Chereads / Angel of my Journey / Chapter 25 - Chapter 25

Chapter 25 - Chapter 25

Gaya ng nakasanayan ay maaga pa ring bumangon si Charisse. Galit na galit pa rin ang hanging humahampas sa mga kabahayan. Nakadungaw siya sa bintana na binuksan lang niya ng bahagya. Medyo madilim pa sa labas ngunit parang nakikita niya ang mga kahoy na natutumba at mga sangang napuputol. Ang mga langitngit ng kawayan sa di kalayuan ay namumutawi at ang dapat sana ay masasayang tilaok ng mga manok ay panakanaka.

Wala nga pala siyang magagawa ngayon sapagkat hindi naman siya makapaglinis at makapagdilig ng mga halaman sa labas. "Nakakatamad tuloy, wala man lang akong magawa sa labas. Haay...makapagluto na nga lang ng maaga." Sabi niyang tumungo sa kusina. Nagulat siya ng abutan niya si Glenn na kumakain.

"Hala, kumakain ka na naman?"

"Good morning! Grabe naman, ang ganda ng bati mo." Reklamo nito.

"Ay sorry po. Hehe....nagulat kasi ako na kumakain kayo."

"Bakit? Sa nagugutom ako eh."

"Di sige, kumain ka ng marami." Ani Charisse na naghalungkat ng maluluto.

"Matutulog na ako. Pero pag kailangan nyo ako mamaya gisingin mo lang ako ha."

"Bakit naman?"

"Baka mas lumakas pa ang bagyo at kailangan nyo si Superman."

"Ang yabang naman. Mas malakas yata ang hangin dito sa loob." Natatawang sagot ni Charisse.

"Mahangin agad, nagsasabi lang ako ng totoo. Gising ako buong gabi at ngayon lang lumakas ng ganito ang hangin. Mamaya ay baka mas malakas pa, hindi pa kaya nag landfall ang bagyo."

"Oo na po. Kapag nilipad ng hangin ang bubong dapat lumipad ka rin ha Superman."

"So hahabulin ko yung bubong? Bakit pa? Pwede naman tayong bumili ng bago pagkatapos ng bagyo."

"Ah, so anong gagawin ni Superman?"

"Ililigtas yung mga tao, hindi yung bubong."

Natawa naman si Charisse. "Sige, sabi mo eh."

"O paano ba yan tapos na akong kumain." Aniyang tumayo. "Maiwan na kita dito."

Nakataas ang kilay ni Charisse na nakatingin sa kanya. "Siyempre pagkatapos kong magligpit."

"Ah....akala ko eh. Pero ok lang kuya pagbigyan kita ngayon, ikaw naman nagluto kagabi di ba."

"Huwag na. Nakakahiya sa'yo. Magluto ka na lang." Sabi nito na nagsisimula ng maghugas ng pinagkainan.

"Biglang ang bait nyo po 'no." Pansin ni Charisse.

"Aba, ipinanganak yata akong mabait."

"Wow, sige ikaw na nga si Superman. Matulungin at tsaka mabait pa. Ano? Masaya ka na?"

"At your service ma'am." Sabi nitong ginagaya ang tayo ni Superman.

Tawang-tawa naman si Charisse dito. Akala niya ay magkaugali sila ni BJ ngunit si Glenn ang kabaliktaran ng ugali nito.

"Sige na kuya magpahinga ka na at baka gigisingin pa kita ng maaga mamaya."

"Ito na, tapos na ako. Hindi mo na ako kailangan palayasin." Sabi nitong nakangiti.

"Aba, inuukray mo na ako ngayon."

"Hindi ah, magkaiba yun. Masyado ka lang guilty."

"Guilty ka dyan."

"Sige na, ipaghanda mo na ng masarap na almusal si sir Sungit mo. Masarap humigop ng mainit na kape ngayon at malamig ang panahon." Sabi nito sabay kindat.

