Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 255 - Just luck

Chapter 255 - Just luck

PUMASOK si Lexine kasama si Elijah at Miyu sa isang maingay, mainit at mataong carinderia sa San Juan. Busy ang buong kainan sa dami ng customer na kumakain ng special mami na siyang dinadayo ng mga parokyano. Makapal ang usok na pumapalibot sa paligid na nagmumula sa maliit na kusina.

Bawat isa ay sarap na sarap sa kinakain, may isang grupo pa ng mga lasing na kalalakihan ang maingay sa dulo ng table na walang sawa sa pagtatawanan ng malakas.

"Ma'am, sir, puno na po. Waiting na lang muna kayo sa labas," sabi ng teenager na waitress nang makasalubong nila ito.

Ngumiti si Elijah at lumapit sa babae, "We are not here to eat."

Naningkit ang mata ng waitress at mapanuring pinagmasdan ang tatlong magagandang nilalang sa kanyang harapan. Sa porma at itsura pa lang ng mga ito halatang mayaman na agad. Tumigil ang tingin niya sa maaamong mukha ni Lexine.

Alam na niya kung ano ang pakay ng mga ito, napangisi siya, "Ah, sge po, this way," aniya at naglakad papasok sa mas looban ng carinderia.

Sumunod ang tatlo sa waitress hanggang sa dinala sila nito sa maliit, masikip at mabahong kubeta. Nalukot ang mukha ni Elijah dahil halos masuka siya sa panghe ng amoy.

"Pasensya na po, sira kasi ang flush nitong inidoro namin," nahihiyang sabi ng waitress," may kinapa ito sa isang tiles sa taas ng inodoro. Tinulak nito iyon na parang button at lumubog ang tiles.

Biglang tumunog ang tunog ng "click" at sunod na tinulak ng waitress ang dingding sa kaliwa ng inidoro kung saan nakadikit ang men's urinals. Isang sikretong pinto ang binuksan nito. Bumungad sa kanila ang masikip at madilim na hallway at tanging pulang ilaw ang nagsisilbing liwanag.

"Pasok na po kayo, sa dulo ang pinto patungong casino," sabi ng waitress.

Nagkatinginan ang tatlo bago nauna si Lexine na pumasok. Nagpasalamat si Elijah sa teenager bago pumasok at pinagsaraduhan na sila nito ng pinto.

"Fuck, bakit kailangan sa mabahong kubeta pa matatagpuan ang entrance nitong underground casino? It's disgusting," angal ng maarteng bampira.

Nagpatuloy sila sa pagbaybay ng pasilyo hanggang sa matumbok nila ang kahoy na pinto. Pinihit ni Lexine ang doorknob at bumungad sa kanila ang mausok na casino area.

Napatingin ang mga tao sa pagdating nila. Nagkalat ang bacarrat tables, american roullete, poker at iba pa. Sa kaliwang bahagi matatagpuan ang anim na billiard tables kung saan naglalaro ang mga kalalakihan na malaki ang pangangatawan, burdado ng mga tattoo, nakasuot ng bandana, leather jacket mahahaba ang balbas at buhok. Mukha silang mga 80's rockstar.

Sa gitna nakapwesto ang bar, nakadisplay ang sandamakmak na alak. Seksi at magaganda naman ang mga waitress at casino dealers. Maingay ang buong lugar habang lulong ang lahat sa pagsusugal. Panay ang tingin ng mga tao sa kanilang tatlo. Marahil dahil sa mga bago silang mukha.

"Are you sure this is the right place, babe?" bulong ni Miyu. Bukod sa sketchy at nakakatakot ang itsura ng mga tao. Base sa personalidad ni Night ay di niya maisip na pupunta ito sa ganitong lugar.

"I'm a hundred percent sure," sagot ni Elijah.

Pinagmasdan ni Lexine ang paligid at hinanap ng mata ang pakay pero masyadong maraming tao kaya nahihirapan siya. Pero isang di inaasahang mukha ang nangibabaw sa kanyang mata. Napakunot ang noo niya nang makilala kung sino ang lalaking nakaupo sa isa sa mga billiards table habang hawak ang stick.

