DELAVEGA RESTHOUSE...
Ilang linggo na ang nakalipas ngunit hindi pa rin makapaniwala ang senior sa nangyaring sagupaan. Mabuti na lang at may napadaang security guard at nagawa siyang tulungan.
Lahat ng tauhan nila ay dumaan sa masusing background investigation. Totoo ngang isa itong security guard sa maliit na hotel ayon sa napagtanungan at natuklasan ng kanilang private investigator. Bumalik sa kanyang ala-ala ang napag-usapan nila ng detective.
"Congressman, heto na po ang report."
"Good."
Agad niyang binuksan ang brown envelope at tumambad ang mga larawan ng bagong tauhan. Naroong nakaupo ito sa isang silya habang naka uniporme ng kulay puting damit maging ang pantalon nito. May kuhang nakatayo, may kausap na kliyente.
Binasa niya rin ang impormasyong nakalagay roon noong application na may larawan nito.
Name: Ace T. Hererra
Age: 29
Status: Single
Position: Security Guard
Agency: Eagles Security Agency
Walang kahina-hinala pero ang anak niya hindi naniniwala.
Noong araw na 'yon ay hindi na niya pinalagpas at kinausap ang nagligtas sa kanya sa panahong naghahapunan sila.
"Taga saan ka Ace?"
"Taga Manila po, na destino lang ako rito sa Zamboanga."
"Saan sa Maynila? Sa Quiapo ako."
Napatingin ito sa kanya.
"Sa Bulacan po Congressman."
"Mula ngayon, senior Roman ang itawag mo sa akin."
"Opo, senior Roman."
Halos hindi ito makatingin sa kanya, bagay na palatandaang hindi ito sanay makisalamuha sa gaya niyang mataas ang estado sa lipunan.
"Wala kang anak hindi ba? Walang asawa?"
"Wala po senior Roman."
Tipid siyang ngumiti. "Good, mula ngayon parte ka na ng grupo. Gwardya ka pa rin pero ako na ang poprotektahan mo."
"Talaga po? Nako! Maraming salamat po Congressman! Ah, senior Roman!"
Kitang-kita ang tuwa sa kislap ng mga mata nito.
Kahit mukha itong walang alam ay magaan ang loob niya sa bagong tauhan.
Nilagok niya ang alak sa hawak na baso bago bumuntong-hininga.
"Dad," tawag ni Xander sa kanya.
Napalingon si senior Roman. Lumapit naman ang anak at nasa likod nito ang tatlo nilang tauhan.
Nakauwi na pala ito galing China.
"Sino 'yang bagong salta rito?"
"Mabuti at nakauwi ka na."
"Dad, bakit nandito pa rin 'yan?"
"Malaki ang utang na loob ko sa taong 'yon. Kung 'di dahil sa kanya malamang wala na ako sa mundong ito."
"Nasabi mo na' yan dad pero kailangan bang laging nakadikit sa'yo? Bagong salta 'yan!"
"Ikaw ang kumausap para malaman mo." Sinulyapan niya ang isa sa alalay.
Tawagin mo si Ace," agad naman itong tumalima.
"Wala akong tiwala sa taong 'yon dad."
"Siya ang tumulong sa akin kaya buhay pa ako!"
Hindi na kumibo ang anak ngunit alam niyang hindi pa rin ito kumbinsido.
"Kumusta nga pala ang lakad mo sa China?"
"Parating na ang raw materials. Tinatapos lang ang packaging."
"Mabuti."
"Senior andito na siya."
Ang biglang paglingon ni Alex sa nagsalita ay sinabayan ng pagtutok ng baril sa bagong tauhan.
"Huwag po!" taas-kamay agad na wika ng tinutukan. Kitang-kita ang takot sa anyo nito.
Naalarma ang matanda.
"Xander ano 'yan!"
Hindi nakapagtatakang matakot ng husto dahil gwardya lang naman ito.
Matalim na tiningnan ni Xander ang tauhan.
"Wala akong tiwala rito dad, professional killer ang bodyguards mo, well-trained assasins pero napatay lang ng gano'n?"
Natahimik ang lahat maging siya ay hindi nakapagsalita.
