NASAAN na ba si Night? Naiwan pa ni Lexine ang cellphone sa labis na pagmamadali at wala na siyang oras para balikan pa iyon sa kwarto.
Madilim at tahimik na ang buong mansion at pagbaba niya sa dulo ng malaking hagdan ay muling dumagundong ang malakas na kulog at kidlat, kasabay nun ang paglitaw ng mga taong nakasuot ng puting balabal na nakatayo sa labas ng bintana malapit sa main door.
Napatili nang malakas si Lexine at agad tumakbo patungo sa likurang bahagi ng malaking mansion. Habol-habol niya ang paghinga at sa totoo lang ay nahihirapan siyang kumilos dahil mabigat ang dinadala niya pero kailangan niyang makatakas at iligtas ang buhay ng kanyang anak. Pawis na pawis na si Lexine nang marating niya ang back door. Agad siyang lumabas at tumakbo palayo. Bigla naman bumuhos ang malakas na ulan.
Hindi pa man siya nakakalayo nang muling kumidlat at kumulog, napahinto siya sa pagtakbo nang makita ang pitong Elders na nakatayo sa kabilang dulo ng kalsada.
Pumihit pabalik si Lexine pero agad din natigilan dahil mas marami ang mga Keepers na nakatayo sa likuran. Na-korner na siya at wala na siyang takas. Mahigpit niyang hinawakan ang espada gamit ang dalawang kamay at tinutok sa mga kalaban.
"Magandang gabi Nephilim, tayo'y muling nagkita," sa kabila ng walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan, nangibabaw pa rin ang nakakakilabot na boses ni Kreios.
Basang-basa na ang buong katawan ni Lexine pero nag-aapoy sa galit ang mga mata niya nang harapin ito.
"Hinding hindi niyo makukuha ang anak ko!"
"Ipagpaumanhin mo subalit hindi namin maaring hayaang ipanganak ang batang iyan. Isa siyang ipinagbawal," malamig na sabi nito.
Mas lalong humigpit ang kapit niya sa espada, "Sino kayo para sabihing kasalanan ang anak ko!? Inosente siya, wala siyang kinalaman sa kahit na anong pinagsasabi niyo!"
"Natatanging Nephilim, kailanman ay hindi nagkaroon ng supling ang isang anghel at demonyo. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nangyari ito. At bilang tagapangalaga ng aklat ng buhay at balanse ng mundo, kailangan namin protektahan ang nakararami," malumanay na paliwanag ni Hadeo na nakatayo sa kaliwa ni Kreios.
Nagpalipat lipat ang tingin ni Lexine sa pitong Elders na nasa harapan niya.
"At ano? Ang buhay ng anak ko ang isasakrapisyo niyo? Isa lang siyang sangol, paano niyo masisikmura na patayin ang isang sangol? Nasaan ang mga puso niyo!" naghahalo na ang tubig ulan at luha sa kanyang mukha.
"Isang buhay kumpara sa buhay ng nakararami. Kailangan namin gawin kung ano ang tama," nagsalita ang babaeng Elders na Jhudielle na nakatayo naman sa kanan ni Kreios.
"Huwag ka nang lumaban Nephilim, ito ang makabubuti para sa lahat," saad ni Kreios.
Lalong tumalim ang mga mata niya sa lalaki, "Ang kapal ng mukha mo sabihin ang mga yan. Hindi ko pa nakakalimutan ang ginawa mo sa akin!" nangigigil niyang singhal.
Alam niyang nagpapangap lang ito pero ang totoo ay kampon ito ng kadiliman na katulad ni Lucas.
Umismid lang ang pinuno ng mga Elders na lalong nakadagdag ng inis niya, "Damputin siya."
Mabilis na kumilos ang mga Keepers na nakapaligid. Agad na hinanda ni Lexine ang sarili at tinutok ang espada sa mga ito. Dalawa sa kanila ang unang nakalapit pero maliksi niyang hinumpas ang espada at nasugatan sa braso ang isa. Ang pangalawa naman na kumapit sa balikat niya ay agad niyang hinablot sa damit at sabay tinulak ng malakas palayo at sinipa sa likuran kaya't nasubsob ito sa sahig.
May isa pang tumalon sa kaliwa niya na at hinumpas ang espada, maliksi niyang inangat ang hawak na armas at sinanga ang atake nito, nagkiskis ang talim ng kanilang mga espada habang nagtagisan sila ng lakas. Sinipa niya ito sa tiyan at napaatras ito palayo.
"Ahhhh!"
Isang sigaw ang narinig niya sa likuran, nakahanda na ang talim ng espada ng Keeper na tatama sa likuran ni Lexine. Pagpihit niya, agad lumitaw si Abitto, mula sa isang palad nito ay lumabas ang isang malakas na pwersa at sabay-sabay na tumalsik ang mga Keepers at tumilapon sa malayo.
"Abitto! Ano sa tingin mo ang ginagawa mo!?" matalim na sigaw ni Kreios.
Hindi makapaniwala ang pitong Elders na ang pinagkakatiwalaan nilang pinuno ng mga Keepers ang mismong lalaban sa kanila.
