Chereads / Her Name is Katie / Chapter 3 - The New Girl

Chapter 3 - The New Girl

"ENGAGED na siya?" hindi makapaniwalang wika ni Colin.

"Oo. Hindi mo ba nakita sa post niya sa Instagram?"

Minsan ay tsini-tsek naman ni Colin ang feed ng dalaga sa Instagram pero wala siyang ideyang may karelasyon na ito dahil panay solo pictures lang naman nito ang pino-post nito o ang mga campaign ads nito sa mga brands na iniendorso.

"I wasn't aware."

"Well, sabi ni Mama, gusto lang daw ni Ate Jessica ng low key na relasyon kaya ngayon lang niya na-ipost," paliwanag ni Mace. "I'm sorry, Kuya. Ngayon ko lang din nalaman. Kaya nga ayaw kong mapahiya ka kaya sinabi ko rin iyon."

Parang may mabigat na bagay na dumagan sa dibdib ni Colin at wala na siyang nagawa kundi mapabuntung-hininga na lamang.

"Pero paano ko na siya haharapin ngayon? At saan naman ako kukuha ng girlfriend na ipapakilala?" Napakamot siya sa ulo sa sobrang frustration na nararamdaman.

"O, eh di ba sabi mo guwapo ka at makakapaghanap ka agad ng mapapang-asawa kung gugustuhin mo? Simulan mo na sa paghahanap ng girlfriend," natatawang wika ni Mace.

"Pero…."

Kaso hindi rin natapos ni Mace ang sasabihin dahil tumunog na ang cellphone nito na agad nitong sinagot.

"Hello, Madam. Yes, this is Mace Verano."

"Mace!"

"Can you hold on for a second, Madam?" anito sa kausap bago siya binalingan. "Use your good looks to find you a date. Sa ngayon, huwag mo akong abalahin. Anyway, tatawag daw sa'yo si Ate Jessica. I don't know why," ani Mace bago siya nilayasan.

Hindi makapaniwalang napabuga si Colin ng hangin. Frustrated siya. Where on earth would I find a pretend girlfriend for a weekend? At tungkol naman kay Jessica, bakit ito tatawag sa kanya?

Inaamin ni Colin na matagal niya nang hinintay na tumawag ito pero ngayon ay sobrang kinakabahan siya. Hindi niya rin maiwasang malungkot na may fiancé na pala ito. Ganoon ba kadali para dito na kalimutan ang lahat sa kanila?

Parang nanikip ang dibdib ni Colin at nalilito na siya sa dapat niyang gawin. He needs advice. Dinampot niya agad ang susi ng kanyang kotse at lumabas sa opisina.

***

GAMIT ang Bluetooth headset ay sinagot ni Katie ang tawag habang nagda-drive siya.

"Hoy, Katie! San ka na?" bungad ng bestfriend niyang si Andrea sa kabilang linya.

"Papunta na."

"Ano ba 'yan?! Isang taon na kitang hindi nakikita, male-late ka pa!"

"May pinuntahan lang akong event. Launching kasi ng make up line ng isang artista. Nag-invite ng social media influencers."

Licensed architect si Katie pero mas pinili niyang maging social media influencer slash travel vlogger lalo pa at kinasanayan niya nang mag-travel. Bata pa lamang kasi sila ng nakababata niyang kapatid na si Noel ay madalas na silang mag-travel.

Isang flight attendant ang kanilang Pilipinang ina at ang half-British, half Filipino naman nilang ama ay isang regional development manager sa isang multinational mass media conglomerate. Madalas ay sumasama sila ni Noel sa kung saan naka-assign ang Daddy nila. Kaya nga noong bata pa sila ni Noel ay sa ibang bansa sila nanirahan. Bihira lang mabuo ang pamilya nila dahil sa uri ng trabaho ng kanilang mga magulang.

Iyon na rin siguro ang dahilan kung bakit noong labing anim na taong gulang pa lamang si Katie ay naghiwalay na ang mga magulang nila ni Noel.

Noong mga panahong iyon ay na-assign ang Daddy nila sa bagong business venture ng kompanyang pinagtatrabahuhan nito na naka-base sa Maynila. Doon napagpasyahan ng ina nilang si Feliz sa Pilipinas na sila manirahan ni Noel kasama ang ama.