Bumaling ang tingin niya sa bagong tauhan at nag-abot ang kanilang tingin.
"P-pwede po bang magpaliwanag?"
"Sige magpaliwanag ka," tugon agad ng senior upang hindi na makapagsalita ang anak.
"Noong nakita kong pinagbabaril ang mga bodyguard nilapitan ko agad si senior Roman para mailigtas siya. Ang mga pinatay ko mga pumatay sa bodyguards ninyo. Kaya naman nagawa kong patayin ang mga 'yon kasi nakatalikod silang lahat."
Napaisip si senior Roman sa sinabi ng tauhan.
"Gamit ko ang rifle kaya walang nakaligtas sa kanila."
Natahimik ang anak na tila hindi pa rin kumbinsido.
Kumiling ang ulo nito habang nakatutok pa rin ang baril sa tauhan.
Pinagpapawisan na ang tauhan habang nanlalaki ang mga mata sa takot.
"Xander..."
Natigil ang matanda nang dahil sa nakita.
Basa ang ibabang parte ng pantalon ng lalake na sigurado siyang hindi 'yon pawis o tubig.
Nagulat na lang siya nang biglang humagalpak ng tawa ang anak.
"Look at him Dad! Naihi sa takot!"
Ngayon kumbinsido na siya.
Ihi ang kanyang nakita.
Ibinaba ni Xander ang baril at saka tumatawang lumabas.
"Ace, pahinga ka muna."
"S-sorry po senior, salamat po."
Nakangiting nakatiim ang mga ngipin ni Vince habang paalis.
Dinig na dinig niya ang tawanan ng mga nakakita subalit hindi na lang niya inintindi.
Habang nasa banyo at kasalukuyang naglilinis ay napapailing si Vince.
Kailangan pa niyang gumawa ng matinding senyales para mapaniwalaan.
At ang senyales na 'yon ay ang pag-ihi.
Mabuti na lang naiihi na siya ng magkaharap-harap sila.
Mas mabuti ng ganitong klase ang pagkakakilala sa kanya upang walang maghinala.
Magmumukha man siyang tanga at uto-uto basta magawa ang misyon.
Tama nga naman ang Xander na 'yon, professional killer at well-trained assasins nga ang mga bodyguard dahil mukhang mga Italyano, pero napatumba nila.
Kahit sa Pilipinas lang sila hinasa at sinanay hindi iyon sng sukatan, walang tatalo sa taong nagmamahal sa bayan.
Handa siyang ialay ang buhay niya alang- alang sa tungkulin, gano'n din ang mga kasamahan lalo na ang kaibigan niyang handang ialay sa kanya ang buhay mailigtas lang siya.
Maging ang paraan kung paano nila isinagawa ang lahat ay ito rin ang utak.
"Ang mga tulad ni Dela vega ay hindi agad mapapaniwala. Kailangan mong magpanggap bilang isang gwardya ng kahit anong establisyemento para mapaniwala mong marunong kang bumaril." Ipinahayag ni Gian ang kanyang gagawin noong pinapunta siya nito sa bahay.
"May kakilala ako sa isang hotel maliit lang pwede na 'yon?"
"Magaling, kausapin mo lang at pagdating mo roon sundin mo lahat ng sasabihin ko. Low profile ka, isa lang gwardya kaya hindi masyadong magaling sa depensa pero marunong bumaril."
"In short magpapanggap akong uto-uto at tanga sa harap nila?"
"Kung kinakailangan, gawin mo."
Madali na lang naman sa kanya ang gawain dahil kaibigan naman niya 'yong isa sa mga security guard.
Binigyan niya lang ng kaunting gantimpala at nagawa niya ang lahat. Madali rin sa kanya ang magmukhang tanga, uto-uto at lampa.
Paglabas ni Vince sa banyo ay napatingin siya sa sahig malapit sa pinto ng kwarto.
Nang matiyak kung ano 'yon mabilis niyang binuksan ang pinto sa pagbabakasaling maabutan pa ang kung sino mang gumawa noon.
Sa kanyang pagkadismaya walang tao sa pasilyo.
Agad niyang isinuot ang isang cellophane na nasa ibabaw ng mesa bago pinulot ang naturang sobre.
