Dumidilim na ngunit hindi pa dumarating si Charisse. Nag-aalala si Glenn sapagkat wala itong kasama at kanina pa nagbabadya ang ulan. Panay ang lingon niya sa may pinto habang nagluluto. Pinapakinggan niya bawat sasakyan o motorsiklong hihinto sa malapit sa kanila. Ngunit walang Charisse na dumating.
"Ang tanga ko, bakit hindi ko kinuha ang number ng babaeng yun? Tsk...tsk.. Nasaan na kaya yun?"
Tinapos niya ang pagluluto at lumabas na ng kusina. Sakto namang pagbaba ni BJ.
"Wala pa ba si Charisse?" Salubong nito sa kanya.
"Wala pa boss. Lage ba talagang ginagabi yun?"
"Madalas." Maikling tugon nito at naupo sa sofa.
"Kaya lang medyo masama yata ang panahon ngayon boss."
"Hayaan mo na, darating din yun." Kalmadong sabi nito.
"Pwede po ba nating tawagan? Sunduin ko na lang po kaya?" Sabi niyang nag-aalala. Paano naging ganito kakampante yung boss niya gayung mag-isang bumibiyahe si Charisse at gabi na. Babae pa rin yun.
Nagsalubong ang kilay ni BJ. "Ah, ibig ko pong sabihin....tawagan po natin para malaman natin kung nasaan na siya." Bawi niya.
"Bakit hindi mo tinawagan?" Sarkastikong tanong nito.
"Wala po kasi akong number niya." Nahihiyang sagot niya.
"Wala din ako. Hintayin mo na lang."
"Sige po." Tugon niya. Wala rin naman siyang choice kundi ang sumang-ayon dito. "Gusto niyo na po bang maghapunan?" Pag-iiba niya ng usapan.
"Mamaya na. Hindi pa dumating si Charisse di ba?"
"Hindi pa nga po pero nakapagluto na po ako."
"Nagluto ka? Marunong kang magluto?" Di makapaniwalang tanong nito.
"Oo naman boss! Masarap po yata akong magluto." Pagmamayabang niya. "Yun ang sabi ng Nanay ko." Dagdag niya na nakangiti.
"Talaga?"
"Yes boss. Kasi siguradong pagod na yun si Charisse pagdating mamaya kaya nagluto na ako baka awayin na naman ako eh."
Tumango lang si BJ. "Sige mamaya na ako kakain."
"Sige po. Tawagin nyo lang po ako kapag kailangan nyo ako dito. Aakyat lang po ako sandali."
"Sige."
Nagmamadaling umakyat si Glenn. Iba ang pakiramdam niya sa hangin sa labas. Lumalakas yata. Binuksan agad niya ang bintana. Tama nga siya. Parang may paparating na bagyo.
Lumalakas ang hangin sa labas at hanggang ngayon ay wala pa si Charisse. "Nasaan na ba kasi yung babaeng yun?" Nag-aalalang sambit niya. Mas lalong madilim sa labas dahil sa maitim na kalangitan at idagdag pa ang malakas na hangin.
"Haay, naku naman."
Mayamaya pa ay may tumigil na traysikel sa harap nila. Nagmamadali siyang bumaba. Tanaw niya mula sa hagdan si BJ na nakatayo sa may pintuan.
"Sir, lalabas lang po ako baka si Charisse na yan."
Tumango lang si BJ at nagmamadali na siyang lumabas. Nakahinga siya ng maluwag nang makita si Charisse.
"Haaay salamat naman." Sabi niyang tinutulungang magbaba ng mga pinamili si Charisse at ang driver ng traysikel.
"O bakit?" Takang tanong ni Charisse.
"Aba, nagtatanong ka pa? Gabi na kaya at may bagyo pa. Tapos ngayon ka lang dumating?"
"Hoy kuya, alangan namang paliparin ko yung bus para makarating kaagad dito."
"Aba, galing mo ring sumagot ano."
"Totoo naman di ba? Wala naman akong magagawa diyan. At saka kanina pa nga umuulan dun sa bayan eh. Pagdating ko ay umaambon na." Paliwanag niya.
"Sige na bilisan mo na baka bumagsak na ang ulan. Tsaka ang lamig dito sa labas."
"Ito na nga po, huli na 'to." Sabi niyang binubuhat ang huling plastic ng pinamili. "Teka lang magbabayad lang ako. Mauna ka na kuya."
