Aliyah's Point of View
IT'S our daughter's birthday today. Maaga akong nagising para ihanda ang mga kailangan para sa party niya mamaya.
Dahil wala pang bumabangon sa mga kasambahay para magluto ng breakfast, inako ko na rin ang pagluluto tutal nandito na rin lang ako.
Habang busy ako sa pagluluto, isa-isa ng nagsibangon ang mga kasambahay. Nagulat pa nga ng datnan ako sa kitchen. Pumunta na sa kanya-kanyang gawain yung dalawa samantalang si Angie ang naiwan sa kitchen dahil sya ang nakatoka sa pagluluto.
" Naku ate, bakit ikaw po ang gumagawa nyan? Akina po at ako na ang magtutuloy." sabi ni Angie.
" Sus, ako na. Napaaga lang talaga ang gising ko dahil marami akong gagawin para sa party mamaya ni Guilly." sagot ko. Wala na syang nagawa kaya yung paglilinis na lang ng CR ang hinarap nya.
Eksaktong makapasok si Angie ng CR nang biglang tumunog ang door bell.
" Angie tingnan mo nga muna yung nag-doorbell sa labas. Baka yung nagrarasyon ng newspaper kay dad yon." utos ko kay Angie.
" Sige po ate." sagot nya saka nagmamadaling lumabas na.
Ilang saglit lang ng marinig ko ang tinig na sobrang pamilyar sa akin.
" Hi baby! Morning! " nilingon ko sya. Nakasuot sya ng jogging pants na gray at muscle shirt na pinaghalong black at gray. May face towel na nakasampay sa balikat niya at medyo pawisan na rin sya.
" Ang aga ah. Ano yan, jogging talaga o props lang para makapunta ka dito? " tanong ko. Natawa naman sya.
" Ahm.. pwede rin both." sagot nya sabay ngiti.
" Halika nga dito, pawis na pawis ka." lumapit naman sya sa akin. Kinuha ko yung towel sa balikat nya tapos pinunasan ko yung pawis nya sa mukha at leeg.
" Uhm, sarap talaga mag-alaga ng misis ko." sabi nya saka ako niyakap.
" Bakit hindi ka ba inaalagaan dun sa inyo? " asar ko sa kanya.
" Tss. Aga-aga baby ha?" natawa naman ako. Pikon na naman.
" Bakit? Doon sa inyo nakatira kaya dapat inaalagaan ka. " asar ko ulit. Lalo namang nagsalubong ang kilay nya, mukhang maba-bad trip na.
" Tss. As if naman gusto kong magpa-alaga dun. Yung alagang Aliyah Arceo lang ang gusto ko at wala ng iba. Kaya tigilan mo ang pang-aasar sa akin dyan dahil hindi yun nakakatuwa."
" Sus, ang sungit naman ng bebe ko. Binibiro lang kita. As if rin naman papayag akong magpaalaga ka dun. Ano sya, sinuswerte? " medyo natawa na sya sa sinabi ko. Maya-maya lang ay narinig na namin ang boses ng makulit naming anak.
" Daddy! " tili ni Guilly. Pumiglas sya sa pagkaka-hawak ni yaya Melba at patakbong lumapit sa ama. Kinarga naman agad sya ni Onemig at nanggigigil na pinaghahalikan ang mukha ng anak.
" Happy birthday sweetie pie." bati ni Onemig sa anak.
" Thank you daddy. Where's my gift?" tanong nya sabay lahad ng kamay sa harap ng daddy niya.
" I'll give it to you later sweetie pie. Sa sobrang laki, hindi ko mabuhat." tugon niya sa anak.
" Really? How big it is daddy?" excited na bulalas ng bata.
" It's bigger than you. Basta mamaya makikita mo yun." sabi niya sa anak.
" Yey! Thank you daddy. I'm so excited! " napapangiti na lang si Onemig saka hinagod ang ulo ng anak.
" Tara na kayo, mag-breakfast na tayo. Angie, pakitawag na sila mommy, baka gising na sila. " utos ko sa kasambahay.
Mabilis naman itong tumalima. Inayos ko na ang kakainin ni Guilly tapos si Onemig naman ang inasikaso ko. Pinaglagay ko siya ng pagkain sa plate niya at tinimplahan ko na rin siya ng coffee niya.
