Chereads / SHE'S A VAMPIRE[TAGALOG NOVEL] / Chapter 15 - SHE'S A VAMPIRE CHAPTER 13

Chapter 15 - SHE'S A VAMPIRE CHAPTER 13

Atoz's POV

"NASAAN Si, Ran?" tanong ko kay Keith.

"Hindi ko alam basta na lang siyang tumakbo paalis kanina," sagot nito.

Pagpasok ko kasi kanina ay napansin ko na nagkakagulo ang mga estudyante kaya tinanong ko ang isang lalaking kaklase namin.

"Bakit anong nangyayari?"

"May bampira raw kasi na nag-aaral dito kaya naglabasan lahat ng estudyante."

"Paano"

"Pare! Nasa Einstein room daw ang bampira na nag-aaral dito!" sabi ng lalaking lumapit sa kausap ko.

"Talaga? Anong pangalan?"

Kinakabahan sa maaaring isagot nito.

"Ran yata."

Pagkarinig ko noon ay agad akong tumakbo papunta sa classroom pero hindi ko nakita si Ran. Si Keith ang nadatnan ko roon pati ang mga kaklase naming nagkakagulo.

"Umamin na si Ran na isa siyang bampira, Atoz," sabi ni Keith.

"Pero... bakit?"

"May mga nabasa kasi ang mga estudyante sa page ng school na may nag-aaral daw dito na isang bampira at kanina, may isang lalaking lumapit kay Ran para tanungin kung siya nga ang bampira." Pagkukwento nito.

Napasuntok naman ako sa upuan na nasa aking tabi.

"Sino raw nag-post no'n?" galit na tanong ko.

Walang emosyon akong tiningnan ni Keith. "`Yong kapatid mo."

"Huh? Paanong si Hillary?" tanong ko.

"Isa kasi ang kapatid mo sa mga kasama ko sa isang newspaper ng school kung saan kami ang gumagawa ng article at doon, naglalagay kami ng sarili naming mga codename. At ang kapatid mo ang kilala kong may ari ng codename na nag-post sa page ng school."

"Paano ka nakasisigurong siya nga iyon? Paano kung ginaya lang nila o `di kaya nagkataon lang na kaparehas ng codename ng kapatid ko ang nag-post, `di ba?" ani ko. Hindi maaari.

"Sigurado ako, Atoz dahil isa sa mga nakahawak ng page ng school ay ang pinsan ko kung saan si-nend nito sa akin kanina lang kung sino ang nagpadala ng message na iyon sa page," sabi nito at nilabas ang cellphone niya at may pinakitang litrato. Screenshot nga iyon ng message ni Hillary sa page.

"Bwisit! Paano niya nalaman na bampira si Ran?" naiinis kong tanong.

Saan nakuha ng kapatid ko ang ideya na iyon?

May kung anong pumasok sa isip ko.

Naalala ko na. Noong araw na galing akong palengke, binigay ko sa kapatid ko ang bag ko at nakalimutan kong nandoon nga pala ang kahon na naglalaman ng sulat ni Ran.

Kaya posibleng nakita at nabasa nito kung ano ang nasa loob ng kahon.

"Keith," tawag ko sa kasama ko. "Hanapin mo si Ran at ako naman ang hahanap sa kapatid ko," sabi ko rito at lumabas na ng klase.

Una kong pinuntahan ang classroom ni Hillary at nagbabakasakali na nandoon ito.

"Si Hillary?" tanong ko sa kaklase nito.

"Lumabas siya kasama ng ibang kaklase namin na may dala-dalang malaking plastic bag," sagot nito.

"Alam mo ba kung saan sila pupunta?" Umiling lang ito. "Sige, salamat." Naikuyom ko na lang ang aking kamay.

Sunod kong pinuntahan ay ang Club na kinabibilangan ni Hillary pero wala rin ito roon.

Saan kaya nagpunta iyon?

"Tara na! Nasa gate raw `yong bampira at pinagpipiyestahan siya!"

Lumingon ako sa dalawang lalaking tumakbo at napadaan sa kinaroroonan ko. "Ran," bulong ko at saka ako tumakbo papunta sa gate. Ang lakas ng tibok ng puso ko. Natatakot ako maaaring mangyari sa kaniya.