"Nakakainis ka kuya. Matulog ka na nga." Aniyang pinapaalis si Glenn.

Tumatawang lumabas si Glenn ng kusina. Nakatingin lang sa kanya si Charisse na nagpang-abot ang mga kilay.

"Tigilan mo na yan baka matunaw ako!" Sigaw nito.

"Ano?"

"Kahit nakatalikod ako alam kong nakatingin ka sa akin." Sigaw ulit nito.

"Ewan ko sa'yo! Hmp!"

Pakanta kanta pang umakyat si Glenn sa ikalawang palapag ng bahay. Tahimik ang silid ng kanyang boss. Malamang ay tulog pa ito kaya dumiretso siya sa kanyang silid. "Ang sarap matulog!" Aniyang sumalampak sa higaan. Mayamaya pa ay mahimbing na nga ang tulog niya.

Naalimpungatan si BJ sa ingay sa labas. Hindi lang sa maingay na langitngit ng kawayan at tunog ng malakas na hangin kundi sa ingay ng mga tao. "Bakit parang ang daming tao sa labas?" Nagtataka siyang inaaninag at pinapakinggan mabuti ang mga boses na nanggagaling sa ibaba. Hindi naman siya nananaginip lang. Tumayo siya at lumabas ng kwarto.

Nagulat siya ng makita ang mga tao sa sala. "Anong ginagawa nila dito?" Hinahanap ng mga mata niya si Charisse. Mayamaya ay pumasok ito na may kasama. Inalalayan nito ang isang babaeng may edad na. Hindi niya kilala ang mga ito. "Ano bang nangyayari?" Takang tanong niya sa sarili. Tahimik siyang tumayo sa may itaas ng hagdan at nagmasid.

Abalang abala naman si Charisse sa pag-aasikaso sa mga ito. Hindi maintindihan ni BJ ang nangyayari at kung ano ang dahilan ni Charisse. "Bakit siya nagpapasok ng mga tao sa bahay na wala ang permiso ko?" Tanong niya sa sarili. Naiirita siya. Nagagalit.

"Dito lang po muna kayo ha at aasikasuhin ko lang yung boss ko. Maupo po kayo diyan. Babalik po ako."

Nagngingitngit ang kalooban na bumalik siya sa loob ng kwarto. Huminga siya ng malalim. Paulit-ulit. Ngunit hindi pa rin niya naikalma ang sarili. Mayamaya pa ay kumakatok na si Charisse.

"Naalala mo pa pala ako." Aniya pagkapasok ni Charisse.

"Sir pasensiya na po talaga, may emergency po kasi."

"Emergency? Really?"

"Opo sir. Sobrang lakas na po kasi ng hangin sa labas kaya po nakiusap po yung mga kapitbahay natin na sumilong muna dito."

"Oh, I see. Kaya pala maraming tao sa baba."

"Ay nakita nyo na po pala."

"At bakit mo sila pinapasok?"

"Po!?"

"Hindi ba malinaw yung tanong?" Naiiritang tanong ni BJ.

"Ma-malinaw naman po. Pasensiya na po talaga sir." Natatakot na sagot ni Charisse. Ito na naman. Beast mode na naman ang amo niya. Nagsisimula ng mamula ang tenga nito kaya alam niyang galit ang amo niya.

"Pasensiya...pasensiya...pasensiya! As always Charisse! Nagdesisyon ka ng hindi man lang nagpaalam sa akin? Kahit hindi ako ang may-ari nitong bahay ako pa rin ang boss dito!" Gigil na sambit ni BJ.

"Naawa po kasi ako sa kanila sir eh. Yung iba po kasi wala ng bahay, sinira na po ng bagyo." Katwiran ni Charisse.

"I don't care! Hindi ko kasalanan kung bakit nagtayo sila ng bahay na madaling masira ng bagyo! At wala akong pakialam sa kanila!"

"Grabe naman po kayo sir. Kailangan po nila ng tulong natin."