Walang nakasulat sa puting sobre pero tiyak siyang may laman.
Inalog niya ito ngunit wala namang tumunog, hindi rin mabigat.
Binuksan niya ang sobre dahil hindi naman selyado madali niyang nakuha sa loob.
Isang maliit na papel ang nakapaloob na agad niyang binasa.
"Block C Street Canelar Highway Moret , Zamboanga City.
Warehouse green shipment next week."
Pagkabasa ay mabilis niyang hinanap sa internet ang naturang address.
May nakita nga siyang kulay berde na bodega roon.
Pinakatitigan niya ito hanggang sa may napagtanto.
Binigyan siya ng address ng kargamento.
Ibig sabihin alam ng taong 'yon ang tunay niyang pakay!
Dito na siya kinabahan.
Agad niyang tinawagan ang kaibigan.
"Pare masamang balita!"
"Bakit?"
Bumuga ng hangin si Vince bago nagsalaysay.
---
DELAVEGA MANSION...
"Dad, malakas ang kutob kong may kakaiba sa bagong salta. Tingnan mo ang pangangatawan niya, mukha ba siyang sakitin at lampa?"
"Xander, maraming maskulado pero sakitin, batak ang katawan niya dahil isa siyang gwardya sa-"
"And you really believe it?"
Napabuntong hininga ang matanda.
Iniangat ni senior Roman ang hawak na basong may alak at tinitigan.
Nagpapahangin siya sa may terasa nang kausapin ng anak.
"Ako ng bahala roon."
"Maniwala ka dad, hindi nagkataon ang lahat! Plinano 'yan para makapasok sa atin! Napaka imposibly namang nandoon sa lugar na 'yon ang taong ' yon at nailigtas ka!"
"Salamat sa kanya at nailigtas ako!"
Lahat ng tauhan nila ay dumaan sa background investigation nila. Walang kakaiba sa bagong salta, totoo ngang isa lamang itong gwardya sa maliit na hotel ayon sa impormasyong nakuha nila.
"Dinaan natin 'yan sa imbestigasyon, at totoo namang dati siyang nagtatrabaho sa maliit na hotel bilang gwardya, may larawan ding nakuha habang nasa trabaho siya."
"May ipapagawa ako dad."
"Ano 'yon?"
"Kailangang mapaniwala natin ang Ace Hererra na 'yon. Espiya man siya o hindi, wala siyang malalaman o matutuklasan. Magmumukha siyang tanga at uto-uto hanggat naririto siya."
---
DELAVEGA RESTHOUSE...
Palakad-lakad si Vince sa loob ng silid habang matamang iniisip ang pinag-usapan ng kaibigan.
"Ang ipinagtataka ko paano nalaman ng taong 'yon ang tungkol sa akin? Ano 'yon narinig niya ako?"
"Sa tingin ko, ang taong ' yan at ang nagbigay impormasyon sa ahensiya ay iisa. Kilala ka na niya sa simula pa lang."
"Oo nga ano?"
"Pare, kung ganyang binigyan ka ng impormasyon. Ibig sabihin parehas kayo ng misyon. Hindi man natin kabaro 'yan pero tiyak iisa ang misyon ninyo.
Hindi 'yan kalaban pare. Pero kailangan mo ng umalis diyan. Sabihin mo kay hepe abort mission. Delikado 'yan. Umalis ka na diyan ngayon din."
"Gusto kong malaman sino ang kumakampi sa akin-"
"Vince!" singhal ni Gian na ikinatahimik niya.
"Umalis ka na diyan. Delikado ka na kahit sino pa 'yan hindi tayo nakakasiguro. Bistado ka na sa kanya, delikado 'yan. Paano kung may ibang makakatuklas?"
"Paano ang misyon?"
"Mas mahalaga ang buhay mo naintindihan mo ba? Higit ka pa sa tauhan para sa akin kaya sundin mo na lang ako bilang nakakatanda sa'yo."
Umawang ang kanyang bibig sa narinig.
Wala nga yatang pagpilian kundi ang iwan ang misyon.
"Lintek ang galing pa naman ng akting ko kanina, umihi pa ako tapos heto mahuhuli rin?"
