" You wanna try this? " nakangiting tanong ni Yen sa anak.
Noon pa man ay inaasahan na niya na katulad niya ay magkakaroon din ng interes si Jes sa musika. Napangiti si Yen nang marahang tumango si Jes. Pinaupo niya ito sa kanyang tabi at pinahawak dito ang kanyang gitara.
" Mom, can you teach me to do this? "
Ang ligayang nadarama ni Yen sa oras na iyon ay hindi matumbasan. Simula nang mawalay siya sa anak ay iyon ang kauna-unahang pagkakataon na kinausap siya ni Jes. "MOM" Napakasarap sa kanyang pandinig. Niyakap niya ang anak at maluha luha siyang sumagot.
" Of course baby." Itinatak niya sa isip na tawagan agad si Jason para mabilhan ito ng gitara na angkop ang laki para dito.
Lumipas ang maghapon na sila ni Jes ang magkasama. Nagkantahan, naglaro at nakakatuwang mabilis itong matuto. Naisip niya, na kung sakali mang naisin ni Jes na pasukin ang pagtugtog ay buong puso niya itong susuportahan. Sa wakas ay nagsisimula na itong muling lumapit sa kanya. At sa paglipas ng mga araw ay tuluyan na din niyang nakuha ang loob nito.
Naging parte na ng araw nila ang pag ja-jamming. Habang si Jason ang kanilang audience at taga dala ng pagkain. Kahit na naka wheelchair si Yen, sa puso niya ay wala nang kulang pa. Kontento na siya na masaya sila bilang pamilya. Sapat na sa kanyang makasama ang kanyang mag ama at dalangin niya na sana ay tapos na ang lahat ng pagsubok sa buhay niya. Pero kelan ba tumitigil ang pagsubok? Habang nabubuhay ay kaakibat ang pagsubok. Habang tinatamasa mo ang regalong buhay ng Diyos, ay ang mga unos ay hindi din natatapos. Gayunpaman, sa bawat dagok sa ating buhay, laging may nakaabang na tagumpay. Ang kailangan lamang ay maging matatag at patuloy na manalig at lumaban, at magpasalamat sa lahat ng sa lahat ng bagay na tinatamasa. Malaki man o maliit. Kailangan itong ipagpasalamat.
Sa Ospital. Sa ICU ay nakahimlay si Miguel. Kagulat gulat ang natuklasan nilang sakit nito. Nalaman nila na may tumubong tumor sa ulo nito at para maisalba at madugtungan an buhay nito ay kailangan sumailalim ito sa operasyon.
Lumuluha si Jason habang kinakausap ang amang walang malay. Dismayado siya dahil kung kelan naitakda na silang ikasal ay saka pa ito nagkaroon ng gayong klaseng karamdaman. Awang awa naman si Yen sa asawa. Bilang suporta at para mabigyan ito ng panahon para sa kanyang ama ay naisip niyang magbaksyon nalang muna. Subalit walang mamamahala sa kompanya. Kaya napilitan si Yen na bumalik sa pwesto. Kahit nakawheel chair ay hindi naging hadlang para sa kanya ang kanyang trabaho. Lumuwas na lamang ang mga magulang ni Yen na sina Criselda at Berto para mangalaga kay Jess habang si Yen ay nasa trabaho. At dahil nakakaunawa na ang bata ay ipinaintindi na lamang ni Yen dito ang kanilang sitwasyon.
" Mom, Ok lang po si Lolo? " tanong ni Jes.
" Oo anak. Magdasal ka lang na maging ok siya. "
Tumango naman ang bata.
Ilang buwan ang lumipas na ganoon ang naging takbo ng buhay nila. Si Jes ay naiiwan sa mga lolo at lola nito. Si Yen naman ay pumapasok sa trabaho kasama si Sheryl. Naging anino niya si Sheryl at ito din ang nagsilbing paa niya. May mga bagay na si Sheryl nalang ang lumalakad para sa kanya at araw araw niya din itong kasama kahit saan siya magpunta. Si Jason naman ay abala din trabaho at pagkatapos ng maghapong gawa ay magtutungo sa ospital para mabantay sa kanilang ama.
Sa kabutihang palad ay malakas ito at mabilis na nakarecover sa operasyon. Pagkalipas ng isa at kalahating buwan ay inilabas din ito sa ospital. Nong araw na iyon ay hindi na maaaring bumalik pa si Miguel sa trabaho. Cancerous ang bukol nito at kailangan nitong dumaan sa chemoteraphy. Habang buhay na gamutan at tanging ang Maylikha na lamang ang nakaka-alam kung hanggang kailan pa ito mabubuhay. Nakakalungkot na balita. Pero wala silang magagawa kundi patuloy na maghintay ng biyaya mula sa Maylikha.
