Chapter 23
Kinabukasan, maagang naghahanda si Charisse para pumunta sa bayan. Naabutan niyang gising pa si Glenn at nakaupo sa labas ng pinto ng bahay.
"Uy, hindi ka pa ba matutulog?" Untag niya dito na nakatingin sa malayo.
"Hindi pa. Mamaya na." Sagot nito na hindi man lang lumilingon.
"Umaga na kasi at aalis na ako mayamaya lang. Kailangan gising ka pag-alis ko."
"Ha!?" Nagulat ito at napalingon sa kanya.
"Ayan, lumingon ka rin. Ang layo ng tingin eh." Sabi ni Charisse. "Pero seryoso, dapat gising ka pag umalis na ako."
"Anong oras ka ba aalis?"
"Mamaya ng konti." Tugon niya.
"Anong oras nga yung mamaya ng konti? Para naman makapagpa-alarm ako."
"Hindi ako sigurado eh. Pagkatapos pa ng lahat ng gagawin ko."
"Hala! Wala man lang target time kung kelan nya tatapusin. Dapat may time frame ka. Para naman ma-manage mo ng maayos yung time mo." Paliwanag ni Glenn.
"Naku, hindi ko kailangan yan. Wala naman ako sa opisina."
"Kahit na. Magandang practice pa rin yun." Giit ni Glenn.
"O sige, alas nuwebe." Mabilis na sagot ni Charisse.
Tiningnan siya ni Glenn. "Sigurado ka?" Ayaw niyang maniwala dito. Sa bilis ng sagot nito, siguradong hindi na ito nag-isip at nagkalkula.
"Oo naman." Paniguradong sagot ni Charisse. "Gumising ka ng alas nuwebe at aalis ako. Ok?"
Natawa na lang si Glenn at napailing. "Paano kung hindi ka matapos?"
"Eh di...." Nag-iisip si Charisse. "Di mas maganda, tutulungan mo ako para matapos." Wika nito.
"Hahaha! So sinasabi mo na hindi mo nga kayang tapusin ang lahat ng gagawin mo sa oras na itinakda mo?"
"Kung sakali lang naman." Aniyang ngumiti.
"Sige, gigising na lang ako ng alas diyes." Sabi ni Glenn sabay pumasok na ng bahay.
"Hala! Bakit alas diyes? Hoy!" Habol niya rito. "Alas nuwebe nga!"
"Gisingin mo na lang ako!" Sigaw nito na di lumilingon.
"Ang daya naman." Sabi niya sa sarili. Naiwan siyang mag-isa sa labas ng bahay. Ngayon, kailangan na niyang magmadali.
Dumaan muna si Glenn sa kwarto ni BJ bago tuluyang pumasok sa guest room. Sinubukan niyang pihitin ang door knob. Naka lock ito. Tahimik sa loob. Tiningnan din niya ang dalawa pang bakanteng kwarto na nandun. Pati na ang library ay pinasok niya rin. Maayos at tahimik ang paligid. "Siguro naman ay makakatulog ako ng mahimbing nito." Sabi niya bago tuluyang pumasok sa kwarto niya at sumalampak sa kama. Mayamaya pa ay mahimbing na nga ang tulog niya.
Nagising si BJ sa hindi pamilyar na paligid. Isang maliit kubo. Namamanhid ang mga kamay niya sa pagkakatali sa kanyang likuran. Palinga-linga siya at pinagmasdan ang paligid. Mag-isa lang siya sa loob ngunit may naririnig siyang tawanan sa labas ng kubo. Siguro ay mga apat na lalake base sa pagkakaiba ng mga boses nito. "Bakit ako nandito?"
Inaalala niya ang mga pangyayari ngunit wala siyang matandaan. Hindi niya alam kung anong gagawin. Halong kaba, pag-aalala at takot ang kanyang nararamdaman. Sinikap niyang pakalmahin ang sarili para makapag-isip ng maayos at makapag-isip ng paraan para makatakas.
Pagod na siya sa kakatakbo. Hindi alam ni BJ kung saan siya magtatago at kung paano malulusutan ang mga lalaking humahabol sa kanya. Kanina pa siya paikot-ikot sa gubat ngunit wala man lang siyang makitang labasan. Ngalay na ang mga paa at binti niya. Masakit na ang mga braso niyang tinatamaan ng mga nadaanan niyang sanga. Nanghihina na rin siya ngunit kailangan niyang magpatuloy sa pagtakbo. Ilang hakbang na lang ay maaabutan na siya ng isa sa mga lalaking humahabol sa kanya. Tinatawag siya nito at pinapatigil ngunit tila wala siyang narinig at patuloy siya sa pagtakbo.
