"Joaquin!"
Sambit ni Aira sa kanyang sarili,
Kita niya ang doktor na tumingin sa kanyang asawa na kasalukuyang tinitignan ang lagay ng pasyenteng nangailangan ng kanyang serbisyo.
Agad na lumapit ang mag-ina upang tignan kung sinong pasyente ito.
Napasinghap si Aira, naramdaman niya pa ang pagkapit ng anak sa kanya.
"Oh Misis, may problema po ba sa mister niyo?" takang wika ng doktor ng mapatingin sa kanila.
Nakahinga ng maluwag ang Mag-ina, ibang pasyente ng silid na iyon ang nangailangan ng tulong nito.
"W-wala po Doktora, halos ngayon lang po kasi namin nakita itong silid ng aking asawa, masyado lang po siguro akong kinabahan, akala ko po kasi si Joaquin na yung pinuntahan niyo." sagot ni Aira.
Lumingon muna si Dra. Domingo sa babaeng pasyenteng di nakahinga at nilagyan ng Oxygen na kasalukuyan ng kalmado. Bago tuluyang humarap kay Aira at ngumiti, hinawakan nito ang kanang balikat niya saka nagsalita.
"Misis, wag kayong masyadong kabahan, kung magpapanic kayo dahil sa asawa niyo, paniguradong pati kayo magkakasakit, relax lang misis." wika ng Doktor, at napatingin kay Odessa "Iha, pakalmahin mo ang nanay mo, di dapat siya magpanic okay?"
Tumango naman si Odessa sa doktor.
Luminga si Dra. Domingo sa paligid ng silid, "Misis ayun ho ang pwesto ng higaan ng asawa niyo, sige na ho puntahan niyo na at agad asikasuhin ang mga kailangan niya, wag kayong mag-alala may mag-ro-roving na doktor mamaya rito. Tapos na kasi ang Schedule ko, make sure na naiayos na ang schedule ng CT Scan ng asawa mo, kailangan natin agad yan bukas na bukas din. "
Tumango naman si Aira at agad na pinuntahan ang kamang kinaroroonan ng kanyang Asawa.
Pinagmasdan nito ang walang malay na asawa, may nakakabit na Oxygen dito upang suportahan ang kanyang paghinga, may mga benda ang ilang bahagi ng katawan maging ang kanyang ulo. Nakaramdam ng awa si Aira para kay Joaquin.
Samantalang si Odessa ay tahimik na nakamasid sa Ama, katulad ni Aira ay naawa din ito sa lagay ng kanilang padre de pamilya.
Lumapit pa si Aira sa tabi ng asawa at kinausap na tila gising ito.
"Joaquin mahal, gagaling ka, magkakamalay ka, di mo kami pwedeng iwan ni Odessa."
Nararamdaman ni Odessa ang tingin ng mga tao sa kanilang paligid. Dahil nga nasa pampublikong hospital sila ay may mga kasama silang mga pasyente sa loob ng silid na iyon.
Nahinto ang pagmumuni-muni niya ng bigla niyang marinig ang pangalan ng kanyang ina mula sa kanilang likuran.
"Aira anak!" wika ng isang babae.
Napalingon silang pareho. Agad lumapit si Aira sa babaeng nagsalita.
"Nay!" wika nito, agad yumakap si Aira sa inang nag-aalala.
Samantalang ang lalaking kasama naman nito ay lumapit kay Odessa at tinignan ang manugang na nahihimbing.
"Kamusta kayo? At kamusta rin ang lagay ng tatay mo Odessa?" wika nito
Nagmano muna ito sa dalawang matanda bago sagutin ang tanong ng kanyang lolo. "hanggang ngayon Lo, di parin ho ito nagkakamalay, kailangan daw ipa CT scan ang kanyang ulo dahil isa daw ito sa maaring dahilan kung bakit hindi pa nagigising si Papa simula ng makuha sa sunog."
Tumango ng maharan ang lolo ni Odessa, pinagmasdan nito ang manugang.
Yumakap naman sa kanya ang nag-aalala niyang Lola.
