Chereads / Angel of my Journey / Chapter 21 - Chapter 21

Chapter 21 - Chapter 21

Linggo ng umaga.

Nagwawalis si Charisse sa likod ng bahay nang mapansin niyang may mga hulma ng sapatos. Nagtataka siyang pinagmasdan ang mga ito. Malalaki ang hugis kaya sigurado siyang lalaki ang may-ari ng mga ito. Kinakabahan siyang sinundan ang hulma at nanggaling ito sa may bakod. Tumingala siya. Medyo may kataasan nga ang bakod ngunit maaakyat ito ng kung sino mang gustong umakyat dito. Kinakabahan siyang bumalik at muling sinundan ang hulma ng mga yapak. Gusto niyang malaman kung saan ito papunta. Ngunit wala na itong kasunod mula sa may malapit sa pinto sa likod ng bahay. Isang pares lang ang yapak kaya isang tao lang ang pumasok. Ngunit paano ito lumabas? Mas lalo siyang kinabahan. Itinapon niya ang walis at nagtatakbong pumasok ng bahay.

Maayos naman ang paligid. Tahimik at maayos pa rin ang mga gamit. Kung may nakapasok man, saan kaya ito nagtago at ano ang sadya nito? Sana ay magnanakaw lang. Sana. Iwinaksi niya sa isip ang mga posibilidad na ang boss niya ang sadya nito.

Paulit ulit na sinasabi niya sa sarili na magnanakaw lang yun. Pero papasok lang ito mag-isa sa bahay? Ang tapang naman niya kung ganun. "Siguro alam niya na dalawa lang ang nakatira dito." Bulong niya sa sarili.

Una niyang pinuntahan ang kusina. Ang sabi ng mga kapitbahay, marami ang mga magnanakaw ng pagkain. Kaya nga ang hinala nila sa mga taong umaaligid ay mga magnanakaw, nakamanman lang sa mga kabahayan at naghahanap ng pagkakataon. Ang iba naman ay mga alagang hayop ang kinukuha. Inuulam yata o ibinibenta. Kaya todo bantay ang mga tanod at mga kalalakihan para mapangalagaan ang kanilang pinaghirapan. Hindi rin madali ang buhay ng mga ito. Kailangan nilang kumayod buong araw para lang may makain at maipangtustos sa iba pang pangangailangan.

Maayos pa rin naman ang kusina. Binuksan niya isa isa ang mga cabinet na nandun. Maayos at kompleto naman ang kanilang stocks na pagkain. Napaisip siya. "Ano kaya ang sadya ng taong ito?" Muli niyang pinakiramdaman ang paligid ngunit wala siyang narinig ni kaluskos. Parang mas nakakakaba ang katahimikan. Pumunta siya sa sala. Isa isa ring tiningnan ang mga gamit. Nandun naman lahat. Nagsimula na siyang umakyat sa may hagdan nang may narinig siyang kalabog sa taas. "Si sir Sungit!" Tumakbo siya paakyat. Halos liparin na niya ang mga baitang ng hagdan para makarating lang kaagad. "Paano nga kung siya ang sadya nung nakapasok?" Nanginginig siya sa takot. Iniisip niya pa lang ay parang hindi na niya kaya.

Habol ang hiningang kumakatok siya sa pintuan ng kwarto ni BJ. Parang nanghihina ang mga tuhod niya. Parang sasabog ang dibdib niya sa kaba. "Sir! Sir Sungit!" Tawag niya. Pati boses niya ay nanginginig. "Pakibukas po ng pinto! Sir!"

Walang sumagot. "Sir, okay lang po kayo? Sir!" Tawag niya dito kasabay ng pagkatok. Gusto na niyang maiyak. Wala man lang siyang narinig na kahit ano sa loob. Inilapit niya ang tenga sa pinto ng paulit-ulit ngunit wala talaga. Bawat dikit ng tenga niya at wala siyang marinig ay mas lalo siyang kinakabahan. "Sir! Pakiusap naman po, sumagot po kayo." Umiiyak na siya. Tumutulo ang mga luha niya habang kumakatok kasabay ng pagtawag niya rito.

Ilang minuto pa ay biglang bumukas ang pinto. Natigilan sila pareho. "Napapano ka na naman?" Bungad nito sa kanya. "Ang aga aga tarantang taranta ka na naman."

Nagulat si BJ nang makita ang umiiyak na si Charisse. Mas lalong nagulat si Charisse. Hindi nga niya napansin ang pagsusungit nito. Paano ba naman ay wala itong suot na pang itaas. Katatapos lang nitong maligo at hawak hawak pa nito ang kanyang T-shirt. Pumapasok pa sa ilong niya ang bango nito. Parang gusto niyang mahimatay. Nakalimutan nga niya kung bakit siya nandun.

