Aliyah's Point of View
NAPAKA-LAKAS ng tibok ng puso ko habang nakatunghay kay lola Marta. Hinahaplos niya ang kanyang dibdib na tila anumang sandali ay bibigay yon.
" Ano nga ulit yung sinabi mo Guilly?" nanlilisik ang mga matang nakatingin si Monique sa aking anak. Hindi niya alintana na nasa paligid lang si lola Marta at father Ramon.
" Monica, huwag ang bata." mahinahon at mahinang sambit ni lola Marta ngunit maririnig pa rin ng kahit sino sa amin.
" Bakit lola? Nagtatanong lang naman po ako eh. Ano naman sa palagay ninyo ang gagawin ko dyan?" sagot pa nya kay lola Marta na itinuturo pa si Guilly.
" Kahit na. Nakikita mo ng natatakot sayo. Bata yan, hindi pa niya alam ang kanyang sinasabi." sabi muli ni lola Marta.
" Bata nga pero marunong ng magsinungaling. Anong sinasabi nya dito sa kalaro nya? Na si Onemig ang tatay nya para hindi na sya tuksuhin? "galit na turan muli ni Monique.
" Eh siya naman po talaga ang daddy ko, mommy ni Travis. Secret lang po namin para hindi ka na po agagalit sa akin. " biglang sabat ni Guilly. Lalo naman akong kinabahan.
" Ano?! Hindi totoo yang sinasabi mong bata ka. Ang liit mo pa lang nagsisinungaling ka na. Wala ka kasing daddy kaya nang-aangkin ka ng daddy ng may daddy! " malakas na sigaw ni Monique kay Guilly kaya malakas na umiyak ang bata.
" Monique tumigil ka na! Pati bata pinapatulan mo! " galit na sigaw din ni Onemig sa kanya. Makikita mo ang pinipigil nyang galit dahil nakakuyom na ang dalawang kamao niya.
" Anong nangyayari dito? Hanggang doon sa kusina dinig na dinig kayo. Monique? " hangos ni tita Bless kasunod si tito Migs at Tin. Nagulat pa siya nung makita si Monique.
" Yang batang yan po mommy, pinipilit nyang si Onemig ang tatay nya. Ipinagmamalaki dito sa kalaro na may daddy na daw siya at si Onemig nga yon! Ang liit pa marunong ng magsinungaling! " sigaw muli ni Monique.
Nagkatinginan naman kami ni tita Bless. Parang sa mga tingin niya ay gusto na nya akong magsalita. Pero hindi ko alam kung kaya ko ba dahil sa kasalukuyan kong nakikita kay lola Marta. Panay na kasi ang haplos niya sa kanyang dibdib.
Dinaluhan naman ni Tin ang umiiyak na si Guilly. Masama ang tingin na ipinupukol niya kay Monique.
" Monique pwede ba umuwi na lang tayo? Hindi na tama yang ginagawa mo sa bata. Wala kang karapatang pagsalitaan siya ng ganyan, bata yan eh at lalong-lalo na sa sarili pa nilang pamamahay. Matuto kang lumugar." nagtitimping turan ni Onemig. Alam kong pinipili din niya ang mga salitang ginagamit niya dahil nakikita na niya ang lagay ni lola Marta.
" Bakit ba parang pinagtatanggol mo pa yang sinungaling na batang yan? Siguro nga tuwang-tuwa ka pa dahil gusto ka nyang maging daddy. Nag-iilusyon ka rin na anak nyo nga sya dahil hanggang ngayon may gusto ka pa rin sa nanay nyang nabuntis ng kung sino!"
PAK!
Hindi na ako nakatiis at ubod lakas ko siyang sinampal.
Wala ni isa mang nakakibo sa ginawa ko.Maging si Monique ay natigagal na hawak-hawak pa ang pisngi nyang sinampal ko. Dahil maputi sya, kitang-kita ang pamumula niyon.
" How dare you!" galit na sambit nya. Akmang susugurin nya ako pero hinarang ni Onemig ang katawan nya sa akin.
" No! How dare you! Ang kapal ng mukha mong pagsalitaan kami ng ganyan ng anak ko sa mismong pamamahay namin. Wala kang alam sa akin Monique pero ako, marami akong nalalaman tungkol sayo. Ikaw ang sinungaling at ikaw rin mismo yung kung ano ang ibinibintang mo sa akin. You are nothing Monique. Hindi ko gustong makasakit ng ibang tao sa pamamagitan ng mga salita ko but you provoked me. Kaya kong magtiis kung para sa sarili ko lang pero pag yung anak ko na ang kinanti, ibang usapan na yon. Ilang beses na Monique. Ilang beses mo ng ginanyan ang anak ko. Ubos na ubos na ang pasensiya ko sayo! " hindi ko na napigilan ang sarili ko, sobra na kasi sya. Sobra na.