"Tulong natin? Huh! Pasensiya din at hindi ko maibibigay yun. Paalisin mo sila!" Galit na sabi niya.

"Po!?" Parang tumigil ang tibok ng puso niya sa narinig. Totoo ba talaga yung narinig niya o imahinasyon lang niya iyon?

"Ang sabi ko, paalisin mo sila ngayon din!"

"Sir...teka lang po. Parang hindi ako makahinga. Ang sakit naman po niyan." Aniyang tumutulo ang mga luha. "Hindi ko po kayang gawin yan." Aniyang umiiling.

"Anong hindi? Ikaw ang nagpapasok di ba? Eh di palabasin mo na."

"Sir, nakikiusap po ako." Ani Charisse na hindi na napigilan ang pag-iyak. "Maawa naman po kayo, sobrang lakas po ng hangin sa labas baka po mapapano sila. Kahit hanggang sa tumigil na po ang bagyo." Pakiusap niya dito.

"Bakit ba ang tigas ng ulo mo?"

"Bakit po ba bato ang puso niyo?" Balik tanong niya dito. Natigilan si BJ. Ngumiti ito ng mapakla.

"I don't care what you say. I want them out of the house, now!" Bulyaw nito.

Hindi alam ni Charisse ang gagawin. Kung paaalisin niya ang mga ito, saan naman sila pupunta? Wala silang ibang mapupuntuhan na ligtas na lugar para sa kanila. "Sir." Aniyang lumuhod. Nanlaki ang mga mata ni BJ, nagulat sa ginawa niya.

"And what are you doing?" Sambit nito.

"Sir nakikiusap po ako sa inyo. Maawa naman po kayo sa kanila."

"Tumayo ka diyan."

"Hangga't hindi po kayo pumapayag na dumito muna sila hindi po ako tatayo dito." Mariing sagot ni Charisse.

"Di sige, lumuhod ka diyan hanggang sa matapos ang bagyo." Aniyang tumalikod sa kanya. Kumuha ito ng tuwalya at papasok na sana sa banyo.

"Sir Sungit, nakikiusap po ulit ako. Buksan niyo po sana ang puso ninyo." Aniyang tuloy pa rin sa pag-iyak.

"Wala na akong puso." Sagot nito na hindi man lang lumingon.

"Sir wala naman pong ganyanan. Alam kong may mabuti po kayong puso, buksan nyo naman po ito para sa kanila." Ani Charisse na walang balak sumuko.

Tumigil si BJ at humarap sa kanya. "Hindi mo ako kilala. Kaya huwag mo na akong pilitin."

"Sir kahit isang araw lang naman po. Pangako po, aalis na po ako kasama nila. Di ba po aalis din naman ako pagkatapos ng bagyo? Sabay na po kaming aalis. Sir kahit hanggang sa matapos itong bagyo." Pagmamakaawa niya na walang tigil sa pag-iyak.

"Tigilan mo nga ako diyan sa drama mo. Let me remind you, in case nakalimutan mo. Nandito tayo para magtago. Nagagalit ka kapag lumalabas ako ng bahay baka makita ako ng mga tao. Tapos ganito?" Sumbat nito.

"Sir iba naman po yun. Mababait naman po yung mga kapitbahay natin eh."

"Paano ka nakakasiguro? Kilala mo ba sila?"

"Hin-di po masyado."

"Yun naman pala. So bakit ka nagtitiwala sa kanila? Di ba ang sabi mo, huwag basta basta magtitiwala? O nasaan na?" Patuloy na sumbat nito.

Yumuko si Charisse. Wala siyang maisagot. At isa pa, masakit na ang tuhod niya sa pagluhod. "Sorry po." Ang tanging namutawi sa kanyang mga labi.

"Your sorry won't help. Why not let them out of the house? That would be better."

Hindi umimik si Charisse. Pinahid niya ang mga luha at tumayo. Hindi niya alam kung paano gagawin ang iniutos nito. Hindi kaya ng konsensiya niya na paalisin ang mga kapitbahay nila. Bakit ba kasi ang tigas ng puso nito? Pwede namang puso muna ang gamitin sa mga ganitong pagkakataon.

