Chapter 233 - Cold

Aliyah's Point of View

NAGULAT  ang mga nakasaksi sa biglaang pagwo-walk out ni Onemig. Tanging ang mga nakakaalam lang sa naging relasyon namin ang makakatukoy ng tunay na dahilan ngunit sa ibang walang alam, nakakapagtaka lalo na't kasama nya si Monique.

Hindi ko naman alam kung ano ang mararamdaman ko sa ginawa nya. Maging ako man ay nagulat din. Klase-klaseng emosyon naman ang biglaang sumalakay sa akin kanina pagkakita ko sa kanya. Lungkot, pagkasabik, galit, selos at pangungulila. Lahat na. Hindi ko inakala na makikita ko sya kaagad, hindi ako prepared.

Nang humupa na ang tensyon, lahat ng nasa tabi ko kanina ay naroon na ngayon lahat kay Guilly. Pinagkakaguluhan na dahil ang batang kikay ay nagpakitang gilas na. Yung iyakan kanina ay nauwi sa tawanan. Yun nga lang namali sila ng intindi sa sinabi ko kanina. Inakala nilang si Guilly ay anak namin ni Jam.

Gustong mag-protesta ni Tin upang itama ang maling akala pero sinenyasan ko na huwag muna dahil nandoon si Gilbert na hayun at pagkakita kay Tin ay parang tarsier na nangunyapit na sa kanya. Wala itong pakialam kahit naroon sila daddy sa paligid.

Ayokong malaman ni Gilbert ang totoo, baka mawala pa sa amin si Guilly pag nagkataon.

Limang araw din na nakaburol si lolo Phil bago namin hinatid sa huling hantungan. Marami ang nakipaglibing dahil maraming naging kaibigan si lolo sa lugar namin. Maging sa ibang baranggay ay may mga nakiramay din.Mabait at matulungin kasi si lolo.

Matapos ang libing ay doon muna sa bahay pinag-stay ni lolo Franz si lola Bining. Gusto kasi ni lola Paz na doon muna si lola Bining para nababantayan namin. Ngayong wala na si lolo, tiyak na malulungkot sya. Mabuti na yung nasa amin sya dahil nandoon si daddy.

Maayos na kami ni daddy. Wala pa sa aming nagtangkang pag-usapan yung nakaraan. Pero alam kong darating din kami doon. Kahit naman siguro magpaliwanag pa si Onemig, wala rin namang mababago. Wala na, naghiwalay na kami. Nasasaktan ako pero tanggap ko na, that Onemig only stays in my heart, never in my life. Magiging paulit-ulit lang kung bibigyan ko ulit ng chance ang sa aming dalawa. Siguro tatanda na lang akong mag-isa. If it's not him, I don't think it would work with anyone else.

" Besh, kayo na muna ni Jam ang bahala kay Guilly ha? may lakad lang ako saglit." paalam ni Tin sa akin. Nasa kitchen ako at nagbe-bake ng lasagna.

" Kakalibing lang kay lolo Phil, maglalamyerda ka na?" kunwa'y galit kong turan.

" Grabe sya, nagpaalam na ako kay lolo Franz noh! Sungit neto. " napangiti na ako. Ang dali talaga nitong inisin.

" Saan ka ba kasi pupunta?" tanong ko.

" Catch up lang. Kami ni Gilbert."

" Ayun pag si Gilbert isang sabi lang sunggab na agad. Nagsabi ba yun kay daddy na ide-date ka?"

" Oo naman. Sabi nga ni tito Nhel sa kanya, hoy Gilbert, ibalik mo ng buo yang dalaga namin kung hindi patay ka dyan sa tungkod ng lolo Franz mo. " napahalakhak ako sa sinabi ni Tin. Gayang - gaya rin kasi yung paraan ng pagsasalita ni daddy.

" Hay nako, ikaw na ang may lovelife. Tibay din ni Gilbert noh? ilang years kang nawala, ikaw pa rin. "

" Aba dapat lang! Wala na syang makikitang katulad ko noh! jackpot na sya sa akin."

" Uy lakas nun ah! Sige na baka naiinip na yung prinsipe mo dun sa labas. Tsupi na! " sabi ko pero hindi agad sya umalis. Tiningnan nya ako at nagbuntung-hininga.

" Besh ikaw kailan mo kakausapin si Onemig para malaman mo yung totoo? " natigilan ako sa tanong nya. Hindi kasi nya ugali ang magtanong sa akin lalo na yung may kinalaman kay Onemig. Ngayon na lang ulit. Matapos ang tatlong taon.