" Tumigil ka na Monica, wala ka na sa lugar. " mahinahong pigil pa ni lola Marta sa kanya pero hindi niya ito pinakinggan. Sa halip hinarap niya akong muli at nanlilisik ang matang dinuro-duro pa niya ako.
" Hindi komo boss kita Aliyah, hindi na kita pwedeng pagsalitaan. Matagal na akong nagtitimpi sayo simula pa nung bumalik ka. Ginulo mo ang tahimik kong buhay sa piling ni Onemig. Masaya na kami pero umeksena ka pa. Tapos ngayon yang anak mo inaangkin niyang tatay ang asawa ko. Sino ang hindi magagalit dun at ikaw pa ngayon ang lumalabas na kawawa sa ating dalawa? Anong alam mo sa akin? Bakit hindi mo sabihin ngayon sa harap ko? " hamon pa niya.
" Hindi ito ang tamang panahon Monique. Kailangan na ni lola Martang magpahinga. " sagot ko.
" O ngayon si lola ang idinadahilan mo. Ang sabihin mo wala ka talagang alam sa akin. Samantalang ikaw, alam na alam ko ang mga galawan mo. Hindi ka maka-move on kay Onemig kaya itong anak mo ang ibinabala mo. Siya ang sinabi mong tatay niya dahil wala kang maiturong ama niya. Ayaw mong malaman ng lahat na yung ex boyfriend mo ang nakabuntis sayo dahil magpapari siya! "
PAK! PAK!
Mag-asawang sampal na ang ibinigay ko sa kanya. Nanginginig ako sa galit. Saan niya pinagkukuha ang mga sinabi niya?
" Enough baby, wag mo ng patulan. " bulong ni Onemig sa akin.
" Wag patulan beb? Narinig mo ba lahat ng sinabi niya? Ano ang magiging impact nun sa anak mo? Dinig na dinig niya ang lahat." pabulong ko ring sagot.
" Huwag sa harap ni lola Marta baby. Please. " pakiusap pa ni Onemig.
" Walanghiya ka! Ano't nakikipag-bulungan ka pa sa asawa ko! Mang-aagaw! Malandi ka! " sinugod niya ako at sinabunutan. Nabigla si Onemig kaya hindi niya ako agad na-protektahan.
" Anong nangyayari dito? " boses ni daddy yung narinig ko kaya napabitaw rin bigla si Monique sa akin.
" Ano ito, ha Monica? " naguguluhang tanong ni mommy sa kanya.
" Ma'am Laine yang anak nyo po kasi, inaagaw ang asawa ko sa akin. Sinabi po kasi niya kay Guilly na si Onemig ang daddy nito." nagpanting naman ang tenga ko sa sinabi niya. Kami pa ngayon ng anak ko ang lumalabas na mang-aagaw. Ang sakit ng mga sinabi niya. Pati si Jam nadamay pa. Nakakahiya kay father Ramon.
Huminga ako ng malalim at hinarap si Monique. Kailangan ko ng sabihin ang katotohanan upang siya mismo ang sumampal sa sarili niya sa mga maling sinabi niya sa akin. Gagawin ko rin ito para kay Guilly. Ayokong isipin niya na kasinungalingan lang ang sinabi ko sa kanya na si Onemig ang tatay niya. Ayokong ma-imprenta sa batang isip niya ang mga kasinungalingang sinabi ni Monique.
" Wala akong inagaw sayo Monique. Ilang taon akong nawala, nagtiis na mawalay sa mga kapamilya ko at kay Onemig. Ang lahat ng iyon ay dahil sayo. Kailangan ka niyang panindigan dahil buntis ka. Wala akong inagaw sayo dahil noong umalis ako, hindi lang kami engaged sa pagkakaalam mo kundi mag-asawa na kami. Mag-asawa at kasal na. Nagpakasal kami sa France sa tulong ni kuya Mark. Buntis na ako kay Guilly nung umalis ako at si Onemig ang ama. Walang kinalaman si Jam kaya huwag mo siyang idamay. "
" Hindi yan totoo. Gumagawa ka lang ng kwento. "
" Bakit ko naman gagawin yon? Hayan ang mga taong nasa harap mo, tanungin mo sila. Alam nilang lahat na totoo ang sinasabi ko, at pati si father Ramon. Ang dami ko ng isinakripisyo ng dahil sayo pero sa huli ikaw pa yang may ganang pagsalitaan ako ng masasakit at sa harap pa mismo ng anak ko. Ano na lang ang iisipin niya, na sinungaling ako at hindi si Onemig ang tatay niya?"