Mayamaya pa ay parang nag-iba ang boses ng tumatawag sa kanya. Boses babae. At tinatawag siya sa kanyang pangalan. Nagtataka man ay patuloy pa rin siya sa pagtakbo. Parang papalapit ang boses at natatakot siyang abutan nito.
Habol ang hininga, bumabagal na ang kanyang pagtakbo. Pagod na pagod na siya ngunit kailangan niyang magpatuloy. Pinipilit niyang ihakbang pa ang mga paa. Sinusubukang bilisan ang pagtakbo.
Nagdalawang isip siyang lumingon ngunit patuloy sa pagtawag sa kanyang pangalan ang babae. Ngayon ay parang sobrang lapit na nito.
"Sir Sungit! Sir gising po!" Sigaw ni Charisse sabay yugyog sa balikat ni BJ. Nung una ay nag-aalangan siyang hawakan ito ngunit wala siyang choice, hindi ito nagigising sa tawag niya. "Sir!" Naalimpungatan si BJ. Di siya nakapagsalitang nakatitig lang kay Charisse. Si Charisse ba yung naririnig niya sa panaginip niya na tinatawag siya? Siguro kung hindi ito sumigaw ng Sungit ay hindi siya magigising. Nakahinga siya ng maluwag ngunit ramdam niya ang pagod sa pagtakbo sa panaginip niya. Mabuti naman at isang masamang panaginip lang pala.
"Ano ba yan sir, tinakot mo naman ako." Reklamo nito ngunit halata sa mukha nito ang pag-aalala. "May binabangungot pala ng alas nuwebe ng umaga? Naku sir ha. Aatakehin yata ako sa sakit sa puso nito."
Pagmamaktol ni Charisse na naghahanap ng pamunas sa gabutil na pawis ni BJ.
"Buti nakapasok ka." Yun lang ang tugon niya at dahan dahang bumangon.
"Siyempre po may susi ako." Tugon ni Charisse na hindi lumilingon. Ayaw niya talagang lumingon, alam niya kasi na hindi na naman nakasuot ng pang itaas ang masungit niyang boss. "Kinakabahan ako eh, sumisigaw po kayo kanina akala ko kung ano na ang nangyari." Paliwanag niya.
"Huwag ka ng magpaliwanag gusto mo naman talagang pumasok dito." Seryosong sabi nito.
"Hala!" Bigla siyang napalingon. Nakatayo si BJ sa harap niya.
"Bakit? Hindi ba?" Sabi nitong nanunukso.
"Excuse me lang po sir, kung gusto ko man po pumasok dito yun ay kung kailangan ako. At wala na pong iba." Sabi niya sabay hampas ng face towel sa dibdib nito. "Hmp!" Sabi niya sabay walk out.
"Talaga lang ha?" Pahabol nito.
"Ewan ko po sa inyo." Sagot niya na di lumilingon. Kailangan na niya talagang umalis doon baka himatayin siya. Bakit ang bango ng boss niya kahit kagigising lang? "Nakakainis naman. Bakit ganun?" Pagmamaktol pa niya. Lumilipad ang utak niya kaya di niya napansin si Glenn sa harap niya.
"Hoy!" Gulat nito sa kanya.
"Pusa! Ano ka ba!?"
"Naiwan ba yung kalahati ng katawan mo dun sa loob at parang wala ka sa sarili na naglalakad?" Sabi nito na nakangiti.
"Bakit ngiting ngiti ka?" Naasar na sagot niya.
"Wala. Bawal ba ngumiti?"
"Ewan ko sayo. Magsama kayo ng amo mo!" Inis na sagot niya at nilampasan niya ito.
"Saglit lang naman. Lalaki ako, hindi kami pwedeng magsama." Pang-aasar pa nito na sumunod kay Charisse. Hindi naman siya pinapansin nito at diretso sa paglalakad. "Seryoso na 'to. Hoy, teka lang. Ano bang nangyari dun?" Pigil niya kay Charisse.
"Bakit ba ako tinatanong mo? Kung puntuhan mo kaya siya at magtanong ka." Pabalang na sagot niya.
"Siyempre ikaw ang assistant, ay mali. Joke lang. Hehe....Siyempre galing ka dun. At ayoko namang makaistorbo doon kaya sayo na ako nag tanong."
"Wala namang nangyari, may masamang panaginip lang." Inirapan niya si Glenn at tumuloy na sa kusina.
"Galit ka nyan? Kung makairap ka wagas ah!" Reklamo nito.
"Alam mo ikaw, ang daldal mo. Tumahimik ka nga at sumasakit ang tenga ko sa'yo." Reklamo din niya.
"Maingay ba ako? Hindi naman ah. Nagtatanong nga lang di ba?"
"Yun nga, ang dami mong tanong. Dyan ka na nga at marami pa akong gagawin."
