Chereads / I Can't Go On Living WITHOUT YOU / Chapter 199 - It's Over

Chapter 199 - It's Over

Aliyah's Point of View

TAHIMIK akong umiiyak habang nakatingin sa dalawang magkaulayaw. Hindi ko alam kung masokista ba ako o ano. Dapat umalis na ako o kaya naman kinompronta ko sila pero heto ako nasasaktan habang nakatingin sa kanila sa hindi magandang tagpo. Maging si kuya Theo na nasa aking tabi ay gulat na gulat. Ang damit kasi ni Greta ay nakababa na hanggang sa kanyang baywang kaya lantad na lantad ang bra nya at si Onemig naman ay bukas ang tatlong buttons ng polo nya. Halos kita na yung abs nya at panay pa ang himas ni Greta.

Kahit nagulat sa nasaksihan, nakuha pa akong hilahin ni kuya Theo palayo sa lugar na yon.

" Let's go princess. " untag ni kuya. Siguro napalakas yung boses nya kaya napatingin sa gawi namin yung dalawa.

Gulat ang agad rumehistro sa mukha ni Onemig. Tila batang nasukol ng kanyang nanay na gumagawa ng kalokohan. Samantalang si Greta ay nakangisi pa. Ngising tagumpay.

" S-sorry!  S-sige ituloy nyo lang. " hinging paumanhin ko at saka na ako tumalikod kasunod ni kuya Theo.

" Sweetie wait! " dinig kong tawag ni Onemig pero diretso lang ako sa paglakad. Kumapit na ako kay kuya Theo dahil pakiramdam ko, in a minute ay mabubuwal ako dahil nanginginig ang buong katawan ko.

Nagulat na lang ako ng may humila sa braso ko. Paglingon ko ay ang nagsusumamong mukha ni Onemig ang nakita ko. Napatingin ako kay kuya Theo, tinanguan nya ako tanda ng pagpayag na harapin ko muna si Onemig.

" What is it Juan Miguel? " walang emosyong tanong ko. Pinilit kong tinatagan ang sarili ko sa harap nya kahit na durog na durog ako.

" I'm sorry. But it's not what you think it is. "

" So, ano lang pala yon Onemig? Jack and Poy with a twist? Eh halos maghubad na kayo dun ah. Ano sa tingin mo ang iisipin ko? " napayuko sya sa tinuran ko kaya naman nagpatuloy ako.

" Alam mo, ang sakit ng ginawa mong ito sa akin Onemig. Two days ago, you accused me of cheating on you. Ayaw mo akong kausapin, ayaw mo akong pakinggan. Hinayaan kita kasi sabi ni Gilbert ganyan ka raw talaga kapag nasasaktan kaya hinayaan muna kita. Pero ano yung nakita ko kanina? Pumunta ka lang ba dito para saktan ako? Ang gantihan ako sa maling akusasyon mo? Ang bilis mo naman akong palitan, tayo pa eh. O sadyang hindi mo naman ako minahal talaga kaya natiis mo ako? Samantalang ako, ni sa hinagap hindi ko inisip na lokohin ka. Tinanggap ko ang lahat sayo. Minahal kita ng higit pa sa inaakala mo. Pero ano ito Onemig? Harap-harapan. Sabi mo hindi ka na uulit sa kanya di ba? Nangako ka. Ang unfair mo. Ang unfair-unfair mo. " hindi ko na napigilan kaya napaiyak na ako sa harapan nya. Pilit nya akong inaabot para kulungin sana sa yakap pero marahan ko syang tinulak palayo sa akin.

" Sweetie please. I came here just to ---"

" Just to see me! " singit ni Greta sa sasabihin ni Onemig.

" Greta! " pagsuway ni Onemig pero hindi sya pinansin nito.

" Pumunta sya dito para panoorin ako. Yung nakita mo sa amin kanina, pangalawang beses na yun Aliyah. Yung una ay nung malaman nyang niloloko mo sya with this guy. " turo nya kay kuya Theo na hindi ko namalayan na nakalapit na pala sa amin. Nayanig naman ang mundo ko sa sinabi nya. Tila sinaksak ang puso ko sa narinig. Kami pa pero ginagago na pala nya ako.