" So, ano ang gusto mong mangyari ngayon? Dahil ikaw ang unang asawa, ikaw na ang pakikisamahan nya? Asawa niya rin ako at may anak kami. At hindi mo kami basta-basta mapapaalis sa kanila dahil lang sa karapatang meron ka. May karapatan din ako dahil kasal kami. " mayabang pa nyang turan.
" Kasal? Kasal na hindi rehistrado. At yung anak mo, alam ko na hindi siya anak ni Onemig. Anak siya ni Edison Centeno. " napamaang siya sa sinabi ko. Hindi siguro niya akalain na alam ko ang buong katotohanan. Maski si Onemig ay hindi alam kung sino ang nakabuntis kay Monique.
Nang sulyapan ko si lola Marta ay malabis na pagkabigla ang naging reaksyon niya. Bagamat panay ang himas sa kanyang dibdib, makikita ang determinasyon niya na malaman ang katotohanan.
" A-anong ibig s-sabihin nito Monica? " gumagaralgal ang tinig na tanong ni lola Marta sa apo.
" H-Hindi ko po alam lola kung— ano ang s-sinasabi niya." nauutal pang tugon ni Monique.
" Ano naman ang dahilan ni Liyah para maghabi ng kwento? Sabihin mo sa akin ang totoo." marahan lang na nagsasalita si lola Marta ngunit mababakas ang disappointment sa kanyang tono ng pananalita.
" Lola—" saad ni Monique na ayaw ng dugtungan pa ang sasabihin.
" Onemig! " tawag ni lola Marta, humihingi ng kumpirmasyon.
" Lola Marta." tugon lang niya.
" Wala bang may gustong magsalita sa inyong dalawa?!" galit ng tanong ni lola Marta.
" Inang hindi makabubuti sa inyo ang magalit. Huminahon po kayo." singit ni tita Bless.
" Bakit Blessie? Sa palagay mo ba matatahimik ako sa mga narinig ko? Paano akong hihinahon sa mga nalaman ko? Wala ba sa inyong magsasalita para sabihin sa akin ang buong katotohanan? Monica? Onemig? " tanong niya na nakatutok ang paningin sa dalawa.
Walang kumikibo maski isa. Batid ng bawat isa ang kundisyon ng katawan ni lola Marta.
" Sa palagay ba ninyo kung hindi kayo magsasalita makakabuti sa akin yon? Lalo lang akong mababalisa sa pag-iisip tungkol sa mga narinig ko. Pakiusap —"
" Lola Marta totoo po ang lahat ng narinig ninyo." basag ko sa katahimikan kaya muling natuon ang atensyon ni lola Marta sa akin. " Mismong si Edison Centeno po ang nagsadya sa akin para sabihin ang buong katotohanan. Hindi po si Onemig ang ama ng anak ni Monique . " napayuko si lola Marta ng marinig ang sinabi ko. Nag-alala naman ako kaya lumapit ako sa kanya.
" Lola Marta." tumingala naman siya at ganun na lang ang pagkabigla ko ng makita kong tigmak ng luha ang mga mata niya. Itinuon niya ang kanyang paningin kay Monique.
" Bakit itinago mo ang katotohanan sa akin apo? Sa loob ng mahigit tatlong taon, namuhay ako sa kasinungalingan. Bakit nagawa mo sa akin—i-to." yun lang at bigla na lang siyang hinimatay sa harap ko.
" Lola Marta!" sigaw ko kaya biglang lumapit si Onemig sa amin.
" Lola! " panay ang yugyog ni Onemig sa kanya.
" Nhel bilisan mo ilabas mo ang sasakyan! " sabi ni mommy.
" Onemig buhatin mo sya, dalhin natin siya sa ospital. Madali!" sabi naman ng nag-aalalang si tita Bless.
Binuhat ni Onemig si lola Marta at umaalalay naman si tito Migs sa kanya sa pagdadala kay lola Marta sa sasakyan kasunod si mommy at tita Bless.