Pagdating ko roon ay sobrang dami ng tao kaya nakipagsiksikan ako at tinulak ang iba para lang makita ko si Ran.

"Salot!"

"Mamamatay tao!"

"Mamatay ka na!"

Nagulat ako sa nakita ko. Pinagbabato nila si Ran ng dugo. Ang kulay puting damit nito kanina ay nakukulayan na ng pula dahil sa dugong binabato ng mga ito sa kanya.

"Huwag ka na pumasok, salot!"

Ganoon na lang ang pagkagulat ko sa sumunod na nangyari. Binato nila si Ran sa mukha. Napakuyom naman ang dalawang kamao ko. Agad kong nilapitan si Ran at tinanggal ang suot kong coat at pinatong ko iyon sa balikat niya para hindi makita ang damit nitong may dugo.

"Anong ginagawa niya?"

"Hindi ba siya natatakot?"

Hinawakan ko naman sa may pulsuan si Ran. "Halika na. Iuuwi na kita."

"Kaya ko ang sarili ko," sabi niya at tinanggal ang kamay kong nakahawak sa kaniya.

Nagulat naman kaming lahat nang biglang lumipad ang gate at may pumasok na isang lalaking balot na balot ang mukha at katawan.

"Sino naman iyan?"

"Bampira rin kaya iyan?"

"Pare! Nakita mo iyon? Ang galing!"

"Perzeus," bulong ni Ran.

"Hindi ba sinabi ko na sa'yo na kagaya pa rin sila ng dati? Hindi nila tayo kayang tanggapin at hinding-hindi nila tayo tatanggapin dahil nandidiri sila sa atin," sabi ni Perzeus habang palapit sa kinatatayuan namin ni Ran. "Halika na, Ran. Umuwi na tayo," anito at agad na hinila si Ran palabas ng paaralan.

"Ran!" buong lakas na sigaw ko. "Ran, tanggap kita! Gusto kita at mahal kita!" Napatigil naman sila sa paglalakad pati na ang mga tao sa paligid namin na nagbubulungan.

"Ano pa ba ang kulang para magsama tayong dalawa?" tanong ko sa kanya.

"Please, Atoz... Tama na."

"Kailangan ko bang maging bampira para lang magsama tayo?" tanong ko muli.

"Tama na, Atoz," naiiyak na wika niya.

"Ito ba?" tanong ko sa kanya at pinulot iyong nagkalat na plastic na may laman na dugo sa may sahig. "Ito ba ang kailangan para maging bampira ako at para... m-magsama na tayo?" Pagkasabi ko noon sa kanya ay agad kong ininom ang dugo.

Bahala na. Wala na akong pakialam. Ang mahalaga, maging kauri ko siya upang maging puwede kami sa isa't isa.

"Anong ginagawa niya?"

"Nababaliw na ba siya?"

"Ibig sabihin bampira na rin si Atoz?"

Nang matapos kong ininom ang dugo ay tumingin ako kay Ran. Umiiyak siya habang nakatingin sa akin. Nagulat na lamang ako nang bigla siyang tumakbo papunta sa aking direksyon at niyakap ako.

Perzeus's POV

"GUSTO MO siya?" tanong ko kay Ran.

Tumango naman siya bilang sagot. Nasa dalampasigan kami at nakaupo sa buhangin habang tinitingnan ang palubog na araw.

"Kung gusto mo siya, bakit hindi mo sabihin sa kaniya?"

"Hindi niya kasi ako tanggap bilang ako. Kaya wala ring silbi kung aamin ako sa kaniya dahil kinamumuhian naman niya ako," sagot niya.

"Pero gusto mo pa rin ba siya kahit hindi ka niya tanggap?"

Tumango muli ito.

"P'wede naman kasing ako na lang, Ranya." Nilingon naman niya ako dahil sa sinabi ko. Wala siyang tinugon kaya nagpatuloy ako. "Ako ang palaging nasa tabi mo at laging kasama mo pero bakit siya pa?"

"Perzeus," bulong niya.

