Isang hapon sa isang law firm sa kamaynilaan...
Sa loob ng isang silid nito, makikita ang isang babae na tahimik na nakaupo at nagbabasa ng isang liham.
Habang ang lahat ng mga mata ay nakatingin sa kanya at inaantay syang matapos sa pagbabasa.
Ang liham na hawak na binabasa ng babaeng ito ay ang huling habilin ng namayapang kababata at dating matalik na kaibigan.
Wala talaga syang balak na sumipot ngunit .... alam nya na hindi sya matitigil sa kaiisip tungkol dito. Kaya sa bandang huli, mas minabuti nya na rin ang tumuloy.
Ang babaeng ito ay walang iba kung hindi si Isabel delos Santos o mas kilala sa palayaw nyang ISSAY.
Si Issay ay apatnapu at limang taong gulang na, ngunit wala pa rin itong asawa. Masyado kasi syang naging abala sa buhay kaya nakalimutan na ang makipag date.
Ang namayapa naman nyang kababata at nag iwan sa kanya ng liham ay si Luis Perdigoñez.
Ang makulit na si Luis na lagi na syang tinatanong kung kumain na ba sya.
Inatake ito sa puso at namatay sa edad na limamput dalawa.
Biglaan ang pagkamatay nito kaya nagulat ang lahat ng nakakakilala sa kanya.
At ang mga nasa paligid naman ni Issay, na kanina pa nakatingin sa kanya, ay ang mga kamaganak ni Luis na punong puno ng tanong ang mga mata kung sino ang babaeng ito at bakit tila napakahalaga nya sa namayapa.
Kanina pa kasi sila naroon pero ang sabi ng abogado ay hindi sila pwedeng magsimula hangga't wala pa ang babaeng ito.
At ng dumating, akala ng lahat ay magsimula na ngunit .... muli, sinabi ng abogado na ibigay muna ang liham upang mabasa nito, bago sila magsimula.
Ito ang hiniling ni Luis sa abogado nya at nakasulat din sa last will and testament nya, na kailangan patapusin muna si Issay sa pagbabasa ng liham nya bago sila magsimula.
Kaya, ang lahat, kanina pa nakatingin, nagaantay at naiinip na. At isa na roon ang nagiisang anak ni Luis na si Edmund.
Sya ang huling kasama ni Luis ng inatake ito sa puso at nilusob sa ospital.
Habang papuntang ospital ay paulit ulit ang ama ni Edmund sa habilin nya sa binata.
"Anak, ipangako mo ... Ipangako mo ... Ibibigay mo ang huling sulat ko sa kanya at siguraduhin mong mababasa nya. Ipangako mo!"
Sambit ni Luis habang naghihingalo at nanghihina na.
Biglaan ang atake ni Luis at wala itong kaalam alam na may sakit pala sya sa puso.
"Opo Papa, pangako po.
'Wag na po kayong magsalita para makaipon po kayo ng lakas at malapit na po tayo sa ospital!"
Nagaalala at natatarantang sambit nito habang hawak hawak ang kamay ng ama.
"Ito ang huli kong kahilingan sa'yo anak... Huwag mo sana akong bibiguin."
(ubo, ubo, ubo)
Habilin ni Luis sa anak, tila alam na nyang kukunin na sya ni Lord.
"Papa, huwag naman po kayong magsalita ng ganyan. Huwag nyo naman po akong iwan! Wala na ang Mama, ikaw na lang po ang natitira sa akin Papa, pag nawala ka magiging ulilang lubos na po ako. Kaya pakiusap huwag po kayong magsalita ng ganyan hindi ko po alam ang gagawin ko pag nawala din po kayo, kaya pakiusap Papa, kailangan nyo pong mabuhay pa ng matagal."
Umiiyak na sabi ni Edmund.
Takot na takot ito habang papunta sila sa ospital sakay ng ambulansya.
Ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana. Hindi na nakaabot pa ng ospital ang kanyang ama dahil binawian na ito ng buhay sa byahe pa lang.
Tila nagunaw ang mundo ni Edmund ng mga sandaling yun.
Galit na galit ito at hindi matanggap na wala na ang kanyang ama.
Tapos ngayon.....
Nakaramdam si Edmund ng init sa kanyang mga mata ng maalala nya ang huling sandali nilang mag ama, lalo na ang huling habilin nito sa kanya na siguraduhing makakarating at mababasa ni Issay ang sulat na iiwan nya.
Ang hindi alam ni Edmund, pati na ng mga kamaganak nyang naroon, na hindi lang pala sulat ang iniwan ni Luis kay Issay.
May iniwan din pala itong napaka laking halaga.
"... at iiwan ko kay Ms. Isabel delos Santos ang halagang Sampung Milyong Piso!"
Sabi ng abogado na binabasa ang Last Will and Testament ni Luis.
Lahat: "ANO???!!!!"
"SAMPUNG MILYONG PISO???!!!"
"BAKIT???!!!"
Gulat ang reaksyon ng lahat.
Pero .... hindi nakalagay sa Last Will and Testament kung bakit nya ito iiwan kay Issay.
Mukhang ang gusto ni Luis ay sya na lang ang makakaalam at balak atang isama na sa hukay ang dahilan.
Napuno tuloy ng pagdududa ang isipan ni Edmund ng madinig nya ang tungkol sa sampung milyon.
'Bakit po Papa?'
'Ano pong dahilan nyo at ginawa nyo ito?'
'Bakit wala man lang po kayong binanggit tungkol dito nung nabubuhay pa kayo?'
Gustong mainis ni Edmund sa ama pero hindi nya magawa kaya binalingan nya ng tingin si Issay.
Tahimik itong nakikinig habang binabasa ng abogado ang huling testamento ni Luis.
Ni hindi nito pinapansin ang mga taong matatalim at mapang husgang mga tingin sa kanya ng mga tao sa paligid.
Pati ang bulung bulungan ng mga ito na parang sinasadya sa kanyang iparinig.
Pero wala itong pakialam.
Kampante lang si Issay na nakaupo sa silya, hawak hawak sa pagitan ng dalawang daliri ang sulat ni Luis na mismong si Edmund ang nagabot sa kanya kanina.
At ang pagiging kampante ni Isabel ang bagay na ikinaiinis ng nasa paligid sa kanya lalo na si Edmund.
'Sino ka ba talaga Isabel?'
'Sino ka ba talaga sa buhay ng Papa?'
'Bakit parang biglang naging misteryoso ang buhay ng Papa ko simula ng banggitin ka nya?'