Aliyah's Point of View
MATAPOS ang halos siyam na oras na pagle-labor ko, sa wakas naisilang ko rin ng maluwalhati ang aking anak. Sa kabila ng pagod at hirap, milagro itong naibsan ng marinig ko na ang kanyang pag-iyak lalo na ng masilayan ko ang maganda niyang mukha. Sulit na sulit talaga para sa isang ina ang ano mang pagod na dinanas kapag nakita na niya ang kanyang anak na dinala niya sa sinapupunan ng siyam na buwan. Balewala ang anumang hirap simula sa unang buwan hanggang sa ito ay kanyang maisilang.
Parehong-pareho ang pakiramdam sa akin nung isinilang ko rin si Guilly, lalo na't pareho din na wala si Onemig sa tabi ko. Parang de javu. Nagpapasalamat ako na sa pangalawang pagkakataon, kasama ko na si mommy at tita Bless. Gayundin si Jam na palagi na lang nagtatakbo sa akin sa ospital sa tuwing manganganak ako. Dalawang beses na nga siyang napagkamalan na asawa ko. Siya kasi ang sumasama sa akin sa mga check ups ko, pagbili ng mga gamit ng bata hanggang sa panganganak ko.
Kung sana ay siya ang asawa ko. Okay na rin sana kung siya dahil naging mabuti naman siyang boyfriend sa akin noon at maganda ang naging samahan namin pero hindi talaga ganoon ang nakatakda sa aming dalawa. Hanggang doon lang kami sa parang magkapatid at hindi na hihigit pa roon. Para kay Lord siya at kay Onemig naman ako.
" O gising na pala ang super mom." napalingon ako sa may pinto kung saan nagmula ang tinig. Nandoon si Jam na may dalang paper bag na nasisiguro ko na pagkain ang laman.
" Super mom ka dyan!" sabi ko sabay ingos. May nahihimigan kasi akong pang-aasar na naman sa kanyang tono.
" Talaga naman. Muntik mo na kasing mabali ang mga daliri ko sa higpit ng hawak mo nung nagle-labor ka. Malaki na ang utang sa akin nyang asawa mo ha? Dalawang beses na akong muntikang mabalian ng mga daliri sa sobrang lakas mo. " sabi ko na eh, aasarin ako nito.
" Nagrereklamo ka brod? " pinandilatan ko siya ng mata.
Tumawa lang siya ng malakas. Nagtagumpay na naman kasi siya na maasar ako.
" Bakit ikaw ang nandito? " tanong ko.
" Ay grabe sya. Hindi na lang magpasalamat na nandito ako. " ngumuso pa siya.
" Sira! Hindi yun ang ibig kong sabihin. Nasaan sila mommy at bakit hindi sila ang nandito? Hindi ba dapat nasa simbahan ka ngayon?"
" Nasa nursery sila, tinitingnan yung baby. Dadalhin na rin kasi siya dito mamaya. " biglang sumaya ang pakiramdam ko sa narinig. Makakasama ko na si baby.
" Nagpaalam na rin ako sa superior ko at pinayagan naman ako hanggang sa isang araw lang." pahabol pang wika niya."Kaya wag kang magpabebe dyan dahil two days lang ako sa tabi mo. Grabe daig ko pa ang asawa nito. Sa susunod nga na lalayas ka yung hindi ka buntis ha? Ako ang palaging ninenerbiyos kapag nasa delivery room ka. Kung bakit naman kasi laging natataon na tuwing lalayasan mo yang asawa mo eh buntis ka. "
" Nagrereklamo ka na ba? " kunwari ay galit kong tanong. Nakataas pa ang isang kilay ko.
" Hindi naman. Gusto ko lang naman na maranasan din ni Onemig kung ano yung pakiramdam ng naghihintay sa labas ng delivery room. Kaya sa susunod, wag ka ng lalayas kapag buntis ka. " natatawa ako sa kanya pero pinipigilan ko lang. Nakalimutan yata niya na sya ang naglayo sa amin kay Onemig dahil hindi niya natiis ang pagtrato nila sa akin. Hindi na lang ako nagsalita para ma-enjoy naman niya ang panenermon niya sa akin.
" Hay nako fr. Jam wala ng susunod pa." sabi ko.
" Huwag magsalita ng tapos Aliyah Neslein dahil kapag hindi mo natupad, tutuktukan na talaga kita." sumimangot ako sa sinabi niya.
" Bagay talaga sayo ang maging pari. Ang galing mong magsermon eh. "
" Tss. " yun lang ang sinabi niya tapos inirapan pa ako. Kinuha niya yung bed table at inayos na yung pagkain ko para pakainin niya ako. Minsan talaga may pagka-masungit din ito pero super sa kabaitan.At nagpapasalamat talaga ako na mayroon akong Jam sa buhay ko. Siya ang nagpupuno ng mga pagkukulang ng asawa ko sa akin.
Isang araw pa akong nanatili sa ospital bago ako pinayagang lumabas ng doktor. Mabuti naman at hindi na nagtagal dahil nag-aalala na rin ako kay Guilly. Isang araw ko lang kasi siyang hindi makita ay hindi na ako mapakali.
