Aliyah's Point of View
PANAY ang panunukso ng mga kakilala nila Onemig at Monique sa kanila habang papasok sila ng function hall. Naghihiyawan pa ang mga taga FCG main at ilang mga taga home builders sa panunukso kaya naman lalo pang kumapit si Monique sa braso ni Onemig at itinago ang mukha nya sa balikat nito.
Pasikip ng pasikip ang dibdib ko pero pilit kong pinaglalabanan na huwag maiyak. Akala ko kaya ko na nakikita sya na ganito, kapag kasi nagpapaalam sya na pupunta kila Monique, confident pa ako. Iba pala talaga kapag harapan na.
" Besh bagay rin naman pala sila ano?" si Tin panay pa ang kalabit sa akin.Kung alam lang nya ang nararamdaman ko, siguro hindi nya sasabihin ito. Wala kasi sya kahapon nung mag-usap ang buong pamilya sa bahay.
Hindi na lang ako kumibo. Pakiramdam ko bibigay ang boses ko anumang sandali. Ayoko naman na makahalata sya. Wala pa syang alam.
Medyo nakahinga ako ng kaunti nung maihatid na ni Onemig si Monique sa pwestong nakalaan sa mga taga-FCG main office, executive assistant si Monique ni lola Paz. Si Onemig naman ay pumunta na sa pwesto nila daddy. Panay pa nga ang kantyaw sa kanya ng mga kasamahan pero sinaway lang sila ni Onemig. Nakita ko pa na binulungan sya ni tita Blessie nung tumabi sya sa upuan ng ina tapos iginala ang tingin nya sa paligid.Nung magtama ang tingin namin ay agad namang sumilay ang ngiti sa mga labi nya. Tipid na ngiti lang ang itinugon ko upang kahit papaano ay hindi sya maghinala na may negatibo akong nararamdaman sa mga sandaling ito.
Nag-umpisa na ang program ng party. Ang naatasang host ay yung taga FCG main office at assistant ni mommy, si Jaz. Bading ito at magaling mag-emcee.
Ako ang tinawag para mag-opening prayer at ng matapos ako ay nagsalita na si lolo Franz para sa opening remarks.
Napapansin ko na panay ang sulyap ni Onemig sa akin. Ini-ignore ko na lang baka kasi may makahalata at magtaka pa sila.
Nagkaroon ng bunutan para sa mga gifts. Hindi na kami bumunot na magpapamilya kasama rin si tito Migs at tita Blessie dahil kami naman ang bumili ng mga gifts na mabubunot nila. Tinokahan kami lahat ni lolo Franz.
Bumunot si Jaz ng mga numbers para sa minor prizes . Hindi na sila malulungkot sa minor prizes kasi ang pinaka mura na alam ko na binili namin ay stand fan. Pero syempre maswerte ang makakuha ng major prizes kasi kay lolo Franz at lola Paz nakatoka yun.
Isa ang number ni Tin sa mga unang nabunot at tuwang-tuwa sya sa nakuha nyang magic sing. Siya kasi ang pumili nun nung bumibili kami sa appliance store. Isa sa sampung appliances na ni-donate ko. Ako nga ang pinaka kaunti dahil yun lang ang hiningi ni lolo sa akin. Hindi pa naman daw kasi ako katagalan sa trabaho ko.
Pinaka huling natawag si Onemig. Hindi ko alam kung bakit halos lumundag sya sa tuwa sa nakuha nyang micro wave oven. Imposible naman na wala silang micro wave eh yayamanin din ang isang yan. RK din.
May mga nag perform din at nagbigay ng kanilang special number. Bawat company ay merong ipe-present. Sa amin ay sila Daphne at yung ibang staff. Hindi kami nakasali ni Tin dahil nasa Italy kami nung mag-practice sila. At sa bawat natatapos na presentation ay bumubunot ng number para sa gifts.