"Sir, nakakaawa po kasi sila. Hindi po ba pwedeng puso muna ang gamitin natin sa ngayon? Wala po kasi silang ibang masisilungan."

Tumaas ang mga kilay nito. "Hindi ka pa pala tapos?"

Umiling siya. Tapos bigla siyang may naisip. "Sir, kung natatakot po kayong makita nila.....pwede naman po kayong hindi lumabas dito."

"What!?" Naningkit ang mga mata nito.

"Dito na lang po muna kayo sa kwarto." Sabi ni Charisse na pinanindigan na ang huling sinabi. Pilit niyang nilalakasan ang loob.

"Are you out of your mind!? Nakakulong na ako dito sa bahay, ngayon ikukulong mo pa ako sa kwarto? This is ridiculous!" Naiiritang sigaw nito.

"Sir, pasensiya na po. Sige na naman po. Kahit ngayon lang."

"Alam mo ang lakas din ng loob mo na sabihin sa akin yun. Huwag mong kalimutan ang lugar mo dito. Ako ang masusunod at hindi ikaw. Do you understand?"

"Sir, alam ko naman po yun. Kaya nga po ako nakikiusap sa inyo. Humihingi po ako ng pabor, ng tulong po. Naniniwala po ako na kung tayo din ang nangangailangan ay tutulungan din po nila tayo. Sana po pag-isipan nyo." Pagkasabi ay tinungo na niya ang pintuan. Tumigil siya sa may pinto at lumingon kay BJ. "Iaakyat ko na lang po ang pagkain nyo."

Tuluyan na siyang lumabas ng kwarto. Hindi na niya hinintay ang sasabihin pa nito. Huminga siya ng malalim pagkalabas niya. Pakiramdam niya ay ngayon lang siya nakahinga. Parang ang sikip kasi doon sa loob. "Haay, napakabato!" Aniyang tuluyan ng bumaba ng hagdan.

Nilapitan niya ang isa sa may edad na babae. "Ate Irma, ok lang po ba kayo?"

"Ay naku anak, huwag kang mag-alala ayos lang ako." Sagot nito na pilit na ngumiti.

"Para po kasing nanginginig kayo. Saglit po, ikukuha ko po kayo ng kumot. Nilalamig po kayo 'no."

"Medyo lang naman." Nahihiyang wika nito.

"Sige po, saglit lang." Aniyang pumasok sa kanyang silid. Pag balik niya ay may dala na siyang kumot at jacket.

"Ito na po para hindi na kayo lamigin."

"Salamat anak ha."

"Wala po yun." Tugon niya. "O paano, iiwan ko muna kayo ha. Aasikasuhin ko lang yung boss ko, may sakit po kasi siya kaya hindi siya makababa." Pagdadahilan niya.

"O sige, tsaka pakisabi sa kanya na salamat at pinatuloy niya kami dito."

"Sige po, sasabihin ko." Aniyang pilit na ngumiti. "Sa kusina lang po ako. Pahinga po muna kayo dito." Pagkasabi ay tumalikod na siya. Nangingilid ang mga luha sa kanyang mga mata.

Samantalang si BJ ay nakatayo sa may hagdan. Narinig niya ang pinag-uusapan ng mga ito. Lumayo na rin siya pagkaalis ni Charisse. "Huh, ginawa pa akong may sakit." Bulong niya sa sarili.

Bumalik siya sa kwarto. Napaisip. Parang makulimlim na rin ang mundo niya. Paano nga ba niya paaalisin ang mga taong kailangan ang tulong niya? Handa ba siyang magsakripisyo para sa mga ito? Bagot na bagot na nga siya sa loob ng bahay at ngayon ay hindi pa siya pwedeng lumabas ng kwarto. "Charisse talagaaa!" Gigil na sigaw niya. Dumapa siya sa higaan at pinagsusuntok ang mga unan. "Nakakainissss!"