"Hoy!" Untag nito sa kanya.

"Ay opo!" Bigla niyang bawi ng tingin. Napahiya siya. Huling-huli ba? Nag-iinit ang mukha niya at pakiramdam niya pulang-pula ito. "Charisse naman, huwag kang pahalata!" Gusto na niyang kurutin ang sarili. Mabilis niyang pinahid ang mga luha.

"Ano bang nangyari sa'yo?" Muling tanong ni BJ. Hindi pa rin makasagot si Charisse. "Mag t-t-shirt na nga lang ako mukhang na dedestruct ka eh." Sabi nitong isinusuot ang hawak na t-shirt.

"Ha!?"

"Kunwari ka pa. Nagba-blush ka nga o! Tigilan mo na nga yang alibi mo, gusto mo lang akong makita." Panunukso nito.

"Hala! Masyado naman po kayong confident. Sir sinisiguro ko lang na okay po kayo."

Tumaas ang kilay nito. "Akala ko po kasi may masamang nangyari sa inyo, may narinig po kasi akong kalabog kanina."

"Talaga? Wala naman akong narinig."

"Meron po. Nanggaling dito sa taas." Giit niya.

"Wala nga." Mariing tutol nito. "Baka sabi mo lang yan para may dahilan kang kumatok dito."

"Haha! At bakit naman po? Hindi ko po kailangan gawin yun kung alam kong bababa naman po kayo mayamaya lang."

"And so, ano nga?" Tanong nitong sumandal sa pinto ng kwarto at nakapamulsa. "May nakita o may narinig ka na naman?"

"Opo!" Agad niyang sagot. Pinipilit niyang tumingin ng diretso dito.

"Huh! Whatever!" Aniyang tumalikod.

"Hindi po ako nagbibiro." Pahabol niya.

"May sinabi ba ako?" Pabalang na sagot nito.

"Ang ibig ko pong sabihin ay may nakapasok dito sa bahay."

"Yun din ang sabi mo nung nakaraan di ba?"

"Sinabi ko ba yun?" Tanong ni Charisse na nag-iisip. Umiiling si BJ at pumasok sa loob ng kwarto.

"Pero totoo na po talaga. Sumama po kayo sa akin at may ipapakita ako sa inyo."

"Huwag na."

"Totoo po talaga. Nasa likod po ng bahay."

"Maghanda ka na lang ng almusal at nagugutom na ako."

"Sumama po muna kayo sa akin. Kailangan nyo po itong makita." Hindi alam ni Charisse kung paano makukumbinse si BJ kaya pumasok na din siya ng kwarto at hinila ito. Nanlaki ang mga mata ni BJ. Hindi makapaniwala sa ginawa niya.

"Bitiwan mo nga ako."

"Sumama nga po kayo sa akin." Sabi niyang hilahila pa rin ang amo. Sumunod naman ito. Siguro ay na curious na rin.

"Nakakahiya naman." Sa isip-isip niya. "Ang lambot ng kamay niya samantalang ang kapal naman ng kalyo ng kamay ko."

"Kailangan mo ba talaga akong hilahin?" Tanong ni BJ sa kanya. Palipat-lipat ang tingin nito sa kamay nila at sa kanya.

"Opo. Ayaw nyong sumama di ba? Naniniguro lang po." Katwiran niya. Hindi pa rin niya ito binibitawan.

"Fine. Just let go. Susunod ako." Sabi nitong huminto sa paglalakad. Hinila siya ni Charisse ngunit hindi gumagalaw si BJ.

"Tara na po." Pilit nito.

"No."

"Sir."

"I said no. Hindi mo ako kailangan kaladkarin."

"Hindi ko naman po kayo kinaladkad."

"Tell me the difference."

Huminga ng malalim si Charisse. Tumingin siya sa taas. Tapos tumingin siya kay BJ.

"I said let go at susunod ako. Kailangan ko bang uulit-ulitin yun?"

Tiningnan muna siya ni Charisse, sinisiguro kung totoo ang sinasabi niya. "Bitaw na."

Nagdadalawang isip pa rin si Charisse pero mas pinili niyang bumitaw.

"Good." Sabi nito. "Mauna ka na."

Naunang lumakad si Charisse. Lumingon siya para tingnan kung sumunod nga si BJ.

"I'm here." Sabi nito na nakatingin sa kanyang lumingon. Expected na ni BJ na lilingon siya.

"Okay po."

Patuloy sila sa paglalakad. Palingon-lingon pa rin si Charisse hanggang sa makarating sa labas ng bahay.

"Sir tingnan mo." Itinuro niya ang mga yapak na nakita niya.

"Footsteps!?"