Natapos ang presentation ng bawat company nung halos 7pm na. Nag-announce ang emcee na pwede ng kumain kaya naglabasan na ang mga server ng kinuhang catering service ni mommy. Bawat company ay may halos sampung servers na nakatoka. Gusto kasi ni mommy na maaasikaso ang lahat at walang magugutom.
Matapos kumain ang lahat at makapag-pahinga ng konti ay sinimulan na ang mga parlor games.
Hindi ako sumali dahil wala akong ganang gumawa ng kahit ano. Pakiramdam ko kasi habang nandirito ako, hindi maiibsan yung sakit at kirot na nararamdaman ng puso ko kanina pa.
Nagkaroon ng games na kailangang by pair ang participants. Nag-volunteer si Gilbert at pagkatapos ay kinuha nya si Tin sa pwesto namin bilang partner nya kaya naman naghihiyawan yung mga kasamahan namin na nakakaalam sa panliligaw ni Gilbert kay Tin.
Tumingin sa gawi ko si Onemig na tila nagpapahiwatig na gusto nyang sumali rin kami. Ngunit bago pa ako makatango ay may lumapit na sa kanya at hinila sya sa gitna kung nasaan din sila Tin at Gilbert. Naghiyawan din ang mga empleyado na nanunukso sa kanila. Si Onemig naman ay napapakamot na lang ng sariling ulo.
Muli na namang parang kinurot ng pinong-pino ang puso ko. Napayuko na lang ako dahil hindi ko kayang makita na nag-eenjoy si Monique sa panunukso ng mga co-employee nya at naka-angkla pa ang mga braso nya kay Onemig.
Nang mag-angat ako ng tingin matapos ang ilang sandali ng pagpapakalma sa nagwawalang puso, ang mga tingin ni tita Blessie ang nahagip ng mga mata ko. Tila humihingi ng paumanhin yung mga tingin ni tita sa akin. Tipid akong ngumiti sa kanya upang hindi na sya mag-alala sa akin.
Nung tumingin ako sa gitna ay nagsisimula na ang laro. Paper dance ang nilalaro ng anim na pareha. Nasa gitna sila Onemig kaya kitang-kita ko sila. Unang na-out yung magkapareha mula sa company ni tito Fred na Wonderbikes. Sumunod yung mga taga Kabayan Resto tapos yung magkapareha na mula sa Home builders at Wonderbikes. Naiwan si Daphne at yung IT namin na si Thor, si Gilbert at Tin tapos si Onemig at Monique.
Habang lumiliit yung pagkakatupi nung newspaper ay sumasakit din ang dibdib ko. Halos nakadikit na kasi yung katawan ni Monique kay Onemig. At ang hindi ko na kinaya ay yung binuhat na ni Onemig si Monique. Magkahawak ang kamay nila at magkalapit na talaga yung mukha nila na parang kaunti na lang ay maghahalikan na. Nakatitig pa sila sa isat-isa.
Sila ang nanalo sa game na yon dahil sobra naman kasi kung kumapit si Monique kay Onemig. Nung iabot ang premyo nila ay bigla na lang naghiyawan ang lahat because Monique took that chance and gave Onemig a gentle kiss on the lips na ikinabigla naman ni Onemig at ng lahat ng nakasaksi.
Hindi ko na kinaya talaga ang ganong eksena kaya patalilis na akong lumabas ng function hall. Wala namang nakapansin sa akin dahil abala ang lahat sa panonood.
Naglakad-lakad ako sa paligid ng resort hanggang sa makarating ako sa tabing dagat.
Umupo ako sa bench na naroroon at pinanood ang payapang dagat ng Sto. Cristo. Doon ay tahimik akong lumuha upang kahit paano ay mabawasan man lang ang bigat na nararamdaman ko sa dibdib.