Nasa ganun siyang kalagayan nang pumasok si Charisse.

"Sir!?"

"Anong kailangan mo?" Pabalang niyang sagot.

"Hindi ka ba marunong kumatok?" Dagdag pa niya. Wala siyang planong bumangon.

"Pasensiya na po, akala ko po kasi naliligo kayo. Hindi na ako kumatok kasi hindi nyo rin naman po maririnig. Ito na nga po pala yung coffee tsaka breakfast nyo po."

"Iwan mo lang diyan."

"Ok po, may kailangan pa po kayo sir?"

"Katahimikan. Yun ang kailangan ko."

"Sige po, lalabas na po ako."

Hindi na sumagot si BJ. Nakadapa pa rin ito sa kama at nakasubsob ang mukha sa unan. Tahimik na lumabas si Charisse ng kwarto. Dumaan muna siya sa guest room, pinakinggan niya ang galaw sa loob. Sobrang tahimik. "Baka mahimbing na ang tulog ni kuya." Naisip niya kaya nagpasya siyang bumaba na lang.

Dumiretso siya ng kusina at kinuha ang iniinit na tubig. Nagtimpla siya ng kape at dinala sa sala.

"Mag kape po muna kayo, para mainitan naman po kayo." Sabi niya sa mga kapitbahay.

"Charisse huwag ka na masyado mag-abala. Ayos lang kami, malaking tulong na yung pinatuloy nyo kami rito." Sabi ni Aling Irma.

"Naku po, kailangan nyo rin pong kumain. Ito po yung tinapay. Maghahanda lang ako ng agahan at tanghalian na rin." Sagot ni Charisse habang ipinamamahagi ang kape at tinapay.

"O siya, sige iwan mo na yan diyan at kami na lang ang kukuha. Nakakahiya naman sa'yo. Hindi mo kami bisita dito." Sabi ni Aling Marissa - may-ari ng nag-iisang tindahan sa may di kalayuan sa kanila. Kinuha nito sa kanya ang tray na hawak at kinuha naman ng dalagitang si Maricel ang tinapay.

"Kami na dito Cha. Salamat ha." Ani Maricel. "Marami ka bang gagawin? Tutulungan na lang kita."

"Ay naku, hindi naman masyado. Magluluto lang ako."

"Tulungan na lang kita. Tagahiwa na lang ako hehe..Wala rin kasi akong magawa dito kaya nakakabagot."

"O sige." Ani Charisse na ngumiti. "Salamat."

"Haay anong oras kaya titigil ang bagyo?" Biglang sabi ni Mang Kanor.

"Hindi ka ba nakikinig ng balita? Hanggang mamayang gabi pa kaya 'to." Sagot ni Aling Marissa.

"Haaay kawawa naman yung mga alaga ko." Buntong hininga ni Mang Kanor.

"Hindi mo ba inilipat yung mga kambing mo?"

"Siyempre inilipat kaya lang parang nasira na din yata yung bahay nila." Malungkot na sabi nito.

"Wala na tayong magagawa diyan. Hintayin na lang nating matapos itong bagyo." Ani Aling Irma.

"Oo nga po, ipag-pray na lang natin na wala masyadong pinsala yung bagyo." Ani Charisse. "O sige po, maiwan ko po ulit kayo at magluluto lang ako." Paalam niya ulit sa mga ito. Kailangan niyang maghanda ng maaga at kailangan pa niyang akyatin ang pinagkainan ng boss niya mamaya.

Sumunod si Maricel sa kanya sa kusina. "Ang ganda ng bahay nyo 'no." Puna nito.

Ngumiti si Charisse. "Bahay nila. Katulong lang ako dito kaya hindi ako kasama."

"Kahit na, dito ka pa rin nakatira." Sabi nitong tuwang-tuwa sa mga nakikita. "Pag nakapagtrabaho na ako, magpapatayo ako ng ganito kalaki at kagandang bahay."