Humarap si Abitto, "Paumanhin mga pinunong Elders subalit hindi ko maaring hayaan na saktan niyo ang batang ito."
Dumilim ang buong mukha ni Kreios, "Kung ganun, paumanhin din sa gagawin ko."
Binaba ni Kreios ang balabal sa ulo at nagliwanag ang mga alibatang tattoo na nakamarka sa buong leeg kasabay ng kanyang mga mata. Tinaas ni Kreios ang dalawang palad at tinutok sa langit. Mas lumakas ang pagkulog at kidlat sa madilim na kalangitan.
Nabahala si Lexine sa nakikita at napatingala sa langit, may kakayahan si Kreios na kontrolin ang bagyo?
"Nephilim, tumakas ka na," mariing sabi ni Abitto habang hinahanda ang sarili. Tinaas din nito ang dalawang kamay at sabay na nagliwanag ang mata at mga tattoo nito mula sa noo hanggang sa bumbunan.
Mas lumakas ang pagkulog senyales ng galit ng kalangitan. Mas nagliwanag ang mga mata ni Kreios at sa isang humpas nito, tumama ang mga kidlat sa kinatatayuan ni Abitto.
Pero isang puti at maliwanag na shield ang pumalibot kay Abitto upang sangain ang kapangyarihan ni Kreios. Labis na nagilalas si Lexine sa mga nakikita dahil maaring mapahamak si Abitto.
"Nephilim, tumakbo ka na! Iligtas mo ang iyong anak!" sigaw ni Abitto habang nahihirapan itong labanan ang sunod-sunod na kidlat na tumatama sa kanya.
Walang ibang magagawa si Lexine kundi ang tumakas, alang-alang sa buhay ng anak niya.
"Salamat Abitto, I'm so sorry I can't help you."
"Bilis! Takbo na! Ahhhhh!" napahiyaw ito nang mas dumoble ang kidlat na tumatama dito.
Kahit mabigat ang loob ay napilitang tumakbo si Lexine palayo.
"Habulin niyo ang Nephilim!" mariing sigaw ni Hadeo.
Kumilos agad ang mga Elders at tumakbo upang habulin siya. Mas binilisan ni Lexine ang pagtakbo kahit wala na siyang makita sa daan dahil sa lakas ng buhos ng ulan. Nanghihina na ang mga binti niya pero hindi siya maaring sumuko.
"Anak, please, kumapit ka lang," bulong niya habang hawak ang tiyan.
Patuloy lang siya sa pagtakbo nang muling lumitaw kung saan ang mga Keepers sa harapan niya. Pumihit siya patalikod pero kinukuyog na siya ng mga ito. Kahit nanghihina ay tinaas niya ang kamay at tinutok ang espada sa mga kalaban. Nahihilo na siya at unti-unti nang nalalabo ang kanyang paningin.
Dahil sa lamig ng ulan at pagod, nabitawan ni Lexine ang espada at tuluyang natumba sa basang sahig. Dahan-dahang naglakad palapit ang mga Keepers patungo kay Lexine. Wala siyang ibang nakikita kundi mga puting balabal na kumukuyog sa kanya.
Umiiyak na hinagkan ni Lexine ng buong higpit ang tiyan niya, "Please, huwag, huwag ang anak ko, maawa kayo."
Napakaraming kamay ang unti-unting lumalapit kay Lexine at binabalot ng labis na takot ang buong sistema niya.
"Lexine!" narinig niya ang boses ni Night at nabuhayan siya ng loob.
Mabilis na nawala ang Keepers sa kanyang paligid. Wala na siyang masyadong nakita pa sa mga sumunod na nangyari dahil umiikot ang kanyang buong mundo. Narinig niya na lang ang mga sigawan, pagkiskis ng mga espada, at boses ni Elijah at Eros.
Unti-unting nakahinga nang maluwag si Lexine na malaman dumating na ang asawa at mga kaibigan niya. Pinilit niyang dumilat at umupo ng maayos, pinangtukod niya ang siko. Pero agad nanlaki ang mata niya nang makitang may dugo sa sahig na humahalo sa tubig ng ulan.
Sinundan ni Lexine ang dugo at nakita na nangagaling iyon sa kanyang binti. Huminto ang tibok ng dibdib niya sa labis na takot.
"Night! Night! Night!" sigaw niya ng buong lakas habang natataranta at 'di alam ang gagawin.
Napahinto si Night sa pakikipaglaban sa mga Keepers nang makita ang itsura ng asawa.
"Night!!!"
Agad siyang tumakbo sa asawa. Namumutla si Lexine at takot na takot, "Si baby, si baby, Night! Ang anak natin!" humahagulgol na ito.
"No, no, no," nanlalaki ang mata niya sa nakikitang dugo, natatarantang binuhat niya ang asawa.
"Elijah! Eros!" sigaw niya.
Mabilis na lumapit ang mga kaibigan sa kanila. Gamit ang kanyang kapangyarihan binalot sila ng itim na usok at tuluyang naglaho.