Kung sana ay kasing payapa ng dagat ang nadarama ko ngayon. Aminado naman ako na nasasaktan ako simula pa kaninang nakita ko silang dumating na magkasama. Kahit na alam ko kung ano ang totoo sa amin ni Onemig, masakit pa rin yung may kahati ako sa oras at atensyon nya. Yung dapat sana kami yung magkasama sa mga ganitong okasyon pero iba yung kasama nya ngayon. Hindi ko rin naman sya masisisi dahil kung sya lang ang masusunod gusto nyang lumantad na kaming dalawa. Napipigilan lang sya dahil sa naaawa ako sa sitwasyon ng lola ni Monique at sa kagustuhan ko na hindi sya masira sa ipinangako nya sa kaibigang namayapa. Kaya kahit na nasasaktan ako, wala naman akong magagawa. Kailangan kong isakripisyo ang sarili kong kaligayahan para sa kapakanan nya.
Hindi ko alam kung ilang minuto na ang lumipas habang nakatitig lang ako sa dagat at tahimik na umiiyak. May mga yabag akong naririnig na papalapit pero hindi ako lumilingon. Naramdaman ko na lang huminto na ang yabag at parang nasa likuran ko na. Ganunpaman hindi pa rin ako lumilingon,wala naman akong dapat ikatakot dahil nasa paligid lang ang mga security ng company. At isa pa, pamilyar yung amoy ng pabango kaya hindi ko na kailangan tingnan para sinohin.
" Kanina pa kita hinahanap, mabuti na lang yung napagtanungan kong security nakita ka na gumawi dito. Why are you here?" tanong nya nung makaupo na sya sa tabi ko.
" And why are you also here? Baka kailangan ka ng girlfriend mo dun sa loob at hanapin ka. " turan ko na hindi ko man lang siya tinapunan ng tingin. Sa dagat pa rin ako nakaharap.
" Girlfriend? kaya nga ako nandito kasi alam ko na kailangan ako ng girlfriend ko. " sambit nya sabay akbay sa akin at hinapit ako palapit sa kanya.
" Tss!"
" Are you mad baby?" tanong nya habang panay ang halik sa sentido ko.
" No."
" Jealous, maybe? " tanong nya ulit.
" Feelingero ka rin eh noh! " I heard him chuckle.
" If not, then why are you crying? Alam mong nasasaktan ako na makita kang umiiyak. "
" Umiiyak ba ako? Hindi naman ah. Bakit ako iiyak? May dahilan ba? Sabihin mo nga sa akin beb, may dahilan ba para umiyak ako?" sinasabi ko yon habang patuloy na nagbabagsakan ang luha ko. Hindi ko talaga mapigilan, nasasaktan kasi ako.
Niyakap naman nya ako ng mahigpit.
" Shh. Hush now baby. I'm sorry. I'm sorry if you are hurting right now. Yung mga eksena kanina, hindi ko yun ginusto. Ikaw ang gusto kong makasama pero nakita mo naman ang nangyari di ba? Alam mo kung ano yung totoo sa ating dalawa, kaya kung ano man yung nakikita mo, it's just part of the show. "
" Yun na nga beb eh naiintindihan ko naman kaya lang itong pasaway na puso ko hindi mapigilang huwag masaktan. Kinakaya ko naman pero ito—-itong pusong ito hindi matuto-tuto, hindi masanay sa katotohanan na marami akong kaagaw sayo. Kaagaw sa oras mo at sa atensyon mo. Hindi naman kita sinisisi dahil ako naman ang may gusto na ayusin mo muna yung obligasyon mo bago tayo lumantad. Sorry beb kung nasasaktan ako, sorry kung nakakadagdag pa ako ngayon sa mga iniintindi mo. Sorry beb, sorry. " impit akong umiyak ng umiyak sa balikat nya. Hinayaan lang muna nya ako, hindi sya nagsasalita. Panay lang ang hagod nya sa likod ko.