"Sige. 'Tol salamat ha." Sabi ni Glenn dun sa driver. Tinapik pa niya ang balikat nito.
"Walang anuman pare." Sagot nito na nakangiti sa kanya.
"Kuya, salamat po ulit ha. Ito na po yung bayad."
"Sige, sa uulitin."
"Sige po, ingat po kayo."
Nauna ng pumasok si Glenn at binalikan ang iba pang naiwan. Sumunod naman si Charisse. Lakad takbo ang ginawa nila. Nagsisimula na kasing pumatak ang ulan.
Mayamaya pa ay bumuhos na nga ang malakas na ulan kasabay ng malakas na hangin. Sakto namang naipasok na nila sa bahay ang mga pinamili.
"Haay salamat." Sabi ni Charisse.
Habol ang hiningang nakangiti si Glenn. "Galing ng timing mo ah."
"Oo nga. Sabi dun sa bayan may paparating daw na malakas na bagyo bukas pero parang nagsisimula na siya ngayon."
"Baka nga bukas mas malakas pa nito."
"Hindi kasi tayo nakikinig ng balita. Makinig ka kaya kuya."
"Aba at inutusan pa ako."
"Siyempre busy ako."
"Pwede ka namang makinig habang gumagawa palibhasa kasi puro kanta ang pinapakinggan mo."
"Siyempre nakakawala siya ng stress."
"Bakit? Sobrang stress ka ba dito?" Salo ni BJ sa usapan. Sabay silang napalingon.
"Good evening po sir Sungit! Andyan po pala kayo. Kumain na po ba kayo?" Bati ni Charisse dito na hindi pinansin ang tanong nito.
"Hindi pa."
"Naku po, baka magkasakit kayo niyan." Lumingon siya kay Glenn. "Kuya, wala na bang pagkain?"
"Meron. Nagluto kaya ako."
"Wow! Talaga? Nagluto ka?"
"Oo. Nahiya naman ako sa'yo. Ibig kong sabihin baka kasi mamaya ka pa eh gutom na kami."
"Mabuti naman." Sagot ni Charisse na nakangiti at tumingin kay BJ. "Sir saglit lang po ha at ipaghahain ko na po kayo."
"Saka na. Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko." Sabi nito.
"Alin po dun sir?" Kunwari ay nakalimutan niya ang tanong nito kanina.
"So nakalimutan mo na agad? Ilang taon ka na ba at makakalimutin ka na?"
"Hindi naman po sa ganun sir. Marami lang po akong iniisip."
"Tulad ng....?"
"Basta po sir marami. Aabutan tayo ng bukas kung sasabihin ko po sa inyo kaya huwag na lang."
"Fine. My question was, sobrang stress ka ba dito at kailangan mo laging may pantanggal ng stress?"
"Ahhhh, hehe yun pala." Pilit siyang ngumiti at sumulyap kay Glenn. Ang daldal kasi nito kaya nahuli tuloy siya. "Hindi naman po." Pagkakaila niya.
"Hindi. So ano yung narinig ko?"
"Ah, yun po. Minsan lang naman po. Ibig ko pong sabihin, hindi naman po madalas."
Siniko siya ni Glenn. "Ano ka ba, yung seryosong sagot naman mas lalo mong ginagalit yan eh." Bulong nito.
"Seryoso naman yun kuya." Bulong din niya. Nakatingin lang sa kanila si BJ.
"Seryoso yun? Minsan pero hindi madalas? Ano yun?"
"Pareho lang yata yun." Natatawang sabi ni Charisse.
"Pinagtatawanan nyo ako?" Inis na tanong ni BJ
"Hindi po boss. Batang 'to kasi, inaayos ko lang po yung sagot niya." Sagot ni Glenn na itinuro si Charisse.
"Normal lang naman po yung stress sir di po ba? Kayo nga din nasestress eh." Sagot ni Charisse.
"Oo nga stress na stress ako sa'yo." Sabi ni BJ.
"Ay mas lalo na po ako sir. Sobrang stress po ako sa inyo." Diretsong sagot ni Charisse.
"Oh really. So why did you stay? Pwede ka namang hindi umuwi dito every time na aalis ka papuntang bayan di ba?"
"Pi-pinapalayas nyo po ako?"