" Thanks baby. Na-miss ko itong pag-aasikaso mo sa akin. By the way, ayos na ba lahat yung kailangan sa party ni Guilly mamaya?" tanong niya matapos humigop ng kape sa mug niya.
" Yeah. Ayos na lahat. Mag-aayos na lang dun sa likod. Si Neiel ang nag-asikaso sa halos lahat dahil may conference nga ako nitong nakaraan. " sagot ko.
" I should thank him for that. Nakakahiya naman, wala man lang akong naiambag na tulong sa kanya." malungkot niyang turan.
" Beb, naiintindihan ni Neiel ang sitwasyon mo. Hindi ka man nakatulong sa kanya, sayo naman nanggaling halos lahat ng ginastos sa party ni Guilly at malaki rin ang nai-ambag mo para mabayaran ko ng buo yung kotse niya. Huwag mo ng isipin yon, pamilya tayo dito kaya hindi ka dapat nag-aalala. " sabi ko. Napabuntung-hininga siya at mapait na ngumiti sa akin.
" Kung hindi lang ako nag-aalala sa kalagayan ni lola Marta, o kung hindi lang sana delikado sa kanya ang makatanggap ng masamang balita, noon pa sana tayo malayang nakakapamuhay bilang isang buong pamilya. Alam ko na nahihirapan ka na sa sitwasyon natin, pati si Guilly nadadamay na pero sa ngayon kasi wala pa akong magagawa. Mahirap kapag nalaman ni lola Marta yung totoo, mahirap tanggapin. Kung tayo nga na normal ang kalusugan, nahihirapang tanggapin ang katotohanan kung bakit tayo napunta sa sitwasyong ito, paano pa kaya siya? Kung nung oras na nalaman niya na buntis si Monique, inatake na siya ng matindi na muntik na niyang ikamatay, paano pa kaya kung malaman niya ang buong katotohanan tungkol sa akin? Hindi kakayanin ng konsensiya ko na masawi siya dahil sa akin. Kaya hanggat maitatago ko sa kanya ang totoo, gagawin ko huwag lang ako ang maging dahilan ng pagkasawi niya. " mahabang paliwanag niya. Nakatingin lang ako sa kanya. Pilit inuunawa ang lahat ng sinabi niya.
" Beb naiintindihan kita. Nasanay na rin naman kami ni Guilly sa sitwasyon natin. Hindi kita inoobliga kaya huwag mo ng isipin yon. Alam ko naman kung gaano ka-delikado ang kalusugan ni lola Marta ngayon. Wala naman akong problema tungkol doon. Ang problema ko lang ay si Monique. Masyado niyang ipinagmamalaki na asawa siya ng isa sa mga board member kaya hindi na niya ako nirerespeto bilang boss niya. Minsan tuloy parang gusto ko ng isampal sa kanya yung marriage certificate natin para matauhan siya. " natawa naman siya sa huling sinabi ko.
" Pagpasensiyahan mo na lang yun. Ako nga minsan, napipikon na sa ugali niya. Hindi ko na lang pinapansin. "
" Ano pa nga ba ang ginagawa ko kundi ang magpasensya. Mabuti na lang beb mahaba-haba ang pasensyang nasalo ko nung magsabog ang Diyos." natatawang turan ko.
" Thank you baby for being so understanding. Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala ka." sabi nya tapos hinawakan ang kamay ko na nasa ilalim ng mesa. Tiningnan ko lang siya at hindi na nagsalita. Ngumiti lang ako ng ngiting may pang-unawa.
Sumulyap ako sa direksyon ng aming anak. Napansin ko na nakatingin siya sa akin. I blew her a kiss and she grinned. The same grin like Onemig has.
Patapos na kaming kumain nung lumabas si mommy at daddy tapos kasunod si lolo Franz, lola Paz, Neiel, Tin at lola Baby. Hindi muna kami umalis sa hapag. Hinintay na rin namin silang matapos kumain.
" Ate after lunch daw ide-deliver yung mga baloons at yung mga gagamitin para sa parlor games. Yung cake, mamaya ko na rin ipi-pick up kasabay nung ice cream na inorder ko. Papasama na lang ako kay ate Tin. Pwede ka ba ate Tin?" turan ni Neiel sa akin tapos bumaling sya kay Celestine.