Nanlaki ang butas ng ilong niya at mabilis na naglakad sa direksyon nito. Sumunod naman sa likuran niya si Miyu at Elijah. Agad siyang humalukipkip at tumigil sa tapat nito.

"What the hell are you doing here Miguel?"

Nahinto sa pakikipagtawanan si Miguel sa kalaro at lumingon kay Lexine, nagkunwari pa itong nagulat na makita silang tatlo, "Hey, what are you guys doing here?"

Naningkit ang mata ni Lexine, "Paano mo nalaman ang lugar na 'to? Sinusundan mo ba kami?"

Umayos ng upo si Miguel, "Teka lang, ako ang nauna dito. Dapat nga kayo ang tanungin ko kung sinusundan niyo ba ako?" nakakaloko itong ngumiti, "Na-missed mo naman agad ako kaya pinuntahan mo pa talaga ako dito. You could had just called me."

Lumaki ang butas ng ilong ni Lexine, si Elijah na umismid sa kayabangan ng lalaki at si Miyu na natatawa na lang sa apog nito.

"Di mo ako mapapaikot Miguel. Why are you here?"

"Why are guys here too?" balik tanong nito.

Hindi na nakapagtimpi pa si Elijah na manahimik, "I saw you looking at my laptop yesterday. Sigurado akong alam mo na pupunta kami dito."

Lalong naningkit ang mata ni Lexine at si Miguel na huli sa akto at napakamot na lang sa ulo, "Sorry, I'm just curious. Bakit hindi niyo kasi ako sinama? Akala ko ba this mission is my training?"

"Not this one Miguel. Mabuti pa, umuwi ka na," sagot ni Lexine.

"Ayoko nga, nag-eenjoy ako dito, diba bro?" ani Miguel sabay tingin sa kalarong matso at matangkad na lalaki.

"Yeah bro…" sabi nito sa mabagal na boses sabay hithit ng isang rollio ng marijuana.

Nalukot ang ilong ni Lexine nang maamoy ang nasusunog na dahon, "Miguel, delikado dito, umuwi ka na," pilit niya sa lalaki.

Pero hindi natinag ang lalaki at nagmatigas, "I said no."

Napanganga si Lexine sa katigasan ng ulo nito.

***

SA LOOB ng isang private room mayroong nag-iisang casino table at anim na players na naglalaro ng poker. Dalawa sa kanila ay si Valac na malaki ang pagkakangisi dahil maganda ang set ng nakuha niyang baraha, habang kabilaan ang dalawang seksing foreigner na humahaplos sa balikat at braso niya. At ang katabi nitong binata na seryoso lang ang mukha.

Isa-isang naglapag ng mga baraha ang players, ang isang ginang sa tapat ni Valac ay naglapag ng full house. Napamura ang ibang kalalakihan dahil talo sila sa baraha nito. Pero malaki ang ngisi ni Valac nang siya naman ang nagpakita ng kanya at lumabas ang straight flush. Nanlumo ang ginang dahil natalo niya ito.

Isa na lang ang 'di pa nagpapakita ng baraha. Lahat ng mata ay tumingin sa kanya, "Night, lapag na," sabi ni Valac.

Walang reaksyon ang mukha ng binata nang binaba niya sa table ang mga baraha. Nanlaki ang mata ni Valac at napamura nang makitang nakuha nito ang Royal flush na siyang highest card sa lahat ng combination.

"Aish!" sigaw ng isang Koreano.

Lahat ng cash chips nila ay napunta na kay Night, kung sumatutal ay aabot sa halagang limang daang milyon ang nalikom niya. Tumaas lang ng bahagya ang sulok ng bibig niya. Di naman makapaniwala si Valac na natalo ito ni Night dahil kampante na si Valac sa baraha nito.

"How come you win again?" naiiling na komento ng ginang dahil paubos na ang chips niya.

"Just luck," tipid na sagot ni Night at masaya sa bundok bundok niyang chips.