" Totoo? Celestine mayroon bang hindi totoo dun sa ginawa nyang pag-cancel sa kasal namin at si Monique ang pinakasalan nya? May hindi ba totoo dun sa ilang araw na tayo dito palaging si Monique ang nakikita kong kasama nya? At hindi lang yon, may napansin ka ba sa kanya na gusto nya akong kausapin? Wala di ba? Palaging masama kung tingnan nya ako. Parang siya pa ang galit sa akin. So, ano pang totoo ang hahangarin kong malaman? Sakali ngang malaman ko, mababago ba nun yung sakit na pinagdaanan ko? Mababago ba nun yung mahigit tatlong taon na wala tayo dito sa atin? Ano man ang dahilan nya, wala na rin namang mababago kasi hiwalay na kami. " hindi agad sya nakakibo pero bago nya ako tinalikuran may sinambit sya.

" Oo besh, wala na rin namang mababago pero once na malaman mo ang katotohanan, mawawala yang lahat ng sakit na tinatago mo dyan sa puso mo. " yun lang at tuluyan na syang umalis.

Saglit akong napatda sa sinabi ni Tin. Anong katotohanan ba ang magpapawala ng sakit na tinatago ko sa puso ko? Kahit ano pa yun hindi na rin naman maibabalik yung mga nawala na. Ngayon nga lang, nasasaktan ako ng paulit-ulit kapag nakikita ko silang magkasama kaya anong katotohanan pa ang magpapawala ng sakit gayong patuloy pa rin naman akong nasasaktan?

" Mommy!" agad akong napalingon sa tumawag. Patakbong lumapit sa akin si Guilly kasunod si Jam.

" Hi baby! Gutom ka na ba?" masuyong tanong ko. Isang ngiti lang talaga nya nawawala ang anumang pangit na nararamdaman ko.

" No po. Mommy si tito Jam po ba yung papa ko?" walang karaka-rakang tanong nya. Nagkatinginan kami ni Jam. Sinenyasan ko na sya na lang ang kumausap sa bata.

" Baby gusto mo bang maging papa si tito Jam?" tanong nya kay Guilly. Mabilis na tumango ang bata na parang ganon lang kadali ang lahat.

" Alright, from now on, you can call me papa."

" Really po? yey may papa na ako! Hindi na ako nitutukso nyan ni Monmon. " masayang sambit nya tsaka tumakbo palabas ng kitchen.

" Jam?!"

" It's okay sweetie. Wala namang kaso yon. Naghahanap ang bata ng ama. Kung hindi ninyo kaya ni Tin na ibigay sa kanya yon, ako na lang.  Hindi pa nya maiintindihan kung sakaling  ipaliwanag nyo yung totoo.Hindi yun mahalaga sa kanya sa ngayon. Ang hanap lang naman nya papa di ba? Pag nakakaunawa na sya saka na lang natin ipaliwanag sa kanya. " nakatingin ako kay Jam habang nagpapaliwanag sya. Tama nga naman, hindi pa mauunawaan ni Guilly ang sitwasyon namin sa edad nya ngayon. Mabuti na lang at si Jam na ang nagprisinta na maging papa nya.

Naipaliwanag ko na rin sa pamilya ko yung maling akala na anak namin ni Jam si Guilly. Kahit alam ko na hindi sila naniniwala talaga dahil alam nila yung pagpapari ni Jam, nagpaliwanag pa rin ako. Sinabi na namin ni Tin ang totoo ngunit hiniling ko na manahimik muna upang hindi maging kumplikado ang lahat.

Ilang linggo pa namin makakasama si Jam bago sya bumalik ng Italy. Sinamahan pa nya kaming magpaalam ng maayos kila Fr. Ramon at nag stay pa kami ng dalawang araw doon sa seminario dahil inayos pa namin ni Tin yung mga trabahong iiwan namin.

Umiiyak nga yung mga bata doon nung paalis na kami pero nangako naman kami na dadalaw ng madalas dahil mami-miss din namin sila. Nag iwan din ako ng kaunting halaga para sa gastusin at ilang pangangailangan doon sa seminario at para sa mga bata. Laking pasasalamat nga ni Fr. Ramon dahil malaking bagay na daw yon sa kanila.

Dahil sa pagkawala ni lolo Phil, hiniling ni lolo Franz kay tito Frank na doon muna kaming dalawa ni Tin sa main office sa Sto. Cristo. Ako muna sa office ni tito Frank doon para kahit paano mawala ang lungkot ni lola Bining kapag nakikita nya kami. Natutuwa kasi si lola kay Guilly. Naiibsan daw ang pangungulila nya kay lolo Phil dahil sa sobrang pagka bibo ni Guilly. At ayaw na rin nila mommy na malayo si Guilly sa kanila.

Araw ng pagbabalik ni Jam sa Italy. Kami rin ni Tin ang naghatid sa kanya sa airport. Hindi na namin sinama si Guilly, iniwan na lang namin kay mommy. Panay kasi ang iyak at ayaw paalisin ang papa nya. Nangako naman si Jam na mag-video call na lang sila para magkikita pa rin sila palagi. Mabuti naman at napahinuhod na niya ang bata kaya tumahan na rin sa kakaiyak.