" You don't have to say sorry sweetie. Ako yung may pagkukulang sayo. Huwag mong isipin na nakakadagdag ka sa mga iniintindi ko. Kung pwede nga lang baby, ikaw na lang talaga yung inaasikaso ko. Mas payapa pa ang isip ko kapag nangyari yun. Mas masaya ako. Tahan na, nahihirapan lalo ako kapag nakikita kitang ganyan." tumango lang ako habang nakasubsob sa dibdib nya. Iniharap naman nya ako sa kanya at marahang pinunasan ang mga luha sa pisngi ko ng hawak nyang panyo.
" Kasi naman dalaga na iyakin pa. " biro pa nya kaya natawa na ako.
" Beb naman eh! " natawa rin sya sa reaksyon ko.
" Baby?"
" Hmm?"
" Let's get out of here?" untag nya.
" Why? Where do you wanna go?" tanong ko.
" Basta!"
" Saan yung basta? Baka hanapin tayo. " may pag-aalala sa tinig ko.
" Okay, wait for me in the car. Mauna ka na dun para walang makahalata. Here's the key. Magpapaalam lang ako sa kanila." tumalikod na sya pagkabigay sa akin ng susi ng kotse at nagmamadaling pumasok sa loob ng function hall. Lumabas naman ako ng resort gaya ng iniutos nya.
Madali ko namang nakita yung kotse nya paglabas ko. Mabilis ang kilos ko nung pumasok ako sa passenger's seat, nangangamba na may makakita. Ipinahinga ko ang likod ko sa upuan at pumikit saglit. Naibsan na yung sakit na nararamdaman ko kanina dahil sa mga sinabi ni Onemig. He knew the right words to say. He completely knew how to calm me with his words.
Ilang sandali pa ang lumipas ng mamataan ko na syang palapit sa may driver's seat,bitbit pa ang microwave oven na nabunot nya.
" Shall we?" tanong nya.
" Nagpaalam ka ba sa girlfriend mo?" tumingin sya sa akin at pinanliitan ako ng mata.
" Kasama ko ang girlfriend ko kaya kanino ako magpapaalam?" tila naiinis na sya kaya natatawa ako.
" O sige ganito na lang, nagpaalam ka ba dun sa alam ng lahat na girlfriend mo? "
" Nagpaalam ako sa mommy at daddy ko tapos pinagpaalam din kita kay tito Nhel at tita Laine. At para sa ikatatahimik ng kalooban mo, nagpaalam ako kay Monique na mauuna na ako dahil may aasikasuhin pa ako. Satisfied na? " mas lalo akong natawa sa itsura nya na parang inis na inis na.
" Oo na. Lumalaki na yang butas ng ilong mo eh. Tara na? "
" Tss! "
" Hahaha. Sorry na, ang pikon naman. Tara na nga po. "
" Ang kulit mo kasi baby tapos ikaw naman yung iyakin kapag nakikita mo kami." turan nya saka nag-umpisa ng paandarin yung sasakyan.
" Enough na nga! Saan ba kasi tayo pupunta? " sinulyapan nya ako saka ngumiti ng pilyo.
" Itatanan na kita!"
" Itatanan? May nagtatanan na ba ngayon na nagpapaalam? duh, nagpaalam ka kaya sa kanila." I rolled my eyes at him.
" Hahaha. Ang cute mo baby. Oo na. Nagpaalam ako sa mga parents natin na uuwi tayo sa bahay natin at bukas na babalik."
" Ows? Buti pumayag si daddy na isama mo ako tapos hanggang bukas pa kamo? Wow beb ang lakas naman ng convincing power mo kay Nielsen Mercado. Anong ginawa mo? "
" Sabi ko lang gusto kong bumawi sayo kasi nasaktan ka dun sa nangyari sa party. At nakita rin naman nila yun kaya ka biglang nawala at alam din nila na hinanap kita. Kaya hayun, pinayagan nila ako na isama ka kaya lang bago ako umalis may pahabol pa si tito Nhel ng... " Onemig, may tiwala ako sayo na iuuwi mo ng buo ang anak ko kundi kahit na sa harap nitong ama mo ibibitin kita ng patiwarik. Tandaan mo yan!" napahagalpak ako ng tawa ng gayahin din nya yung paraan ng pagsasalita ni daddy.