"No. I'm just asking you."
"Sige po, aalis na lang ako." Sabi ni Charisse na akmang aalis.
Pinigilan siya ni Glenn. "Ano ka ba? Huwag ka ngang ganyan."
"Kuya narinig mo di ba? Pinapalayas ako." Sagot niyang pinipigil ang pag-iyak. Ang sakit sa dibdib. Gusto ng tumulo ng mga luha niya ngunit ayaw niyang makita siya ng amo na umiiyak.
"Cha hindi ganun yun." Pigil ni Glenn.
"Aalis na po ako. Kukunin ko lang ang mga gamit ko."
"Seryoso ka talaga!?" Takang tanong ni Glenn.
"Hayaan mo siya. Kung gusto niyang umalis, hayaan mo." Sabi ni BJ kay Glenn. Tumingin ito kay Charisse. "Gusto mo ba ng pamasahe?"
Hindi makapaniwala si Charisse sa narinig. Hindi niya napigilan ang mga luhang kanina pa nagbabadyang tumulo sa kanyang mga mata. Hindi niya inaasahang ganun siya kadaling paalisin ng amo niya. Tumakbo siya papuntang kwarto niya at nag impake.
Naiwang nakatanga si Glenn. Hindi rin siya makapaniwala. Parang napakabilis ng mga pangyayari. Mula sa simpleng biruan, sa simpleng dahilan na nauwi sa layasan?
"Hayaan mo siya. Hindi aalis yun." Kampanteng sabi ni BJ na umupo sa sofa.
"Sigurado po kayo boss?" Tanong ni Glenn na naguguluhan pa rin.
"Oo naman."
Mayamaya pa ay bumalik na si Charisse dala ang mga gamit.
"Ang bilis mo namang makapag-impake." Komento ni Glenn.
"Hindi na nga yata nag-impake yan eh. Nakaayos na talaga yan tapos kinuha nya na lang." Dagdag pa ni BJ.
Mas lalong gustong umiyak ni Charisse. Nagsisikip na yung dibdib niya sa sama ng loob. Pinagtulungan na yata siya ng dalawang ito.
Tumigil siya at tumingin sa dalawa. Si Glenn ay medyo nakangiti.
"Tuwang-tuwa kuya!?"
"Hindi ah. Bakit naman ako matutuwa?" Pilit nitong pinipigilan ang pagngiti.
"Ewan ko sa'yo." Nagmamaktol na tinungo niya ang pintuan.
"Sigurado ka talagang maglalayas ka ngayon? Tumingin ka nga sa labas. Ang lakas ng hangin at ulan tapos lalayas ka? Patapusin mo kaya muna yung bagyo." Suhestiyon ni Glenn.
Napatigil si Charisse. Ang dilim nga sa labas. At parang galit na galit yung hangin na kinukuskos ang mga puno at kabahayan. Dinig na dinig ang langitngit ng mga kahoy at mga bubong na tinatamaan ng malakas na hangin. Bigla siyang nakaramdam ng takot. Tumingin siya kay BJ. Nakatingin lang ito sa kanya. Walang reaksiyon. "Talagang napakawalang puso mo." Bulong niya.
"Ano cha? Mag-isip ka nga, baka kung mapaano ka sa labas." Nag-aalalang tawag ni Glenn. Parang seryoso nga yata itong si Charisse, pero si BJ ay sigurado din na hindi siya aalis.
Nag-isip siya sandali tapos biglang isinara ang pinto. "Sige, pagkatapos na lang ng bagyo." Sabi niya sabay ikot pabalik.
"Akala ko naghihintay ka sa iaabot kong pamasahe." Wika ni BJ.
"Sir, kung gusto nyo pong ibigay bakit kailangan ko pang maghintay?" Ani Charisse na tumigil at hinarap si BJ.
"Oo nga. Pero hindi ka pa naman aalis di ba?" Sarkastikong sagot nito.
"Pasalamat po kayo at may bagyo. Dahil kung wala, kanina pa ako umalis."
"Haaay salamat naman at bumagyo! Sige hangin lakasan mo pa! Sige pa!" Sigaw ni Glenn.
Sabay na napatingin si BJ at si Charisse sa kanya.
"O ano? Bakit ganyan kayo makatingin? Nagpasalamat lang ako. Thank you, thank you bagyo!" Sabi niyang sumasayaw pa.
