SA TINAGAL-tagal na panahong namuhay ang prinsipe ng kadiliman sa mundo, ngayon lang siya kinabahan nang husto na pakiramdam niya tatalon na palabas ng ribcage ang puso niya.
Makailang ulit na humugot ng hangin sa didbdib si Night habang naninigas ang mga labi niya sa pag-ngiti sa apat na mukha na nakaupo sa harapan nila. Napansin ni Lexine ang hindi pagiging kumportable ng future husband niya kung kaya't hinawakan niya ang kamay nitong bahagyang naginginig.
Sumulyap si Night sa katabi at matamis itong ngumiti sa kanya na tila sinasabing wala siyang dapat ipangamba at magiging maayos din ang lahat.
Or so they thought…
"ANO!?!" dumagundong sa apat na sulok ng bahay ang malakas na pag-sigaw ni Sergio. Halos mapatalon ang lahat sa gulat.
"Papang naman, ang puso mo, hinay-hinay naman sa pag-sigaw," hinimas ni Katherine ang balikat ng asawa.
Nanginginig ang bagang ni Sergio habang masama ang tingin kay Night, hindi naman makakibo ang huli sa labis na kaba.
"Ulitin mo nga kung ano ang sinabi mo?! Baka kasi mali ang dinig ko."
Nababahalang nagtinginan si Night at Lexine. Muling humarap si Night sa ama ng tahanan at humugot ng hangin bago sumagot, "Hihingin ko na po ang kamay ng anak niyo."
"Ay mahabaging Bathala gabayan niyo ako at baka ako'y makapatay," dire-diretsong sabi ni Sergio at napapailing.
"Papang naman!" naluluha na sabi ni Lexine.
"Kasal?! Diyos ko po, Samantha! Bente uno anyos ka pa lang at gusto mo nang magpakasal!? Ano ba ang tingin niyo sa pag-aasawa? Bahay-bahayan? Nanay-tatay?"
"Pang, ang puso mo sabi, baka naman mahospital ka na naman niyan," muling hinimas-himas ni Katherine ang namumulang asawa.
"Mamamatay talaga ako ng maaga dito sa anak mo," bulong nito, "Sevi, bigyan mo nga ako ng tubig!" hinihingal na utos nito sa bunsong anak.
Natatarantang tumayo ang binatilyong si Sevi at kumuha ng isang baso ng tubig sa kusina bago inabot sa ama. Si Sandy naman na katabi ni Katherine ay tahimik lang na nagmamasid.
Bumalik si Sevi dala ang baso at halos maubos ni Sergio sa isang tunga ang tubig. Ilang ulit pa itong bumuntong hininga bago unti-unting kumalma.
Nag-aalala naman si Lexine sa kalagayan ng Papang niya. Kaninang umaga ay nagbyahe sila ni Night pauwi ng Legazpi upang pormal na mamanhikan ang kanyang fiance sa pamilya niya. Ang totoo niyan ay nasa isip na ni Lexine na magiging ganito ang reaksyon ng Papang niya pero umaasa pa rin siyang mapapayag nila ito.
Pinalaki siya ng Papang at Mamang niya na isang Maria Clara. Noong nagdadalaga siya ay hatid-sundo siya ni Sergio sa school at bantay-sarado talaga ito para walang lalaking magtatangkang ligawan siya. Iyon mga iilan naman na naglakas loob ay talagang dumaan pa sa butas ng karayom pero kasamaang palad ay walang pumasa sa Papang niya.
Nangako si Lexine sa mga magulang na magtatapos muna ng pag-aaral at hindi agad mag-aasawa. Pero simula nang tinayo nilang magkakaibigan ang Moonhunters ay kailangan na niyang tumigil sa pag-aaral. Ang gusto lang naman ni Lexine ay masigurong magiging maayos ang buhay ng kanyang pamilya.
Dahil sa malaking inheritance na nakuha niya kay Alejandro at sa milyong dolyar na binabayad sa kanila ng gobyerno ay hindi na niya kailanman po-problemahin pa ang pera. Natupad niya ang pangarap niya na mapagkalooban ng maayos na edukasyon ang mga kapatid at makapagretiro ng kumportable ang mga magulang.
Sa katunayan ay pina-renovate niya pa ang bahay nila na minana pa ni Sergio sa lolo niya. Ang dating kahoy na sahig ay tiles na ngayon, ang mga dingding na dating kinakain na ng anay ay pina-semento niya. Ang dating hanggang second floor ay pinadagdagan niya ng isa pang palapag. Bumili rin siya ng mga bagong furniture at appliances. Pati na rin SUV van na magagamit ng mga magulang sa negosyo ng mga ito. Nag-expand din ang restaurant na pinapatakbo ng Papang niya. Nagtayo siya ng dalawa pang branch sa kabilang bayan.