Inihahanda na niya ang breakfast ni BJ. Nag timpla ulit siya ng kape at naitapon niya ang una nyang dala. Nagulat siya nung sumigaw si BJ kaya nabitawan niya ito at kailangan pa niyang linisin ang kalat niya. Pumasok naman si Glenn at umupo sa silyang nasa harapan niya.
"Wow breakfast!" Sabi nitong natatakam sa pagkain.
"Kumain ka ng kung gusto mo." Aniyang inilalagay sa tray ang pagkain.
"Ay hindi ba para sa akin yan?" Dismayadong sabi nito.
"Ano daw? Haha...at bakit naman kita ipaghahanda ng pagkain?"
"Grabe naman, pwede mo naman akong idamay sa paghahanda ng pagkain di ba?"
"Ay sus, sa laki ng katawan mo kayang kaya mo na yun. Pinagluto na nga kita, pati ba naman paghahain ako pa ang gagawa? Marami pa akong gagawin kaya kumain ka mag-isa."
"Sama naman ng ugali mo." Pagmamaktol nito na parang bata.
"Masama talaga." Sagot ni Charisse na binuhat na ang tray ng pagkain at umalis.
"Haaay kailan kaya may mag-aalaga sa akin?" Pahabol nito.
"Huwag ako ang tanungin mo, tanungin mo sarili mo." Sagot ni Charisse na di lumilingon.
Ngumiti siya. "Sumagot pa talaga." Bulong niya. "Makakain na nga! Kaya ko naman kumain mag-isa." Sabi niya sa sarili.
Samantalang si BJ ay nakaupo pa rin sa gilid ng kanyang kama. Siguro dahil sa lagi niyang pag-iisip kaya siya nananaginip ng ganun. "Kumusta na kaya sila?" Tanong na may halong pait at pag-aalala. Iniisip niya kung paano siya makakatulong ngunit paano? Makakatulong nga ba siya o magdadala lang siya ng kapahamakan sa pamilya niya? Natatakot siyang sumubok. Nagdadalawang-isip. Ano nga ba ang pwede niyang gawin mula dito sa pinagtataguan niya?
"Sir, pwede po bang pumasok?" Tawag ni Charisse mula sa labas ng kwarto niya. Saka lang din siya nakaramdam ng gutom.
"Sige." Sagot niya na di pa rin tumatayo sa kinauupuan.
"Sir, dinala ko na po pati breakfast nyo." Sabi ni Charisse habang inilalapag ang tray ng pagkain sa mesa.
"It's okay, I'll take that later. Mag coffee muna ako." Tugon niya.
"Sige po. At saka po aalis nga pala ako. Pupunta akong bayan."
"Ahhh, yeah. Sige, isama mo na si Glenn para may tagabuhat ka."
"Ay hindi na po. Wala po kayong kasama dito." Nagtatakang sagot niya. Bigla yata itong bumait.
"Ok lang naman ako dito. Isama mo na siya." Giit nito.
"Hindi na nga po. Sanay naman po akong mag-isa."
"Mas marami ka ng bibilhin ngayon kaya kailangan mo ng kasama." Pagpupumilit nito.
"Sir, hindi ko naman po bodyguard yan. Kayo po ang binabantayan nyan kaya ko nga ginising yan eh. At saka ok lang po ako, nandun naman si kuya para tumulong sa akin." Paliwanag niya.
"Sinong kuya?" Curious na tanong niya. Nakakunot ang noo.
"Si kuya po, yung driver ng traysikel. Siya po nagbubuhat lage ng mga pinamili ko pagkababa ko ng bus at siya naman ang nagbababa ng mga ito dyan sa labas ng gate. Sa kanya kasi ako laging nagpapahatid kasi may libreng buhat."
"Sigurado ka bang mapagkakatiwalaan yan?"
"Oo naman po."
"Sigurado ka talagang hindi mo isasama si Glenn?"
"Ay oo naman po. Siguradong sigurado."
"Talaga?" Pangungulit nito.
"Oo nga po. Kasi po ang ingay ingay nun eh. Nakakairita. Kaya huwag na po kayong makulit."
"Ahhh, ayaw mo rin pala ng maingay? Bakit ikaw, ang ingay mo rin?"
"Si sir naman. Kasi naman po dalawa na nga lang tayo dito sa bahay hindi pa ba tayo mag-uusap. Nakakatakot kaya dito."
"Palusot ka pa. Nasasapawan ang kaingayan mo kaya ayaw mo sa kanya." Komento nito.
"Kung makapanghusga naman po kayo. Hindi..."
"O ayan. Yan! Hindi ka talaga mawalan ng sasabihin." Putol nito sa sasabihin pa niya. "Lagi kang may sagot. Bagay nga kayong dalawa. Kaya dalhin mo na yun at ng matahimik naman dito sa bahay. Parang simula nung dumating siya ay sobrang sakit na ng ulo ko sa ingay ninyo."