The next day, umpisa na ng pasok namin ni Tin sa trabaho sa FCG main office. Maaga pa lang ay gumayak na kami para makasabay kami kila lolo Franz. Kailangan kasi na mai-briefing muna kami sa trabahong ipapasa sa akin ni tito Frank.

Nang makarating kami sa opisina, ang una kong namataan ay yung taong hindi ko gustong makita. Alam kong posibleng mangyari yon kaya lang kasi hindi ko yun naisip kaagad nung hiniling ni lolo Franz na lumipat muna kami dito.Doon pa naman ito naka-pwesto malapit sa office ko dahil executive assistant sya ni lola Paz. Madadaanan ko sya tiyak palagi dahil nasa labas ng pinto ni lola Paz ang table nya.

Nagkatinginan kami ni Tin. Napangiwi sya dahil siguradong siya ang madalas makikita nito dahil siya ang executive assistant ko pansamantala at doon sa labas ng pinto ko ang pwesto ng table nya.

Pinakilala muna kami ni lolo Franz sa bawat department bago kami tuluyang dalhin sa aming magiging opisina para ma-briefing. Hindi madali ang magiging trabaho ko dito sa main office dahil kailangan kong pag-aralan ang lahat ng tungkol sa businesses ng company bilang magiging pansamantalang VP for operations. Mataas ang posisyon kaya kailangan pagbutihan ko para hindi naman mapahiya si tito Frank ng dahil sa akin. Malaki pa naman ang tiwala nya kahit na nilayasan namin sya ni Tin sa loob ng mahigit tatlong taon.

Nag-usap naman na kami ni tito about that, at naiintindihan naman daw nya ako at hindi nabawasan ang tiwala niya sa akin ng dahil lang doon. Gaya ni Tin, sinabi rin ni tito na makipag-usap na raw ako kay Onemig para kahit paano mabawasan yung sakit na dinadala ko  dahil sa nangyari nung nakaraan.

Ilan na silang nagsabi sa akin ng ganoon, maganda nga yon pero hindi ko alam kung handa na ba ako para kausapin sya. Ayoko naman na ako pa ang mag-umpisa gayong si Onemig dapat ang mauna dahil sya yung nagkamali. Ngunit sa nakikita ko sa kanya ngayon, mukhang siya pa ang galit sa akin. Madilim kung tingnan nya ako. Wala na yung dating tingin nya na may pagsuyo.

Before lunch ay naayos na namin ni Tin ang mga trabahong ipinasa sa amin ni tito Frank. Lunch time nung yayain kami ni mommy na sumabay na sa kanilang mag lunch. Sa resto sa ibaba ng building kami kumain. Kasama rin namin si tita Bless at tito Migs.

Medyo awkward na kasama ko sila pero hindi naman nila ipinaramdam sa akin kung may disgusto ba sila sa nangyari noon. Pareho pa rin ang trato nila sa akin at katulad ng pamilya ko, hindi rin sila nagbubukas ng usapin tungkol sa nangyari sa amin ni Onemig. Hinuha ko, nag-usap usap na sila na huwag munang magbanggit ng kahit ano, binibigyan pa nila kami ni Onemig ng time na mag-usap muna bago sila makisali.

After lunch, nagpaalam na kami ni Tin kila mommy na babalik na agad kami sa opisina. Marami pa kasing mga papeles na pipirmahan at kailangan na itong matapos bago mag-uwian. Pagdating ko sa room ko ay dumiretso ako sa cr na nandoon sa loob para mag toothbrush at mag-retouch.

Nagulat ako paglabas ko dahil nandoon sa couch nakaupo ang taong hindi ko inaasahan. Napahawak ako sa tapat ng dibdib ko dahil sa lakas ng tibok ng puso ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa gulat o may iba pang mas malalim na dahilan.

" I need tito Frank's signature for this but lolo Franz told me that you are the one who's assigned here.,that's why I'm here." casual na turan ni Onemig habang inaabot sa akin yung papeles. Walang buhay, malamig at pormal. Parang ipinapaintindi pa na hindi sya lalapit sa akin kung hindi lang dahil dun.

Kinuha ko ang papeles mula sa kanya. Saglit na binasa bago ko pinirmahan. Walang salita na ibinalik ko rin ito sa kanya pagkatapos itinuon ko na ang paningin ko sa mga tambak na papeles sa ibabaw ng table ko na kailangan ko pang pirmahan.

Nararamdaman ko na nasa harapan ko pa sya at nakatingin sa akin pero pinigilan ko ang sarili ko na iangat ang paningin ko sa kanya. Ayoko. Hindi ko pa kaya.

Narinig ko na lang ang kanyang malalim na buntung-hininga. Pagkatapos ang malakas na pagbukas at pagsara ng pinto ko. Saka pa lamang ako nag-angat ng tingin upang masigurong wala na nga sya. Noon lang kumawala ang masaganang luha na kanina ko pa pinipigilan.

Nasasaktan ako. Ngunit bakit imbes na ako ang magalit ay siya pa itong nagpapakita ng galit sa akin?