" Oo naman yes. Tutulungan na rin kitang mag-ayos sa likod mamaya tutal wala naman akong gaanong naitulong dahil busy kami ni tita Laine sa office. Ako na rin ang bahala dun sa mga souvenirs at give aways." sagot ni Tin.
" So wala na pala kaming gagawin? Naayos nyo na palang tatlo eh. " sabi naman ni mommy.
" Wala na mom. Relax lang kayo dyan. Everything's settled. Ako pa? " mayabang na turan ni Neiel.
" Sus kaya pala nanghingi ka ng bonus sa akin ah." pang-aasar naman ni dad.
" Dad! " tila pag kontra pa ng magaling kong kapatid.
" Ikaw talaga Neiel ang galing mo noh! Panigurado pambili na naman ng ticket yan papuntang Switzerland." sita ko sa kanya.
" Eh sinabi ko naman sayo ate pero kinontra mo lang din." nakanguso pa nyang turan.
" Hayaan mo na yang kapatid mo Liyah, in love eh. " sabi ni dad.
" Dad! " kunwari pang naasar si Neiel pero nangingiti naman.
" Hay nako ang bunso ko, umiibig na rin. Studies muna ha Neiel Allisen? Know your priorities. " paalala pa ni mommy.
" Oo naman po mom. Una pa rin po talaga ang pag-aaral. Inspirasyon lang po yung—yun na nga! Hehe."
Natapos ang breakfast namin na puro pang-aasar lang kay Neiel . Masaya kami dahil kumpleto kami sa hapag kainan. Kasama kasi namin si Onemig ngayon na bibihira lang na mangyari. Umaasam ako na sana maging umpisa na ito ng pagiging kumpleto naming pamilya sa hapag kainan kasama siya.
Alas tres ng hapon ng isa-isa ng nagdatingan ang mga bisita ni Guilly. Tapos ko na siyang ayusan at tuwang-tuwa siya sa suot niyang gown na katulad na katulad nung gown ni Cinderella. May crown din siya sa ulo. Naka-guwantes din siya at yung shoes niya ay glass shoes din katulad nung kay Cinderella.
" Mama ang ganda-ganda Guilly noh? Mumukha ko na si Cindeyella." dinig kong turan niya kay Tin.
" Oo nga baby, ang ganda-ganda mo pero Cinderella yon anak hindi Cindeyella." tugon naman ni Tin.
" Ihh mama ganun na rin po yun. Bulol pa Guilly eh." nakanguso pa nyang sambit. Napangiti naman ako, ang cute niya kasi.
" O sige tara na nga. Nandoon na sila Father Ramon kasama yung mga kalaro mo dun sa seminaryo. " anunsiyo ni Tin.
" Talaga po mama? Masaya po Guilly mama kasi andami tao ngayon. Mama pede ko po ba pakilala daddy ko kila father Ramon? Para po hindi na ako nitutukso nila Monmon na wala akong daddy. " nagkatinginan kami ni Tin. Tumango ako para siya na ang sumagot kay Guilly.
" Alam mo kasi anak, pwede naman kaya lang kapag tayo na lang ang tao ha, hindi pa kasi pwedeng malaman ng iba. Naiintindihan mo ba, baby? " sagot ni Tin kay Guilly.
" Sige po mama." sagot niya kaya medyo nakahinga kami ng maluwag. Baka kasi may makarinig na iba, makarating pa kay Monique. Alam ko pupunta din sila dahil invited ni Guilly si Travis kaya mas kailangan lalong mag-ingat.
Paglabas namin sa garden ay maraming bumati kay Guilly. Hindi ko akalain na sa lawak ng garden namin ay mapupuno ito ng bisita. Umabot na nga yung iba sa likod, dun sa may swimming pool. Dumating din kasi lahat ng brothers ni mommy kasama ang family nila. Pati mga pinsan niya na sina tita Elize at tita Jellyn with their family. Pinagkaguluhan din si ate Shane na anak ni tita Elize dahil artista ito. Wala lang si Aira dahil nasa New Zealand ito kasama ang artistang asawa na si Gelo Montero at yung kambal nilang anak. Hindi rin nawala ang mga kapatid ni daddy at mga pinsan ko sa side niya with lola Bining of course. Nakakalungkot nga lang wala na si lolo Phil para masilayan sana niya ang party ng kanyang apo sa tuhod.