'Ngayon, ano ang gagawin ko?'
Mabilis siyang nagbihis at tumakbo palabas ng kwarto. Wala ng tao sa pasilyo dahil gabi na.
Gano'n pa man hindi rin basta-basta makakalabas sa resthouse na ito.
Maraming bantay kahit saan.
Hindi niya malaman kung magpapaalam ng matino sa amo o magpapanggap na may sakit.
Palingon-lingon siya hanggang sa may napatingin sa kanyang direksyon.
Patungo ito sa kanya.
Nilapitan siya nito.
"Bakit nandito ka?" sita agad nito.
"Sir, may gamot ka ba sa sakit ng tiyan? May sakit kasi ako sa-"
"Ah kaya ba naihi ka kanina?" naiiling na ngisi ng kausap.
"O-oo nga, may gamot ka ba?"
"Nagtataka ako paano mo nakuha ang loob ni senior eh lalampa-lampa ka!"
"P-pasensiya na-"
"Hindi ka pala makakasama ngayon sa lakad ni Senior Roman, inaasahan ka pa naman niya."
Natigilan si Vince sa narinig.
'Saan ang lakad ng mga ito? Hindi naman siguro para mag-aliw lang?'
"Sasama ako."
"May sakit ka hindi ba?"
"Hindi naman malala ito."
"Isinasama ka ni Senior dahil 'di sasama si boss Xander. Pero kung ganyang sakitin ka mas mabuting huwag na lang!" Tumalikod na ito.
"Utos ni Senior ang isama ako, sino ka para magdesisyon na umayaw?"
Inayos niya ang pagkatayo upang makita ng kausap na mabuti na ang pakiramdam niya.
Sunod-sunod na lumabas ng gate ang tatlong sasakyan.
Nasa unahan para sa tauhan, nasa gitna ang congressman kasama siya, at nasa hulihan ang isa pang sasakyan ng tauhan.
Habang nasa biyahe ay tahimik siya sa unahan, habang tahimik din sa likod ang congressman katabi at sa likod pa nito ay ang tatlong alalay.
Ang isa sa mga alalay nitong nagngangalang Warren ay madalas sumusulyap sa kanya.
Nang magtagpo ang tingin nila ng Warren na 'yon ay tumalim ang tingin nito at nagtiim-bagang bagay na isinawalang bahala niya lang. Wala siyang pakialam kung galit ito dahil sa nangyari kanina nang puntahan siya sa kanyang silid para isama.
Ang plano niyang pag himatay ay hindi nangyari.
Saka niya napansin lumiko sila patungong Canelar.
Dito na kinabahan si Vince. Naalala niya ang address na ibinigay sa kanya.
Ito ang lugar na tinutukoy sa sulat!
Nag lakas-loob na siyang magsalita.
"Ah, congressman sir, saan ho pala tayo pupunta?"
"Sa warehouse, dumating na kasi ang shipment."
'Shipment? Akala ko ba next week pa? Niloloko ba ako ng hayop na 'yon?'
"Bukod sa Shipping Lines niyo senior may negosyo pa ho pala kayo?"
"Yes."
Minsan na niyang napasok ang kumpanya nitong Delavega Shipping Lines, ngayon naman ay produkto. Mayaman na ito pero bakit kailangan pang magbenta ng droga?
"Wow! Pangarap ko rin mag business, buy and sell sana!"
"Isa rin 'yan sa ginagawa ko."
Tumahimik na siya at sumeryoso. Tama na ang pagiging masiyahin kunwari, ignorante at tanga.
Droga ang pinag-uusapan dito at hindi madadala ng ngiti ang ganitong bagay!
Ilang sandali pa ay dumating na sila sa harap ng malapad na gusali na may gate.
Pumasok ang sasakyan at bumungad ang kulay berdeng bodega.
'Ito na nga!'
Nagsibabaan ang lahat.
Mabilis na binuksan ng alalay ang pinto para sa congressman.
Ilang sandali pa nakatingin na ang lahat sa limang wingvan.
Agad nagsikilos ang iba upang buksan ang laman.
Pasimply siyang sumabay sa pag-iikot.
Nang malapit na siya sa isang wingvan na bukas ay kumunot ang kanyang noo.