Pagdating namin sa bahay na tinutuluyan ay laking gulat ko ng datnan namin ang mga ate ni mommy kasama ang mga pinsan ko. Naghihintay silang lahat sa living room. Naghanda pa sila ng maraming pagkain para i-celebrate ang pagdating ng bagong miyembro ng pamilya.
Tuwang-tuwa si Guilly ng makita ang kapatid. Gusto na ngang kargahin pero sinabihan ni mommy na malambot pa ang mga buto ng baby. Nakakaunawa naman siyang sumunod pero hindi naman tinigilan ang kahahalik sa kapatid.
Kinabukasan ay bumalik na si Jam sa simbahan. Nangako naman ito na kung may pagkakataon ay uuwi siya sa gabi para masamahan kami. Sinabi ko naman na huwag na dahil ayos lang kami. Kasama ko naman si mommy at tita Bless at nasa kabilang bahay lang ang ibang kapamilya ko. Ayaw ko rin naman na mapagalitan siya ng superior niya dahil labas siya ng labas. Masyado ko na siyang naaabala. Napapayag ko rin siya pero uuwi na lang daw siya kapag off niya. Hindi ko na lang kinontra dahil magtatalo lang kami. Alam ko naman kasi na nag-aalala lang siya sa akin kaya ganoon siya. Kahit kasi masaya at nakatawa ang nakikita sa akin ng mga tao sa paligid ko, alam ni Jam na deep inside basag ako at durog-durog. Yun ang labis na ipinag-aalala niya sa akin. Hindi ako emotionally stable.
Pinipilit ko namang labanan ang sakit na kinikimkim ko sa loob ko. Sa paglipas ng mga buwan, kahit paano naman ay naka-recover na ako. Nagagawa na nilang banggitin ang pangalan ni Onemig na hindi na ako gaanong nasasaktan. Hindi na rin ako umiiyak sa gabi. Unti-unti siguro maghihilom din ako, hinay-hinay lang kumbaga. Wala naman kasi akong kinimkim na galit sa puso ko para sa kanya. Nagtatampo siguro, oo, pero ang galit, hindi kailanman nagkapuwang sa puso ko kundi ang narito ay pangungulila.
" Tita Bless pwede po ba tayong mag-usap?" tanong ko kay tita nung pumasok siya sa kwarto ko para i-check kami ni baby Julia. Si mommy naman ay nasa supermarket kasama si Guilly para bumili ng gatas at diapers. Ito na yung pagkakataon ko para matanong si tita Bless dun sa naudlot na pag-uusap namin. Gusto kong malaman kung nasaan si Onemig.
Huminga siya ng malalim bago umupo sa tabi ko. Hinawakan niya ang dalawa kong kamay.
" Anak, hindi ko kasi alam kung paano sasabihin sayo. Ayokong mag-alala ka dahil buntis ka nun." bungad agad niya hindi pa man ako nagtatanong.
" Ano po ang ibig ninyong sabihin? May nangyari po ba kay Onemig?" kinakabahang tanong ko.
" Wala naman anak. Sana. " malungkot na sagot niya. Lalo akong naguluhan.
" Bakit po tita, nasaan po ba siya?" panay ang mabilis na tibok ng puso ko. Iniisip ko na baka sumama na siya kay Monique ng tuluyan dahil iniwan ko siya.
" Nung araw na malaman niya na umalis kayong mag-ina, nagkulong lang siya sa kwarto niya. Hindi gaanong kumakain, hindi na rin pumapasok sa trabaho niya. Wala siyang kinakausap isa man sa amin. Hayun na naman yung paglalagay niya ng pader niya na kahit sino ay hindi makapasok. Alam ko na nasasaktan siya sa pag-alis ninyo. Gabi-gabi lumalabas siya at umuuwi siya ng lasing. Hanggang sa isang gabi na umuwi siya, nag breakdown na siya mismo sa harap ko, parang batang musmos na umiyak sa kandungan ko. Pilit niyang tinatanong kung nasaan kayo ni Guilly.Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko, bilang ina ang tanging magagawa ko lang ay aluin siya at damayan sa pag-iyak niya. Narinig siguro ng tito Migs mo yung pag-iiyakan naming mag-ina kaya napasugod din siya. Hindi niya rin alam kung ano ang sasabihin sa anak namin. Nagkamali kasi ito at gusto niyang ipaintindi sa anak niya na ang hindi namin pagsasabi sa kanya kung nasaan kayo ay para ma-realized niya ang mga maling nagawa niya. Kinabukasan, nagpaalam siya sa amin na aalis muna siya. Hahanapin daw muna niya ang sarili niya dahil yun daw ang gusto mong gawin niya. Hindi niya sinabi kung saan siya pupunta. Halos walong buwan na rin mula noon na hindi na namin siya nakita. Tumatawag naman para sabihing ayos lang siya pero hindi sinasabi kung nasaan siya. " maluha-luha si tita Bless nung matapos niyang ilahad sa akin ang mga nangyari kay Onemig. Alam ko na tulad ko, nangungulila din siya sa kanyang anak. Kung masakit sa akin, lalo na sa kanya dahil siya ang ina. Nanikip din ang dibdib ko sa nalaman.