"Naku, buti naman at nakaligtas kayo, kinabahan ako sa maaring mangyari sa inyo, agad kaming napapunta ni Lucio nang mabalitaan namin nasa napasugod kayo sa Hospital." wika ng matandang babae.
Kumalas sa pagkakayakap kay Odessa ang kanyang Lola, lumapit ito sa kinahihigaan ni Joaquin. "Diyos ko! Ano bang nangyari kay Joaquin? Mukhang malala ang mga paso niya sa katawan!" wika pa nito.
Hindi nakasagot ang mag-ina, maluha-luhang napa-iwas tingin nalang si Aira, upang di mahalata ng kanyang mga magulang.
"Hala, yang Nanay Celine ninyo eh kanina pa hindi mapakali, nang mabalitaan niya sa tawag ng kumare niya eh nagmadaling pumunta sa Barangay Tampo, eh sabi naman ng mga kapitbahay niyo, pumunta nga daw kayo ng Ospital dahil kay Joaquin, kaya eto kami hinanap namin itong pinaglagakan niya." paliwanag ng Lolo ni Odessa.
"Anak, tatawagan ko ang kapatid mong si Jess, doon muna kayo mag-stay habang wala pa kayong matutuluyan. Sama-sama muna tayo doon habang andito pa kami ng Tatay mo sa Zambales."
"Salamat Nay, talagang di ko na din alam kung saan kami pupulutin pagkatapos mapagamot si Joaquin, halos biglaan ang lahat, nasunog lahat ng meron kami, at ito pa nga po si Joaquin nadisgrasya pa. " sagot naman ni Aira.
Hinaplos ng kanyang ina ang nangangambang si Aira "Anak, pamilya tayo kung ano man ang problema niyong mag-asawa eh dapat din naming malaman at magtulungan, lalo pa't kami narin ng Tatay mo ang tumatayong magulang ni Joaquin simula ng siya'y maulila"
"salamat Nay, Tay. Dibale po babawi kaming mag-asawa sa lahat ng itinulong niyo sa amin pagkatapos ng problemang ito." sagot naman ni Aira na medyo nangingilid parin ang mga luha sa kanyang mata.
"O siya, halika na at asikasuhin natin ang pag-papa CT scan ni Joaquin, kami na rin muna ang bahala sa gastusin niya lalo na sa gamot. Odessa, Iha maiwan ka muna dito ha kasama ng Lolo Lucio mo." wika ng kanyang Lola.
Tumango naman si Odessa pagkatapos ay lumingon ito sa kanyang Amang walang malay.
Pinagmasdan niya ito, nag-aalala siya sa sinapit ng kanyang Ama. Parang kanina lamang ay ang saya nilang nag-usap-usap bago siya pumasok sa paaralan.
Hinawakan nito ang mga daliri sa kaliwang bahagi ng kamay ng kanyang Ama, iniwasan pa niyang masagi ang dextrose na nakakabit dito.
Napabuntong-hininga siya saka kinausap na tila gising ang kanyang kaharap.
"Parang kanina lang Pa, ang saya natin, kung alam ko lang na magkakaroon ng sunog sa Barangay natin, di na sana ako pumasok." wika nito.
Nanahimik ang dalagita, tanging ingay ng mga katabing pasyente ang kanyang naririnig habang patuloy paring hinihimas ng marahan ang kamay ng nahihimbing na Ama.
Napawi ang kanyang pag-iisip ng maramdaman ang palad ng kanyang Lolo na humihimas sa kanyang braso.
"Odessa, Apo, ganun talaga ang buhay, lagi tayong binibigla ng tadhana, katulad nalang ng nangyari sa Ama mo, di natin iyan kagustuhan, pero nangyari ito sa kanya. Ika nga ng nakararami, dapat nating pahalagahan ang mga oras na kasama natin ang mga mahal natin sa buhay."
Napatingin lang sa sahig si Odessa, halos ngayon lang niya napagtanto ang lahat, ang nangyaring sunog, ang lihim na pag-alis ng kanyang Ama papuntang Dubai, at ang pagkaka-aksidente nito habang sinasagip.
Napatingin si Lucio sa kanyang orasang pambisig.
