Araw ng huwebes na ngayon, apat na araw na ang nakakalipas simula iyong araw na pinuntahan ako ni Breeze sa apartment ko para alagaan. Apat na araw na ang nakalipas simula ng huling beses ko itong nakita at nakasama. Pagkatapos ng araw na iyon ay wala na itong muling paramdam. Hindi ko na ito muling nakita pa.
Nawawala ito kung kailan niya gustuhin at bigla namang magpapakita sa akin kung kailan din niya gugustuhin. Hindi ko alam kung ano ba talaga mismo ang pakay nito sa akin. Kung pinaglalaruan lang ba nito ang nararamdaman ko? O baka ako lang talaga mismo ang nag-iisip na baka pweding maging kami ng babaeng hinahangaan ko. Siguro nga, sa aming dalawa ay ako lamang ang assuming, na baka dahil masyado ko lamang pinag-iisipan ng iba ang pinapakita nitong kabutihang loob para sa akin.
Ilang araw na naman siyang hindi maalis at mawala sa isipan ko. Ilang araw na namang naglalakbay ang isipan ko, kung nasaan kaya siya ngayon? Kung kumusta na siya? O kung ayos lang ba ang kalagayan niya? Hindi ko na naman mapigilan ang hindi mapaisip at ang mag-alala.
Mabuti na lamang ay mayroon akong mga kaibigan na palaging nandiyan para sa akin, lalo na si Bianca. Kahit na minsan pa ay mas pinipili nitong ibigay ako kay Kevin. And speaking of Kevin, hindi ko parin ito nakaka-usap tungkol sa kung ano ba ang pinag-usapan nila ni Breeze sa apartment ko noong pumunta ito doon. Siguro may tamang panahon para mapag-usapan naming dalawa ang tungkol sa bagay na iyon.
"Bes, saan ba talaga tayo pupunta?" Walang ideyang tanong ko kay Bianca. Bigla nalang kasi ako nitong kinaladkad palabas ng apartment ko, kauuwi ko lang iyon galing ng trabaho ng sinundo niya ako sa bahay.
"Basta bes." Tipid na sagot nito. Napa irap ako sa kanya. "Kanina pa yang basta mo eh. Hanggang ngayon nagbibiyahe parin tayo." Pagmamaktol ko.
"Malapit na tayo, wag kana mainip diyan." Malumay na sabi nito sa akin. Himala at hindi siya nagtatatalak ngayon? "Oh nandito na tayooo!" Excited na sabi nito habang naghahanap ng mapagpapaking-an ng kanyang sasakyan.
Pagkatapos na makapag park ito ng sasakyan ay bumaba na kami pareho. Hawak hawak nito ang kanang kamay ko habang naglalakad kami. Muli ay napairap ako ng mapansin kung saang deriksyon kami papunta. "Hindi mo naman sinabi na sa isang bar lang pala tayo pupunta." Panimula ko. "Bes alam mo namang hindi ako nagpupunta sa ganitong lugar hindi ba? Alam mo naman yun." Medyo naiinis na dagdag ko pa.
Humarap ito sa akin na para bang wala lang sa kanya ang mga sinabi ko. "Bes, bago ka magalit dyan pwede ba pumasok muna tayo? Kasi may naghihintay sa atin sa loob. Biliiiiisss!" Hindi na ako nakapagsalita pang muli ng kinaladkad na ako nito papasok ng bar.
Pagdating namin sa loob ay kaagad na sinalubong kami ng maingay na paligid na nagmumula sa sounds system, malakas na amoy ng sigarilyo at alak na nagkalat sa buong paligid, mga taong nagsisiksikan at nagtatawanan. Dismayado at masama ang loob ko na sumunod na lamang kay Bianca habang papunta ito sa kung saan. Ayoko talaga sa ganitong lugar, bukod sa madaming tao ay hindi ko gusto ang nakakasukang amoy ng paligid.
"Hi bunsooo!" Sabay sabay na sigaw na narinig ko sa may isang pabilog na grupo kung saan kami papunta ni Bianca. Doon ko lang napansin sina Kuya Jomar, Ate Erica, Kevin at Reynard, gulat na napakaway ako sa kanila habang papalapit kami.
