Isang malamig na umaga ang gumising kay Odessa, bumangon siya mula sa kanyang hinihigaan, lumingon siya sa kanyang kanan at nakita ang larawan niya kasama ang kanyang mga magulang.
Napangiti siya ng bahagya, agad niyang sinipat ang orasang nasa kaliwang pader malapit sa pintuan ng kanyang kinaroroonan.
5:37 na ng umaga. Tumayo siya at bahagyang nag-inat, napapikit pa siya ng biglang maamoy ang ulam na iniluluto sa kusina.
Lumakad siya papuntang pintuan, nahagip pa ng kanyang mata ang salamin na nasa kanyang tapat.
Agad siyang tumungo papunta sa kusina at nakita ang kanyang inang abalang naghihiwa ng kamatis habang binabantayan ang nakasalang na pritong tuyo na kanilang almusal.
"Ma, bakit di mo ako ginising? Edi sana ako na ang nagluto ng almusal." wika ni Odessa
Lumingon ang kanyang ina ng marinig ang kanyang tanong. Ngumiti ito sa kanya saka ibinaling muli ang sarili sa paghihiwa ng kamatis.
"Nak, ako na, kaya ko naman eh, at tsaka gusto ko ding pagsilbihan ang Lolo at Lola mo habang nandito tayo sa bahay nila." sagot ng kanyang ina.
Napangiti nalang si Odessa sa sinabi ng ina, tinulungan nalang niya ito sa pagkuha ng mga kagamitang gagamitin para sa kanilang almusal.
"Odessa anak, maligo at mag-ayos ka na para mamaya sasabay ka nalang kumain sa amin ng Lolo at Lola mo." wika ng ina.
Agad naman sinunod ng dalaga ang sinabi ng ina, mabilis ang kanyang naging kilos, lumipas ang oras at tinawag na siya ng kanyang ina upang sumalo sa kanilang kumain, agad binaba ni Odessa ang suklay na ginamit para suklayin ang maitim at hanggang bewang na buhok, bago tuluyang umalis ay inayos niya pa ang kwelyo ng kanyang pulang blusa habang nakatingin sa salamin ng kanilang palikuran. Binuksan niya ang pintuan nito, agad nahagip ng kanyang mata ang itim na bagpack nasa nasa berdeng sofa, ang bag na ito ay gamit niya simula pa noong siya ay nasa senior high. Gumayak siya papunta sa sala kung saan nag-aabang na ang kanyang ina at ang kanyang Lolo at Lola.
Bumati ito sa dalawang matanda saka pumunta sa pwesto ng lamesa at tumabi sa kaliwang gilid ng ina, una niyang inilagay sa upuan na nasa tabi ang kanyang bag, pinagpag niya rin ang itim na pantalon na namuti dahil sa kaunting pulbos na natapon saka tuluyang umupo.
"Mukhang handang handa na ang ating apo ngayong pasukan." bati sa kanya ng kanyang Lola Celine.
Ngumiti si Odessa habang inaabot ang kanin na ilalagay sa kanyang plato.
"Sa totoo lang po, kinakabahan po ako lalo na't bagong salta po ako dito, hindi ko po alam kung paano makikisalamuha sa mga kaedaran ko sa Kolehiyo." sagot ni Odessa.
"Wag kang mag-alala Odessa, magagamay mo rin sng buhay siyudad, ngayon lang yang kaba dahil naninibago ka pa, o siya apo kumain ka na para maaga kang makapasok sa eskwela." sabat naman ng kanyang Lolo.
Maganang kumain ang pamilya, matapos kumain ay agad tinignan ni Odessa ang itim na orasang pambisig, menus kinse bago mag alas-syiete.
"Mama, Lolo at Lola, pupunta po ako." wika nito.
Tumango ang kanyang ina, "Odessa ihahatid kita." sabi nito.
Tumayo si Odessa kasabay ng kanyang ina ngunit pinigilan niya ito "Ma, kaya ko na, wag po kayong mag-alala malapit lang naman po yung school sa atin e." sagot nito.
Saglit na natahimik si Aira saka tumango "Sige anak, pero hahatid kita hanggang sa gate, wag kang umangal." sagot nito
Ngumiti naman ang anak saka gumayak palabas, nagpaalam pa ito sa dalawang matandang nasa hapag parin ng kanilang lamesa.
"anak mag-iingat ka ha, wag pababayaan ang sarili sa maghapon." paalala ng kanyang ina.
Bago tuluyang lumabas ng gate ay tumango si Odessa sa kanyang ina.
"Opo Ma, mag iingat ako, papasok na ako. Ingat po kayo nila Lolo at Lola diyan." sagot ng dalaga.
Agad na humayo si Odessa at binagtas ang daan patungo sa kanilang paaralan.
Bagong lugar, bagong buhay, bagong mga mga kakilala ang kanyang makakasalamuha, hangad ni Odessa ang magtagumpay upang tuparin sa kanyang ama ang pangako niyang makatapos at makatulong sa kanyang ina. Hangad niya ang tagumpay hindi lamang para sa kanyang sarili kundi narin sa kanyang pamilya.
Para sa kanyang kinabukasan...