Chapter 10 - Plano

Tropang Past: Enchanted Adventure 10

Natigil ang prinsipe. Mangha siya sa laki ng pagmamahal ng dama para sa mundo ng Postalex at para isakatuparan lahat ng pangako nito sa kanyang mga magulang. Niyakap na lamang niya ang dama.

Nagtinginan silang muli at nakangiting tumango hudyat ng kanilang pagpasok sa lagusan.

Samantala, nakabalik na si Melody.

"Hindi ko sila naligtas? Nabigo ako.", nanlulumo niyang balita.

"Ayos lang yan. Mababawi din natin ang mahal na hari at reyna.", sabi ni Chona.

At niyakap nila si Melody.

Tapos ay nagdesisyon silang magtipon sa bulwagan ng palasyo.

"Lumiliit ang ating bilang.  Humihina ang pwersa. Nakuha ng kalaban ang ating hari at reyna. At alam kong hindi doon nagtatapos ang pakay nila. Batid kong kasama sa plano nila ang agawin ang kaharian at pamunuan ang buong Postalex. At yon ang di natin dapat payagan."

"Tama kayo sa iyong tinuran Guru. Pero paano natin maipagtatanggol ang kaharian kung kaunti na lamang tayo? Tiyak na magagapi lang tayo ng mga kalaban.", anang isang kawal.

Nagsi-komento na ang iba. At agad namang pinutol iyon ng Guru.

"Mga kasama makinig kayo. Hindi tayo magagapi, kung makakahanap tayo ng mga bagong kakampi.", anang Guru. "Marami pang karatig-pook at kaharian ang Ventreo. Humingi tayo ng tulong sa kanila habang hindi pa nagtatagumpay ang dama sa misyon niyang hanapin ang mga hinirang."

"Pero hindi kaya nila tayo tanggihan gayong hindi nila ugali ang sumawsaw sa digmaan ng may digmaan?", anang isa pang Guru,  sa sining.

"Tama. At ganoon naman din ang kalakaran saan mang reyno o kaharian dito sa Postalex.", segunda ng isang kawal.

"Hindi ko din alam ang kasagutan kung may aasahan ba tayong tulong o wala. Pero walang masama kung susubukan. Sa isang banda naging mabuti naman ang kaharian sa pakikitungo at pagtanggap sa kanila noong sila ang nangangailangan ng tulong. Hindi naman sila pinagkaitan ng ating mga mahal na hari at reyna. Kaya positibo akong makakakuha tayo ng tulong sa kanila."

Biglang nagliwanag ang mga mukha ng lahat. At nagpahayag sila na makikiisa sa paglapit sa mga ibang kaharian. Bumuo sila ng apat na grupo kung saan salit-salitan silang maglalakbay.