"Magpatayo ka ng mas maganda at mas malaking bahay." Wika ni Charisse.

"Pwede din. Basta kapag may marami na akong pera, bahay ang unang ipapatayo ko."

"Ano namang gusto mong maging trabaho?" Tanong ni Charisse na nagbubukas ng reef at naghahanap ng maluluto.

"Gusto kong magtrabaho sa ibang bansa. Yung pinsan ko kasi sa bayan, nasa ibang bansa siya tapos ilang taon lang may bahay na agad sila."

"Anong trabaho niya doon?" Usisa ni Charisse.

"Hindi ko alam eh. Ang alam ko lang, nasa ...saan nga ba yun? A....sa Japan! Yun, nasa Japan nga siya."

"Ganun ba? Siguro malaki ang sahod dun 'no."

"Siguro. Gusto mo din ba?" Ani Maricel na kumuha ng upuan. "Wow kahit upuan maganda. Sa amin kasi kahoy lang yung upuan."

"Ano ka ba? Upuan pa rin yun."

"Basta. Ano nga? Gusto mo din pumunta sa Japan?" Ulit nito.

"Hindi ko pa naisip yan." Aniyang ngumiti. "Iba ka rin mag-isip 'no. Yung iba kasi kapag tinatanong mo, ang gusto nila ay maging engineer, doctor, abogado, piloto, teacher at basta marami pang propesyon."

"Eh, hindi ko na iniisip yun. Alam mo na, wala naman kaming pera. Hindi ko na iniisip magtapos ng kolehiyo dagdag gastos lang yun. Mag trabaho na lang ako para makatulong kina Nanay at saka para pag-aralin ang mga kapatid ko." Malungkot na pahayag nito.

"Di ba mas makakatulong ka kung makapagtapos ka ng pag-aaral?"

"Oo sana. Pero sa sitwasyon namin malabong mangyari yun. Kaya magtatrabaho na lang ako. Alam mo naman na sa bukid lang kami umaasa tapos may sakit pa yung tatay ko. Wala naman ibang aasahan kundi ako kasi ako yung panganay."

"Ang bata mo pa pero ganyan ka na mag-isip." Komento ni Charisse. "Ilang taon ka na nga ulit?"

"16 na ako." Aniyang ngumiti. "Pagkatapos ko ng high school ay maghahanap na agad ako ng trabaho."

"Haay...ganyan talaga. Pareho pala tayo. Ang kaibahan lang natin, bunso ako. At ito, sa halip na mag-aral ay nagtatrabaho."

"Gustuhin man nating mag-aral pero hindi pwede. Sana marami din tayong pera kagaya ng iba."

"Hayaan mo na, hindi naman lahat ng mayayaman ay masaya."

"Kunsabagay tama ka. Hindi naman lahat ng bagay ay nabibili ng pera. Pero sana meron man lang tayong pambili ng gamot at pagkain." Ani Maricel na nakatingin sa malayo.

Natawa naman si Charisse. "Ikaw talaga, makakahanap ka rin ng pambili niyan."

"Oo hahanap tayo ng pambili, hehe...siyanga pala, uuwi yung pinsan ko sa susunod na linggo."

"Sino? Yung nasa Japan?"

Parang interesado siya dito. Aalis na din naman siya pagkatapos ng bagyo. Tumango lang si Maricel. "Pupunta ba siya dito?"

"Hindi ko lang alam pero pupunta kami sa kanila."

"Talaga?"

"Oo."

"Balitaan mo ako ha. Parang gusto ko ding pumunta ng Japan." Aniyang napaisip.

"Sige ba."

Marami pa silang napagkuwentuhan, saan saan na nga napunta ang kanilang usapan. Nakagaanan kaagad niya ng loob itong si Maricel. Makuwento kasi. Natutuwa siya at kahit papaano ay may nakakausap siya ng matino.