Magka-college pa lamang noon si Katie at magsisimula pa lang ng high school si Noel kaya naisip ng Mommy nilang tama lamang na pumirmi muna sila ni Noel sa Maynila. Noel and Katie were fine with it because they were so tired of moving around. Ni wala nga silang permanenteng kaibigan noon dahil pagkatapos nilang umalis sa isang lugar ay hindi na nila muling nakakausap ang mga nakilala nila ni Noel. Hindi rin naman sila nahirapan manirahan sa Pilipinas dahil kahit half-British ang ama nila ay matatas silang mag-Tagalog ng kanyang kapatid. Pinasanay rin naman sila ng ina na magsalita ng Tagalog sa bahay.

Pero kahit ganoon ay okay pa rin ang naging relasyon nilang magkapatid sa ina dahil kapag may panahon ay bumibisita ito sa kanila at palagian namang tumatawag. Naging masaya si Katie sa buhay sa Maynila lalo pa at nagkaroon na siya ng tunay na mga kaibigan, hindi gaya noon.

Pero nang makapagtapos si Katie ng college ay saka naman muling nagpakasal ang Mommy niya sa isang French Businessman. Katie and her brother went to their mother's wedding in Paris and that was when Katie met vloggers who were her stepfather's nephews and nieces.

Sumama si Katie sa grupo sa pag-travel sa buong Italy at doon muling nabuhay ang kagustuhan niyang mag-travel. Siguro kasi noon ay naging mahirap sa kanyang mag-travel dahil nag-aaral pa siya noon at gusto niyang magkaroon ng permanenteng kaibigan. Pero ngayon, na-discover rin naman ni Katie na puwede pala siyang magkaroon ng mga kaibigan habang nagta-travel. Hanggang ngayon kasi ay may komunikasyon pa rin sila ng mga nakasama niya noon sa Italy.

Bukod doon ay nagsawa na rin si Katie sa trabaho niya sa isang architectural firm. Ang bakasyon na iyon ang nagtulak sa kanya para mag-resign sa trabaho at maging full-time travel vlogger na ngayon ay apat na taon niya nang ginagawa. She travels in different parts of the world but she still goes back to the Philippines from time to time because it's where her brother chose to stay. Isa na itong nurse ngayon.

Siguro nga ay nasa dugo na talaga ni Katie ang pagiging nomad. Wala man siyang permanenteng address ay natutuwa naman siya sa mga experience niya sa pagta-travel. Para sa kanya ay mahalaga iyon kahit sa anumang bagay dahil ika nga, You only Live Once. Besides, kumikita rin naman siya sa kanyang travel vlogs sa Youtube na ngayon ay may five hundred thousand subscribers na. Idagdag pa ang mga revenues na kinikita niya sa mga ads at sponsorship ng mga produkto.

"Oo na. Palibhasa sikat na ang bestfriend ko! Pero tandaan mo naman na ako ang unang naging permanenteng kaibigan mo kaya huwag mo naman akong kalimutan!"

Si Andrea ang unang naging kaibigan ni Katie mula nang manirahan sila sa Maynila noon at kahit pa nagta-travel na siya sa mundo ay hindi pa rin ito nakakalimot sa kanya. Kapag may bakanteng oras si Andrea ay sumasama ito sa kanyang mag-travel sa kung saan. Kaya nga nang malaman nitong nasa Pilipinas na si Katie matapos ang dalawang buwan niyang travel sa Europe ay panay na ang tawag nito sa kanya. Kaya lang ay hindi naman ito mapuntahan ni Katie agad dahil may mga commitment pa siya.

"Papunta na nga ako. Ano bang gusto mo at dadalhan kita?"

"Donuts na lang at coffee."

"Sige."

Napangisi na lang si Katie nang ibinababa ang tawag. Nang maging pula ang ilaw sa stop light ay inihinto niya ang kotse at sinamantala ang pagkakataon para mag-retouch ng lipstick. Kaya lang ay kakadampi niya pa lang ng lipstick sa mga labi ay bigla na lamang may bumangga sa kotseng minamaneho niya.