"Iha, ang mabuti pa sumama muna kayo sa Lola mo pauwi sa bahay ng Tito Jess mo para naman makapag palit kayo ng damit ng Mama mo. Gabi na rin, alam kong pagod na rin kayo. Kahit kami nalang muna ng Lola mo ang magbabantay." sabi ng kanyang Lolo.
Tumingin si Odessa sa kanyang Lolo at matipid na ngumiti "Salamat po uli Lo. Pero babalik po ako dito, para bantayan si Papa, at tsaka paniguradong di rin po mapapanatag si Mama ng di naaalagaan si Papa. " wika nito.
Tumango naman ang kanyang Lolo bilang pagsang-ayon.
Isang malakas na pagsinghap ang narinig ng Mag-lolo mula sa kinahihigaan ni Joaquin na agad nakapukaw atensyon ng mga ito.
"Pa? Papa? a-nong nangyayari?"
Marahan ngunit may diin na hinawakan ni Odessa ang magkabilang balikat ng kanyang amang tila nahihirapang huminga.
Patuloy siya sa pagtawag sa pangalan ng walang malay na ama.
"Tatawag ako ng nurse sa labas Odessa, bantayan mo ang Tatay mo." wika ng kanyang nag-aalalang Lolo.
Narinig man ito ng dalaga ay hindi na niya ito sinagot. Agad namang napatakbo ang singkwenta anyos na matanda upang makahingi ng tulong. Samantalang ang mga tao sa kanilang paligid ay nagsimula ng makiusyoso, at nagbulungan tungkol sa nagaganap sa ama ni Odessa.
"Pa! Pa! Lumaban ka, parating na ang Doktor." wika nito.
Mula sa kanilang likuran ay nagmamadaling naglakad ang kanyang Lolo kasama ang dalawang Nurse at lalaking Doktor upang tignan ang kalagayan ni Joaquin, dala nila ang mga aparatong kailangan nito upang mabigyan ng lunas na kinakailangan ng pasyente.
"Miss, pwede po bang tumabi muna tayo saglit para nas maayos na matignan ang pasyente?" wika ng isang lalaking nurse na kasama ng Doktor.
Agad gumilid si Odessa na tinabihan naman ng kanyang Lolo Lucio, kinakabahan niyang tinitignan ang kanyang Ama na habol ang paghinga.
Nakita niya ang pag-sasaayos at pagtingin ng dalawang nurse sa oxygen na nakakabit sa kanyang Ama, maagap ang Doktor na tumingin sa kanya, agad itong ikinabit na naging dahilan upang mabawasan ang pagsinghap ng pasyente.
"Odessa anong nangyayari sa Papa mo?"
Napalingon si Odessa, nakita niya ang kanyang inang humahangos at halos namumutlang lumapit sa kanya, kasunod nito ang kanyang Lola
"Hindi ko alam Ma, bigla nalang siyang nahirapang huminga." sagot naman ng dalagita.
"Bumabagal ang tibok ng puso niya." wika ng doktor na tumitingin kay Joaquin.
Pinagmasdan ng Pamilya ni Odessa ang ginagawa sa kanyang Ama, ang kaninang kampanteng tindig ng doktor ay medyo napapalitan na ng pag-aalala.
"Check his blood pressure." anang Doktor.
"Yes Dok." sagot naman ng babaeng nurse na katabi nito.
Dagliang ikinabit ang aparatong titingin sa pasyente at sinuring maigi ang paggalaw nito.
"84 over 75 Mababa ang blood pressure niya Dok."
"Hindi maganda ito, dalhin agad sa ER ang pasyente." utos ng Doktor.
Di na natiis ni Aira na lumapit sa doktor upang tanungin ang kalagayan ng asawa.
"Dok! Kamusta ang asawa ko, ano pong nangyayari?" tanong nito.
Seryosong humarap ang Doktor kay Aira at nakipag-usap
"Misis, kailangan nating madala agad ang Mister niyo sa Emergency Room hindi maganda ang lagay ng pasyente, sa ngayon ay ililipat muna natin siya para.."
"Dok! Ang pasyente!" sabat ng babaeng Nurse sa usapan ng dalawa.
Agad na napalingon ang Doktor at si Aira, akmang lalapit sana ito sa asawa ngunit maagap na napigilan ng kanyang dalawang magulang.