" Anong sinasabi mo Greta? Kami ni Aliyah? My God, are you out of your mind? She's like a sister to me. Huwag mong gawan ng kwento ang closeness namin dahil hindi talaga pwede. Halos magkapatid na kami. Kung may nanloloko man dito, kayong dalawa yon. Aliyah doesn't deserve a guy like you Onemig. You lose your chance on her kaya magsama kayong dalawa nyang si Greta tutal sa kanya ka naman naniniwala. " galit na turan ni kuya Theo sa dalawa. Hindi na nakatiis na hindi sumali sa usapan. Hinila na nya ako pero pinigilan ako ni Onemig. Parang may gusto syang sabihin pero hindi natuloy dahil nagsalita muli si Greta.

" Dapat naman talaga syang maniwala sa akin. I have some proofs. Ngayon iiyak-iyak ka. Ang arte mo.  Sinabi ko naman kasi sayo Aliyah, sa akin pa rin babagsak si Onemig sa huli.  Kaya huwag ka ng umasa na may kayo dahil sa una pa lang, ako na talaga!  " kumuyom ang mga palad ko sa sinabi nya. Gusto ko na syang sugurin pero nagtitimpi ako, nasa loob pa kami ng campus.

" Tama na Greta! " pasigaw na sansala ni Onemig sa kanya. Tumigil naman sya pero tinapunan ako ng masamang tingin.

" Sweetie, I'm sorry. Please let's talk. " pinalis ko ang kamay nya na nakahawak sa akin.

" I think it's over now Onemig. Minahal kita ng sobra pero sinaktan mo rin ako ng sobra. Kung may pagpapahalaga ka pa sa akin o sa pinagsamahan natin, hayaan mo na lang ako. Palayain mo na ako. Wala na yung respect and trust, so there is no reason to continue. Thank you for the memories Onemig, so I guess this is goodbye now. " tumalikod na ako pero niyakap nya ako mula sa likuran.

" I'm sorry. I'm sorry sweetie. I didn't mean to hurt you. I have reasons why I did that. Darating ang araw maiintindihan mo rin ako. Pero sa ngayon kung ayaw mo na sa akin, wala akong magagawa, I will set you free kasi mahal kita. Mahal na mahal kita. Tandaan mo lang yung pangako ko sayo, na kahit anong mangyari tayo pa rin sa huli. " bumitaw na sya sa akin at hinayaan na nya akong makalayo.

IYON na ang huli naming pagkikita ni Onemig. Hindi na ako umuwi ng Sto. Cristo simula noon.Tinatangka nya akong tawagan pero pinapatay ko ang cellphone ko. Nagte-text sya pero hindi ko sinasagot. Lagi nyang sinasabi na may rason sya kaya nya ginawa yon. Kung ano man ang rason nya, maintindihan ko man sya ay wala na ring saysay dahil nasaktan na ako dun sa tagpong nasaksihan ko sa kanila.

Sinabi ko na sa pamilya ko na wala na kami ni Onemig. Hindi ko na sinabi ang tunay na dahilan, basta sinabi ko na lang na mayroon kaming hindi pinagkasunduan. Nirespeto naman nila ang naging desisyon namin ni Onemig na maghiwalay na lang. Alam ko nalulungkot sila sa nangyari pero ginagawa naman nila ang kanilang makakaya para pasayahin ako upang kahit paano ay maibsan ang sakit na nararamdaman ko.

Ang mga kabarkada ko sa school pati na rin si kuya Theo ay ginagawa rin ang lahat para kahit paano ay makalimot ako. Palagi nila akong sinasama sa lakaran tuwing weekends at hindi sila nagbabanggit ng kahit ano tungkol kay Greta at Onemig.

Summer vacation came, hiniling ko kila mommy na sa Switzerland ako magbakasyon. Pinayagan naman nila ako, siguro iniisip nila na mas mabuti na yon kaysa yung nakikita nilang malungkot ako. Baka sakaling sa paglayo ko ay medyo makalimot ako sa sakit na idinulot ng break up namin ni Onemig.

Nag-leave si mommy at daddy sa trabaho nila para may makasama ako sa pagpunta sa Switzerland, with Neiel of course.  Two weeks lang ang binigay sa kanila ni lolo Franz dahil marami raw silang trabaho ngayon sa office. Okay lang naman sa akin yon atleast kahit paano kasama ko silang magbakasyon.

Nagulat pa si papa Anton at mama Lianna nung dumating kaming mag-anak sa kanila. Hindi kasi kami nagpasabi sa kanila dahil gusto namin talaga silang i-surprise.

" Ano ba naman kayong mga Mercado, hindi kayo nag-aabiso na darating kayo! " sita ni papa Anton kila dad.