"Sabi ko na sa iyo may naghihintay sa atin eh." Sabi nito sa akin saka lumapit kay Ate Erica upang makipagbeso ng makarating kami sa tapat nila.
"Ang akala namin hindi na kayo makakarating eh, napadami na tuloy kami ng iniinom." Masigla at medyo tipsy nsa wika ni Reynard. Doon ko lang napansin ang medyo namumungay ng mata nilang lahat, lalo na si Kevin.
"Ewwww guys! Tama na yang pag-iinom niyo! Bigyan ninyo nalang kaya ako ng matuwa naman ako." Parang uhaw na uhaw sa alak na sabi ni Bianca. Lumapit ito sa kay Kevin at binigyan ng sariling baso na mayroon ng laman na alak bago ito nilagok lahat. Napapaismid na lamang ako habang tumitingin sa aking mga kaibigan, kawawa naman ang mga atay nila. Lumapit na rin ako sa kanilang lahat at naupo narin. Nasa pagitan ako ni Ate Erica at Bianca, habang katabi naman ni Bianca si kevin, sa kanan ni Kevin si Reynard, Kuya Jomar at si Ate Erica. Pabilog ang upuan na kinauupuan namin, medyo malapit din kami sa dance floor kung saan napakaraming kabataan ang nagsasayawan.
Maya maya lang ay may dumating na waiter at may dala-dalang orange juice. Kinuha iyon ni Kuya Jomar at inilapag sa harap ko. "Para sa iyo bunso." Alam kasi nilang lahat na di ako umiinom ng kahit anong klase ng alak.
"Salamat Kuya." Pagpapasalamat ko rito. Tumango lang naman ito bilang sagot sa akin bago tumayo upang yayaing sumayaw si Ate Erica. Ganoon din si Reynard kay Bianca. Bigla kasi na naging slow music kaya hayan, kanya kanya sila ng partners. Naiwan na nakaupo si Kevin at ako sa aming pwesto. Napapakamot ito sa batok at may alanganing napangiti sa akin.
"Gusto mo'ko yayaing sumayaw?" Ako na mismo ang nagtanong dahil alam kong nahihiya siya. Nagulat man ay kaagad din na napatango ito bago tumayo para alalayan ako papuntang dance floor para sumayaw. Kahit na medyo madilim ang paligid ay nakikita ko ang pagbblush nito.
Kahit na sobrang naaamoy ko ang malakas na amoy alak na nagmumula kay Kevin ay hindi ko iyon ininda. Masyadong nakakatouch ang kanta ni Juris na Your love para ipagkait at palagpasin ang moment na ito kay Kevin. Sumasabay sa tugtog ang bawat paghakbang namin ni Kevin, hinayaan lamang din ako nitong nakasandal sa kanyang dibdib. Ipinikit ko ang mga mata ko upang damhin ang bawat lyrics ng kanta, dahil doon ay muli ko na namang naalala si Breeze. Ang babae na nagiging dahilan kung bakit ganito ako ka tolero ngayon, sana kaya ko rin siyang maisayaw ng ganito. Iyon bang, nakatingin lamang ako sa kanyang mga mata at maamong mukha hanggang sa matapos ang buong kanta. Iyong ganito kami kalapit sa isa't isa na parang ayaw ng kumawala at hindi na gugustuhin pang matapos ang moment na ganito. Napahinga ako ng malalim sa aking sarili, how I wish! Sana katulad ko naiisip niya rin at pinapangarap ang mga iyon. Pero paano kung ako lang ang may gustong mangyari ang mga iyon?
Bigla akong napabitaw ng hawak kay Kevin at napalayo mula rito. "Hey, are you okay?" Concern na tanong nito sa akin. Napatango ako. "L-labas lang ako saglit." Paalam ko rito.
"Samahan na kita." Alok niya na agad na pinigilan ko. "No! H'wag na, kaya ko na." Matigas na pagtanggi ko. Kita ko ang pagbabago ng mood nito at pagkunot ng kanyang noo, ngunit itinago niya iyon sa kanyang pilit na mga ngiti. "Okay. Call me if there's any problem."
Isang tango lamang ang ibinigay ko rito bago tumalikod na. Lalanghap lang muna siguro ako ng hangin sa labas bago bumalik dito sa loob. Susubukan ko na rin muna na alisin si Breeze sa aking isipan kahit ngayong gabi lang.