Mula sa kanyang kinatatayuan ay kita niya ang tila pagsinghap nito at nahihirapang huminga kahit na meron ng Oxygen na nakakabit sa kanya.
"This is not Good, take the patient to the Emergency room immediately!" wika ng Doktor.
Iniayos ang hinihigaan ng pasyente mula sa bukana ng silid ay may dalawa pang lalaking nurse ang pumasok, inilipat sa isang stretcher si Joaquin at dali-daling sinundan ito ng pamilya ni Odessa.
"hanggang dito lang po kayo, please makinig nalang po tayo." paghaharang ng babaeng nurse na kasama ng Doktor na tumingin sa lagay ng Ama ni Odessa.
Walang nagawa ang pamilya nito, nanlalambot na napaupo si Aira sa isa sa mga upuang naroon, naihilamos nito sa kanyang mukha ang kanyang saliring palad at naiyak.
Maluha-luhang inalo naman siya ni Odessa, samantalang ang dalawang matandang kasama nila ay nag-aalalang nakatitig lamang sa anak na umiiyak.
"Hindi pwede to, hindi pa pwedeng mawala si Joaquin, marami pa kaming pangarap, marami pa kaming pangarap para kay Odessa."
"Aira, kumalma ka, dapat maging matapang ka, nakikita ka ng anak mo." wika ng kanyang Ina.
Niyakap ni Odessa ang kanyang ina "Ma, kaya yan ni Papa, lumalaban siya para sa atin. Magdasal tayo Ma. Magtiwala tayo sa Panginoon. " wika naman ng dalaga.
Ilang minutong katahimikan ang namagitan sa kanilang mga nasa labas, hanggang sa isa pang doktor ang nakita nilang nagmamadali pumasok sa loob ng kinaroroonan ni Joaquin.
Napatayo si Aira mula sa kanyang kinauupuan at sinilip mula sa naliit na bintana na nasa pinto ang mga kaganapang nagaganap sa loob.
Natutop niya ang kanyang bibig, nabigla siya sa nakita, kasalukuyang ni-re-revive si Joaquin gamit ang defibrillator, kasalukuyan naring binibigyan ng CPR ang pasyente.
Nahawakan niya ang hawakan ng pinto, pinihit niya ito at nagmamadaling pumasok sa loob.
"Joaquin!"
Agad siyang naharang ng dalawang nurse na lalaki upang pigilang makalapit sa naghihingalong pasyente.
"Misis, di kayo pwede dito." wika ng isa sa mga pumipigil na doktor.
"Asawa ko yun Nurse, kailangan niya ko." sagot naman ni Aira.
Pumasok narin sa loob ang Lolo at Lola kasama si Odessa upang pigilan ang nagpapanic nang si Aira.
Napuno ng iyakan ang loob ng Emergency room hanggang sa biglang magsalita ang isa sa mga doktor.
Pawisang tinanggal ng lalaking doktor ang kanyang Facemask, tinignan ang kanyang orasang pambisig at isang buntong hininga ang pinakawalan nito. "Time of Death, 9:27 pm."
Tila pinagbagsakan ng langit ang pamilyang naiwan ni Joaquin.
Lumapit sa pamilya nito ang isa pang doktor na sumuri sa kalagayan ng kanilang padre de pamilya.
"Im sorry Misis, ginawa po namin ang lahat ng makakaya namin pero biglang bumigay ang katawan ng mister niyo, mukhang di niya nakayanan ang nangyari sa kanya."
Hindi na sumagot si Aira, tuluyan na silang pinalapit sa kinaroroonan ng kanyang asawa.
Pinagmasdan niyang mabuti ito, hinaplos niya ang pisngi nito habang umiiyak.
"Pa, ang bilis mo naman kaming iwan ni Mama. Ang daya mo naman." wika ni Odessa habang humahagulgol.
Lungkot ang bumalot sa gabi ng pamilya ni Odessa dahil sa biglaang pagkamatay ng kanilang padre de pamilya.
"Wag kang mag-alala Pa, babantayan at aalagaan ko Mama, di ko siya pababayaan pangako yan sayo."