" Eh yang anak mo, sinamahan lang namin dito. Broken hearted yan kaya hayan dito magmumukmok. " sagot ni mommy.

" Sinong nanakit sa sweetie ko ha? Sakalin ko. " sabi ni papa sabay yakap sa akin.

" Huwag mo ng alamin papa. Magiging okay din po ako. "

Sa loob ng two weeks sa Switzerland ay ginawa nila dad ang lahat para mapasaya ako. Sa tingin ko kahit paano naman unti-unti ng nawawala yung sakit. Nag-eenjoy kasi ako sa mga lugar na pinupuntahan namin. Nawiwili rin ako kay Athena, yung bunsong anak nila papa Anton. Sobrang daldal nya kasi. Kahit 3 years old lang sya, akala mo matanda kung magsalita. Daig nya pa yung kuya nya na si Andrei. Kasing edad ito ni Neiel pero matipid magsalita at mahiyain.

Mabilis na natapos ang two weeks na bakasyon namin pero bago ang araw ng pag-uwi namin ay kinausap ko si mommy at daddy kaharap sila papa Anton at mama Lianna.

" Mom, dad, pinag-isipan ko na po ito kagabi. Sana po payagan ninyo ako. " napatingin silang lahat sa akin.

" Payagan saan, sweetie? " gulat na tanong ni dad.

" Gusto ko po sanang dito na muna mag-aral dad. "

" What? " sabay-sabay pa nilang sambit. Nakatingin sila sa akin na akala mo tinubuan ako ng isa pang ulo.

" Sigurado po ako dad. Ayoko po muna sa Pilipinas. Masyado pong maraming alaala dun na gusto ko ng kalimutan. Payagan nyo na po ako, uuwi rin ako kapag okay na ako at kaya ko na. "

Sa huli ay napapayag ko rin sila. Kaya sa pag-uwi ng Pilipinas ay tatlo na lang sila. Nung makarating sila dun ay nakatanggap agad ako ng tawag mula kay lolo Franz. Nagtatampo sila ni lola Paz dahil hindi daw sila sanay na malayo ako sa kanila ng matagal. But in the end, naintindihan din nila.  Gayon din si lolo Phil at lola Bining, nung sila naman ang tumawag the following day.

Ako rin naman, hindi ko kayang malayo sa kanila. Mahal na mahal ko ang pamilya ko pero kailangan kong magtiis dahil gusto kong makalimot.

Gusto kong kalimutan yung masakit na nangyari. Pero yung nagbigay ng sakit, hindi ko alam kung makakalimutan ko pa. He's my first love. My first in almost everything. Sobrang dami nung happy memories namin kaya alam kong mahihirapan akong kalimutan sya.

Actually, hindi naman ako galit sa kanya. Wala akong galit na nakakapa sa puso ko para sa kanya. Galit ako dun sa ginawa nya. Dun sa kasalanang ginawa nya.

Hangad ko na lang na maging masaya sya sa pinili nya. Oo, sila na nga ni Greta. According to Anne and Richelle nung mag Skype kami. Madalas daw nilang nakikita si Greta kila Onemig. Yun nga lang, hindi daw ito pinakikiharapan ni tita Bless at hindi rin daw nagkikibuan yung mag-ina. Maging sila man ay hindi na gaanong kinakausap si Onemig.

Naaawa ako sa kanya pero wala na akong magagawa. Mas mabuti na yung ganito, magkahiwalay kami para wala na lang gulo. At isa pa hindi ko kakayanin na makita sila na magkasama. Maiisip ko lang yung nasaksihan ko sa parking lot. At marahil naibibigay ni Greta sa kanya ngayon ang pangangailangan nya bilang lalake. Sa aspetong yon, hindi na sya lugi. Yun nga lang, malulublob na naman sya sa kasalanan.

Kailangang sanayin ko ang sarili ko na wala na siya sa buhay ko. Yung mga bagay na nakasanayan ko mula

sa kanya, ako na ang gagawa nun para sa sarili ko.

Mas mabuti na yung ganitong nag-iisa ng may dignidad kaysa yung nasa loob ka ng isang relasyon ngunit kailangan mong isakripisyo ang sarili mong kaligayahan at respeto sa sarili.

Nasaktan ako. Nawasak ang puso ko. Pakiramdam ko nag-iisa ako gayong hindi naman talaga. Sa huli, kailangan kong matutunang tumayo sa sarili kong mga paa dahil darating ang panahon na wala akong ibang maaasahan kundi ang sarili ko lang.