Tuwang-tuwa naman si Guilly dahil ang dami ng nag-aabot ng gifts sa kanya na inilalagay naman ni Tin dun sa mesang nakalaan para sa mga regalo.
Inumpisahan na ni Neiel ang program nung makita niyang marami ng bata ang dumating. Naroon na rin yung inarkila niyang clown na handa na ring mag-perform.
Nag-umpisa na rin magkainan habang nanonood sa mga clowns. Sa kalagitnaan ng pagtatanghal, nun dumating si Onemig kasama yung mag-inang Travis at Monique. Kasama rin si lola Marta na nakaupo sa wheel chair at si Onemig ang nagtutulak.
Si tita Bless at tito Migs kasi ay nauna ng dumating kanina. Tumulong din sila sa pag-aayos ng venue. Ayaw rin naman nilang walang gawin para sa kaarawan ng kanilang unang apo.
Namataan din ni Guilly ang daddy niya pero hindi niya ito pinansin. Usapan na nilang mag-ama yon na kapag kasama ni Onemig si Monique, hindi niya papansinin ang daddy niya. Ayaw na rin kasing lumapit ni Guilly kay Monique simula nung may mangyari sa pagitan nila nung sinama ko sya sa office.
Madali namang kausap si Guilly. Kapag sinabi mong hindi pwede, hindi na siya nun mangungulit. At namamangha din ako na sa murang edad niya madali syang mapakiusapan at mapaliwanagan. Kaya naman natatawa ako ng lihim ngayong nagde-deadmahan sila ng daddy niya.
Nakita kong inasikaso ni Onemig ang mga kasama. Tinawag niya ang kasambahay naming si Angie para tulungan siyang bigyan ng pagkain ang kanyang mga kasama. Gusto ko mang lumapit para tulungan siya pero pinigil ko ang sarili ko. Ayaw kong may masabi pa si Monique na maging dahilan na naman ng iringan namin. Marami pa namang bisita.
Nang matapos kumain ang lahat ay nagtuloy-tuloy na ang mga payaso sa pagtatanghal nila. Nagpalaro sila at nag-magic. Enjoy na enjoy ang mga bata lalong-lalo na ang aking anak. Masaya ako basta nakikita ko siyang masaya. Si Guilly ang pinaka magandang nangyari sa buhay ko.
Halos papadilim na nung matapos ang party. Isa-isa ng nagpaalam ang mga bisita matapos maipamigay ang mga souvenirs at give aways.
Nagpaalam na rin ang mga kamag-anak namin. Isa-isa ko silang pinasalamatan at sila mommy at daddy na ang naghatid sa kanila sa gate. Ang naiwan na lang ay sina father Ramon dahil may mga ipadadala pa kaming mga groceries at gamit para sa mga bata sa seminaryo.
Nasa kusina pa si tito Migs at tita Bless na tumutulong kay Tin at lola Baby sa pagliligpit. Ako na lang ang nasa living room at nagpe-prepare ng mga dadalhin nila father Ramon.
After a while, pumasok si Onemig sa living room kaya napatingin ako sa kanya. Akala ko kasi umuwi na siya kasama nila Monique.
" Akala ko umuwi ka na? Nasaan ang mga kasama mo?"
" No, magpapaalam nga ako, nasa—" pareho kaming natigilan.
" Hayan Monmon siya yung daddy ko!" biglang lapit ni Guilly kay Onemig kasama si Monmon kaya hindi natuloy ni Onemig yung sinasabi niya sa akin.
" Monmon siya yung daddy ko. Hayan huwag mo na akong nitutukso ha? Kasi may daddy talaga ako. " buong pagmamalaki pang turan ni Guilly habang nakayakap pa ang mga braso niya sa binti ng ama.
" Ano kamo, ulitin mo nga yung sinabi mo?" pareho kaming napamaang ni Onemig sa pamilyar na boses na narinig. Si Guilly naman ay biglang nagtago sa likuran ko.
Dahan-dahan akong lumingon at doon ko nakita ang galit na galit na si Monique habang nasa likod ng wheelchair ni lola Marta na daklot naman ang sariling dibdib.