" Tin ikaw na muna ang bahala kay Guilly, pakisabi na rin kila lolo Franz ang nangyari. Susunod ako sa ospital." paalam ko kay Tin.
" Father Ramon narito na pong lahat yung mga dadalhin ninyo sa seminaryo, may sobre din po akong inilagay dyan para sa mga gastusin ninyo dun. Pasensya na po kayo father. " si father Ramon naman ang hinarap ko.
" Naiintindihan ko Aliyah. Siguro itinulot na rin ng Diyos na masabi mo ang katotohanan dahil marami ka na ring tiniis alang-alang sa mag-ama mo. Ipagdarasal ko na maging maayos ang lagay ni lola Marta. " sabi ni father Ramon sa akin.
" Maraming salamat po father Ramon. " nakakaunawang tumango siya sa akin at hinawakan ako sa ulo para sa bendisyon.
Hinatid ko siya sa labas kung saan naroon ang service van nila. Nagpaalam din ako sa mga bata at saka sila umalis.
Nang makalayo na sila ay saka naman ako sumakay sa kotse ko para sumunod sa ospital.
" Ate! " tawag ni Neiel nung ini-start ko na ang kotse.
" Bakit?" tanong ko ng dungawin ko siya sa bintana.
" Sasama ako. Ako na magmamaneho." hindi na ako kumibo. Lumipat ako sa passenger's seat at sumakay naman siya sa driver's seat.
" Alam mo ba kung saang ospital sila nagpunta?" tanong ni Neiel sa akin nung paandarin nya ang kotse. Napaisip ako at napatapik sa noo. Oo nga pala hindi ko alam kung saan dinala si lola Marta.
" Wait tatawagan ko si mommy." tugon ko.
" Nasa St. Michael's kami anak. " tugon ni mommy sa kabilang linya.
" St. Michael's daw Nei."
Wala kaming kibuan ni Neiel habang nasa daan. Ang dami kong iniisip. Paano kung hindi maligtasan ni lola Marta ang atake nyang ito? Ayon kay Onemig noon, delikado na ang susunod na atake niya. Hindi ko maiwasang mag-alala ng husto. Gusto kong sisihin ang sarili ko. Sana hindi ko na lang pinatulan si Monique, hindi na sana umabot sa ganito.
Nadatnan namin sila sa lobby ng ospital nung makarating kami ni Neiel. Lumapit ako kay mommy na katabi si tita Bless. Si daddy at tito Migs kasi ay nasa kabilang panig kasama si Onemig at Monique.
" Kumusta po si lola Marta mommy." tanong ko.
" Naroon sa loob inaasikaso na ng mga doktor. Hinihintay na lang namin na may lumabas isa man sa kanila." sagot ni mommy. Nanlulumo naman akong napaupo sa gitna nila. Hinawakan naman ni mommy ang kanang kamay ko at si tita Bless sa kaliwa.
" Anak nababasa ko sa mga kilos mo na sinisisi mo ang sarili mo sa nangyari. Wala kang kasalanan dahil hiniling naman ni lola Marta na malaman ang katotohanan. Magsalita ka man o hindi ganoon pa rin naman ang kahihinatnan niya. Ipagdasal na lang natin na makaligtas siya sa atake nyang ito. " sabi ni tita Bless. Niyakap naman ako ni mommy kaya hindi ko na napigilan ang pagpatak ng mga luha ko.
" Shh. stop crying sweetie. Everything happens for a reason. Huwag mong sisihin ang sarili mo. Kinakailangan lang sa sitwasyon kaya nagawa mo yung ginawa mo kanina." pag-alo ni mommy sa akin.
" Kayo po ba yung relatives ng pasyente." sabay-sabay halos kaming napatingin sa doktor na nagsalita.
" Opo doc. " sagot ni tita Bless. Namataan kong lumapit sa banda namin sila daddy.
" Hindi maganda ang lagay niya. Comatose siya at kailangan na natin siyang mailipat sa ICU. " saad ng doktor. Nagpaalam na itong umalis at pinasunod si daddy at tito Migs.
Nagulat na lang ako ng bigla akong hablutin ni Monique patayo sa kinauupuan ko saka ako pinagsasampal. Mabilis naman akong niyakap ni Onemig para ilayo sa susunod nyang pag-atake.
" Kasalanan mo ito Aliyah. Kapag may masamang nangyari kay lola, mananagot ka. Hindi kita titigilan hanggang hindi ka nalulugmok sa lupa!"