"Opo. Sir araw-araw po akong nagwawalis dito pero ngayon lang po may ganito."

Tinitigan ito ni BJ. Nakakunot ang noo. Sinundan nito ang mga yapak hanggang sa may bakod. Naniningkit ang mga mata nitong nakatitig sa itaas. Nag-iisip.

Samantalang si Charisse ay nakamasid lang sa kanya. Maraming tanong ang nasa isip niya pero dapat ba siyang mag tanong o makialam?

Bumalik si BJ sa kinatatayuan niya. Nakatitig pa rin ito sa mga footsteps na nandun.

"Paharap dito, so ibig sabihin ay papasok ngunit walang footsteps na palabas." Komento ni BJ na lumingon sa bahay. "May chance na nasa loob siya." Halos pabulong na sabi nito. Tumingin siya kay Charisse. "Wala ka bang napansin sa loob?"

Umiling si Charisse. "Yun lang pong kalabog na narinig ko sa taas kanina."

"Sigurado ka bang sa kwarto ko yun nanggaling?" Usisa nito.

"Hindi po. Nasa sala po ako, tinitingnan ko baka nga magnanakaw yung nakapasok at pinagbubuhat yung mga gamit dun. Pero maayos naman po yung sala. Nandun pa rin lahat ng gamit. Tapos narinig ko po yung ingay na yun."

"Ah so nag-assume ka na galing sa kwarto ko?"

"Opo. Dalawa lang naman po yan, kung hindi magnanakaw ang nakapasok ay kayo po ang sadya."

"Malamang. Pero sana ay siniguro mo muna kung saan yun nanggaling baka sakaling nakita mo pa."

"Pero sir - "

"Yung iniyak mo dun kanina which is hindi ko alam kung bakit ka umiyak, kung hinanap mo kung saan talaga nanggaling yung narinig mo ay mas may nagawa ka pa." Pangangaral nito.

"Grabe naman 'to. Ikaw na nga itong inaalala ganyan ka pa magsalita." Bulong niya.

"Anong sabi mo?"

"Sabi ko po, tama po kayo. Hayaan nyo po sa susunod yun na po ang gagawin ko. Para may silbi naman po ako." May hinanakit na sagot niya rito.

"Dapat lang. Pinadala ka dito para magbantay di ba? Hindi para umiyak ng umiyak." Sarkastikong tugon ni BJ.

Yumuko lang si Charisse at tumango. "Sorry po, hindi na po mauulit."

"Hindi ko kailangan ng sorry mo, walang maitutulong yan." Pakli nito. Hindi na umimik si Charisse.

Nakamasid pa rin si BJ sa bahay. Kung titingnan ito mula sa labas ay napakatahimik naman nito. Wala siyang napansin na gumagalaw sa loob. Kung nasa loob man. Ngunit saan at paano ito lumabas? Kung ang mga footsteps ang basehan, hindi pa ito bumalik sa kanyang pinanggalingan. Mahahalata pa rin ang yapak nito pabalik sapagkat medyo basa yung lupa dala ng ulan nung madaling araw. "Charisse tiningnan mo ba ang gate sa harap?" Bigla niyang tanong.

"Hindi pa po."

"Posibleng dun siya dumaan palabas kung lumabas man siya."

"Sir naka-lock po yun at nasa akin yung susi."

"Pwede niyang sirain yun. Mataas na pader nga naakyat niya."

"Pero sir anong sadya niya? Papasok lang siya dito tapos lalabas din?"

"Hindi ko rin alam. Pero parang wala naman tao sa loob."

"Baka nagtago lang po. Tapos humahanap ng tamang pagkakataon para patayin kayo."

"Patayin agad?"

"Ay ewan po! Basta!"

May narinig silang sumisipol. Nagkatinginan sila. Wala sa kanila ang marunong nun. Pinakinggan nila itong mabuti. Sumisipol talaga. At nanggagaling sa loob ng bahay.

Agad tumakbo si BJ papasok ng bahay. "Uy sir teka lang. Baka mapapano ka!" Habol ni Charisse.

Habol ang hiningang tumigil si Charisse sa tabi ni BJ. Huminto itong nakatingin sa pigura ng lalaking nakatalikod at nakatayo sa sala. Nagulat din siya. Mas lalo siyang kinabahan. Nagkatinginan na naman sila ni BJ. Mga matang nagtatanong. Tumingin ulit siya sa nakatalikod na lalaki. Kalmadong kalmado ito. Sumisipol pa rin at nakatingin sa labas. Naghahanap siya ng pwedeng ihampas ngunit wala siyang makita. Nang bigla itong lumingon.

"Uyy.... Magandang umaga!" Masayang bati nito. Pareho silang nagulat.