"Tigilan mo nga yan kuya para kang tanga." Ani Charisse na napapailing na lang. Humarurot siya ng lakad papunta sa kanyang kwarto.
"Nagugutom na ako!" Pahabol ni BJ bago siya tuluyang makapasok sa kwarto.
"Boss sa tingin nyo lalabas pa yun? Di kaya magmukmok yun sa kwarto niya?" Tanong ni Glenn.
"Lalabas yun, di ako matitiis nun eh. Ah...ibig kong sabihin kahit mag-away pa kami hindi niya pinapabayaan ang trabaho niya kaya lalabas yun." Kampanteng sagot nito.
Mayamaya nga ay lumabas na si Charisse. Nakapagbihis na ito at mukhang galing sa pag-iyak.
"Sir iaakyat ko po ba ang pagkain ninyo?"
"Hindi na. Sa kusina na ako kakain." Tugon ni BJ.
"Sige po, maghahain lang ako." Sabi nito sabay umalis na.
"Boss, masama yata ang loob nung bata sundan ko lang ha."
"Sige, dalhan mo ng candy." Ani BJ na ngumiti.
Masama pa rin ang loob ni Charisse kahit umiyak na siya kanina. Mabigat sa loob niyang lumabas ng kwarto at makita ang amo niya. Ngunit hindi niya pwedeng hayaan na walang mag-aasikaso dito kahit sabihin pang nandun naman si Glenn. Tinulungan na nga siya nitong magluto pati ba naman ibang trabaho niya ay ipapagawa pa niya dito. Huminga muna siya ng malalim bago itinuloy ang ginagawa. "Yung kalangitan nakikiramay na naman sa akin. Haay buti pa kayo dinadamayan ako. Tsk...bakit ba kasi ako affected? Ayoko na....nakakainis talaga!"
"Sinong nakakainis?" Biglang tanong ni Glenn na nasa likuran niya.
"Ha!?" Nagulat siya. Nasabi ba niya yun ng malakas?
"Anong ha? Sabi mo ayaw mo na, kanino ka naiinis? Sa akin o sa boss mo?"
"Narinig mo yun? Teka, yun lang ba ang narinig mo?" Kinakabahan niyang tanong.
"Ah, teka lang isipin ko muna." Sagot nito na kunwari ay nag-iisip.
"Kuya naman e."
"Hahaha! Bakit? Meron ba akong hindi narinig na ayaw mong iparinig?" Panunukso nito.
"Tsk. Umayos ka nga. Wala 'no."
"Sus, wala daw. Sigurado ka?"
"Oo nga po."
"Sige." Sabi nitong umupo. "Eh, ano yung drama mo kanina?"
"Anong drama?"
"Yung paglalayas mo, ano pa ba?"
"Hindi naman drama yun. Talagang aalis ako dito. Andito ka naman."
"So? Pwede ka ng umalis ganun?"
"Opo naman."
"So sinong magluluto, mamamalantsa, maglalaba, maghuhugas, maglilinis at mag-aalaga dun sa boss mo? Ako?" Ani ni Glenn na binilang pa isa isa ang mga gawaing bahay.
"Ay bahala na kayo. Hindi na ako kailangan dito."
"Sus kung makapagtampo naman 'to. Saang part ka ba nagtatampo ha? Dun sa iniisip mong pinapalayas ka at hindi ka na kailangan o dun sa part na wala talagang pakialam sa'yo ang masungit mong boss?"
"Siyempre po dun sa una."
"Huh! Talaga? Pero bakit sa pakiramdam ko eh....pareho?"
"Kuya, wala naman talagang pakialam sa akin yun. Wala ngang puso yun e. Matagal ko ng alam yan." Sabi ni Charisse.
"Ay sus! Sino bang niloloko mo dito ha? Ako o yung sarili mo?"
"Wala kuya."
"Hala, masyado kang halata uy."
"Ha!?" Namumula ang mukha ni Charisse. "Grabe ka kuya, anong pinagsasabi mo?"
"Hahaha! Tingnan mo nga, nagba-blush ka pa!"
"Natural yan 'no." Pagkakaila pa niya.
"Natural daw. Unang tingin pa lang, alam ko na. Kaya lang masyadong manhid ang boss mo."
"Kuya pati ba naman ikaw?"
"Sinasabi ko lang yung totoo."