Muli ay nakipagsisikan ako sa mga tao na medyo nakaharang sa daanan para makalabas ng bar na ito. Ang dami kong nakikita at nadadaanan na mga kabataan na kulang nalang eh maghubad sa harap ng ibang tao. Naiiling ako sa aking sarili. Sana hindi sila mapahamak kagaya ng mga napapanood ko sa mga pelikula at mga balita.
Malapit na ako sa exit ng bar nang may mapansin akong pamilyar na awra ng isang babae na nakatayo sa may counter bar. Napakurap ako ng iling beses dahil baka namamalik mata lamang ako sa aking nakikita ngunit hindi, totoo ang nakikita ko. Si Breeze nga ang nakikita ko ngayon. Biglang bumilis na naman ang tibok ng puso ko ng muling masilayan ko ito. May hawak hawak itong glass wine na mayroong laman n alak, na siyang iniinom niya ngayon. Ang ganda ganda niya kahit na nasa may madilim na parte pa ito. Ang sexy at ang hot nito sa suot na purple fitted skirt at white striped tube top sa pang itaas na medyo labas ang kanyang pusod. Hindi ba siya nilalamig sa kanyang suot? Parang baliw na iiling-iling ako at napapangiti habang nakatitig sa kanya.
Inihakbang ko na ang mga paa ko upang lapitan ito ngunit agad din akong napahinto at parang napako sa aking kinatatayuan ng mapansin na may katabi ito na isang maganda at sexy ring babae. Naka suot ito ng fitted dress na siyang lalong nagpakita ng hubog ng kanyang katawan. Medyo nasisilayan ko rin ang sumisilip na cleavage nito dahil sa sobrang higpit ng kanyang kasuotan.
Sandali ko pa silang pinagmasdan. Nagbubulungan at pagkatapos ay nagtatawanan ang mga ito, para bang ang saya saya nila pareho at kanila lang ang mundo. Kung kanina ay may space pa sila para sa isa't isa, ngayon naman ay sobrang magkadikit na ang kanilang mga katawan na animo'y naghahalikan na sila sa lapit ng kanilang mga mukha.
Napalunok ako at sa hindi malamang dahilan ay biglang gumuhit ang kirot sa aking dibdib at nakaramdam ng sobrang pagseselos. Lakas loob na inalis ko mula sa kanila ang aking paningin, dahil pakiramdam ko ay sasabog ang aking dibdib dahil sa tindi ng bigat na namumuo rito. Hindi ko naman dapat na maramdaman ito hindi ba? Hindi naman kami ni Breeze, hindi naman niya talaga ako gusto hindi ba? Pero bakit ganoon? Bakit umaasa parin ako na, magugustuhan niya rin ako balang araw. Malungkot na napabuntong hininga ako ng maisip iyon.
Muli ay ibinalik ko ang aking mga mata kung nasaan sila nakatayo kanina, ngunit ganoon ko rin kabilis na pinagsisihan iyon nang makita na magkalapat na ang kanilang mga bibig. Mabilis pa sa alas kwatro ang mga hakbang na tinungo ko ang direksyon pabalik kung nasaan ang pwesto namin nila Bianca kanina.
Nagtatawanan pa ang mga ito ng dumating ako sa tapat nila. Kaagad na hinanap ng aking mga mata ang bote ng alak na iniinom nila. Nang makita ko iyon ay kaagad na tinungga ko ang laman ng bote na iyon at tuloy-tuloy na nilagok hanggang sa maubos. Pabagsak na ibinalik ko sa ibabaw ng lamesa ang bote ng alak habang lahat ng mga kaibigan ko ay natigilan sa kanilang ginagawa at parang nakakita ng multo na napatingin sa akin.
"WOAH!" Chorus na sabi nilang lahat, nahahangha dahil sa nagawa ko.
Bigla akong napatawa dahil sa reaksyon nilang lahat. Naramdaman ko rin ang biglang pagbigat ng mga mata ko at panghihilo. T-teka, sinisinok na rin yata ako. Tinignan ko sila isa isa ng may mga pag-aalala sa kanilang mga mukha. Hanggang sa unti-unting dumulim ang buong palagid...