" Masamang damo ako anak. Hindi pa ko mamamatay. " nakatawang wika ni Miguel habang nakaupo ito rocking chair. Masigla pa rin ito kahit na kita pa rin ang tahi sa ulo nito na dulot ng operasyon.
Tahimik lamang si Jason na nakikinig. Labis pa rin ang pag aalala sa kanyang dibdib at nababalisa pa rim siya sa kalagayan ng ama. Bagamat mabilis ang pagtugon ng katawan nito ay nakakapanibago pa rin ang mga pangyayari. Hindi na nila magagawa ang mga bagay katulad ng dati. Ngunit ipinagpapasalamat pa rin ni Jason na ok ito ngayon.
" Magpakasal ka na, at sundan mo na ang aking apo. Nais ko ng apong babaeng maganda. Hahaha! "
Napangiti si Jason. Nakatakda na ang kasal nila ni Yen sa susunod na buwan. Akala niya ay maaantala ito subalit sa nakikita niyangabilis na pagrekober ni Miguel mula sa operasyon ay napangiti siya. Magagawa pa rin ni Miguel na saksihan ang kanyang kasal.
Sa loob ng isang mall, habang abala si Gerald sa paghahanap ng magandang regalo para kina Yen at Jason ay hindi sinasadyang natapakan niya ang paa ng isang babae. Nakakita kasi siya ng bagay na tiyak na magugustuhan ni Jes. Nahagip ng kanyang mata ang gitara na angkop ang laki kay Jess bilin kasi nito sa kanya na dadalhan niya ito ng kahit anong bagay mula sa bansang kanyang napupuntahan. Sa murang edad ay may interes na itong mangolekta ng mga bagay na mula sa iba't ibang bansa. Nakatawa siya at napaatras siya nang bahagya. Hindi niya napansin na may tao palang nakasunod sa likod.
" Oh my god!! Miss nasaktan ka ba? Sorry." Hinging paumanhin ni Gerald.
Lumayo si Gerald pagkatapos magtapat kay Yen. Hindi naman siya nagpakalayu-layo pero sadyang iniwasan niya na lumapit kay Yen. Inabala niya ang sarili niya sa trabaho para maibaling sa ibang bagay ang kanyang isip. Binawi niya ang mga taon na napabayaan niya ang negosyo at balik ulit siya sa dating gawi ngayon. Kasalukuyan siyang nasa Spain nang matanggap niya ang imbitasyon mula kay Yen at Jason. Isang taon na din ang lumipas nang huli silang magkita. Napangiti si Gerald. Sa wakas! Sa simbahan din ang tuloy ng dalawa. Ngayon ay wala nang kirot sa puso niya at totoong masaya siya para kay Yen. Namasyal siya sa mall para maghanap sana ng regalo at pasalubong sa dalawa. At para makahanap din ng pandagdag ni Jesrael sa collection niya. Pero iba yata ang maiuuwi niya.
" Natural masakit!! yang laki mo tapos tatapakan mo ang paa ko palagay mo hindi ako aaray?!! Pag itong kuko ko namatay bibitayin kita!!! " Parang armalite ang bunganga ng babae. Matining ang boses nito at halata ang pagkairita sa tono nito.
Pero si Gerald ay tila aliw na aliw habang pinapanood itong magtatalak. Tuwang tuwa siya sa itsura nito habang naglalabasan ang litid sa leeg habang nagsasalita. Pinanood niya ang pagkimot ng bibig nito at gandang ganda siya sa mga mata nitong nakamulagat sa inis. Napangiti siya. At dahil doon ay lalong nagalit ang babae.
" Ay!! miss. Hindi ko sinasadya ok? Sorry. Malay ko bang sinusundan mo ako. " ani Gerald
" Ang kapal ng mukha mo! Gwapo ka ba??!!" nandidilat na sabi ng babae.
" Gwapo ba ako?" sagot ni Gerald.
" Oo! gwapong gwapo ka sa sarili mo! grrrrr!!" pagkasabi niyon ay tumalikod na ito.
Hinabol naman ito ni Gerald at nagtapos siya sa pagbili ng kung ano ang maibigan ng babae bilang pagbawi dito. Kabaliwan yon oo pero natutuwa siya. Sa pangalawang Pagkakataon ay nakakita siya ng babaeng umagaw ng pansin niya. Babaeng may dalang gitara.