"Magkape na nga lang po kayo at lumalamig na yan." Pag-iiba niya ng usapan. "Alis na po ako."
"Aalis? As in pupunta ka na sa bayan?"
"Opo. Magtatanghali na po eh baka gabihin pa ako ng uwi. Si Glenn na po magliligpit niyan, ibibilin ko na lang po sa kanya."
"Sige." Napilitang sagot nito.
"Sige po. Tutuloy na po ako." Paalam niya at tinungo ang pinto.
"Ayaw mo talaga siyang isama?" Habol nito.
"Hindi nga po." Sagot niya at binilisan ang paghakbang. "Bakit po ba ang kulit nyo?"
"Nagtatanong lang."
"Ano kayang nakain nito at hindi nagsungit? Dahil ba sa panaginip niya? Teka, ano nga kaya ang napanaginipan niya at binangungot pa siya talaga?" Bulong niya sa sarili. Lumingon siya sa kwarto nito. Sakto namang nakatayo si BJ sa pinto. Natigilan siya.
"Ayaw mo talaga?" Tanong ulit nito.
"Haaay sir. Ewan ko po sa inyo." Sabi niyang tumakbo na pababa ng hagdan.
Naabutan naman niyang kumakain si Glenn sa may kusina.
"Cha halika na. Kumain na tayo." Aya nito sa kanya.
"Sige, magpakabusog ka." Sagot niya.
"Ang sungit mo na naman."
"Anong masungit? Sinasabi ko lang na magpakabusog ka, anong masama doon?"
"Wala. Pero pwede namang sagutin mo ako ng simpleng " salamat " lang. Di ba mas sweet yun?"
"Huh! Sweet ka dyan."
"O bakit?"
"Wala. Ang OA mo lang. Salamat lang, sweet na agad?"
Nakangiwing pahayag ni Charisse. Hindi talaga siya sumasang-ayon dito.
"Bahala ka nga. Excuse naman dyan at maghuhugas ako." Sabi nitong tinatabig si Charisse palayo sa harapan ng sink. Paano naman kasi ay dun siya tumayo at sumandal.
"Ay oo nga pala, may ipapakiusap sana ako sa'yo." Nahihiyang sabi niya.
"Ano yun?" Sabi nitong nakisandal na rin sa harap ng sink.
"Aalis na kasi ako kaya walang magliligpit ng pinagkainan ni sir. Pwede bang ikaw na lang?"
"Ha!? Joke ba yan?" Gulat na sabi nito.
"Aabutan ako ng tanghali dito kung hihintayin ko pa siyang matapos. Sige na."
"Dapat pinakain mo yan ng maaga."
"Ayaw niyang mag breakfast ng sobrang aga. Coffee lang gusto niyan. Sige na kuya. Please?" Pagmamakaawa niya.
"Aba, kung maka kuya ka wagas ah!" Reklamo nitong natatawa.
"Please kuya!" Ulit niyang pinapupungay ang mga mata. Mukha na yata siyang maamong tuta sa ginawa niya.
"Sa susunod ha huwag kang ganyan at marupok ako."
"Po!?"
"Wala. Ang sabi ko, huwag mo ng ulitin at di bagay sayo. Sige na."
"Sige na.... oo na?"
"Oo na sinasagot na kita." Sabi nitong natatawa.
"Kuya naman eh. O sige maghahanda lang ako para makaalis na. Si sir ha bantayan mong mabuti."
"Yes ma'am." Sabi nitong nag-salute pa.
"Hmp! Wala ka talagang magawa. Pero salamat ha."
"Anong salamat? Akala mo libre yun?"
"So may bayad ganun? Eh di utang na lang muna."
"Hindi pwedeng utang." Mabilis niyang sagot. "Ang daya mo naman. Pasalubong lang gusto ko."
"Pasalubong? Parang bata 'to. Seryoso ka talaga " kuya"?" Sabi niyang idiniin pa ang salitang kuya.
"Oo naman."
"Ano namang gusto mo?"
"Kahit ano basta pasalubong."
"Sige na nga. O siya, si sir ha bantayan mong maigi. At saka may pagkain na dito, kumain na lang kayo."
"Sige."
"Sige kuya, alis na ako. Kayo na bahala dito."
"Oo na nga. Ang kulit eh. May plano ka bang umalis?"
"Ito na nga po aalis na. Mas atat ka pa yata keysa sa akin. Hmp."
"Kasi puro ka paalam hindi ka naman umaalis."
"Ito na nga po di ba? Aalis na."
Tumawa lang si Glenn habang pinapanood si Charisse na papalayo. "Isang makulit na katulong at isang malamig at masungit na boss, hmmm....bagay!"