Kahon-kahong kape ang laman. Kulay brown lahat ang bawat sachet nito, may malalaki at maliliit.
Inusisa niya ang matanda habang marahang naglalakad.
"Senior, anong klaseng kape ito at mukhang ngayon ko lang nakita?"
"Imported na kape ang mga 'yan."
Tumango-tango siya.
Akala niya droga bakit kape?
Kung sabagay next week pa ang shipment ayon sa sulat.
"Ito ang idedeliver natin sa mga kliyente. Gusto mong tikman?"
"Ha? S-sige ho senior!"
"Sandro, bigyan mo itong si Ace ng kape natin."
Sinenyasan nito ang alalay at agad na may dinalang isang pack na kape at tahimik na iniabot sa kanya.
Agad niyang tinanggap, matiim ang titig nito sa kanya ngunit binalewala niya 'yon.
"Masarap 'yan kaya maraming mga negosyanteng big time ang bumibili niyan."
"S-salamat ho senior."
Nauunang maglibot ang mga tauhan ni senior Roman at nagbilang ng mga kahon.
Nasa unahan niya ang tatlong bodyguard kasama ang kongresista. Naka tuxedo ang mga ito bilang uniporme, at siya naman ay ordinardyong maong na pantalon at t-shirt na itim ang suot. Sa susunod na linggo raw ay mag tuxedo na rin siya.
Isang bagay kung bakit mainit ang lahat sa kanya, isa nga naman siyang baguhan pero magiging personal bodyguard na agad.
Nagtaka siya nang nagpahuli sa lakad ang isang alalay nitong si Alvin hanggang sa nagpantay sila at saka ito mahina ngunit mariing nagsalita.
"Alam mo ang daldal mo, itikom mo 'yang bibig mo naintindihan mo!"
Ni hindi siya nakaimik hanggang sa nakaalis na ito.
Tanggap naman niyang maiinit ang dugo ng mga iyon sa kanya.
'Kala mo kung sino mukha namang mga kulugo!'
Habang nagmamasid ay napansin niyang may nahulog na sachet ng kape sa hindi kalayuan.
Pinulot niya ang kape at akmang ibabalik na niya ngunit biglang napalingon sa kanya ang isa sa mga alalay ng senior na si Warren, mabilis niyang kinuyom ang kamay upang maitago sa bulsa ng pantalon.
Mahirap ng mapagbintangang magnanakaw gayong binigyan na nga siya.
"Ace halika rito!"
"Opo senior!"
Kasama na siya nito habang naglilibot sa bodega.
Lumapit ang isa sa mga tauhan. "Kumpleto senior, tapos na po ang inspeksyon."
"Mabuti, umalis na tayo."
Nang matapos sa ginagawa ay nagpasya ng umuwi ang kongresista.
"Kumusta Ace?"
"B-bakit senior?"
"Matamlay ka."
"Pasensiya na po senior, masakit lang ang tiyan ko."
"Inumin mo 'yang kape makakatulong 'yan para mawala ang sakit."
"Sige ho, salamat."
Pagdating sa resthouse ay dumeretso na siya sa silid matapos magpaalam sa amo.
Agad niyang ipinatong sa mesa ang isang malaking pack ng kape.
Napabuntong hininga siya habang nakatingin dito.
Kailangan pa niyang magtagal hangga't hindi nakakasigurong sangkot nga sa droga ang kongresista.
Sa linggo pa ang shipment ayon sa impormante.
Taga loob ang espiya ngunit hindi man lang niya mahuli sino sa mga ito.
Kung si Gian ang nandito tiyak pinakamataas na ang limang araw malalaman agad nito kung sino ang espiya sa grupo.
Naiiritang binuksan niya ang butones ng pantalon, magbibihis na lang siya at magkakape.
Huhubarin na niya ang pantalong maong nang may makapang isang umbok sa bulsa.
Saka niya naalala ang kape.
Gamit ang electric heater ay agad siyang nagpakulo ng tubig.
Maganda sa silid niya dahil kumpleto na sa kagamitan.
Inihanda niya ang baso saka binuksan ang sachet at ibinuhos ito.