" See beb walang landian na magaganap mamaya kasi may banta sa buhay mo. " natatawa kong turan.
Inirapan lang nya ako saka itinutok na ang pansin sa pagmamaneho. Lihim na lang akong natatawa sa kanya. Nagsusuplado kasi hindi nya ako mahaharot mamaya, alam nyang hindi nagbibiro si daddy sa pagbabanta sa kanya.
Hatinggabi na ng makarating kami sa bahay sa Tagaytay. Hindi ko nga namalayan dahil hinayaan ako ni Onemig na makatulog. Nagising na lang ako ng maramdaman kong binubuhat nya ako palabas ng sasakyan. Magpo-protesta sana ako kaya lang baka sungitan naman ako kaya hinayaan ko na lang. Maingat nya akong inilapag dun sa couch sa living room nung makapasok na kami ng bahay. Pagkatapos itinabi ng bahagya ang binti ko para makaupo sya sa gilid at hinarap ako. Masuyo nyang hinagod ang buhok ko at inilagay sa likod ng tenga ko ang mga takas na buhok.
" Nagugutom ka ba?" tanong nya.
" Medyo kaya lang wala naman tayong stock na pagkain dito di ba?" tumango sya pero may itinuro sya na nasa center table kaya nilingon ko. May malaking supot doon na may tatak ng paborito kong fast food.
" Nag drive-thru ako kaninang tulog ka. Come, kumain muna tayo bago matulog. " inalalayan nya akong bumangon tapos hawak kamay kaming pumunta ng dining area para kainin ang mga binili nya.
Pinauna na nya akong maligo matapos naming kumain para daw mapalitan ko na yung gown na suot ko. May mga damit na kasi kami dito sa bahay, nagdadala kami paunti-unti kapag pumupunta kami dito.
Paglabas ko ng bathroom ay medyo nagulat pa ako kasi naroon na sya sa kama at prente ng nakaupo. Nakasuot na sya ng white t-shirt at gray na pajama. Nakaligo na.
" Hala! nauna ka pa sa akin ah!"
" Doon ako sa bathroom sa ibaba naligo. Baka kasi matagalan ka sa pagligo." tumango lang ako at dumiretso na sa walk in closet para makapag-bihis na, naka roba lang kasi ako.
" Beb bakit ba tuwang-tuwa ka dun sa microwave oven na nakuha mo kanina? " bungad ko kaagad nung saluhan ko na sya dun sa kama. Naalala ko kasi yung reaksyon nya kanina nung mabunot sya sa raffle.
" Wala kasi tayong ganon dito, balak ko na talagang bumili mabuti na lang yun ang nakuha ko." malapad ang ngiting sagot nya.
" I see. " saad ko tapos sinimulan ko ng suklayin ang basa ko pang buhok.
" Come here baby ako na magsusuklay sayo." untag nya. Lumapit ako sa kanya at humiga sa tabi nya. Nakaunan yung ulo ko sa lap nya para masuklayan nya ako.
" Sweetie?"
" Hmm? "
" I have a meeting with a client tomorrow morning in a restaurant near Skyranch. I want you to go there at around 10 am, doon na tayo mag early lunch para hindi na tayo magluto. Pwede baby?"
" Yeah sure!"
Nung matuyo na yung buhok ko ay umayos na ako ng higa. Agad namang tumabi si Onemig sa akin at magkayakap kaming natulog.
Naging maayos naman ang tulog ko dahil siguro malamig ang panahon at magkatabi kami ni Onemig.
Hindi ko alam na sa kinabukasan ay may malaking pasabog pala sa akin na naghihintay.