Chapter 6 - Habulan

Tropang Past: Enchanted Adventure 6

"Alam ko na! Gaya kanina. Kayo na bahala ulit at susubukan kong pigilan ang mga may hawak sa mahal na hari at reyna."

"Mag-iingat ka Melody.", paalala ng dalawa na tuloy lang sa pagtupok sa mga kalaban.

"Mag-iingat ka anak.", ani Guru Jerald.

Tumango lang si Melody at tumatakbong tinahak ang rutang maaari niyang makasalubong at maabutan agad ang mga tumangay sa reyna at hari.

May kalayuan naman na din ang narating nina Dama Arien at ng prinsipe. Ngunit sa hindi mapaliwanag na dahilan, sa pagbalikwas ng tingin ng Dama ay nasipatan niyang humahabol na naman si Jomarie.

Noon huminto panandalian si Arien. Ang mga maliliit na bato sa daanan nila ay inipon gamit ang kanyang kapangyarihan at pinalaki ang mga ito upang maging harang.

At saka sila nagpatuloy sa paglayo. Napahinto naman si Jomarie nang masipatan ang ginawa ng Dama saka nilabas ang napakaraming mga salamangkadong baraha. Itinira niya lahat ng iyon ng buong pwersa at ipinakilos ng napakabilis na siyang nagpaguho sa harang.

Naging libre na naman ang dalawa para masilo nito.

"Nasundan na naman niya tayo Dama! Mukhang nasira niya ang batong harang na ginawa mo."

"Ayaw niya talaga tayong tigilan."

Huminto muli ang dalawa.

"Magtipon tayo ng buhangin at ihugis bundok. Pagtabihin natin ang mga ito."

Sa madaling panahon ay nagawa nila ito. Maliit na ang distansya ng tusong si Jomarie noon kaya naman nagpasya na ang Dama na gamitin ang mahika upang lumaki ang kumpol ng mga buhangin at maging bulubunduking pagkatayog.

"Tara na. Tumakas na tayo ulit."

At wala silang sinayang na mga oras. Si Jomarie naman ay inulit lamang ang ginawa. Napakadali para sa kanya na pagtatapyasin ang mga bundok at mapatag muli ang lupa.

Muli na namang nag-isip ng salamangka ang dama.

"Buksan mo ang lalagyan mo ng tubig. Magbuhos ka ng kaunting laman nito at gagawin kong dagat."

"Sige Dama."

At ganon nga ang nangyari. Diretso na muli sila sa pagtakbo. Mabilis namang napatda si Jomarie.

"Lintik!", yamot nito.

Nag-isip ng paraan. At nang mapagtanto ang gagawin ay napangisi. Naglabas muli ng maraming baraha at hinilera sa ibabaw ng tubig upang magsilbi niyang daanan.

"Tuloy ang laban!"