Chapter 4 - Bihag

Tropang Past: Enchanted Adventure 4

Madaling madali ang mga kilos ni Dama Arien na hindi maunawaan ni prinsipe Renzo.

May isang silid na namang pinuntahan. Isang kwarto na nakatago sa mala-ulap na dingding.

Inunat sa anan at kaliwa ni Arien ang mga kamay na humawi sa ulap na harang. Pumasok sila.

"Ano'ng gagawin natin dito Dama?"

"Kailangan nating makuha ang susi upang mabuksan ang lagusan patungong ibang mundo."

"May iba pa bang mundo maliban dito sa Postalex?"

"Meron pa. Pero tantanan mo muna ang pag-uusisa prinsipe.", hawak ng Dama sa mga balikat ng binatilyo. "Kailangan nating makuha agad ang susi nang sa gayon ay makalayo dito. Kailangan kong magawa lahat ng bilin ng iyong inang reyna. Kailangan kong matupad ang sumpa kong sisiguraduhin kang ligtas hanggang sa kaya mo ng pamunuan ang isa sa mga kaharian. Nauunawaan mo ba ang mga tinuran ko?"

Tumango ang prinsipe.

Tapos ay nagpunta sila sa isang sulok kung saan ang dingding ay may anim na butas naka-ayos hexagon. Bawat butas ay may batong iba-iba ang kulay. Isinaayos lamang iyon ng Dama. Ang pula ay sa itaas, sa ilalim ang kayumanggi, asul at puti sa gawing kanan at sa kaliwa ay ang dilaw at berde. Tapos ay naglabas ng liwanag ang mga iyon na nagkone-konekta. Nalikha ang isang hugis bilog na umikot ng mabilis. Tsaka biglang may umalsang hugis kwadrado sa tabi na naglabas sa hinahanap na susi.

Samantala, sa labas ay nagtagpo-tagpo ang mag-aama.

"Bakit pa kayo lumabas? Diba ang sabi ko'y manatili kayo sa loob at protektahan ang hari at reyna?", sambit ni Guru Jerald habang patuloy sa pagtira sa mga kampon ni Jomarie. Ang kanang kamay ay naglalabas ng mga tinidor habang kutsilyo naman ang tumatama sa mga nasa kaliwa.

"Pero naubos na namin ang mga nasa loob.", ani Chona. "Natumba na din namin ang kumag na pinuno nila."

"Pero magbalik pa rin kayo sa loob. Baka inaatake na muli ang mahal na hari at reyna. Hanggat hindi nawawala ang mga ito hindi tayo pwedeng makampante."

"Hindi talaga.", biglang sulpot ni Jomarie at ng kasama niyang nakamahabang damit na pulang may hood at may hawak na sandatang parang kay kamatayan.

Bihag nila ang hari at reyna. At may kasama silang bagong madaming kakampi.