Kaya nga niya tinangihan si Night noon nang inalok siya nitong mag-live in, dahil gusto niya munang unahin ang tungkulin bilang panganay na anak. Pero ngayong hindi na niya problema pa ang pera kung kaya handa na si Lexine na bumuo ng sariling pamilya.
Naluluhang humarap siya sa mga magulang, "Papang naman, 'wag naman po ganito, kailangan namin ni Night ang basbas niyo."
Muling umakyat ang dugo ni Sergio, "Basbas? Samantha, ang basbas hindi hinihingi, pinaghihirapan 'yan. Ano na ba ang napatunayan nitong nobyo mo sa amin? Ni hindi nga umakyat ng ligaw 'yan! Saan ka ba niligawan nitong lintek na batang ito, sa kalye? Sinong matinong lalaki ang gagawa nun! Ang nanay mo, pinag-igib ko pa ng daang-daang balde ng tubig, pinagsibak ko ng kahoy, pinagluto ko ng Bicol Express gabi-gabi! Pati lolo at lola mo niligawan ko. Pinatunayan ko na karapat-dapat akong makakuha ng matamis na oo ng nanay mo!"
"Iyan ang problema sa inyong mga kabataan ngayon masyado kayong mabibilis sa mga desisyon niyo. Aba'y pinakitaan ka lang ata nito ka-gwapuhan at magandang katawan at bumigay ka ng bata ka! Ganyan ba ang pagpapalaki ko sa'yo?"
Nakagat ni Lexine ang labi at pilit na pinipigilan ang luhang naiipon na sa kanyang mata. Nanatili naman si Night na hindi makakibo dahil totoong natatakot siya sa tatay ni Lexine. May lahi atang dragon ang ama nito at mukhang malapit na siyang bugahan ng apoy.
Buti na lang at wala ang mga kaibigan nila dahil siguradong mangunguna si Elijah at Eros sa pang-a-alaska sa kanya kung makita ng mga ito kung paano siya manginig sa tatay ng future wife niya. Nakakasira ng image niya bilang 'Mightiest and Sexiest Prince of Darkness'
"Sergio naman, nasa wastong edad naman na itong anak natin. Kung nanaisin na niyang mag-asawa, dapat ay suportahan natin ang kaligayahan niya," malumanay na sabi ni Katherine.
"Hindi iyon ang punto ko Katherine, ang punto ko ay hindi ko basta-basta ibibigay si Samantha sa isang lalaki na hindi ko pa nasusubok kung karapat-dapat ba siyang maging asawa ng anak natin."
This time ay hindi na matiis ni Night na manahimik. Sa gulat ni Lexine ay bigla siyang tumayo at buong loob na humarap sa mga magulang nito.
"I understand po kung bakit kayo tumututol sa ngayon. You just want to protect your daughter. Alam ko po ang pakiramdam niyo dahil kaligtasan din po ni Sammie ang palagi kong iniisip," hindi niya binibitiwan ang titig sa mapanuring mata ni Sergio.
"Pero handa po akong gawin ang lahat para patunayan sa inyo na karapat-dapat akong maging asawa ng anak niyo."
Naningkit ang mata ni Sergio habang pinagmamasdan si Night mula ulo hanggang paa. Totoong magandang lalaki ito at halata na mayaman din. Pero iyon na nga ang kinakatakot niya. Wala siyang tiwala sa mga tulad nito na mukhang hindi nagdaan sa hirap ng buhay. Baka mamaya at lokohin lang nito ang anak niya at talaga makakapatay siya pag nangyari iyon.
Ilang saglit pa at unti-unting umangat ang sulok ng bibig niya, "Sige, bibigyan kita ng pagkakataong patunayan ang sarili mo."
Lumaki ng husto ang ngiti ni Night, "Thank you po sa chance. I promise, I'll do my best," masayang nilingon niya si Lexine.
Pero kumakabog nang malakas ang dibdib ni Lexine sa klase ng uri ng ngiti na nakikita niya sa labi ng kanyang Papang. Nagkatanginan sila ng Mamang niya na maging ito ay nabahahala din ang mukha. Napalunok siya nang madiin.
'Oh Night, hindi mo alam kung ano pinapasok mo' ito na lang ang naisip niya at alanganing ngumiti sa nobyo.