"Ranya, matagal na kitang gusto. Alam ko namang siya talaga ang gusto mo pero, Ranya kung nahihirapan ka na, nasasaktan at hindi mo na kaya, nandito lang ako. Handa akong ipaglaban ka at mahalin kagaya ng pagmamahal sa'yo ni Atoz," saad ko.

"Perzeus," bulong niya at hinawakan ang isang kamay ko. "Salamat. Salamat dahil palagi kang nandiyan at salamat sa pagmamahal mo sa akin," sabi niya at pinisil ang aking kamay. "Patawarin mo sana ako dahil hindi ko kayang suklian ang pagmamahal mo," aniya pa. "Patawad pero hanggang kaibigan lang talaga ang tingin ko sa'yo."

ANG SABI ko kay Ranya kahapon ay susunduin ko siya sa bahay nila para sabay kaming pumasok pero hindi ko nagawa ang pangako ko dahil sa hindi inaasahan na pangyayari.

Paglabas ko ng bahay kanina ay biglang namalat ang balat ko nang masinagan ito ng araw kaya bumalik ako sa loob.

Inabot ako ng ilang oras para balutin ang buong katawan ko para lang makalabas ako ng bahay at makita si Ran.

"Perzeus," bulong ni Ran nang makita niya ako sa harap nila.

"Hindi ba sinabi ko na sa'yo na kagaya pa rin sila ng dati? Hindi nila tayo kayang tanggapin at hinding-hindi nila tayo tatanggapin dahil nandidiri sila sa atin," sabi ko sa kaniya at nilapitan siya.

"Halika na, Ran. Umuwi na tayo," sabi ko at hinawakan na ang kamay niya.

Kahit bago man lang ako umalis, kahit ito lang ang kaya kong gawin para sa kanya. Ilalayo ko siya sa mga taong nananakit sa kaniya.

Hindi pa kami nakakalabas ng gate ni Ran nang biglang may sumigaw kaya napahinto kami at lumingon sa kung sino iyon.

Si Abecde Xyz. Ang taong naglakas loob upang umamin kay Ran kahit alam pa nito na isa siyang bampira.

Napangiti na lamang ako nang makita kong magkayakap sila. Mahal nga nila ang isa't isa. Ito na rin siguro ang pagkakataon ko para umalis at bumalik sa Vampire Island.

Hindi na ako nagpaalam pa kay Ran at naglakad na ako palabas ng paaralan. Pero bago ako tuluyang makaalis ay nilingon kong muli sa huling pagkakataon si Ran.

Paalam, Ranya.

Dinala naman ako ng mga paa ko sa bar ni Uncle Tommy. Buti na lang at nakabukas ito nang umaga.

"Perzeus? Ikaw ba iyan?" tanong nito at lumapit sa akin. "Bakit balot na balot ka?" tanong nito at pinaupo ako sa isang upuan.

Magkaharap naman kami ngayon ni Uncle Tommyat nag-usap. Sinabi ko sana ang mga balak ko.

"Ano?! Aalis ka? Saan ka pupunta? Alam ba ito ni Ran?"

Umiling lang ako. "Hindi ko sinabi sa kaniya dahil alam kong pipigilan niya lamang ako. Mas mabuti na lang na umalis ako nang hindi nagpapaalam," saad ko.

Nang matapos kaming mag-usap ni Uncle Tommy ay nagpaalam na ako.

"Talaga bang ayaw mong ihatid kita sa bus station?" tanong na naman nito sa akin.

"Okay lang ako, Uncle. Huwag kang mag-alala dahil walang mangyayari sa akin," sabi ko sa kaniya at lumabas na ng bar.

Habang naglalakad sa ilalim ng araw ay nakaramdam na naman ako ng pagkahilo at ang pagkahapdi ng balat pero hindi ko ininda iyon at nagpatuloy lang sa paglalakad. Nakadalawang hakbang pa lang ako nang bigla na lamang bumagsak ang aking katawan at nanlabo ang paningin ko hanggang sa nawalan ako ng malay.

NAGISING AKO nang maramdamanan akong malamig na dumadampi sa mukha ko.

"S-sino ka?" mahinang tanong ko dahil hindi ko maaninag ang mukha nito.

"Long time no see, Perzeus."