" Anak ano ba ang nangyari noong huling araw kayong nagkita ni Onemig? Wala kasi siyang sinasabi sa amin, maging si Monique ay hindi ko na rin tinanong. Alam kong yun ang dahilan kaya nagdesisyon si Jam na isama na kayo ni Guilly sa Italy. Maging ang mommy at daddy mo ay walang ideya sa nangyari nung araw na yon. "
Tiningnan ko si tita Bless ng diretso sa mga mata. Siguro dapat ko ng sabihin ang ano mang nangyari nung araw na yon na humantong pa sa tuluyang pagdedesisyon ko na lumayo na lang muna. Huminga ako ng malalim bago nagsalita.
FLASHBACK :
Nung araw ng libing ni lola Marta, hindi ako sumama kila mommy dahil ayokong magkita pa kami ni Monique. Gulo lang ang nangyayari kapag nakikita niya ako kaya ako na lang ang umiwas. Hindi ako nakakapunta sa burol niya kaya nagdesisyon akong sa libing na lang niya pumunta.
Tinatanaw ko lang ang paglilibing kay lola Marta buhat sa malayo at tagong parte ng memorial park na tanging si Jam lang ang kasama ko. Lihim ko na lang din na tinangisan ang pagkawala niya.
" Bakit ayaw mong lumapit? Hindi ka naman siguro susugurin ni Monique sa gitna ng maraming tao." sabi ni Jam sa akin.
" Hayaan mo na. Lalapit na lang tayo sa puntod kapag wala na silang lahat." determinadong sagot ko kaya wala na siyang nagawa kundi ang sumang-ayon.
Makalipas ang halos isang oras, nag-alisan na rin ang mga tao at huling umalis si Monique kasama si Onemig. Nang umalis na yung kotseng sinasakyan nila ay saka kami lumapit ni Jam sa puntod ni lola Marta.
" Lola pasensya na po kayo kung ngayon ko na lang kayo napuntahan, umiiwas lang po ako sa apo ninyo. Alam niyo naman na parang dragon po iyon kapag nakikita ako, bigla na lang bumubuga ng apoy. Lola Marta nagawa ko na po ang lahat ng bilin ninyo sa akin. Hindi ko po alam kung ano ang magiging reaksyon ni Monique kapag nalaman niyang ako ang umayos lahat ng binilin ninyo. Ginawa ko po ang lahat alang-alang sa inyo, sa nabuong pagkakaibigan sa pagitan nating dalawa. Hanggang ngayon walang nakakaalam na naging malapit tayo sa isat-isa noon, maliban kay tito Migs dahil siya po ang katulong ko sa pag-aasikaso ng lahat ng bilin ninyo. Ngayon alam na rin ni Jam dahil kasama ko siya ngayon. " tumingin ako sa katabi kong si Jam. Medyo nagulat nga siya ng marinig ang mga sinabi ko.
Magsasalita na sana ulit ako nang bigla na lang akong nasadlak sa damuhan. Mabuti na lang hindi malakas ang pagkakatulak kundi baka napilayan ako. Bigla kaming napalingon ni Jam at nakita namin ang galit na galit na si Monique na siya palang tumulak sa akin.
" Walanghiya ka Aliyah! Anong karapatan mong pakialaman ang pribado kong buhay?" galit na galit siyang nagsisigaw sa harap ko. Nilapitan niya ako at sinabunutan. Napatakbo palapit sa akin ang nabiglang si Jam kaya natanggal niya ang kamay ni Monique na nakasabunot sa buhok ko. Hindi ako maka-depensa kasi nakasadlak ako sa damuhan. Nang akmang sasampalin ako ni Monique ay biglang iniharang ni Jam ang katawan niya at niyakap ako para ma-protektahan.
" Onemig, ano ba? Titingnan mo na lang bang sinasaktan ni Monique ang asawa mo? " sabi ni Jam sa nakatayo lang na si Onemig sa likod ni Monique. Madilim ang tingin niya sa aming dalawa ni Jam.
" Monique let's go!" yun lang ang sabi niya.
" No! Gusto kong malaman dito sa babaing ito kung bakit pati personal kong buhay ay pinapakialaman niya!"
" Liyah, ano na naman ba ito? Bakit nakialam ka na naman? Akala ko tapos ka na? " malamig na tanong ni Onemig. Gusto kong manlumo sa narinig mula sa kanya. Imbes na damayan niya ako sa pananakit ni Monique ay heto siya at kinukwestiyon na naman ako ng hindi alam ang totoong pangyayari.
Nakipagtitigan ako kay Onemig. Wala akong mabasang emosyon sa mga mata niya. Bakit ba napakadali para sa kanya na paratangan ako ng hindi muna inaalam ang side ko?