Tumambad ang kulay puting powder.
Kumunot ang noo niya dahil walang kape na kulay puti. Hinawakan niya at inilagay sa palad.
Inamoy niya ito at ilang segundo lang namutla si Vince sa napagtanto.
"Lintek!"
Kabadong-kabado siya dahil nasisiguro niyang hindi kape ang laman ng sachet!
Hinablot niya ang isang pack na nasa mesa at gamit ang gunting ay mabilisan niyang binuksan ang kape. Tumambad ang kulay brown na laman, deretso na niyang tinikman at nalasahang kape nga ito.
Nagtitiim ang bagang na napatitig siya sa basong may lamang puting pulbos.
Ngayon niya napagtagpi-tagpi ang lahat.
Ang ibinigay sa kanya ng congressman ay tunay na kape, ngunit ang napulot niya ay droga!
Isang hi-grade coccaine!
Sinadya ang paghulog ng kape kung saan siya ang nakasunod upang siya ang pupulot.
Siguradong ang nagbigay sa kanya ng papel at naghulog ng kape ay iisa.
Ang tanong sino ito? Sino ang impormante?
'Ang talino ng hayop na Tongresman!'
----
DELAVEGA MANSION...
Hindi pinalagpas ni Xander ang pagkakataong maisagawa ang plano upang malaman kung talaga bang mapagkakatiwalaan ang bagong salta kaya naman gumawa siya ng isang patibong at kapag kumagat ang lampa na 'yon, tapos ito sa kanya!
Tumawag naman ang ama matapos maisagawa ang utos niya.
"Dad, kumusta?"
"Tapos na ang pinagawa mo, hintayin na lang natin kung aalis ba ngayong gabi, o bukas."
"Yes dad, kung talagang espiya siya madali niyang matuklasan ang pagbisita ninyo kanina sa warehouse. Hindi madaling utuin ang espiya dad, alam mo 'yan. Hindi natin mauuto sa pamamagitan lang ng pagbibigay ng kape. Gagawa siya ng paraan para malaman ang totoo. Kung espiya siya, sa mga panahong ito alam na niya dad. Siguradong aalis 'yan ngayong gabi o bukas at asahan natin ang raid, kapag nangyari 'yon, tama ako."
"Paano kung hindi aalis?"
Humugot siya ng malalim na paghinga. "Kayo ang tama."
"Hindi ka na maghihinala?"
"Dad please, umasa na lang tayo."
"Sige, titingnan natin kung ikaw ang tama. Ang mahalaga, handa naman tayo sa mangyayari."
---
DELAVEGA RESTHOUSE...
Tila naman nabalik sa huwisyo si Vince.
Napapalunok na sinikop niyang lahat ang nasa baso saka ibinalik sa sachet, binilot niya ito at saka tinalian ng goma.
Inilagay niya ito sa bulsa sa ilalim ng kanyang pantalon upang makasigurado.
Hinugasan niyang maigi ang baso at niligpit ang mga gamit.
Kung magpapabukas pa siya, posibleng hindi na siya sisikatan ng araw kinabukasan!
Kailangan niyang makaalis sa lugar na ito!
Ngunit hindi rin mabuti ang deretsong pagtakas, mabubulilyaso ang misyon ng grupo kapag nagkataon.
Isa pa, mas delikado na tumakas siya, maghihinala ang lahat.
Dinampot niya ang baril saka ikinasa bago isinuksok sa likod ng pantalon.
Nang matiyak na dala na ang importanteng gamit ay saka siya lumabas at marahang naglakad sa pasilyo.
Lahat sa lugar na ito may CCTV, kaya walang takas ang sino mang tatakas.
Kailangan niyang magpanggap na may sakit ngayon, ito lang ang pinakamabisang paraan upang makaalis siya sa lugar na ito.
Nang malapit na siya sa bungad ay nakita siya ng dalawang tauhan, may mahahabang armas na bitbit ang mga ito.
Agad siyang naglakad ng halos payuko na tila may iniinda.
Hindi pa rin siya napapansin ng mga ito.
Malapit na siya sa mga ito nang biglang may pumalo sa kanyang batok at iglap lang nawalan siya ng ulirat at humandusay.