"Kuya, dati pa yun. Bata pa ako nun. Wala na ngayon."
"So inaamin mo nga."
"Ang kulit naman. Dati nga po, dati. Simula nung makasama ko siya dito, ay naku kuya! Sa sungit ba naman niyan."
"O sige." Sabi ni Glenn.
"Anong sige?" Takang tanong ni Charisse.
"Sige...pagbibigyan kita. Sabi mo "dati" di ba? Pero nagdadamdam ka kung sinusungitan ka."
"Kuya, lahat naman ng tao magdaramdam kapag sinusungitan."
"Pero mas masakit kapag nanggaling sa taong espesyal sa puso mo. Tama?"
"Haaay. Tama na nga kuya, lalo akong na stress sa'yo." Sabi niyang naupo na rin.
"Nakakapagod ba? Hayaan mo siya, darating din yung panahon na ma realize nya...."
"Ay kuya huwag na....ayoko na. Pakitawag na nga lang yun para kumain na at magpapahinga na ako." Aniyang tumayo.
"O bakit ako? Ikaw na kaya tumawag."
"Ikaw na nga kasi. Sige na, please."
"Haay, ewan ko sa inyo!" Aniyang tumayo.
Mayamaya pa ay nandun na nga si BJ. Nakatalikod si Charisse at abalang abala sa ginagawa. Nakahain na nga ang kanyang pagkain sa mesa kaya umupo siya at tahimik na kumain. Hindi man lang ito lumingon. "Nagdamdam nga yata." Sa isip isip niya. Anong sasabibin niya? Sorry? At bakit naman siya magso-sorry? Wala naman siyang sinabing pinapaalis nga niya ito ng bahay. Tinanong lang niya ito nagdamdam na kaagad. Miscommunication ba o may language barrier lang yata talaga sila. Nagulat din siya sa reaksiyon nito kanina kaya lang mas natuwa siya nung sinakyan niya ang gusto nito.
Si Charisse naman ay abala sa paglalagay ng mga pinamili. Dapat sana ay bukas pa niya ito aayusin kaya lang ay wala siyang ibang magawa ngayon habang kumakain ang masungit niyang boss. Kunwari ay busy siya. Wala silang imikan. Ayaw niya itong kausap at masama pa ang loob niya. Akalain mo bang may pabaon pang pamasahe? Gusto na nga yata siya nitong palayasin kaya lang hindi nito masabi ng diretso.
Samantalang si Glenn naman ay nakasilip sa may pinto. Natatawa siyang pinapanood ang dalawa. "Ang hirap talaga pag may LQ! Tsk...tsk!" Napapailing na lang siya. "Ay teka, hindi pala LQ yan kasi one sided eh. Ano kayang tawag dyan? Hmmm?" Aniyang nag-iisip. "Haaay...wala yata akong maisip ang slow ko naman."
Umalis si Glenn sa pinagkukublian at umakyat. Sumisipol pa siya habang paakyat ng hagdan. Naisip niyang sumilip muna sa may bintana. Parang mas lumakas pa yata ang hangin at ang ulan. Naisip niyang totoo nga yatang may bagyo at hindi lang basta ulan 'to. Umikot ang mata niya sa paligid. Wala naman masyadong malalaking puno sa malapit at hindi rin sila daanan ng baha. At wala rin naman siyang dapat ikabahala dahil mukha namang matibay ang bahay nila. "Parang gusto ko yatang makinig ng balita."
"Kuya, hindi ka pa ba kakain?" Tawag ni Charisse na nakatayo sa kanyang likuran.
"O, andyan ka pala. Tapos na ba kumain si boss?"
"Opo, kakatapos lang. Samahan mo naman akong kumain." Malungkot na sabi nito.
"Sige ba, tamang tama gutom na rin ako. Mauna ka na at susunod na lang ako." Tugon niya.
Tahimik na tumalikod si Charisse. Dahan dahan itong bumaba ng hagdan. "Haaay...talaga naman." Sinundan niya ito at itinulak. "Bilisan mo na!" Sabi niyang hawak hawak ang braso ng nagulat na si Charisse. Di ito nakapagsalita.
"Ano ka ba kuya, papatayin mo ba ako?"
"Hindi. Hawak naman kita di ba?" Aniyang nakangiti. "Bilisan mo na at gutom na ako. Tara na."